‘Patuloy Ninyong Malayang Patawarin ang Isa’t Isa’
“Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa.”—COLOSAS 3:13.
1. (a) Nang imungkahi ni Pedro na patawarin natin ang iba “hanggang sa pitumpu’t pitong ulit,” bakit kaya niya inakala na siya ay nagiging mapagbigay? (b) Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang banggitin niyang dapat tayong magpatawad “hanggang sa pitumpu’t pitong ulit”?
“PANGINOON, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at ako ay magpapatawad sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” (Mateo 18:21) Maaaring inakala ni Pedro na siya’y totoong mapagbigay na sa kaniyang mungkahi. Noon, sinasabi ng rabinikong tradisyon na ang isa ay hindi dapat magpatawad nang higit sa tatlong beses para sa parehong paglabag.a Gunigunihin, kung gayon, ang pagkagulat ni Pedro nang sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit!” (Mateo 18:22) Ang pag-uulit sa pito ay katumbas ng pagsasabing “walang-takda.” Sa pangmalas ni Jesus, talagang hindi dapat magkaroon ng limitasyon kung ilang beses magpapatawad ang isang Kristiyano sa iba.
2, 3. (a) Ano ang ilang situwasyon na doo’y maaaring mahirap patawarin ang iba? (b) Bakit tayo makapagtitiwala na para sa ikabubuti natin ang magpatawad sa iba?
2 Subalit hindi laging madali na ikapit ang payong ito. Sino sa atin ang hindi nasaktan dahil sa kawalang-katarungan? Marahil ay sinira ng isang tao ang iyong pagtitiwala sa kaniya. (Kawikaan 11:13) Baka ang padalus-dalos na pananalita ng isang malapit na kaibigan ay ‘sumaksak sa iyo tulad ng isang tabak.’ (Kawikaan 12:18) Ang abusadong pagtrato ng isang minamahal o pinagtitiwalaan mo ay maaaring lumikha ng malalalim na sugat. Kapag nangyari ang gayong mga bagay, likas lamang na magalit tayo. Baka huminto tayo ng pakikipag-usap sa nagkasala, anupat lubusan siyang iniiwasan hangga’t maaari. Waring ang pagpapatawad sa kaniya ay magpapangyaring hindi siya maparusahan sa pinsalang ginawa niya sa atin. Subalit sa pagtatanim ng sama ng loob, sinasaktan lamang natin ang ating sarili.
3 Kaya naman tinuruan tayo ni Jesus na magpatawad—“hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” Tiyak na ang kaniyang mga turo ay hindi sa ating ikasasama. Lahat ng itinuro niya ay nagmula kay Jehova, ‘ang Isa na nagtuturo sa atin ng mapapakinabangan.’ (Isaias 48:17; Juan 7:16, 17) Makatuwiran lamang, tiyak na makabubuti sa atin ang magpatawad sa iba. Bago natin talakayin kung bakit tayo dapat magpatawad at kung paano natin magagawa ito, maaaring makatulong na linawin muna ang kahulugan at hindi kahulugan ng pagpapatawad. Ang ating ideya tungkol sa kapatawaran ay maaaring may kaugnayan sa ating kakayahang magpatawad kapag nasaktan tayo ng iba.
4. Ano ang hindi kahulugan ng pagpapatawad sa iba, at paano binigyang-katuturan ang kapatawaran?
4 Ang pagpapatawad sa personal na pagkakasala ng iba ay hindi nangangahulugan na ating kinukunsinti o minamaliit ang ginawa nila; ni nangangahulugan man ito na hinahayaan nating abusuhin tayo ng iba. Tutal, kapag pinatatawad tayo ni Jehova, tiyak na hindi niya ipinagwawalang-bahala ang ating mga kasalanan, at hindi niya kailanman hahayaan na hamakin ng makasalanang mga tao ang kaniyang awa. (Hebreo 10:29) Ayon sa Insight on the Scriptures, ang kapatawaran ay binigyang-katuturan bilang “ang gawa ng pagpapaumanhin sa isang nagkasala; pag-aalis ng hinanakit sa kaniya dahil sa kaniyang kasalanan at hindi na paggiit na mailapat ang kabayaran.” (Tomo 1, pahina 861)b Naglalaan sa atin ang Bibliya ng matitibay na dahilan para patawarin ang iba.
Bakit Dapat Patawarin ang Iba?
5. Anong mahalagang dahilan upang magpatawad sa iba ang ipinakikita sa Efeso 5:1?
5 Ang isang mahalagang dahilan upang patawarin ang iba ay ipinakikita sa Efeso 5:1: “Samakatuwid, maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.” Sa anong paraan dapat tayong ‘maging mga tagatulad sa Diyos’? Ang pananalita ay iniuugnay ng salitang “samakatuwid” sa naunang talata, na nagsasabi: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:32) Oo, pagdating sa kapatawaran, dapat tayong maging tagatulad sa Diyos. Kung paanong sinisikap ng isang munting bata na maging kagayang-kagaya ng kaniyang ama, tayo, bilang mga anak na lubhang minamahal ni Jehova, ay dapat na magnais tumulad sa ating mapagpatawad na Ama sa langit. Tiyak namang nalulugod si Jehova na dumungaw mula sa langit at tingnan ang kaniyang mga anak sa lupa na nagsisikap na tularan siya sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isa’t isa!—Lucas 6:35, 36; ihambing ang Mateo 5:44-48.
6. Sa anong diwa may malaking pagkakaiba ang pagpapatawad ni Jehova at ang pagpapatawad natin?
6 Totoo, hindi tayo kailanman makapagpapatawad sa ganap na diwa gaya ng pagpapatawad ni Jehova. Ngunit iyan ay higit pang dahilan kung bakit dapat nating patawarin ang isa’t isa. Isipin ito: May malaking pagkakaiba ang pagpapatawad ni Jehova at ang ating pagpapatawad. (Isaias 55:7-9) Kapag pinatatawad natin yaong nagkasala sa atin, kadalasang iyon ay sa pagkaalam na sa malao’t madali ay baka tayo naman ang kailangang patawarin nila. Sa mga tao, iyon ay lagi nang isang kaso ng pagpapatawad ng mga makasalanan sa kapuwa makasalanan. Subalit kay Jehova, laging isa lamang ang nagpapatawad. Pinatatawad niya tayo, ngunit hindi natin siya kailanman kailangang patawarin. Kung si Jehova, na hindi nagkakasala, ay totoong maibigin at lubusang nagpapatawad sa atin, hindi ba tayong makasalanang mga tao ay dapat magsikap na patawarin ang isa’t isa?—Mateo 6:12.
7. Kung tumatanggi tayong patawarin ang iba kapag may dahilang maawa, paano maaaring sirain nito ang ating sariling kaugnayan kay Jehova?
7 Lalong mahalaga, kung tatanggihan nating patawarin ang iba kapag may saligang maawa, maaaring sirain nito ang ating kaugnayan sa Diyos. Hindi lamang hinihiling ni Jehova na patawarin natin ang isa’t isa; inaasahan niyang gayon ang gagawin natin. Ayon sa Kasulatan, bahagi ng pangganyak upang maging mapagpatawad tayo ay upang patawarin tayo ni Jehova o dahil sa pinatawad niya tayo. (Mateo 6:14; Marcos 11:25; Efeso 4:32; 1 Juan 4:11) Sa gayon, kung ayaw nating patawarin ang iba kapag may mabuting dahilan naman upang gawin iyon, maaasahan kaya natin na patatawarin tayo ni Jehova?—Mateo 18:21-35.
8. Bakit sa ikabubuti natin ang pagiging mapagpatawad?
8 Tinuturuan ni Jehova ang kaniyang bayan ng “mabuting daan na kanilang lalakaran.” (1 Hari 8:36) Kapag tinuturuan niya tayo na magpatawaran sa isa’t isa, makapagtitiwala tayo na iniisip niya ang ating ikabubuti. May mabuting dahilan ang Bibliya sa pagsasabi sa atin na ‘bigyan natin ng dako ang poot.’ (Roma 12:19) Isang mabigat na pasanin sa buhay ang paghihinanakit. Kapag ito’y kinikimkim natin, lagi na lamang ito ang laman ng ating isip, ninanakawan tayo ng kapayapaan, at sinisira ang ating kagalakan. Ang matagal na pagkagalit, tulad ng paninibugho, ay maaaring makapinsala sa ating pisikal na kalusugan. (Kawikaan 14:30) At sa kabila ng lahat ng ito, baka walang kamalay-malay ang nagkasala tungkol sa ating kabagabagan! Batid ng ating maibiging Maylalang na kailangan nating hayagang patawarin ang iba hindi lamang para sa kanilang ikabubuti kundi gayundin para sa atin. Sa katunayan, ang payo ng Bibliya na magpatawad ang ‘siyang mabuting daan na dapat lakaran.’
“Patuloy Ninyong Pagtiisan ang Isa’t Isa”
9, 10. (a) Anong uri ng mga situwasyon ang hindi talagang nangangailangan ng pormal na pagpapatawad? (b) Ano ang iminumungkahi ng pananalitang “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa”?
9 Ang pinsala sa katawan ay maaaring mula sa maliliit na galos hanggang sa malalalim na sugat, at hindi lahat ay nangangailangan ng parehong uri ng pangangalaga. Katulad ito sa nasaktang damdamin—ang ilang sugat ay mas malalim kaysa sa iba. Talaga bang kailangan nating palakihin ang bawat mumunting sugat na nakukuha natin sa pakikipag-ugnayan sa iba? Ang pagkainis, di-pagpansin, at pagkayamot ay bahagi ng buhay at hindi naman talagang nangangailangan ng pormal na pagpapatawad. Kung kilala tayo bilang isa na umiiwas sa iba dahil sa maliliit na pagkakamali at pagkatapos ay igiit na sila’y humingi ng tawad sa atin bago natin sila muling pakitunguhan nang maayos, baka mapilitan silang mag-ingat sa atin—o medyo lumayo sa atin!
10 Sa halip, makapupong higit na mainam ang “magkaroon ng reputasyon ng pagiging makatuwiran.” (Filipos 4:5, Phillips) Bilang di-sakdal na mga nilalang na naglilingkod nang balikatan, makatuwiran lamang na asahan nating sa pana-panahon ay mabangga tayo ng ating mga kapatid, wika nga, at baka gayundin ang magawa natin sa kanila. Pinapayuhan tayo ng Colosas 3:13: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa.” Ang pananalitang ito ay nagmumungkahi ng pagiging matiisin sa iba, anupat binabata ang mga bagay na hindi natin gusto sa kanila o ang mga katangian na kinaiinisan natin. Ang gayong pagtitiis at pagpipigil-sa-sarili ay makatutulong sa atin na makayanan ang mumunting galos at gasgas na nakukuha natin sa pakikitungo sa iba—nang hindi sinisira ang kapayapaan ng kongregasyon.—1 Corinto 16:14.
Kapag Mas Malalalim ang Sugat
11. Kapag ang iba ay nagkasala sa atin, ano ang makatutulong sa atin na mapatawad sila?
11 Subalit, paano kung ang iba ay magkasala sa atin, anupat lumikha ng isang malaking sugat? Kung hindi naman napakalubha ang kasalanan, baka hindi tayo gaanong mahirapang magkapit ng payo ng Bibliya na ‘malayang patawarin ang isa’t isa.’ (Efeso 4:32) Ang gayong pagiging handang magpatawad ay kasuwato ng kinasihang mga salita ni Pedro: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:8) Ang pagsasaisip na makasalanan din naman tayo ay nagpapangyari sa atin na mapagpasensiyahan ang pagkakamali ng iba. Kaya kapag nagpapatawad tayo, kinalilimutan natin ang paghihinanakit sa halip na palakihin iyon. Bunga nito, ang ating kaugnayan sa nagkasala ay hindi permanenteng nasisira, at nakatutulong din tayo na maingatan ang napakahalagang kapayapaan ng kongregasyon. (Roma 14:19) Pagsapit nang panahon, baka hindi na natin maalaala pa ang kaniyang ginawa.
12. (a) Anong pagkukusa ang baka kailanganin nating gawin upang mapatawad ang isa na lubhang nakasakit sa atin? (b) Paano ipinakikita ng mga salita sa Efeso 4:26 na dapat nating ayusin kaagad ang suliranin?
12 Subalit paano kung ang isang tao ay magkasala sa atin nang mas malubha, anupat talagang nasaktan tayo? Halimbawa, baka isiniwalat ng isang pinagkakatiwalaang kaibigan ang napakapersonal na mga bagay na ipinagtapat mo sa kaniya. Masyado kang nasaktan, napahiya, at pinagtaksilan. Sinikap mong kalimutan iyon, pero hindi makatkat sa iyong isip ang bagay na iyon. Sa gayong kalagayan, baka kailangan mong maunang gumawa ng hakbang upang ayusin ang suliranin, marahil sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa nagkasala. Isang katalinuhan na gawin ito bago lumala ang bagay na iyon. Pinayuhan tayo ni Pablo: “Mapoot kayo, gayunma’y huwag magkasala [samakatuwid nga, sa pamamagitan ng pagkikimkim o pagbulalas ng ating galit]; huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay nasa kalagayang pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Nagdaragdag pa sa kahulugan ng mga salita ni Pablo ang bagay na sa mga Judio, ang paglubog ng araw ang siyang tanda ng pagtatapos ng isang araw at pagsisimula ng bago. Kaya naman, ang payo ay: Lutasin kaagad ang suliranin!—Mateo 5:23, 24.
13. Kapag lalapit tayo sa isang tao na nagkasala sa atin, ano ang dapat na maging tunguhin natin, at anong mga mungkahi ang makatutulong upang maabot iyon?
13 Paano mo dapat lapitan ang nagkasala? ‘Hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito,’ sabi ng 1 Pedro 3:11. Ang tunguhin mo, kung gayon, ay hindi ang magbulalas ng galit kundi ang makipagpayapaan sa iyong kapatid. Dahil dito, makabubuti na iwasan ang nakasasakit na pananalita at pagkilos; ito ay maaaring pumukaw ng katulad na pagtugon mula sa kaniya. (Kawikaan 15:18; 29:11) Karagdagan pa, iwasan ang kalabisan na mga pangungusap gaya ng, “Lagi ka na lang . . . !” o, “Hindi ka kailanman . . . !” Ang gayong kalabisan na mga komento ay maaari lamang mag-udyok sa kaniya na ipagtanggol ang sarili. Sa halip, hayaang ipahiwatig ng tono ng iyong tinig at ekspresyon ng mukha na ibig mong lutasin ang isang bagay na lubhang nakasakit sa iyo. Maging espesipiko sa pagpapaliwanag kung ano ang nadarama mo tungkol sa nangyari. Bigyan siya ng pagkakataon na ipaliwanag ang kaniyang ikinilos. Pakinggan ang sasabihin niya. (Santiago 1:19) Anong kabutihan ang idudulot nito? Nagpapaliwanag ang Kawikaan 19:11: “Ang malalim na unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit, at isang kagandahan ang paraanin niya ang pagsalansang.” Ang pag-unawa sa kaniyang damdamin at dahilan ng kaniyang ikinilos ay maaaring pumawi sa negatibong kaisipan at damdamin sa kaniya. Kapag hinarap natin ang situwasyon taglay ang layuning makipagpayapaan at panatilihin ang saloobing iyan, malamang na malulutas ang anumang di-pagkakaunawaan, makahihingi ng angkop na paumanhin, at maipaaabot ang kapatawaran.
14. Kapag pinatatawad natin ang iba, sa anong diwa dapat tayong lumimot?
14 Ang pagpapatawad kaya sa iba ay nangangahulugang dapat nating aktuwal na kalimutan ang nangyari? Tandaan ang sariling halimbawa ni Jehova hinggil dito, gaya ng tinalakay sa naunang artikulo. Kapag sinasabi ng Bibliya na kinalilimutan ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi ito nangangahulugan na hindi na niya natatandaan ang mga ito. (Isaias 43:25) Sa halip, lumilimot siya sa diwa na minsang magpatawad siya, sa hinaharap ay hindi na niya sisingilin sa atin ang mga kasalanang iyon. (Ezekiel 33:14-16) Sa katulad na paraan, ang pagpapatawad sa kapuwa tao ay hindi naman nangangahulugan na hindi na natin matatandaan ang ginawa nila. Gayunman, makalilimot tayo sa diwa na hindi natin sisingilin iyon sa nagkasala o uungkatin pa iyon sa hinaharap. Yamang nalutas na iyon sa ganoong paraan, hindi magiging angkop na maghatid-dumapit tungkol doon; ni magiging maibigin man na iwasan nang lubusan ang nagkasala, anupat pinakikitunguhan siya na para bang siya’y natiwalag. (Kawikaan 17:9) Totoo, baka kailanganin ang panahon upang mahilom ang ating kaugnayan sa kaniya; baka hindi na tayo maging malapit kagaya ng dati. Ngunit mahal pa rin natin siya bilang ating Kristiyanong kapatid at gagawin natin ang pinakamabuti upang mapanatili ang mapayapang mga kaugnayan.—Ihambing ang Lucas 17:3.
Kapag Waring Imposibleng Magpatawad
15, 16. (a) Kailangan bang patawarin ng mga Kristiyano ang isang nagkasala na hindi nagsisisi? (b) Paano natin maikakapit ang payo ng Bibliya na masusumpungan sa Awit 37:8?
15 Subalit paano kung ang iba ay magkasala sa atin sa paraan na nagdulot sa atin ng napakalalim na sugat, gayunma’y hindi umaamin ng pagkakasala, hindi nagsisisi, at hindi humihingi ng tawad ang nagkasala? (Kawikaan 28:13) Maliwanag na ipinakikita ng Kasulatan na hindi pinatatawad ni Jehova ang di-nagsisisi at matigas-pusong mga nagkasala. (Hebreo 6:4-6; 10:26, 27) Kumusta naman tayo? Ganito ang sabi ng Insight on the Scriptures: “Hindi kailangang patawarin ng mga Kristiyano yaong namimihasa sa mapaminsala at sinasadyang kasalanan na walang pagsisisi. Ang gayong mga tao ay nagiging mga kaaway ng Diyos.” (Tomo 1, pahina 862) Sinumang Kristiyano na naging biktima ng labis na walang-katarungan, karima-rimarim, o ubod-lupit na pagtrato ay hindi dapat piliting magpatawad, o magpaumanhin, sa isang nagkasala na hindi nagsisisi.—Awit 139:21, 22.
16 Mauunawaan naman, yaong mga naging biktima ng malupit na pagtrato ay maaaring masaktan at magalit. Subalit tandaan na ang pagkikimkim ng galit at hinanakit ay maaaring makapinsala sa atin. Kung maghihintay tayo ng pag-amin o paghingi ng tawad na hindi naman nangyayari, baka lalo lamang tayong mainis. Maaaring manatili lamang tayong nagpupuyos sa galit kung tayo’y labis na magtutuon ng pansin sa pagiging di-makatarungan, anupat magdulot ng masamang epekto sa ating espirituwal, emosyonal, at pisikal na kalusugan. Sa ibang pananalita, hinahayaan nating patuloy tayong saktan niyaong isa na nakasakit sa atin. Buong-katalinuhang nagpapayo ang Bibliya: “Bayaan mo ang galit at iwan mo ang pagngangalit.” (Awit 37:8) Kaya naman, nasumpungan ng ilang Kristiyano na sa bandang huli ay nakapagpapasiya silang magpatawad sa diwa na hindi na sila nagkikimkim ng hinanakit—hindi ipinagwawalang-bahala ang nangyari sa kanila kundi tumatangging madaig ng galit. Palibhasa’y ipinauubaya na lamang ang mga bagay-bagay sa kamay ng Diyos ng katarungan, nararanasan nila ang malaking kaginhawahan at nakapagpapatuloy sa kanilang buhay.—Awit 37:28.
17. Anong nakaaaliw na katiyakan ang inilalaan ng pangako ni Jehova na nakaulat sa Apocalipsis 21:4?
17 Kapag napakalalim ng isang sugat, baka hindi natin lubusang mabura iyon sa ating isip, sa paano man ay hindi sa sistemang ito ng mga bagay. Ngunit nangangako si Jehova ng isang bagong sanlibutan na doo’y “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:4) Anuman ang maalaala natin sa panahong iyon ay hindi magdudulot sa atin ng matinding kirot, o pasakit, na maaaring nagpapabigat ngayon sa ating kalooban.—Isaias 65:17, 18.
18. (a) Bakit kailangang maging mapagpatawad sa pakikitungo sa ating mga kapatid? (b) Kapag ang iba ay nagkasala sa atin, sa anong diwa maaari tayong magpatawad at lumimot? (c) Paano tayo makikinabang dito?
18 Samantala, dapat tayong mamuhay at gumawang sama-sama bilang magkakapatid na di-sakdal at makasalanang mga tao. Tayong lahat ay nagkakamali. Sa pana-panahon, binibigo natin ang isa’t isa at sinasaktan pa nga ang isa’t isa. Alam na alam ni Jesus na kakailanganin nating patawarin ang isa’t isa, “hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit!” (Mateo 18:22) Totoo, hindi tayo makapagpapatawad nang lubusan na gaya ng ginagawa ni Jehova. Gayunman, kadalasan kapag nagkakasala sa atin ang ating mga kapatid, makapagpapatawad tayo sa diwa na napagtatagumpayan natin ang paghihinanakit at makalilimot tayo sa diwa na sa hinaharap ay hindi natin patuloy na sisingilin ang bagay na iyon sa kanila. Kaya kapag tayo’y nagpapatawad at lumilimot, nakatutulong tayo na maingatan hindi lamang ang kapayapaan ng kongregasyon kundi pati na rin ang ating sariling kapayapaan ng isip at puso. Higit sa lahat, tatamasahin natin ang kapayapaan na tanging ang ating maibiging Diyos, si Jehova, ang makapaglalaan.—Filipos 4:7.
[Mga talababa]
a Ayon sa Babilonikong Talmud, ganito ang sabi ng isang rabinikong tradisyon: “Kung ang isang tao ay makagawa ng pagkakasala, sa una, ikalawa at ikatlong pagkakataon ay pinatatawad siya, sa ikaapat na pagkakataon ay hindi siya pinatatawad.” (Yoma 86b) Ito sa isang banda ay salig sa maling pagkaunawa sa mga teksto tulad ng Amos 1:3; 2:6; at Job 33:29.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit dapat tayong maging handang magpatawad sa iba?
◻ Anong uri ng mga situwasyon ang humihiling sa atin na ‘patuloy na pagtiisan ang isa’t isa’?
◻ Kapag tayo’y lubhang nasaktan dahil sa kasalanan ng iba, ano ang magagawa natin upang malutas nang mapayapa ang suliranin?
◻ Kapag pinatatawad natin ang iba, sa anong diwa dapat tayong lumimot?
[Larawan sa pahina 16]
Kapag nagkikimkim tayo ng hinanakit, baka walang kamalay-malay ang nagkasala tungkol sa ating kabagabagan
[Larawan sa pahina 17]
Kapag lalapit ka sa iba upang makipagpayapaan, maaaring madaling malutas ang mga di-pagkakaunawaan