Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Isang Aral sa Pagpapatawad
MALIWANAG na si Jesus ay nasa bahay pa sa Capernaum kasama ng kaniyang mga alagad. Kaniyang tinatalakay sa kanila kung paano lulutasin ang mga di-pagkakaunawaan ng mga magkakapatid, kaya itinanong ni Pedro: “Panginoon, makailang magkakasala sa akin ang aking kapatid at siya’y aking patatawarin?” Yamang ang itinuturo ng mga gurong Judiong relihiyoso ay pagpapatawad nang makaitlo, marahil ay itinuturing ni Pedro na isang malaking kagandahang-loob na ang sabihin ay: “Hanggang sa makapito?”
Subalit ang buong ideya na pag-iingat ng gayong rekord ay mali. Itinuwid ni Jesus si Pedro: “Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito, kundi, Hanggang sa makapitumpong pito.” Kaniyang ipinakikita na hindi dapat takdaan ang dami ng beses ng pagpapatawad ni Pedro sa kaniyang kapatid.
Upang maikintal sa mga alagad ang kanilang obligasyon na maging mapagpatawad, si Jesus ay naglahad sa kanila ng isang ilustrasyon. Iyon ay tungkol sa isang hari na ibig makipagtuos sa kaniyang mga alipin. Isang alipin ang dinala sa kaniya na may malaking utang na 60,000,000 denaryo (humigit-kumulang $50,000,000). Hindi niya kayang bayaran iyon sa anumang paraan. Kaya naman, gaya ng binanggit ni Jesus, iniutos ng hari na siya at ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak ay ipagbili at bayaran ang utang.
Nang magkagayo’y nagpatirapa ang alipin sa paanan ng kaniyang panginoon at nagmakaawa: “Pagtiisan mo ako at babayaran ko sa iyo ang lahat.”
Sa habag ng panginoon sa aliping iyon, mahabaging ipinatawad sa alipin ang napakalaking utang niya. Subalit hindi pa nagtatagal na maganap iyon ayon sa patuloy na paglalahad ni Jesus, ang aliping ito ay lumabas at nasumpungan niya ang isang kapuwa niya alipin na may utang sa kaniya na 100 denaryo (humigit-kumulang $90) lamang. Sinunggaban ng lalaki ang kaniyang kapuwa alipin at sinakal, na ang sabi: “Bayaran mo ang utang mo.”
Subalit ang kapuwa alipin ay walang perang ipambabayad. Kaya’t siya’y nagpatirapa sa paanan ng alipin na kaniyang pinagkakautangan, at nagmakaawa: “Pagtiisan mo ako at babayaran din kita.” Di-tulad ng kaniyang panginoon, ang alipin ay hindi mahabagin, at ang kaniyang kapuwa alipin ay ipinabilanggo niya.
Bueno, ang patuloy na paglalahad ni Jesus, yaong mga ibang alipin na nakasaksi sa nangyari ay humayo at kanilang sinabi iyon sa panginoon. Ito naman ay nagalit at ipinatawag ang alipin. “Masamang alipin,” ani niya, “pinatawad kita sa lahat mong pagkakautang, nang ikaw ay magmakaawa sa akin. Hindi ba ikaw man ay dapat na maawa sa iyong kapuwa alipin, gaya ko na naawa sa iyo?” Nagalit ang panginoon, kaya ang walang habag na alipin ay ibinigay niya sa mga tagapagpahirap hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng inutang.
Ngayo’y ganito ang pagtatapos ni Jesus: “Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit kung hindi ninyo patatawarin sa inyong puso ang isang kapatid.”
Anong inam na aral sa pagpapatawad! Kung ihahambing sa malaking pagkakautang na kasalanan na ipinatawad sa atin ng Diyos, anumang pagkukulang ang nagawa sa atin ng isang kapatid na Kristiyano ay maliit nga. Isa pa, ang Diyos na Jehova ay makalibong ulit na nagpatawad sa atin. Malimit, hindi man lamang natin namamalayan ang ating nagawang kasalanan sa kaniya. Kung gayon, hindi baga maaaring patawarin natin ang ating kapatid nang mga ilang beses, kahit na mayroon tayong matuwid na dahilan ng pagrireklamo? Tandaan, gaya ng itinuro ni Jesus sa Sermon sa Bundok, ‘patatawarin tayo [ng Diyos] sa ating mga pagkakautang, kung tayo rin naman ay nagpapatawad sa mga nagkakautang sa atin.’ Mateo 18:21-35; 6:12; Colosas 3:13.
◆ Ano ba ang nag-udyok kay Pedro na magtanong tungkol sa pagpapatawad sa kaniyang kapatid, at bakit marahil ay iniisip niya na isang kagandahang-loob ang kaniyang iminungkahi na makapito?
◆ Paanong ang tugon ng hari sa pakiusap ng kaniyang alipin ay naiiba sa tugon ng alipin sa pakiusap ng kaniyang kapuwa alipin?
◆ Ano ang matututuhan natin sa ilustrasyon ni Jesus?