Diborsiyo—Ano ba Talaga ang Sinasabi ng Bibliya?
“ANG pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” (Mateo 19:6) Malimit na naririnig natin ang kilalang-kilalang pananalitang iyan ni Jesu-Kristo na sinisipi bilang katapusang pangungusap sa isang seremonya ng kasal.
Subalit, sa mga salitang iyan, ibig bang sabihin ni Jesus na lahat ng pag-aasawa ay kailangang maging permanente at hindi dapat na magkaroon ng anumang diborsiyo? Kung ang mga salita lamang ang kukunin natin, lalabas nga na ganiyan. Datapuwat, ano ang nag-udyok kay Jesus na magsalita ng ganiyan? Naghaharap ba siya ng isang bagay na bago?
‘Hindi Ganiyan sa Pasimula’
Ang pangungusap ni Jesus na sinipi sa itaas ay bahagi ng kaniyang sagot sa tanong ng mga Fariseo: “Naaayon ba sa kautusan na hiwalayan ng isang lalaki ang kaniyang asawa sa bawat kadahilanan?” (Mateo 19:3-6) Palibhasa’y hindi nasiyahan ang mga Fariseo sa sagot na iyan, sila’y nagtanong pa sa kaniya: “Bakit nga ipinag-utos ni Moises na magbigay ng kasulatan sa paghihiwalay at diborsiyuhin siya?” Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinaubaya sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyu-inyong asawa, datapuwat hindi gayon nang pasimula.” Pagkatapos ay sinabi pa niya: “Sinasabi ko sa inyo na sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae maliban ng dahil sa pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:7-9.
Pansinin na ang pangungusap ni Jesus na, “hindi gayon nang pasimula,” ay sinabi niya may kaugnayan sa diborsiyo na nagaganap sa pamamagitan ng ‘pagbibigay ng kasulatan sa paghihiwalay.’ Sa ibang pananalita, nang itatag ng Diyos ang unang pag-aasawa ni Adan at ni Eva, hindi niya binigyan sila ng “bawat kadahilanan” para pawiin ang kanilang pagkamag-asawa. Bilang isang sakdal na mag-asawa, sila’y may lahat ng dahilan na gawing tagumpay ang kanilang pag-aasawa. Iyon ay magtatagumpay kung sila’y patuloy na mamumuhay ayon sa batas at patnubay ng Diyos.
Nang ang sangkatauhan ay nahulog sa kasalanan at di-kasakdalan, ganoon din ang nangyari sa institusyon ng pag-aasawa. (Roma 5:12) Yamang ang mga tao’y hindi na sakdal, ang direksiyon ng tao ay naging maigting na at nababahiran ng kaimbutan, kasakiman, at sariling interes. Iyon ang tinukoy ni Jesus na “katigasan ng inyong puso,” na dahilan doon ang Kautusang Mosaiko ay nagbigay ng dako sa diborsiyo. Gayunman, ipinaalaala ni Jesus sa mga Fariseo: “Hindi gayon nang pasimula.” Ngayon, sa ilalim ng di-sakdal na mga kalagayan, ang mga mag-asawa ay dapat na magsikap upang malutas ang anumang di-pagkakaunawaan at mga suliranin sa halip na gamitin ang mga ito na mga dahilan o pagdadahilan para sila’y magkahiwalay. Subalit, binanggit ni Jesus na mayroong isang kataliwasan, samakatuwid nga, ang pakikiapid. Ang pagtataksil ng sinuman sa mag-asawa ay maaaring maging dahilan ng paghihiwalay.
Mapapansin kung paanong ang iba’t ibang paliwanag tungkol sa sugnay na “maliban ng dahil sa pakikiapid” ay ginamit upang itaguyod ang mga ilang pananaw tungkol sa diborsiyo. Karaniwan nang tinatanggihan ng mga awtoridad na Katoliko ang sugnay na ito dahilan sa ang katumbas nito na mga ulat sa Marcos at Lucas ay wala nito. Gayunman, ganito ang paliwanag ng Cyclopedia ni McClintock at Strong: “Ang payak na pagkakasuwato ng mga talata ay nasa prinsipyo na ang isang kataliwasan sa isang mas malawak na dokumento ay nagpapaliwanag ng lalong maikli, kung ito’y magagawa nang hindi pinupuwersa. Ngayon, yamang ang diborsiyo na batay sa iisang dahilang iyan ay inaamin ng lahat, baka natural na ganito ang palagay ni Marcos at ni Lucas nang hindi ipinapahayag iyon.”
May mga nangangatuwiran na yamang ginamit ni Jesus ang salitang “pakikiapid” (Griego, por·neiʹa) at hindi “adulterya” (Griego, moi·kheiʹa), tiyak na ang tinutukoy niya’y isang di-nararapat na kilos bago maganap ang kasal na magpapawalang-bisa sa kasal na iyon. Ito’y nagbibigay ng makitid na kahulugan sa salita na hindi nararapat gawin. Ang iba’t ibang awtoridad ay kumikilala na ang ibig sabihin ng por·neiʹa ay “kalaswaan, pagpapatutot, prostitusyon, pakikiapid,” at na sa Mateo 19:9 “ito’y kumakatawan sa, o kasali na rito, ang adulterya.” Ikinakatuwiran naman ng iba na binabanggit ni Jesus ang pakikiapid bilang isang halimbawa lamang ng maraming mga dahilan para sa diborsiyo. Maliwanag, ito’y isang pagpuwersa ng isang opinyon sa teksto.
Buhat sa naunang mga binanggit na, malinaw na hindi sinasabi ng Bibliya na lahat ng pag-aasawa ay kailangang manatiling permanente at na hindi pinahihintulutan ang diborsiyo sa anumang dahilan. Sa kabilang dako, ang Bibliya ay nagbibigay ng isa lamang sinasang-ayunang batayan ng diborsiyo, samakatuwid nga, “ng dahil sa pakikiapid.”
‘Maging Marangal Nawa ang Pag-aasawa’
Sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa diborsiyo batay sa isang dahilan, ang Bibliya ba ay nanghihimok na magsagawa ng diborsiyo? Dahilan ba sa pagpapahintulot na ito ay nagiging walang kabuluhan ang pag-aasawa o inaalisan nito ng karangalan ang pag-aasawa? O sa pagpapahintulot na magkaroon ng isa lamang kadahilanan para sa diborsiyo, ang Bibliya ba ay naglalagay ng di-makatuwirang pabigat sa mga nag-aasawa?
Ang kabaligtaran ang totoo, sapagkat ang pag-aasawa ay tinutukoy ng Bibliya bilang isa sa pinakamalapit at pinakamatalik na buklod na matatamasa ng dalawang tao. “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at siya’y makikipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman,” ang sabi ng ulat ng Genesis tungkol sa unang pag-aasawa. (Genesis 2:24) At kailangang ingatan ng mag-asawa ang “isang laman” na relasyong ito bilang isang bagay na mahalaga. “Ang pag-aasawa’y maging marangal nawa sa lahat, at ang higaan ng mag-asawa ay huwag sanang magkaroon ng dungis,” ang payo ng Bibliya.—Hebreo 13:4.
Malimit na nasasabi, sa anumang paraan, na ang pundasyon ng isang namamalagi at maligayang pag-aasawa ay hindi ang romantikong pag-ibig kundi ang kawalang pag-iimbot. Iyon nga ang ipinakikita ng Bibliya. Sinasabi nito: “Dapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang umiibig sa asawa niya ay umiibig sa sarili niya, sapagkat wala pang lalaking napopoot sa sarili niyang laman; kundi pinakakain niya ito at inaalagaan ito, tulad din ni Kristo sa kongregasyon. . . Gayundin, dapat taimtim na igalang ng babae ang kaniyang asawa.” (Efeso 5:28-33) At sa tahasang pangungusap, ang Bibliya’y nagpapayo: “Ibigay ng lalaki sa asawa niya ang sa kaniya’y nauukol; ngunit gayundin sana ang gawin ng babae sa kaniyang asawa. Walang karapatan ang babae sa sarili niyang katawan kundi ang kaniyang asawa ang mayroon; gayundin, walang karapatan ang lalaki sa kaniyang sariling katawan kundi ang asawa niya ang mayroon. Huwag ninyong pagkaitan ang isa’t isa nito.”—1 Corinto 7:3-5.
Pagka ang kapuwa mag-asawa ay handang sumunod sa ganiyang matalinong payo, malayong mangyari na ang kanilang pagsasamang mag-asawa ay hahantong sa punto na kung saan ang isa sa kanila ay makikiapid, at sa gayon, sisirain ang relasyon na “iisang laman.” Kahit na kung ang isa sa mag-asawa ay hindi sumusunod sa gayong mga simulain ng Bibliya, ang asawang sumasampalataya ay makapagtitiwala na ang paraan ng Diyos ang pinakamagaling pa rin, at maraming mga suliranin sa pag-aasawa ang malulutas o maiiwasan sa gayong paraan.
Imbis na ipayo ang pagdidiborsiyo bilang isang paraan upang mawakasan ang isang di-maligayang pag-aasawa, ang Bibliya ay nagpapayo sa mga Kristiyano na magsumikap upang huwag silang magkahiwalay na mag-asawa at gawing maligaya ang kanilang pagsasama. “Makigalak ka sa asawa ng iyong kabataan,” ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya. “Malubusan na lagi ang iyong kaligayahan sa kaniyang pag-ibig.”—Kawikaan 5:18, 19.
Ang Diborsiyo ba ang Kasagutan?
Ano kaya naman kung ang isang asawa’y nagtaksil? Tiyak, ang pagtataksil ng isang asawa ay lumilikha ng isang matinding kagipitan. Ang nangalunyang asawa ay nagdulot ng malaking dalamhati at pagdurusa sa pinagkasalahang asawa, na may maka-Kasulatang karapatan na humiwalay sa nagkasalang asawa at muling mag-asawa sa iba. Subalit kailangan bang talagang humiwalay? Wala bang magagawa kundi iyan?
Tandaan natin na bagama’t ang Diyos na Jehova ay naglaan ng isang makatuwirang dahilan sa diborsiyo, ang Bibliya ay nagsasabi rin tungkol sa kaniya: “Kaniyang kinapopootan ang paghihiwalay.” (Malakias 2:16) Imbis na dagling lumundag sa konklusyon na ang diborsiyo ang tanging lunas, maaaring pag-isipan ng isa na siya’y maaaring maglawit ng awa at magpatawad. Bakit?
Ang diborsiyo ay hindi naman tiyakang papawi sa pinsala at kapaitan na naidulot, ngunit ang awa at pagpapatawad ay makagagawa nito, lalo na kung ang nagkasala ay talagang nalulungkot dahil sa nagawa niyang pagkakasala. Ang pag-ibig na ipinakikita sa gayong maselang na panahon ay maaaring aktuwal na magpatibay ng buklod ng pag-aasawa. Kung ganito ang pangmalas sa bagay na iyon matutulungan ang pinagkasalahang asawa na pag-isipan kung ano ang pinakamagaling na landas na dapat sundin, na tinatandaan ang mga salita ni Jesus: “Maligaya ang mga maawain, sapagkat sila’y pagpapakitaan ng awa.”—Mateo 5:7; ihambing ang Oseas 3:1-5.
Dapat ding pagtimbang-timbangin ang mga suliranin na maaaring maging bunga ng mga anak sa isang tahanan na may iisang magulang. Dapat ding pag-isipan ang dinaranas na kalungkutan ng isang taong diborsiyado. Para sa isang babae, ang mga suliranin ay lalong pinatitindi ng bagay na sa maraming panig ng daigdig ngayon, ang babae ang napapalagay sa kalugihan dahil sa kabuhayan. Pagkatapos na maging isang ina ng tahanan sa loob ng maraming taon, mahirap para sa isang nagsosolong ina na bumalik sa paghahanapbuhay at makipagkompetensiya sa iba.
Inaakala ng mga ibang babae na bagama’t sila’y may asawa, sila’y dapat maghanda sapagkat baka sakaling sila’y hiwalayan. Sila’y maaaring mag-aral sa mga pantanging paaralan o dili kaya’y ipagpatuloy ang kanilang mga karera upang makapanatiling hindi umaasa ng sustento sa iba. Ang indibiduwal mismo ang dapat magpasiya kung siya’y magtataguyod o hindi ng gayong hakbangin. Subalit, sa halip na gumugol ng panahon at lakas ng paghahanda para sa isang posibilidad, hindi baga magiging isang lalong matalinong hakbang ang gumugol ng panahon at lakas sa pagtatayo ng isang maligaya at namamalaging pag-aasawa? Sa pamamagitan ng pagsusumikap na mapaunlad ang mga bunga ng espiritu ng Diyos at pananatiling may malusog na espirituwalidad, malamang na tamasahin ng babaing Kristiyano ang pag-ibig at pagpuri ng kaniyang asawa. Siya’y maaari rin namang magtiwala sa pangako ng Diyos na pinangangalagaan niya ang mga pangangailangan niyaong mga taong ang Kaharian ang hinahanap muna.—Mateo 6:33; Kawikaan 31:28-30; Galacia 5:22, 23.
Ang Ultimong Lunas
Habang tayo’y namumuhay sa di-sakdal na sistemang ito ng mga bagay, maaasahan natin na magkakaroon ng mga suliranin sa pag-aasawa. Gayunman, sa pagsunod sa matalinong payo ng Bibliya, ang mga ito ay maaaring mabawasan o malapatan ng epektibong lunas. Isa pa, ang mga lalaki at mga babae na handang mamuhay ayon sa mga pamantayan ni Jehova sa pag-aasawa at sa mga iba pang pitak ng buhay ay mapalad sa pagkakaroon ng pag-asang makapasok sa isang bagong sistema na kung saan “tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
Sa sistemang iyan, ang sangkatauhan ay lalaya buhat sa mga pinsala at lahat ng malulungkot na ibinunga ng kasalanan at di-kasakdalan. Habang ang kaayusan ng pag-aasawa ay nagpapatuloy dito sa lupa, ‘ang kalagayan na umiiral mula sa pasimula’ ang magiging pamantayan. Oo, ang pinagsama ng Diyos ay hindi paghihiwalayin ng tao.
[Larawan sa pahina 5]
Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa diborsiyo?
[Larawan sa pahina 7]
Sa bagong sanlibutan, ang mga mag-asawa’y hindi magkakaroon ng suliranin na hahantong sa diborsiyo