KABANATA 98
Muling Naghangad ng Posisyon ang mga Apostol
MATEO 20:17-28 MARCOS 10:32-45 LUCAS 18:31-34
MULING INIHULA NI JESUS ANG KANIYANG KAMATAYAN
ITINUWID ANG MGA APOSTOL SA PAGHAHANGAD NG POSISYON
Habang naglalakbay si Jesus at ang mga alagad patimog sa Perea patungong Jerusalem, tumawid sila sa Ilog Jordan malapit sa Jerico. May mga kasabay sila sa paglalakbay para sa Paskuwa ng 33 C.E.
Nauuna sa paglalakad si Jesus dahil gusto niyang makarating agad sa lunsod para sa Paskuwa. Pero takót ang mga alagad. Bago nito, nang mamatay si Lazaro at papunta si Jesus sa Judea galing sa Perea, sinabi ni Tomas sa iba: “Sumama tayo para mamatay tayong kasama niya.” (Juan 11:16, 47-53) Delikadong pumunta sa Jerusalem kaya hindi nakapagtatakang takót ang mga alagad.
Para maihanda ang mga alagad sa mangyayari, kinausap sila ni Jesus: “Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa para tuyain at hagupitin at ibayubay sa tulos; at sa ikatlong araw ay bubuhayin siyang muli.”—Mateo 20:18, 19.
Ito ang ikatlong beses na sinabi ni Jesus sa mga alagad ang tungkol sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. (Mateo 16:21; 17:22, 23) Pero ngayon lang niya binanggit na ipapako siya sa tulos. Nakikinig sila sa kaniya, pero hindi nila naiintindihan ang ibig niyang sabihin. Iniisip nila siguro na isasauli ang kaharian ng Israel sa lupa at magkakaroon sila ng kaluwalhatian at karangalan sa isang kaharian sa lupa kasama ni Kristo.
Kasama nilang naglalakbay ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan, na marahil ay si Salome. Binigyan ni Jesus ang dalawang apostol na ito ng pangalan na nangangahulugang “Mga Anak ng Kulog,” dahil sa pagiging agresibo nila. (Marcos 3:17; Lucas 9:54) May ambisyon talaga ang dalawang ito na magkaroon ng posisyon sa Kaharian ni Kristo. Alam iyon ng nanay nila. Kaya nilapitan ngayon ng kanilang ina si Jesus, yumukod siya at saka humingi ng pabor. Sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya: “Kapag naroon ka na sa iyong Kaharian, paupuin mo sana sa tabi mo ang dalawa kong anak, isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo.”—Mateo 20:20, 21.
Ang talagang humihiling nito ay sina Santiago at Juan. Yamang kasasabi lang ni Jesus ang tungkol sa kahihiyang mararanasan niya, sinabi niya sa kanila: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?” Sumagot sila: “Kaya namin.” (Mateo 20:22) Pero malamang na hindi talaga nila naiintindihan ang ibig sabihin nito.
Gayunman, sinabi ni Jesus sa kanila: “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko at sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.”—Mateo 20:23.
Nalaman ng 10 apostol ang gustong mangyari nina Santiago at Juan kaya nagalit sila. Bukambibig na kaya ito nina Santiago at Juan noong unang magtalo-talo ang mga apostol kung sino sa kanila ang pinakaimportante? (Lucas 9:46-48) Hindi natin alam. Pero kitang-kita sa paghiling nilang ito ngayon na hindi pa rin naikapit ng 12 apostol ang payo ni Jesus tungkol sa paggawi gaya ng isang nakabababa. Naghahangad pa rin sila ng posisyon.
Nagpasiya si Jesus na ayusin ang kontrobersiyang ito at ang namumuong samaan ng loob. Tinawag niya ang 12 apostol at mahinahon silang pinayuhan: “Alam ninyo na ang mga itinuturing na tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod. Hindi kayo dapat maging ganiyan; sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo, at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ng lahat.”—Marcos 10:42-44.
Binanggit ni Jesus ang halimbawang dapat nilang tularan—ang kaniyang halimbawa. Ipinaliwanag niya: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod at ibigay ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Mga tatlong taon nang pinaglilingkuran ni Jesus ang iba. At handa pa nga siyang mamatay alang-alang sa sangkatauhan! Kailangang tularan ng mga alagad ang disposisyon ni Kristo—maging handang maglingkod imbes na paglingkuran, maging nakabababa imbes na maging prominente.