Ayon kay Lucas
9 Pagkatapos, tinawag niya ang 12 apostol at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad na magpalayas ng mga demonyo*+ at magpagaling ng mga sakit.+ 2 At isinugo niya sila para ipangaral ang Kaharian ng Diyos at magpagaling, 3 at sinabi niya: “Huwag kayong magdala ng anuman sa paglalakbay, kahit tungkod, lalagyan ng pagkain, tinapay, pera, o ekstrang* damit.+ 4 At saanmang bahay kayo patuluyin, manatili kayo roon habang kayo ay nasa lunsod na iyon.+ 5 At saanmang lunsod kayo hindi tanggapin ng mga tao, kapag umalis kayo roon, ipagpag ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”+ 6 Pagkatapos, pinuntahan nila ang bawat nayon sa teritoryo para ihayag ang mabuting balita at magpagaling ng mga sakit.+
7 At nabalitaan ni Herodes na tagapamahala ng distrito ang tungkol sa lahat ng nangyayari, at gulong-gulo ang isip niya dahil may nagsasabi na binuhay-muli si Juan,+ 8 sinasabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at ayon sa iba pa, muling nabuhay ang isa sa mga sinaunang propeta.+ 9 Sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko ng ulo si Juan.+ Kaya sino ang taong ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kaniya.” Kaya gusto niyang makita siya.+
10 Pagbalik ng mga apostol, iniulat nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila.+ At isinama niya sila sa isang lunsod na tinatawag na Betsaida para bumukod sa mga tao.+ 11 Pero nang malaman ito ng mga tao, sinundan nila siya. At malugod niya silang tinanggap at tinuruan tungkol sa Kaharian ng Diyos, at pinagaling niya ang mga maysakit.+ 12 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang 12 apostol at sinabi: “Paalisin mo na ang mga tao para makahanap sila ng matutuluyan at makabili ng pagkain sa kalapít na mga nayon at bayan, dahil nasa liblib na lugar tayo.”+ 13 Pero sinabi niya: “Bigyan ninyo sila ng makakain.”+ Sinabi nila: “Limang tinapay lang at dalawang isda ang mayroon tayo, maliban na lang kung aalis kami at bibili ng pagkain para sa lahat.” 14 Sa katunayan, may mga 5,000 lalaki roon. Pero sinabi niya sa mga alagad niya: “Igrupo ninyo sila nang mga lima-limampu at paupuin.” 15 Sumunod sila at pinaupo ang lahat. 16 At kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nanalangin.* Pagkatapos, pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa mga alagad para ipamahagi sa mga tao. 17 Kaya kumain silang lahat at nabusog, at nang tipunin nila ang natira, 12 basket ang napuno.+
18 Isang araw, habang mag-isa siyang nananalangin, lumapit ang mga alagad sa kaniya,* at tinanong niya sila: “Sino ako ayon sa mga tao?”+ 19 Sumagot sila: “Si Juan Bautista; pero sinasabi ng iba, si Elias; at ang sabi naman ng iba, muling nabuhay ang isa sa mga sinaunang propeta.”+ 20 Sinabi niya: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” Sumagot si Pedro: “Ang Kristo ng Diyos.”+ 21 Pagkatapos, kinausap niya silang mabuti at tinagubilinan na huwag itong sabihin kaninuman,+ 22 at sinabi niya: “Ang Anak ng tao ay kailangang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at patayin,+ at sa ikatlong araw ay buhaying muli.”+
23 Sinabi pa niya sa lahat: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili+ at araw-araw na buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.+ 24 Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay,* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin ay magliligtas sa buhay niya.+ 25 Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo kung mapipinsala naman siya o mamamatay?+ 26 Kung ako at ang aking mga salita ay ikahihiya ng sinuman, ang taong iyon ay ikahihiya ng Anak ng tao kapag dumating siya taglay ang kaluwalhatian niya, ng Ama, at ng banal na mga anghel.+ 27 Pero sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nila ang Kaharian ng Diyos.”+
28 Sa katunayan, mga walong araw pagkatapos niyang sabihin ang mga ito, isinama niya sina Pedro, Juan, at Santiago at umakyat siya sa bundok para manalangin.+ 29 Habang nananalangin siya, nagbago ang anyo ng mukha niya at kuminang sa kaputian* ang damit niya. 30 At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kaniya, sina Moises at Elias. 31 Ang mga ito ay nagpakita taglay ang kaluwalhatian at nagsalita tungkol sa pag-alis ni Jesus, na malapit nang mangyari* sa Jerusalem.+ 32 Si Pedro at ang dalawa pang alagad ay natutulog, pero nang magising sila, nakita nila ang kaluwalhatian niya+ at ang dalawang lalaki na nakatayong kasama niya. 33 Nang iiwan na ng dalawang lalaking ito si Jesus, sinabi ni Pedro: “Guro, mabuti at narito kami. Puwede ba kaming magtayo ng tatlong tolda, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias?” Hindi niya alam ang sinasabi niya. 34 Pero habang sinasabi niya ito, nabuo ang isang ulap at lumilim sa kanila.+ Nang mapaloob sila sa ulap, natakot sila. 35 At isang tinig+ mula sa ulap ang nagsabi: “Ito ang Anak ko, ang isa na pinili.+ Makinig kayo sa kaniya.”+ 36 Habang naririnig nila ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Pero nanatili silang tahimik, at sa loob ng ilang panahon ay wala silang pinagsabihan ng mga nakita nila.+
37 Nang bumaba sila ng bundok kinabukasan, sinalubong sila ng napakaraming tao.+ 38 At isang lalaki mula sa karamihan ang sumigaw: “Guro, nakikiusap ako sa iyo, tingnan mo ang anak kong lalaki, dahil nag-iisang anak ko siya.+ 39 Isang espiritu ang sumasapi sa kaniya, at bigla siyang sumisigaw, at pinangingisay siya nito at pinabubula ang bibig niya, at ayaw pa rin nitong umalis kahit nasugatan na siya nito.+ 40 Nakiusap ako sa mga alagad mo na palayasin ito, pero hindi nila magawa.” 41 Sinabi ni Jesus: “O henerasyong walang pananampalataya at makasalanan,*+ hanggang kailan ko kayo pakikisamahan at pagtitiisan? Dalhin mo rito ang anak mo.”+ 42 Palapit pa lang ang bata, isinubsob na siya ng demonyo sa lupa at pinangisay nang matindi. Pero sinaway ni Jesus ang masamang* espiritu at pinagaling ang batang lalaki at dinala sa kaniyang ama. 43 At silang lahat ay namangha sa dakilang kapangyarihan ng Diyos.+
Habang namamangha sila sa lahat ng ginagawa niya, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: 44 “Makinig kayong mabuti at tandaan ang mga salitang ito: Ang Anak ng tao ay ibibigay sa kamay ng mga kaaway.”+ 45 Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya, dahil naging lihim ito sa kanila, at natakot silang tanungin siya tungkol dito.
46 Pagkatapos, nagtalo-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila.*+ 47 Dahil alam ni Jesus ang laman ng puso nila, pinatayo niya sa tabi niya ang isang bata 48 at sinabi sa kanila: “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.+ Dahil ang gumagawing gaya ng isang nakabababa sa gitna ninyong lahat ang talagang dakila.”+
49 Sinabi ni Juan: “Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo gamit ang pangalan mo, at pinipigilan namin siya dahil hindi siya sumusunod* na kasama namin.”+ 50 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Huwag ninyo siyang pigilan, dahil sinumang hindi laban sa inyo ay nasa panig ninyo.”
51 Noong malapit nang dumating ang panahon ng* pag-akyat niya,+ determinado siyang makapunta sa Jerusalem.+ 52 Kaya nagsugo muna siya ng mga mensahero. Pumunta sila sa isang nayon ng mga Samaritano para ihanda ang mga kailangan niya sa pagdating niya. 53 Pero hindi nila siya tinanggap,+ dahil determinado siyang pumunta sa Jerusalem. 54 Nang makita ito ng mga alagad na sina Santiago at Juan,+ sinabi nila: “Panginoon, gusto mo bang magpababa kami ng apoy mula sa langit para mamatay silang lahat?”+ 55 Pero lumingon siya sa kanila at sinaway sila. 56 Kaya pumunta sila sa ibang nayon.
57 Habang nasa daan sila, may nagsabi sa kaniya: “Susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.”+ 58 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang mga asong-gubat* ay may lungga at ang mga ibon sa langit ay may pugad, pero ang Anak ng tao ay walang sariling bahay na matulugan.”*+ 59 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa isa pa: “Maging tagasunod kita.” Sinabi nito: “Panginoon, puwede bang umuwi muna ako at ilibing ang aking ama?”+ 60 Pero sinabi niya: “Hayaan mong ilibing ng mga patay+ ang kanilang mga patay, at ihayag mo saanman ang Kaharian ng Diyos.”+ 61 Sinabi ng isa pa: “Susunod ako sa iyo, Panginoon, pero pahintulutan mo muna akong magpaalam sa mga kasama ko sa bahay.” 62 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ang sinumang tumitingin sa mga bagay na nasa likuran habang nag-aararo+ ay hindi karapat-dapat sa Kaharian ng Diyos.”+