Pinakikilos Ka ba ng Iyong Pananampalataya?
KUMBINSIDO ang opisyal ng hukbo na mapagagaling ni Jesus ang paralisis ng alipin ng opisyal. Subalit hindi inanyayahan ng opisyal ng hukbo si Jesus sa kaniyang tahanan, marahil dahil sa nadarama niyang hindi siya karapat-dapat o dahil sa isa siyang Gentil. Sa halip, inutusan ng opisyal ang ilang matatandang lalaki ng mga Judio na lumapit kay Jesus at magsabi: “Ginoo, hindi ako taong karapat-dapat upang pumasok ka sa ilalim ng aking bubong, ngunit sabihin mo lamang ang salita at ang aking alilang lalaki ay mapagagaling.” Sa pagkatanto na naniniwala ang opisyal ng hukbo na makapagpapagaling si Jesus kahit sa malayo, sinabi ni Jesus sa pulutong na sumusunod sa kaniya: “Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Walang sinuman sa Israel ang kinasumpungan ko ng ganito kalaking pananampalataya.”—Mateo 8:5-10; Lucas 7:1-10.
Matutulungan tayo ng karanasang ito na ituon ang ating pansin sa isang mahalagang bagay hinggil sa pananampalataya. Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang basta paniniwala; ito ay pinatutunayan ng gawa. Ganito ang paliwanag ng manunulat ng Bibliya na si Santiago: “Ang pananampalataya, kung wala itong mga gawa, ay patay sa ganang sarili.” (Santiago 2:17) Higit pa itong mauunawaan kung isasaalang-alang natin ang isang tunay na halimbawa ng maaaring mangyari kapag naging di-aktibo ang pananampalataya.
Noong 1513 B.C.E., ang bansang Israel ay nagkaroon ng pantanging kaugnayan sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng tipang Kautusan. Bilang tagapamagitan ng tipang iyon, ipinabatid ni Moises ang salita ng Diyos sa mga anak ni Israel: “Kung mahigpit ninyong susundin ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kayo ay tiyak na magiging . . . isang banal na bansa.” (Exodo 19:3-6) Oo, depende sa pagsunod ang kabanalan ng Israel.
Pagkalipas ng maraming siglo, higit na pinahalagahan ng mga Judio ang pag-aaral sa Kautusan kaysa ang pagkakapit ng mga simulain nito. Sa kaniyang aklat na The Life and Times of Jesus the Messiah, ganito ang isinulat ni Alfred Edersheim: “Ang [mga rabbi]—ang ‘mga pantas na lider ng relihiyon,’ ay matagal nang sumasang-ayon na mas mahalaga ang pag-aaral kaysa sa gawa.”
Totoo, pinag-utusan ang sinaunang mga Israelita na pag-aralan nang masikap ang mga kahilingan ng Diyos. Sinabi mismo ng Diyos: “Ang mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo ngayon ay mapapasaiyong puso; at ikikintal mo iyon sa iyong anak at sasalitain mo iyon kapag nakaupo ka sa iyong bahay at kapag naglalakad ka sa daan at kapag nakahiga ka at kapag bumabangon ka.” (Deuteronomio 6:6, 7) Subalit nilayon ba ni Jehova sa anumang panahon na ang pag-aaral sa Kautusan ay maging mas mahalaga kaysa sa mga gawang kasuwato nito o ayon sa ipinahihiwatig nito? Suriin natin.
Puspusang mga Pag-aaral
Para sa mga Israelita, waring naging makatuwiran ang labis-labis na pagdiriin sa pag-aaral sa Kautusan, yamang pinaniniwalaan ng ilang tradisyong Judio na ang Diyos mismo ay gumugugol ng tatlong oras araw-araw sa pag-aaral sa Kautusan. Mauunawaan mo kung bakit ang ilang Judio ay maaaring nangatuwiran, ‘Kung regular na nag-aaral ng Kautusan ang Diyos, hindi ba dapat na maging masikap ding mag-aral ang kaniyang makalupang mga nilalang?’
Noong unang siglo C.E., naging abala ang mga rabbi sa pagsusuri at pagbibigay-kahulugan sa Kautusan anupat lubusang napilipit ang kanilang mga pag-iisip. ‘Ang mga eskriba at Pariseo ay nagsasabi ngunit hindi nila ginagawa,’ ang sabi ni Jesus. “Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapasan ang mga ito sa mga balikat ng mga tao, ngunit ayaw man lamang nilang galawin ang mga ito ng kanilang daliri.” (Mateo 23:2-4) Pinabibigatan ng mga lider na iyon ng relihiyon ang karaniwang mga tao ng napakaraming alituntunin at mga regulasyon, subalit sila mismo ay mapagpaimbabaw namang gumagawa ng mga paraan upang makaiwas sa pagsunod sa mga kautusan ding iyon. Bukod diyan, “winalang-halaga [ng mga taong nakatuon sa puspusang mga pag-aaral] ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan, samakatuwid nga, katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:16-24.
Kaylaking kabalintunaan nga na sa pagsisikap nilang patunayan ang kanilang sariling katuwiran, nalabag naman ng mga eskriba at Pariseo ang mismong Kautusan na inaangkin nila na kanilang itinataguyod! Ang lahat ng mga dantaon ng mga debate sa mga salita at iba pang maliliit na detalye ng Kautusan ay hindi nagpalapít sa kanila sa Diyos. Ang epekto ay katulad ng paglihis na dulot ng tinatawag ni apostol Pablo na “walang-katuturang mga usapan,” “mga pagsasalungatan,” at huwad na “kaalaman.” (1 Timoteo 6:20, 21) Gayunman, ang isa pang malubhang problema ay ang epekto sa kanila ng walang-katapusang pananaliksik. Hindi sila nagkaroon ng uri ng pananampalataya na magpapakilos sa kanila.
Mga Isipang Punung-puno ng Kaalaman, mga Pusong Walang Pananampalataya
Ibang-iba nga ang pag-iisip ng mga Judiong lider ng relihiyon sa pag-iisip ng Diyos! Sandaling panahon bago pumasok sa Lupang Pangako ang mga Israelita, sinabi sa kanila ni Moises: “Ituon ninyo ang inyong mga puso sa lahat ng mga salita na sinasalita ko bilang babala sa inyo ngayon, upang mautusan ninyo ang inyong mga anak na maingat na isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.” (Deuteronomio 32:46) Maliwanag, ang bayan ng Diyos ay hindi lamang magiging seryosong mga estudyante ng Kautusan kundi mga tagatupad din ng Kautusan.
Ngunit paulit-ulit, ang bansang Israel ay naging di-tapat kay Jehova. Sa halip na gawin ang tamang uri ng mga gawa, ang mga anak ni Israel ay ‘hindi nanampalataya sa kaniya at hindi nakinig sa kaniyang tinig.’ (Deuteronomio 9:23; Hukom 2:15, 16; 2 Cronica 24:18, 19; Jeremias 25:4-7) Nang dakong huli, nagawa ng mga Judio ang kanilang sukdulang gawa ng kawalang-katapatan nang itakwil nila si Jesus bilang ang Mesiyas. (Juan 19:14-16) Kaya naman itinakwil ng Diyos na Jehova ang Israel at ibinaling ang kaniyang pansin sa mga bansa.—Gawa 13:46.
Tiyak na kailangan tayong maging maingat na huwag mahulog sa gayunding pagkakamali—anupat iniisip na maaari nating sambahin ang Diyos taglay ang mga isipang punung-puno ng kaalaman subalit may mga pusong walang pananampalataya. Sa ibang salita, ang ating pag-aaral ng Bibliya ay kailangang hindi lamang basta pagkuha ng kaalaman. Dapat tumagos sa mga puso natin ang tumpak na kaalaman upang maapektuhan nito ang ating mga buhay sa ikabubuti. Anong pakinabang ang makukuha mo sa pag-aaral tungkol sa pagtatanim ng gulay kung hindi ka naman magtatanim ng anumang binhi? Sabihin pa, maaari tayong magtamo ng kaalaman kung paano magtanim at mag-alaga ng isang hardin, subalit hinding-hindi tayo aani ng anuman! Sa katulad na paraan, dapat hayaan ng mga tao na natututo ng mga kahilingan ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng Bibliya na tumagos sa kanilang puso ang mga binhi ng katotohanan upang tumubo ang mga binhing iyon at pakilusin sila.—Mateo 13:3-9, 19-23.
“Maging mga Tagatupad Kayo ng Salita”
Sinabi ni apostol Pablo na ang “pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Ang natural na sunud-sunod na pangyayaring ito mula sa pagkarinig ng Salita ng Diyos tungo sa pagsasagawa ng pananampalataya sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay nagbibigay sa atin ng pag-asang buhay na walang hanggan. Oo, hindi sapat ang basta pagsasabing, ‘Naniniwala ako sa Diyos at kay Kristo.’
Hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng uri ng pananampalataya na magpapakilos sa kanila: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami at pinatutunayan ninyong kayo ay aking mga alagad.” (Juan 15:8) Nang maglaon, sumulat ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago: “Maging mga tagatupad kayo ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” (Santiago 1:22) Subalit, paano natin malalaman kung ano ang gagawin? Sa pamamagitan ng salita at halimbawa, ipinakita ni Jesus kung ano ang kailangan nating gawin upang palugdan ang Diyos.
Samantalang nasa lupa, nagpagal si Jesus upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian at upang luwalhatiin ang pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 17:4-8) Sa anong paraan? Maaaring maalaala ng maraming tao ang mga makahimalang pagpapagaling ni Jesus sa mga maysakit at lumpo. Ngunit ipinaliliwanag ng Ebanghelyo ni Mateo ang pangunahing paraan: “Si Jesus ay humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” Kapansin-pansin, hindi nilimitahan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa pakikipag-usap nang di-pormal sa ilang kaibigan at kakilala o sa mga nakilala niya sa pamayanan. Nagpagal siya nang buong lakas, anupat ginagawa ang lahat upang dalawin ang mga tao “sa buong Galilea.”—Mateo 4:23, 24; 9:35.
Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na makibahagi rin sa paggawa ng alagad. Oo, nagbigay siya ng sakdal na halimbawa upang tularan nila. (1 Pedro 2:21) Sinabi ni Jesus sa kaniyang tapat na mga alagad: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Sabihin pa, naghaharap ng malaking hamon ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Sinabi mismo ni Jesus: “Narito! Isinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.” (Lucas 10:3) Kapag napaharap tayo sa pagsalansang, likas sa atin na umurong upang maiwasan ang di-kinakailangang pamimighati o kabalisahan. Iyan ang nangyari noong gabing dakpin si Jesus. Tumakas ang mga apostol pagkaraang madaig ng takot. Nang maglaon noong gabing iyon, tatlong ulit na ikinaila ni Pedro si Jesus.—Mateo 26:56, 69-75.
Karagdagan pa, baka magulat kang malaman na maging si apostol Pablo ay nagsabi na siya ay nakipagpunyagi upang ipangaral ang mabuting balita. Sumulat siya sa kongregasyon sa Tesalonica: “Nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.”—1 Tesalonica 2:1, 2.
Napagtagumpayan ni Pablo at ng kaniyang kapuwa mga apostol ang anumang takot sa pagsasalita sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos, at magagawa mo rin iyon. Paano? Ang pinakamahalagang hakbang ay manalig kay Jehova. Kung lubusan tayong mananampalataya kay Jehova, pakikilusin tayo ng pananampalatayang iyon, at magagawa natin ang kaniyang kalooban.—Gawa 4:17-20; 5:18, 27-29.
May Gantimpala Para sa Iyong Gawa
Alam na alam ni Jehova ang ating pagsisikap upang mapaglingkuran siya. Halimbawa, alam niya kung tayo ay may sakit o pagód. Batid niya ang ating mga ikinababahala. Kapag nababahala tayo dahil sa pinansiyal na mga pasanin o nasisiraan tayo ng loob dahil sa ating kalusugan o sa ating damdamin, laging nababatid ni Jehova ang ating kalagayan.—2 Cronica 16:9; 1 Pedro 3:12.
Tiyak na tuwang-tuwa si Jehova na sa kabila ng ating mga di-kasakdalan at mga problema, pinakikilos tayo ng ating pananampalataya! Ang magiliw na damdamin ni Jehova para sa kaniyang tapat na mga lingkod ay hindi basta damdamin lamang—ipinakikita niya ito sa pagbibigay sa atin ng pangako. Sa ilalim ng pagkasi ng Diyos, sumulat si apostol Pablo: “Ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa kaniyang pangalan, dahil kayo ay naglingkod sa mga banal at patuloy na naglilingkod.”—Hebreo 6:10.
Mapagkakatiwalaan mo ang paglalarawan ng Bibliya kay Jehova bilang “isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan,” at bilang “tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.” (Deuteronomio 32:4; Hebreo 11:6) Halimbawa, ganito ang nagugunita ng isang babae sa California, E.U.A.: “Naglingkod bilang buong-panahong ministro ang tatay ko sa loob ng sampung taon bago siya nagpamilya. Tuwang-tuwa ako sa mga kuwento niya kung paano siya tinustusan ni Jehova sa kaniyang ministeryo. Maraming beses niyang ginugol ang kaniyang huling pera para sa gasolina upang makalabas sa ministeryo. Pag-uwi niya ng bahay mula sa ministeryo, kadalasang may di-inaasahang mga suplay ng pagkaing naghihintay sa kaniya sa pinto.”
Bukod sa materyal na tulong, “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan” ay nagbibigay sa atin ng emosyonal at espirituwal na tulong. (2 Corinto 1:3) “Kasiya-siyang manalig kay Jehova,” ang sabi ng isang Saksi na nagbata ng maraming pagsubok sa paglipas ng mga taon. “Nagbibigay ito sa iyo ng pagkakataon na magtiwala kay Jehova at masdan kung paano siya tumutulong sa iyo.” Maaari mong mapagpakumbabang lapitan ang “Dumirinig ng panalangin,” anupat nakatitiyak ka na bibigyan niya ng pansin ang iyong personal na mga ikinababahala.—Awit 65:2.
Marami ang pagpapala at gantimpalang tinatanggap ng espirituwal na mga mang-aani. (Mateo 9:37, 38) Bumuti ang kalusugan ng marami dahil sa pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo, at maaari ka ring makinabang dito. Subalit higit na mahalaga, ang pagpapatotoo sa iba ay tumutulong sa atin na mapatibay ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos.—Santiago 2:23.
Patuloy na Gumawa ng Mabuti
Magiging mali nga para sa isang lingkod ng Diyos na isiping hindi nasisiyahan si Jehova kapag sa paanuman ay nahahadlangan na siya ng mga kapansanan o katandaan sa paggawa ng lahat ng gusto niyang gawin sa ministeryo. Totoo rin ito sa mga nalilimitahan sa ministeryo dahil sa mahinang kalusugan, mga pananagutan sa pamilya, o iba pang mga kalagayan.
Alalahanin na nang manghina si apostol Pablo dahil sa isang kapansanan o hadlang, siya ay ‘tatlong ulit na namanhik sa Panginoon na maalis ito’ sa kaniya. Sa halip na pagalingin si Pablo upang makagawa pa siya ng higit sa paglilingkod kay Jehova, sinabi ng Diyos: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” (2 Corinto 12:7-10) Kaya nga, makatitiyak ka na sa kabila ng anumang mahihirap na kalagayan na maaaring binabata mo, pinahahalagahan ng iyong makalangit na Ama ang anumang nagagawa mo upang mapasulong ang kaniyang mga kapakanan.—Hebreo 13:15, 16.
Hindi tayo hinihilingan ng ating maibiging Maylalang ng higit kaysa sa maibibigay natin. Hinihiling lamang niya na magkaroon tayo ng uri ng pananampalatayang magpapakilos sa atin.
[Larawan sa pahina 26]
Sapat na ba ang pag-aaral sa Kautusan?
[Mga larawan sa pahina 29]
Kailangang patunayan ng ating mga gawa ang ating pananampalataya