Ayon kay Lucas
7 Nang masabi na niya sa mga tao ang lahat ng gusto niyang sabihin, pumasok siya sa Capernaum. 2 At isang opisyal ng hukbo ang may aliping may sakit at malapit nang mamatay. Mahal na mahal ito ng opisyal.+ 3 Kaya nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang matatandang lalaki ng mga Judio para hilingin kay Jesus na puntahan ang alipin niya at pagalingin ito. 4 Pumunta sila kay Jesus at nakiusap: “Karapat-dapat mo siyang pagbigyan, 5 dahil mahal niya ang bansa natin at siya mismo ang nagpatayo ng sinagoga rito.” 6 Kaya sumama si Jesus sa kanila. Pero nang malapit na siya sa bahay ng opisyal ng hukbo, may isinugo na itong mga kaibigan para sabihin sa kaniya: “Ginoo, huwag ka nang mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan mo sa bahay.+ 7 Hindi ko rin itinuturing ang sarili ko na karapat-dapat na pumunta sa iyo. Pero sabihin mo lang na gumaling siya at gagaling ang lingkod ko. 8 Dahil ako rin ay nasa ilalim ng awtoridad ng iba, at may hawak din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ nagpupunta siya, at sa isa pa, ‘Halika!’ lumalapit siya, at sa alipin ko, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” 9 Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya, at tumingin siya sa mga taong sumusunod sa kaniya at sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel, wala pa akong nakita na may ganito kalaking pananampalataya.”+ 10 Nang makabalik sa bahay ang mga isinugo, nakita nilang magaling na ang alipin.+
11 Di-nagtagal pagkatapos nito, pumunta siya sa lunsod na tinatawag na Nain, at kasama niyang naglakbay ang mga alagad niya at maraming iba pa. 12 Habang papalapit si Jesus sa pintuang-daan ng lunsod, may inilalabas na lalaking patay, ang kaisa-isang anak ng isang babae.+ At biyuda na ang babae. Maraming tao mula sa lunsod ang naglalakad kasama niya. 13 Nang makita ng Panginoon ang biyuda, naawa siya rito+ at sinabi niya: “Huwag ka nang umiyak.”+ 14 Kaya lumapit siya at hinipo ang hinihigaan ng patay, at huminto ang mga tagabuhat nito. Pagkatapos, sinabi niya: “Lalaki, inuutusan kita, bumangon* ka!”+ 15 Umupo ang taong patay at nagsalita, at ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina.+ 16 Manghang-mangha ang mga tao. Niluwalhati nila ang Diyos at sinabi: “Nagkaroon ng isang dakilang propeta sa gitna natin,”+ at, “Binigyang-pansin ng Diyos ang kaniyang bayan.”+ 17 Ang balitang ito tungkol sa kaniya ay nakarating sa buong Judea at sa lahat ng nakapalibot na lugar.
18 Iniulat kay Juan ng mga alagad niya ang lahat ng ito.+ 19 Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga alagad niya at isinugo sila sa Panginoon para sabihin: “Ikaw ba ang hinihintay namin,+ o may iba pang darating?” 20 Nang dumating sa kaniya ang mga lalaki, sinabi nila: “Isinugo kami ni Juan Bautista para itanong sa iyo, ‘Ikaw ba ang hinihintay namin, o may iba pang darating?’” 21 Nang oras na iyon, pinagaling niya ang maraming may sakit,+ may malulubhang karamdaman, at sinasapian ng masasamang espiritu, at ibinalik niya ang paningin ng maraming bulag. 22 Sinabi niya sa kanila: “Sabihin ninyo kay Juan ang nakita ninyo at narinig: Ang mga bulag ay nakakakita na,+ ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig,+ ang mga patay ay binubuhay, at ang mahihirap ay pinangangaralan ng mabuting balita.+ 23 Maligaya ang nagtitiwala sa akin.”*+
24 Nang makaalis na ang mga mensahero ni Juan, sinabi ni Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang nakita ninyo sa ilang? Isang taong gaya ng tambo na hinahampas-hampas ng hangin? Hindi.+ 25 Kung gayon, ano ang nakita ninyo? Isang taong may malambot na damit?* Hindi.+ Ang mga nagsusuot ng magagandang damit at namumuhay nang marangya ay nasa palasyo ng mga hari. 26 Kung gayon, sino talaga siya? Isang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, hindi lang siya basta propeta.+ 27 Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Isinusugo ko ang aking mensahero sa unahan mo, na maghahanda ng iyong dadaanan.’+ 28 Sinasabi ko sa inyo, sa lahat ng taong nabuhay, walang mas dakila kaysa kay Juan, pero ang pinakamababa sa Kaharian ng Diyos ay mas dakila kaysa sa kaniya.”+ 29 (Nang marinig iyon ng lahat ng tao at ng mga maniningil ng buwis, ipinahayag nilang matuwid ang Diyos, dahil nabautismuhan sila ni Juan.+ 30 Pero binale-wala ng mga Pariseo at ng mga eksperto sa Kautusan ang payo* ng Diyos sa kanila,+ dahil hindi sila nabautismuhan ni Juan.)
31 “Kung gayon, kanino ko dapat ihambing ang mga tao ng henerasyong ito, at sino ang katulad nila?+ 32 Tulad sila ng mga bata na nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa’t isa: ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta, pero hindi kayo sumayaw; humagulgol kami, pero hindi kayo umiyak.’ 33 Sa katulad na paraan, si Juan Bautista ay hindi kumakain ng tinapay o umiinom ng alak,+ pero sinasabi ninyo: ‘Siya ay may demonyo.’ 34 Ang Anak ng tao ay kumakain at umiinom, pero sinasabi ninyo: ‘Matakaw ang taong ito at mahilig uminom ng alak; kaibigan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’+ 35 Pero ang karunungan ay makikita sa* bunga nito.”*+
36 At isa sa mga Pariseo ang paulit-ulit na nag-iimbita kay Jesus na kumaing kasama niya. Kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at umupo* sa mesa.+ 37 At nalaman ng isang babae, na kilalang makasalanan sa lunsod, na kumakain* si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya nagdala siya ng mabangong langis na nasa bote ng alabastro.*+ 38 Pumuwesto siya sa likuran ni Jesus, sa may paa niya; umiyak siya, binasâ ng luha ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga iyon ng buhok niya. Hinalikan din niya ang mga paa ni Jesus at binuhusan ng mabangong langis. 39 Nang makita ito ng Pariseong nag-imbita sa kaniya, sinabi nito sa sarili: “Kung talagang propeta ang taong ito, makikilala niya kung sino at kung anong uri ng babae ang humihipo sa kaniyang mga paa, na isa itong makasalanan.”+ 40 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sinabi niya: “Ano iyon, Guro?”
41 “Dalawang tao ang may utang sa isang nagpapahiram; ang utang ng isa ay 500 denario, at ang isa naman ay 50. 42 Nang wala silang maibayad, hindi na niya sila pinagbayad.* Sa tingin mo, sino sa kanila ang higit na magmamahal sa nagpahiram?” 43 Sumagot si Simon: “Sa tingin ko, ang isa na mas malaki ang utang.” Sinabi ni Jesus: “Tama ang sagot mo.” 44 Pagkatapos, tumingin siya sa babae at sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay; hindi mo ako binigyan ng tubig para sa mga paa ko. Pero binasâ ng babaeng ito ng mga luha niya ang mga paa ko+ at pinunasan ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako hinalikan, pero mula nang pumasok ako, walang tigil ang babaeng ito sa paghalik sa mga paa ko. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang ulo ko, pero binuhusan ng babaeng ito ng mabangong langis ang mga paa ko. 47 Kaya naman, sinasabi ko sa iyo, kahit marami siyang kasalanan,* pinatatawad na ang mga ito.+ Iyan ang dahilan kaya higit ang pagmamahal niya.+ Pero siya na pinatatawad nang kaunti ay nagmamahal nang kaunti.” 48 Pagkatapos, sinabi niya sa babae: “Pinatatawad na ang mga kasalanan mo.”+ 49 Dahil dito, ang mga kumakaing* kasama niya ay nagsabi sa isa’t isa: “Sino ang taong ito na nagpapatawad ng mga kasalanan?”+ 50 Pero sinabi niya sa babae: “Iniligtas ka ng pananampalataya mo;+ umuwi ka na at huwag nang mag-alala.”