SISIDLAN NA NAGLALAMAN NG KASULATAN
Isang maliit na sisidlang naglalaman ng apat na pagsipi sa Kautusan (Exo 13:1-10, 11-16; Deu 6:4-9; 11:13-21) at isinusuot ng mga lalaking Judio sa kanilang noo at kaliwang braso. Ganito ang sabi ng The Jewish Encyclopedia (1976, Tomo X, p. 21) tungkol sa kaugalian ng pagsusuot ng gayong mga sisidlan, o mga pilakterya: “Ang mga batas na may kaugnayan sa pagsusuot ng mga pilakterya ay ibinatay ng mga Rabbi sa apat na teksto ng Bibliya (Deu. vi. 8, Deu xi. 18; Exo. xiii. 9, 16). Bagaman inuunawa ng karamihan sa mga komentarista ang mga tekstong ito sa literal na paraan, . . . naniniwala ang mga Rabbi na tanging ang pangkalahatang batas ang nakasaad sa Bibliya, anupat ang pagkakapit at pagpapalawak nito ay depende na lamang sa tradisyon at panghihinuha.”
Hinatulan ni Kristo Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo dahil “pinalalapad nila ang mga sisidlan na naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang pananggalang.” (Mat 23:5) Lumilitaw na pinalalapad nila ang mga sisidlang ito dahil nais nilang magbigay ng impresyon na sila’y napakasigasig at tapat sa Kautusan. Ipinakikita ng pananalita ni Jesus na itinuring ng mga relihiyosong lider ang mga sisidlang ito bilang pananggalang, o anting-anting. Sa katunayan, ang salitang Griego na phy·la·kteʹri·on ay pangunahing nangangahulugang himpilan, kuta, o pananggalang.—Tingnan ang PANGHARAP NA PAMIGKIS.