May Diyos Ba?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. May mga nakakukumbinsing ebidensiya sa Bibliya na may Diyos. Hinihimok tayo nito na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng basta paniniwala sa mga sinasabi ng relihiyon, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng ating “kakayahan sa pangangatuwiran” at “talino.” (Roma 12:1; 1 Juan 5:20) Tingnan ang mga pangangatuwirang ito na batay sa Bibliya:
Ang maayos na uniberso kung saan may umiiral na buhay ay nagpapatunay na mayroong Maylalang. Sinasabi ng Bibliya: “Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Bagaman simple lang ang pangangatuwirang ito, maraming edukado ang nagsasabi na isa itong malakas na ebidensiya.a
Likas na gusto nating maintindihan ang kahulugan at layunin ng buhay, isang pagkauhaw na hindi mawawala kahit masapatan ang ating pisikal na pangangailangan. Bahagi ito ng tinatawag ng Bibliya na “espirituwal na pangangailangan,” at kasama rito ang hangarin nating makilala at sambahin ang Diyos. (Mateo 5:3; Apocalipsis 4:11) Hindi lang nito pinatutunayang may Diyos, ipinakikita rin nito na siya ay mapagmahal na Maylalang at gusto niyang sapatan ang pangangailangang iyon.—Mateo 4:4.
Eksaktong nagkatotoo ang mga detalyadong hula sa Bibliya na isinulat daan-daang taon patiuna. Ang pagiging tumpak at detalyado ng mga prediksiyon ng Bibliya ay matibay na patotoo na mula ito sa isa na nakahihigit sa tao.—2 Pedro 1:21.
Mas tumpak ang nalalaman ng mga manunulat ng Bibliya tungkol sa siyensiya kaysa sa mga kakontemporaryo nila. Halimbawa, naniniwala ang marami noon na ang lupa ay nakapatong sa isang hayop, gaya ng elepante, baboy-ramo, o barakong baka. Pero binabanggit ng Bibliya na “ibinibitin [ng Diyos] ang lupa sa wala.” (Job 26:7) Tumpak ding inilalarawan ng Bibliya ang hugis ng lupa, na ito ay “bilog,” o “globo.” (Isaias 40:22; Douay Version) Iniisip ng marami na ang pinakamakatuwirang paliwanag kung bakit alam iyon ng mga manunulat ng Bibliya ay dahil tinanggap nila ang impormasyon mula sa Diyos.
Sinasagot ng Bibliya ang maraming mahihirap na tanong, na kapag hindi nasagot nang tama ay maaaring umakay sa isang tao na maging ateista. Halimbawa: Kung ang Diyos ay mapagmahal at makapangyarihan-sa-lahat, bakit may pagdurusa at kasamaan sa mundo? Bakit ang relihiyon ay madalas na nakasasama sa halip na nakabubuti?—Tito 1:16.
a Halimbawa, sinabi minsan ng astronomo na si Allan Sandage: “Sa palagay ko, talagang imposible na ang gayon kaayos [na uniberso] ay nagsimula sa kawalang-kaayusan. Tiyak na may pinagmulan ang kaayusang ito. Isang misteryo sa akin ang Diyos, pero siya ang paliwanag sa himala ng pag-iral, kung bakit umiiral ang mga bagay-bagay.”