Liham kay Tito
1 Ako si Pablo, isang alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Kristo, na ang pananampalataya ay kaayon ng pananampalataya ng mga pinili ng Diyos at ng tumpak na kaalaman sa katotohanan, na nauugnay sa makadiyos na debosyon 2 at batay sa pag-asang buhay na walang hanggan+ na matagal nang ipinangako ng Diyos, na hindi makapagsisinungaling;+ 3 pero sa itinakda niyang panahon, ipinaalám niya ang kaniyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na ipinagkatiwala sa akin,+ ayon sa utos ng ating Tagapagligtas, ang Diyos. 4 Sumusulat ako kay Tito,+ isang tunay na anak at kapananampalataya:
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Tagapagligtas.
5 Iniwan kita sa Creta+ para maayos mo ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, ayon sa tagubilin ko sa iyo: 6 isang lalaki na malaya sa akusasyon,+ asawa ng isang babae, at may nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde.+ 7 Dahil bilang katiwala ng Diyos, ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, hindi arogante,+ hindi mainitin ang ulo,+ hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim sa pakinabang,+ 8 kundi mapagpatuloy,+ laging gumagawa ng mabuti, may matinong pag-iisip,+ matuwid, tapat,+ may pagpipigil sa sarili,+ 9 at mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo,+ para magawa niyang magpatibay* sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang* na turo+ at sumaway+ sa mga kumokontra dito.
10 Dahil marami ang lalaking rebelde, nagsasalita ng mga bagay na walang saysay, at nanlilinlang, lalo na ang mga nanghahawakan sa pagtutuli.+ 11 Kailangang itikom ang bibig ng mga ito, dahil pami-pamilya ang inililihis nila sa katotohanan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro at ginagawa nila ito dahil sakim sila sa pakinabang.+ 12 Isang propeta, na kababayan pa nila, ang nagsabi: “Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad.”
13 Totoo iyan. Kaya maging mahigpit ka sa pagdidisiplina+ sa kanila para maging matibay* ang pananampalataya nila 14 at hindi sila magbigay-pansin sa gawa-gawang mga kuwento+ ng mga Judio at sa utos ng mga tao na lumihis sa katotohanan. 15 Ang lahat ng bagay ay malinis para sa mga taong malinis.+ Pero para sa mga taong nadungisan at walang pananampalataya, walang anumang malinis, dahil parehong nadumhan ang kanilang isip at konsensiya.*+ 16 Hayagan nilang sinasabi na kilala nila ang Diyos, pero itinatakwil naman nila siya sa pamamagitan ng mga ginagawa nila,+ dahil kasuklam-suklam sila, masuwayin, at hindi kuwalipikado para sa anumang uri ng mabuting gawa.