KABANATA 110
Ang Huling Araw ni Jesus sa Templo
MATEO 23:25–24:2 MARCOS 12:41–13:2 LUCAS 21:1-6
LALO PANG BINATIKOS NI JESUS ANG MGA LIDER NG RELIHIYON
WAWASAKIN ANG TEMPLO
ISANG MAHIRAP NA BIYUDA ANG NAG-ABULOY NG DALAWANG MALILIIT NA BARYA
Noong huling araw ni Jesus sa templo, ipinagpatuloy niya ang paglalantad sa mga eskriba at Pariseo, at tinawag niya silang mapagkunwari. Ganito niya sila inilarawan: “Nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, pero ang loob naman nito ay punô ng kasakiman at pagpapakasasa. Bulag na Pariseo, linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan para ang labas nito ay maging malinis din.” (Mateo 23:25, 26) Metikuloso ang mga Pariseo pagdating sa seremonyal na kalinisan at sa hitsura nila, pero marumi ang kanilang pagkatao pati ang kanilang puso.
Ginagawan nila ng libingan ang mga propeta at pinapalamutian ang mga ito, pero pagpapaimbabaw ito! Gaya ng sinabi ni Jesus, mga anak sila ng “mga pumatay sa mga propeta.” (Mateo 23:31) Kitang-kita ito sa pagsisikap nilang patayin si Jesus.—Juan 5:18; 7:1, 25.
Sinabi ngayon ni Jesus ang kahihinatnan ng mga lider ng relihiyon kung hindi sila magsisisi: “Mga ahas, anak ng mga ulupong, paano kayo makatatakas sa parusa sa Gehenna?” (Mateo 23:33) Sa Lambak ng Hinom sinusunog ang mga basura, isang malinaw na larawan ng permanenteng pagkapuksang naghihintay sa napakasamang mga eskriba at Pariseo.
Ang mga alagad ni Jesus ang kakatawan sa kaniya bilang “mga propeta at mga taong marurunong at mga pangmadlang tagapagturo.” Paano sila tatratuhin? Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Papatayin ninyo at ibabayubay sa tulos ang ilan sa [mga alagad ko], at ang iba ay hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin sa bawat lunsod. Kaya mananagot kayo sa lahat ng dumanak na dugo ng matuwid na mga tao, mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias . . . na pinatay ninyo.” Nagbabala si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, mangyayari ang lahat ng ito sa henerasyong ito.” (Mateo 23:34-36) At iyan nga ang nangyari noong 70 C.E. nang wasakin ng hukbong Romano ang Jerusalem at libo-libong Judio ang namatay.
Lungkot na lungkot si Jesus sa mangyayaring ito. Sinabi niya: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo. Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay ninyo.” (Mateo 23:37, 38) Tiyak na napaisip ang mga tagapakinig kung anong “bahay” ang tinutukoy niya. Ito kaya ay ang maringal na templo sa Jerusalem, na para bang pinoprotektahan ng Diyos?
Idinagdag ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita mula ngayon hanggang sa sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’” (Mateo 23:39) Sinipi niya ang mga salitang inihula sa Awit 118:26: “Pagpalain nawa ang Isa na dumarating sa pangalan ni Jehova; pinagpala namin kayo mula sa bahay ni Jehova.” Maliwanag, kapag nawasak ang literal na templong ito, wala nang pupunta roon para sumamba sa Diyos.
Pumunta ngayon si Jesus sa isang lugar sa templo kung saan nakalagay ang mga kabang-yaman na hugis trumpetang nakataob. Sa maliit na butas sa ibabaw ng mga ito inihuhulog ng mga tao ang kontribusyon nila. Nakita ni Jesus na ginagawa iyan ng mga Judio, at ang mayayaman ay “naghuhulog ng malaking halaga.” Pagkatapos, pinagmasdan ni Jesus ang isang mahirap na biyuda na naghuhulog ng “dalawang maliliit na barya, na napakaliit ng halaga.” (Marcos 12:41, 42) Alam ni Jesus na tuwang-tuwa ang Diyos sa inihulog ng biyuda.
Tinawag ni Jesus ang mga alagad, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.” Bakit? Ipinaliwanag niya: “Silang lahat ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos, ay naghulog ng lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.” (Marcos 12:43, 44) Talagang ibang-iba ang biyuda sa mga lider ng relihiyon!
Papatapos na ang Nisan 11, at umalis na si Jesus sa templo sa huling pagkakataon. Sinabi ng isang alagad: “Guro, tingnan mo! Napakalaking mga bato at napakagandang mga gusali!” (Marcos 13:1) Talagang napakalaki ng ilang bato sa pader ng templo, kaya hindi maiisip ninuman na magigiba ito. Kaya nakapagtataka ang sinabing ito ni Jesus: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”—Marcos 13:2.
Pagkasabi niya nito, tumawid si Jesus at ang mga apostol sa Lambak ng Kidron at umahon sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo. May pagkakataon na apat lang sa mga apostol ang kasama niya—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Mula sa kanilang kinaroroonan, tanaw nila ang kahanga-hangang templo.