ARALIN 12
Ipagpatuloy Mo ang Pag-aaral ng Bibliya
Malaki ang maitutulong sa iyo ng pag-aaral ng Bibliya. Pero hindi ito laging madaling gawin. Baka iniisip mo, ‘Kaya ko bang ipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya?’ Bakit sulit ang pagsisikap mo na ipagpatuloy ito? Ano ang makakatulong sa iyo na makapagpatuloy sa pag-aaral kahit may mga problema?
1. Bakit napakahalaga na pag-aralan ang Bibliya?
“Ang salita ng Diyos ay buháy at malakas.” (Hebreo 4:12) Napakahalaga ng Bibliya kasi sinasabi nito ang iniisip at nararamdaman ng Diyos para sa iyo. Hindi lang kaalaman ang ibinibigay nito sa iyo, binibigyan ka rin nito ng karunungan at pag-asa. At ang pinakamahalaga, tinutulungan ka ng Bibliya na maging kaibigan ni Jehova. Kapag pinag-aaralan mo ang Bibliya, hinahayaan mo itong magkaroon ng magandang epekto sa buhay mo.
2. Bakit kailangan mong makita ang kahalagahan ng mga katotohanan sa Bibliya?
Ang mga katotohanan sa Bibliya ay parang kayamanan. Kaya sinasabi ng Bibliya: “Bilhin mo ang katotohanan at huwag mong ibenta iyon.” (Kawikaan 23:23) Kapag alam natin ang kahalagahan ng mga katotohanan sa Bibliya, magsisikap tayo na patuloy na pag-aralan ito kahit may mga problema.—Basahin ang Kawikaan 2:4, 5.
3. Paano ka matutulungan ni Jehova na patuloy na mag-aral?
Bilang iyong Maylalang at Kaibigan, gusto kang tulungan ni Jehova na matuto tungkol sa kaniya. Bibigyan ka niya ng “pagnanais at lakas para kumilos.” (Basahin ang Filipos 2:13.) Kaya kung kailangan mo ng dagdag na dahilan para mag-aral o para maisabuhay ang mga natututuhan mo, matutulungan ka niya. At kung may mga problema ka o kumokontra sa pag-aaral mo, bibigyan ka niya ng lakas para maharap iyon. Laging humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin para maipagpatuloy mo ang pag-aaral mo ng Bibliya.—1 Tesalonica 5:17.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano patuloy na makakapag-aral ng Bibliya kahit busy ka o may kumokontra sa pag-aaral mo. Tingnan kung paano ka matutulungan ni Jehova na magpatuloy sa pag-aaral.
4. Gawing priyoridad ang pag-aaral ng Bibliya
Minsan, sa sobrang busy natin, wala na tayong panahon sa pag-aaral ng Bibliya. Ano ang makakatulong sa iyo? Basahin ang Filipos 1:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Para sa iyo, ano “ang mas mahahalagang bagay” sa buhay?
Paano mo uunahin sa iskedyul mo ang pag-aaral ng Bibliya?
Kapag inuna mong ilagay ang buhangin sa isang timba, hindi na magkakasya ang mga bato
Pero kapag inuna mong ilagay ang mga bato bago ang buhangin, mas marami kang mailalagay. Kapag inuna mo rin “ang mas mahahalagang bagay” sa buhay mo, mas marami kang matatapos at magkakaroon ka pa ng panahon para sa ibang bagay
Kailangan natin ang Diyos. At kapag nag-aaral ka ng Bibliya, nasasapatan ang pangangailangan mo na kilalanin at sambahin siya. Basahin ang Mateo 5:3. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang pakinabang kapag ginagawa nating priyoridad ang pag-aaral ng Bibliya?
5. Magpatuloy kahit may tumututol
Baka may mga tumututol sa pag-aaral mo ng Bibliya. Tingnan ang karanasan ni Francesco. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang naging reaksiyon ng mga kaibigan at kapamilya ni Francesco nang mag-aral siya ng Bibliya?
Ano ang naging resulta nang hindi siya huminto sa pag-aaral?
Basahin ang 2 Timoteo 2:24, 25. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang naging reaksiyon ng mga kapamilya at kaibigan mo nang malaman nila na nag-aaral ka ng Bibliya?
Ayon sa teksto, ano ang dapat na maging reaksiyon mo kapag may hindi natutuwa sa pag-aaral mo ng Bibliya? Bakit?
6. Magtiwala na tutulungan ka ni Jehova
Habang napapalapít tayo kay Jehova, mas gugustuhin nating mapasaya siya. Pero baka nahihirapan kang gumawa ng mga pagbabago para masunod si Jehova. Kung iyan ang nararamdaman mo, huwag kang sumuko. Tutulungan ka ni Jehova. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga pagbabago ang ginawa ni Jim para mapasaya niya si Jehova?
Ano ang nagustuhan mo sa halimbawa niya?
Basahin ang Hebreo 11:6. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang gagawin ni Jehova para sa “mga humahanap sa kaniya nang buong puso”—mga taong ginagawa ang lahat para makilala at mapasaya siya?
Ano ang nararamdaman ni Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap ka na mag-aral ng Bibliya?
KUNG MAY MAGTANONG: “Bakit ka nag-aaral ng Bibliya?”
Ano ang isasagot mo?
SUMARYO
Hindi laging madaling mag-aral ng Bibliya. Pero kung patuloy kang mag-aaral, matutulungan ka nito na maging masaya magpakailanman. Magtiwala ka kay Jehova at gagantimpalaan ka niya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit mahalaga sa iyo ang mga katotohanan sa Bibliya?
Paano mo matitiyak “ang mas mahahalagang bagay”?
Bakit kailangan mo ang tulong ni Jehova para maipagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya?
TINGNAN DIN
Basahin ang apat na paraan kung paano matalinong ginagamit ng marami ang panahon nila.
“Matalinong Paggamit ng Panahon—Paano?” (Gumising!, Pebrero 2014)
Isang babae ang may asawa na hindi naiintindihan ang mga pagsisikap niya na pasayahin ang Diyos. Tingnan kung paano siya tinulungan ni Jehova.
Pinapalakas Tayo ni Jehova Para Mabuhat Natin ang Ating Pasan (5:05)
Tingnan kung paano natulungan ang isang lalaki dahil sa mga pagsisikap ng asawa niya.
May nagsasabi na pinaghihiwalay ng mga Saksi ni Jehova ang magkakapamilya. Totoo ba iyan?