Talaga Bang Ito Na ang mga Huling Araw?
NASA unahan ka ng isang bangka habang pumapasok ito sa isang bahagi ng ilog na mahirap bagtasin. Pagkalalaking mga bato ang naaaninag sa ilalim ng mga bula at tilamsik. Sinisikap mong iwasan ang mga ito. Ang taong nasa likuran mo ang siyang dapat na tumulong sa pag-ugit sa bangka, ngunit kaunti pa lamang ang kaniyang karanasan. Ang masama pa, wala kayong mapa, kaya hindi ninyo alam kung hahantong ang mabibilis na agos na ito sa isang payapang lawa o sa isang talon.
Nakapangingilabot na tanawin, hindi ba? Kaya baguhin natin iyon. Gunigunihin mo na may kasama kang isang makaranasang giya, na kabisadung-kabisado ang bawat bato at bawat kurba ng ilog na ito. Alam na niya patiuna pa na daraan kayo sa mabilis na agos na ito, alam niya kung saan ito hahantong, at alam niya kung paano babagtasin ito. Hindi ba magiging mas panatag ang loob mo?
Ang totoo, lahat tayo ay nasa kahawig na mabigat na kalagayan. Bagaman hindi natin kasalanan, narito tayo sa isang maligalig na yugto ng kasaysayan ng tao. Hindi alam ng maraming tao kung hanggang kailan magiging ganito ang mga bagay-bagay, kung bubuti pa ang mga kalagayan, o kung paano pinakamabuting makararaos sa panahong ito. Ngunit hindi tayo dapat na mawalan ng pag-asa o panghinaan ng loob. Naglaan ang ating Maylalang para sa atin ng isang giya—isa na patiunang bumanggit tungkol sa madilim na yugtong ito ng kasaysayan, humula kung saan ito hahantong, at naghaharap sa atin ng patnubay na kailangan natin upang makaligtas. Ang giyang iyan ay isang aklat, ang Bibliya. Tinawag ng May-akda nito, ang Diyos na Jehova, ang kaniyang sarili bilang ang Dakilang Tagapagturo, at may katiyakang sinabi niya sa pamamagitan ni Isaias: “Ang iyong sariling mga tainga ay makaririnig ng salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad,’ sakaling kayo’y pumihit sa kanan o sakaling kayo’y pumihit sa kaliwa.” (Isaias 30:20, 21) Tatanggapin mo ba ang ganitong patnubay? Kung gayo’y isaalang-alang natin kung talaga ngang inihula ng Bibliya ang magiging kalagayan sa ating panahon.
Nagbangon ang mga Tagasunod ni Jesus ng Isang Makahulugang Tanong
Tiyak na namangha ang mga tagasunod ni Jesus. Kasasabi lamang ni Jesus sa kanila, sa maliwanag na pananalita, na ang kahanga-hangang mga gusali ng templo sa Jerusalem ay lubusang mawawasak! Nakapagtataka ang gayong hula. Di-nagtagal pagkatapos, habang nakaupo sila sa Bundok ng mga Olibo, apat sa mga alagad ang nagtanong kay Jesus: “Sabihin mo sa amin, Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” (Mateo 24:3; Marcos 13:1-4) Natanto man nila iyon o hindi, ang sagot ni Jesus ay magkakaroon ng hindi lamang iisang pagkakapit.
Ang pagkawasak ng templo sa Jerusalem at ang katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay ay hindi kapareho ng panahon ng pagkanaririto ni Kristo at ng katapusan ng sistema ng mga bagay sa buong sanlibutan. Gayunpaman, sa kaniyang mahabang kasagutan, buong-husay na tinalakay ni Jesus ang lahat ng bahaging ito ng tanong. Sinabi niya sa kanila kung ano ang magiging kalagayan bago mawasak ang Jerusalem; sinabi rin niya sa kanila kung ano ang maaasahang mangyayari sa sanlibutan sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, kung kailan siya mamamahala bilang Hari sa langit at kikilos upang wakasan ang buong sistema ng mga bagay ng sanlibutan.
Ang Wakas ng Jerusalem
Isaalang-alang muna ang sinabi ni Jesus tungkol sa Jerusalem at sa templo nito. Mahigit sa tatlong dekada bago nito, inihula niya ang panahon ng kakila-kilabot na kahirapan para sa isa sa pinakadakilang lunsod sa daigdig. Bigyan ng pantanging pansin ang kaniyang mga salita na nakaulat sa Lucas 21:20, 21: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” Kung palilibutan ang Jerusalem, anupat paliligiran ng nagkakampong mga hukbo, paanong basta ‘makaaalis’ “yaong mga nasa gitna niya,” gaya ng iniutos ni Jesus? Maliwanag, ipinahihiwatig ni Jesus na mabubuksan ang isang pagkakataon. Nagkagayon ba?
Noong 66 C.E., naitaboy ng mga hukbong Romano sa ilalim ng pangunguna ni Cestius Gallus ang mga rebeldeng puwersa ng mga Judio pabalik sa Jerusalem at nasukol sila sa loob ng lunsod. Nakapasok pa man din ang mga Romano sa lunsod mismo at nakaabot hanggang sa pader ng templo. Subalit pagkatapos ay ipinagawa ni Gallus sa kaniyang mga hukbo ang isang bagay na talaga namang nakalilito. Inutusan niya silang umatras! Ang tuwang-tuwang mga Judiong sundalo naman ay nagsimulang tumugis at maminsala sa kanilang tumatakas na mga Romanong kaaway. Sa gayon, nabuksan ang pagkakataon na inihula ni Jesus. Ang mga tunay na Kristiyano ay nakinig sa babalang ito at tumakas mula sa Jerusalem. Ito’y isang matalinong hakbang, sapagkat pagkaraan lamang ng apat na taon, bumalik ang mga hukbong Romano, na pinangungunahan ni Heneral Tito. Sa pagkakataong ito ay imposible nang makatakas pa.
Muli na namang pinaligiran ng mga hukbong Romano ang Jerusalem; nagtayo sila ng bakod ng matutulis na tulos sa paligid nito. Ganito ang inihula ni Jesus hinggil sa Jerusalem: “Ang mga araw ay darating sa iyo kapag ang iyong mga kaaway ay magtatayo sa paligid mo ng bakod na may matutulis na mga tulos at papalibutan ka at gigipitin ka sa bawat panig.”a (Lucas 19:43) Di-nagtagal, bumagsak ang Jerusalem; ang maluwalhating templo nito ay nauwi sa nagbabagang kaguhuan. Tunay ngang natupad ang bawat detalye ng mga salita ni Jesus!
Subalit hindi lamang ang pagkawasak ng Jerusalem ang nasa isip ni Jesus. Tinanong din siya ng kaniyang mga alagad tungkol sa tanda ng kaniyang pagkanaririto. Hindi nila noon nalalaman, ngunit tumutukoy ito sa panahon na itatalaga siya upang mamahala bilang Hari sa langit. Ano ang inihula niya?
Digmaan sa mga Huling Araw
Kung babasahin mo ang Mateo kabanata 24 at 25, Marcos kabanata 13, at Lucas kabanata 21, makikita mo ang maliwanag na patotoo na ang binabanggit ni Jesus ay ang ating panahon. Inihula niya ang isang panahon ng mga digmaan—hindi lamang ng “mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan” na laging sumisira sa kasaysayan ng tao kundi ng mga digmaan na kinasasangkutan ng ‘bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian’—oo, malalaking internasyonal na mga digmaan.—Mateo 24:6-8.
Pag-isipan sandali kung paano nabago ang pagdidigmaan sa ating siglo. Noong ang digmaan ay nangangahulugan lamang ng pagsasagupa ng mga hukbo na kumakatawan sa dalawang magkatunggaling bansa, anupat gumagamit ng mga sable o maging ng mga baril sa pakikipaghamok sa isa’t isa sa larangan ng digmaan, totoong nakapangingilabot na iyon. Subalit sumiklab ang Malaking Digmaan noong 1914. Parang dominong nagkasunud-sunod ang mga bansa sa pagsangkot sa alitan—ang unang pangglobong digmaan. Dinisenyo ang awtomatikong mga sandata upang makapatay ng higit at higit pang tao at sa mas malalayong distansiya. Bumuga ng mga bala ang mga machine gun taglay ang kakila-kilabot na kahusayan; sumunog, nagpahirap, puminsala, at pumatay ng libu-libong sundalo ang mustard gas; walang-awang dumagundong ang mga tangke sa mga hanay ng kaaway, anupat sunud-sunod ang pagpapaputok ng malalaking baril nito. Ginamit din ang mga eroplano at mga submarino—mga tagapagpauna lamang ng kalalabasan ng mga ito.
Di-maubos-maisip ang nagawa ng Digmaang Pandaigdig II—tunay na wala sa kalingkingan ang nauna rito, anupat pumatay ng milyun-milyon katao. Mga dambuhalang bapor na pandigma na nagsilbing paliparan, anupat mistulang lumulutang na mga lunsod, ang paroo’t parito sa mga dagat at nagpakawala ng mga eroplanong pandigma upang magpaulan ng kamatayan sa mga pinatatamaang kaaway. Nagtorpedo naman ang mga submarino at nagpalubog sa mga barko ng mga kaaway. At naghulog ng mga bomba atomika, anupat pumuti ng libu-libong kaluluwa sa bawat lumiligis na pagsabog! Gaya ng inihula ni Jesus, talaga namang nagkaroon ng “nakatatakot na mga tanawin” bilang tanda ng panahong ito ng digmaan.—Lucas 21:11.
Nabawasan ba ang digmaan sapol noong Digmaang Pandaigdig II? Hinding-hindi. Kung minsa’y literal na dose-dosenang digmaan ang nagngangalit sa loob lamang ng isang taon—maging sa dekadang ito ng 1990—anupat milyun-milyong buhay ang nasasawi. At nagkaroon ng pagbabago sa mga pangunahing biktima ng digmaan. Hindi lamang mga sundalo ang karamihan sa mga namamatay. Sa ngayon, karamihan sa mga nasasawi sa digmaan—sa katunayan, mahigit sa 90 porsiyento sa kanila—ay mga sibilyan.
Iba Pang Bahagi ng Tanda
Ang digmaan ay isa lamang bahagi ng tanda na binanggit ni Jesus. Nagbabala rin siya na magkakaroon ng “kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:7) At gayon nga ang nangyari, bagaman isang kabalintunaan na ang lupa ay nagbubunga ng pagkain na higit pa sa kailangan upang pakanin ang buong sangkatauhan, bagaman ang siyensiya sa agrikultura ay higit na maunlad kailanman sa kasaysayan ng tao, bagaman naririyan ang mabilis at mahusay na transportasyon upang maghatid ng pagkain saanman sa daigdig. Sa kabila ng lahat ng ito, humigit-kumulang sa ikalimang bahagi ng populasyon ng daigdig ang nagugutom sa araw-araw.
Inihula rin ni Jesus na “sa iba’t ibang dako” ay magkakaroon ng “mga salot.” (Lucas 21:11) Muli, nasaksihan sa ating panahon ang isang pambihirang kabalintunaan—mas mahusay na panggagamot kailanman, mga pagsulong sa teknolohiya, mga bakunang panghadlang sa maraming pangkaraniwang sakit; gayunma’y pambihira rin ang pagdami ng nakamamatay na mga sakit. Ang Trangkaso Espanyola ay mabilis na sumunod pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I at pumatay ng mas maraming buhay kaysa sa pinatay ng digmaan. Nakahahawa nang gayon na lamang ang sakit na ito anupat sa mga lunsod tulad ng New York, maaaring pagmultahin o ikulong ang mga tao dahil lamang sa pagbahin! Sa ngayon, milyun-milyon ang namamatay taun-taon dahil sa kanser at sakit sa puso—talaga namang mga salot. At patuloy na nagdadala ng kamatayan ang AIDS, na sa totoo’y di-magamot ng siyensiya ng medisina.
Samantalang tinalakay ni Jesus ang mga huling araw pangunahin na sa pamamagitan ng malawakang kalagayan sa kasaysayan at pulitika, itinuon naman ni apostol Pablo ang higit na pansin sa mga suliranin sa lipunan at nangingibabaw na mga saloobin. Sa ilang bahagi, ganito ang isinulat niya: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
Pamilyar ba sa iyong pandinig ang mga salitang ito? Isaalang-alang ang isa lamang anyo ng kabulukan sa lipunan sa sanlibutan ngayon—ang pagkakawatak-watak ng pamilya. Ang napakaraming wasak na mga tahanan, binubugbog na asawa, inaabusong mga bata, at minamaltratong matatanda nang magulang—tunay ngang ipinakikita ng mga ito na ang mga tao ay “walang likas na pagmamahal,” “mga mabangis,” at “mga mapagkanulo” pa man din, anupat “walang pag-ibig sa kabutihan”! Oo, nakikita natin ang mga katangiang ito sa napakalawak na antas sa ngayon.
Ang Atin Bang Salinlahi ang Siyang Inihula?
Ngunit baka itanong mo, ‘Hindi ba lagi namang sinasalot ng mga kalagayang ito ang sangkatauhan? Paano natin nalalaman na ang ating makabagong salinlahi ang siya na ngang tinukoy sa mga sinaunang hulang ito?’ Isaalang-alang natin ang tatlong hanay ng ebidensiya na nagpapatunay na ang ating panahon ang siyang tinutukoy ni Jesus.
Una, samantalang may bahagya at naunang katuparan sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito, tiyak na ang mga salita ni Jesus ay tumutukoy sa hinaharap pagkaraan ng panahong iyon. Mga 30 taon pagkatapos ng kapahamakan na nagwasak sa Jerusalem, binigyan ni Jesus ang matanda nang si apostol Juan ng isang pangitaing nagpapakita na ang inihulang mga kalagayan—digmaan, taggutom, salot, at ang resultang kamatayan—ay sasapit sa buong daigdig sa hinaharap. Oo, sasaklawin ng mga kabagabagang ito, hindi lamang ang isang lugar, kundi ang buong “lupa.”—Apocalipsis 6:2-8.
Pangalawa, sa siglong ito ang ilang bahagi ng tanda ni Jesus ay natutupad sa antas na matatawag nating nasa sukdulan na. Halimbawa, may dako pa ba upang ang mga digmaan ay maging mas matindi pa kaysa sa mga naganap sapol noong 1914? Kung may isang Digmaang Pandaigdig III, na gagamitin ng lahat ng nuklear na kapangyarihan sa ngayon ang kanilang mga sandata, ang resulta ay malamang na isang sunóg na lupa—at sangkatauhang nalipol na tulad ng ibong dodo. Katulad nito, inihula ng Apocalipsis 11:18 na sa mga araw na ito kapag ang mga bansa ay “napoot,” ‘sisirain ng sangkatauhan ang lupa.’ Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, isinasapanganib ngayon ng polusyon at pagkasira ng kapaligiran ang mismong kakayahan ng planetang ito na maging tirahan! Kaya ang bahaging ito ay natutupad din naman o malapit na sa sukdulang antas nito. Talaga nga bang tuluy-tuloy na ang pagtindi ng mga digmaan at polusyon hanggang sa mapuksa ng tao ang kaniyang sarili at ang planetang ito? Hindi; sapagkat itinatalaga ng Bibliya mismo na ang lupa ay mananatili magpakailanman, na tatahanan ito ng matuwid-pusong mga tao.—Awit 37:29; Mateo 5:5.
Pangatlo, ang tanda ng mga huling araw ay lalo nang kapani-paniwala kung mamalasin sa kabuuan. Lahat-lahat, kapag isinaalang-alang natin ang mga bahagi na binanggit ni Jesus sa tatlong Ebanghelyo, yaong mga isinulat ni Pablo, at yaong nasa Apocalipsis, napakaraming bahagi ng tandang ito. Baka makipagtalo ang isang tao tungkol sa bawat isa sa mga ito, anupat ikatuwiran na nagkaroon na rin ng katulad na mga suliranin sa ibang panahon, ngunit kapag isinaalang-alang natin ang lahat ng ito nang sama-sama, walang-alinlangang itinuturo ng mga ito ang isa lamang panahon—ang sa atin.
Subalit ano naman ang kahulugan ng lahat ng ito? Na inilalarawan lamang ng Bibliya ang ating panahon bilang isang walang-lunas, walang-pag-asang panahon? Tiyak na hindi!
Mabuting Balita
Ang isa sa pinakanatatanging bahagi ng tanda ng mga huling araw ay nakaulat sa Mateo 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Sa siglong ito, ginagampanan ng mga Saksi ni Jehova ang isang pambihirang gawain sa kasaysayan ng tao. Tinanggap nila ang mensahe ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos na Jehova—kung ano ito, paano ito namamahala, at kung ano ang gagawin nito—at pinalaganap na ang mensaheng iyan sa buong lupa. Naglathala sila ng literatura tungkol sa paksang ito sa mahigit na 300 wika at dinala ito sa mga tao sa kanilang tahanan o sa mga lansangan o sa dako ng kanilang negosyo sa halos lahat ng lupain sa lupa.
Sa paggawa nito, tinutupad nila ang hulang ito. Subalit nagpapalaganap din sila ng pag-asa. Pansinin na tinawag ito ni Jesus na “mabuting balita,” hindi masamang balita. Paano mangyayari iyan sa madilim na panahong ito? Sapagkat ang pangunahing mensahe ng Bibliya ay hindi tungkol sa kung magiging gaano kasama ang mga bagay-bagay sa katapusan ng matandang sanlibutang ito. Ang pangunahing mensahe nito ay may kinalaman sa Kaharian ng Diyos, at ipinangangako ng Kahariang ito ang isang bagay na napakahalaga sa puso ng bawat taong maibigin sa kapayapaan—ang katubusan.
Ano bang talaga ang katubusan, at paano ito mapapasaiyo? Pakisuyong isaalang-alang ang sumusunod na mga artikulo tungkol sa paksang ito.
[Talababa]
a Dito ay hawak na ni Tito ang alas. Gayunpaman, sa dalawang mahalagang detalye, hindi niya nagawa ang kaniyang gusto. Nag-alok siya para sa isang mapayapang pagsuko, ngunit sa di-maipaliwanag na dahilan, ang mga lider ng lunsod ay may katigasan ng ulong tumanggi. At nang sa wakas ay mabutas ang mga pader ng lunsod, iniutos niya na huwag galawin ang templo. Subalit ito ay lubusang tinupok! Niliwanag ng hula ni Jesus na ititiwangwang ang Jerusalem at na lubusang wawasakin ang templo.—Marcos 13:1, 2.
[Blurb sa pahina 5]
Naghahanap ang mga tao ng sagot sa nakaliligalig na mga tanong gaya ng, Bakit kaya napakasama ng mga bagay-bagay? Saan patungo ang sangkatauhan?
[Blurb sa pahina 6]
Sa ngayon, mahigit sa 90 porsiyento ng mga nasawi sa digmaan ay mga sibilyan
[Larawan sa pahina 7]
Natupad ang bawat detalye ng hula ni Jesus tungkol sa pagkapuksa ng Jerusalem