Lakasan Ninyo ang Inyong Loob Habang Papalapit na ang Katubusan
“ ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ”—JEREMIAS 1:19.
1, 2. Bakit kailangan ng sangkatauhan ang katubusan?
KATUBUSAN! Tunay ngang isang nakaaaliw na salita! Ang pagiging natubos ay nangangahulugan ng pagiging nasagip, anupat napalaya mula sa isang masama at nakalulungkot na situwasyon. Kasali rito ang ideya ng pagiging nasa isang mas mabuti, mas maligayang kalagayan.
2 Talaga namang kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang gayong katubusan sa panahong ito! Ang mga tao sa lahat ng dako ay nabibigatan at nasisiraan ng loob dahil sa mahihirap na suliranin—pangkabuhayan, panlipunan, pisikal, mental, at emosyonal. Napakarami ang di-kontento at bigo sa takbo ng mga kalagayan sa sanlibutan at nagnanais ng pagbabago ukol sa ikabubuti.—Isaias 60:2; Mateo 9:36.
“Mga Panahong Mapanganib na Mahirap Pakitunguhan”
3, 4. Bakit may higit na pangangailangan para sa katubusan ngayon?
3 Yamang ang ika-20 siglong ito ay nakaranas ng mas matinding pagdurusa kaysa sa ibang nagdaan, may higit na pangangailangan para sa katubusan ngayon kaysa kailanman. Sa ngayon, mahigit sa isang bilyon katao ang namumuhay sa labis na karukhaan, at tumataas ang bilang na iyan nang mga 25 milyon taun-taon. Bawat taon mga 13 milyong bata ang namamatay dahil sa malnutrisyon o iba pang sanhi na may kaugnayan sa karukhaan—mahigit na 35,000 sa isang araw! At milyun-milyong matatandang tao ang namamatay nang mas maaga dahil sa iba’t ibang karamdaman.—Lucas 21:11; Apocalipsis 6:8.
4 Ang mga digmaan at kaguluhang sibil ay nagdulot ng di-malirip na pagdurusa. Sinabi ng aklat na Death by Government na ang mga digmaan, alitang etniko at relihiyoso, at lansakang pamamaslang ng mga pamahalaan sa sariling mga mamamayan nito ay “pumatay ng mahigit sa 203 milyon katao sa siglong ito.” Sinabi pa nito: “Ang mga namatay ay maaaring umabot sa halos 360 milyon katao. Para bang ang ating uri ay winawasak ng isang makabagong Salot na Itim. At gayon nga ang nangyari, ngunit sa pamamagitan ng salot ng Kapangyarihan, hindi ng mga mikrobyo.” Ganito ang sabi ng manunulat na si Richard Harwood: “Ang malulupit at mararahas na digmaan ng mga siglong nakaraan ay parang mga pagsusuntukan lamang sa iskinita kung ihahambing.”—Mateo 24:6, 7; Apocalipsis 6:4.
5, 6. Bakit lubhang nakapipighati ang ating panahon?
5 Bukod pa sa nakapipighating mga kalagayan sa nakalipas na mga taon ay nariyan din ang mabilis na pagdami ng marahas na krimen, imoralidad, at pagkakawatak-watak ng pamilya. Sinabi ng dating Kalihim ng Edukasyon sa Estados Unidos na si William Bennett na tumaas ng 41 porsiyento ang populasyon ng Estados Unidos sa loob ng 30 taon, ngunit tumaas naman ng 560 porsiyento ang marahas na krimen, ng 400 porsiyento ang isinilang na mga anak sa ligaw, ng 300 porsiyento ang mga diborsiyo, at ng 200 porsiyento ang dami ng mga kabataang nagpatiwakal. Nagbabala si Propesor John DiIulio, Jr., ng Princeton University tungkol sa lumalaking bilang ng mga kabataang “ubod-galing na maninila,” na “namamaslang, nananalakay, nanghahalay, nagnanakaw, nanloloob, at lumilikha ng malulubhang kaguluhan sa komunidad. Hindi nila pinangangambahan ang kahihiyan ng pagkaaresto, ang mga hirap ng pagkabilanggo, o ang mga hapdi ng budhi.” Sa lupaing iyon, ang pagpatay sa kapuwa ay siya ngayong pangalawa sa nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga may gulang na 15 hanggang 19. At marami pang bata na wala pang apat na taóng gulang ang namamatay bunga ng pang-aabuso kaysa bunga ng sakit.
6 Hindi limitado sa isang bansa lamang ang gayong krimen at karahasan. Nag-uulat ang maraming lupain ng nakakatulad na mga kalagayan. Ang isang sanhi nito ay ang biglang pagdami ng mga ilegal na paggamit ng droga na siyang nagpapasama sa milyun-milyon. Ganito ang sabi ng Sydney Morning Herald ng Australia: “Ang pandaigdig na pagbebenta ng droga ay naging pangalawang pinakamaunlad na negosyo sa daigdig kasunod ng pagbebenta ng armas.” Ang isa pang salik ay ang karahasan at imoralidad na palasak ngayon sa telebisyon. Sa maraming bansa, pagsapit ng bata sa edad na 18, sampu-sampung libong karahasan at di-mabilang na imoral na gawain ang napanood na niya sa TV. Ito ay isang lubhang nakasasamang impluwensiya, yamang nahuhubog ang ating personalidad sa pamamagitan ng regular na ipinapasok natin sa ating isip.—Roma 12:2; Efeso 5:3, 4.
7. Paano inihula ng Bibliya ang kasalukuyang masasamang kalagayan?
7 May kawastuang inihula sa Bibliya ang kakila-kilabot na kalakarang ito ng mga pangyayari sa ating siglo. Binanggit nito na magkakaroon ng pangglobong mga digmaan, epidemya ng sakit, kakapusan sa pagkain, at paglago ng katampalasanan. (Mateo 24:7-12; Lucas 21:10, 11) At kapag isinaalang-alang natin ang hula na nakaulat sa 2 Timoteo 3:1-5, ito ay gaya ng pakikinig sa mga balita tuwing gabi. Ipinakikilala nito ang ating panahon bilang ang “mga huling araw” at inilalarawan ang mga tao bilang ‘mga maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, masuwayin sa magulang, di-matapat, walang likas na pagmamahal, walang pagpipigil-sa-sarili, mabangis, mapagmalaki sa pagmamapuri, maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.’ Ganitong-ganito ang sanlibutan sa ngayon. Gaya ng inamin ni William Bennett: “Talagang labis-labis na ang dami ng mga tanda ng . . . pagkabulok ng sibilisasyon.” Sinasabi pa nga na nagwakas ang sibilisasyon sa pamamagitan ng unang digmaang pandaigdig.
8. Bakit pinasapit ng Diyos ang Baha noong panahon ni Noe, at paano ito nauugnay sa ating panahon?
8 Lalong masama ang situwasyon ngayon kaysa noong bago ang Baha ng panahon ni Noe, nang “ang lupa ay napunô ng karahasan.” Noon, sa pangkalahatan ay tumanggi ang mga tao na magsisi mula sa kanilang masasamang daan. Kaya naman, sinabi ng Diyos: “Ang lupain ay nalipos ng karahasan dahilan sa kanila; at narito dadalhin ko sila sa kapahamakan.” Winakasan ng Delubyo ang marahas na sanlibutang iyon.—Genesis 6:11, 13; 7:17-24.
Walang Katubusan Mula sa mga Tao
9, 10. Bakit hindi tayo dapat na umasa sa mga tao para maglaan ng katubusan?
9 Mahahango kaya tayo ng mga pagsisikap ng tao mula sa masasamang kalagayang ito? Sumasagot ang Salita ng Diyos: “Huwag ilagak ang inyong tiwala sa mga maharlika, ni sa anak man ng makalupang tao, na walang kaligtasan.” “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Awit 146:3; Jeremias 10:23) Pinatunayan ng libu-libong taon ng kasaysayan ang mga katotohanang ito. Sinubukan na ng mga tao ang lahat ng maiisip na sistemang pampulitika, pang-ekonomiya, at panlipunan, ngunit naging mas masahol pa ang mga kalagayan. Kung nagkaroon man ng solusyon ang tao, kitang-kita na sana ito sa ngayon. Sa halip, ang katotohanan ay na “dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9; Kawikaan 29:2; Jeremias 17:5, 6.
10 Mga ilang taon na ang nakalipas, ganito ang sabi ng dating tagapayo sa pambansang seguridad ng Estados Unidos na si Zbigniew Brzezinski: “Ang di-maiiwasang konklusyon ng anumang patas na pagsusuri sa mga kalakaran sa daigdig ay na ang panlipunang kaguluhan, pulitikal na kaligaligan, krisis sa ekonomiya, at pandaigdig na iringan ay malamang na maging mas malawak.” Sinabi pa niya: “Ang panganib na nagbabanta sa sangkatauhan [ay] ang pangglobong anarkiya.” Ang ganitong pagtaya sa mga kalagayan sa daigdig ay lalo pang kapani-paniwala sa ngayon. Bilang pagkokomento sa panahong ito ng lumalagong karahasan, ganito ang pahayag sa isang editoryal ng Register, sa New Haven, Connecticut: “Waring malayo na ang narating natin upang mapigil pa iyon.” Hindi, hindi na mapipigil ang pagsama ng sanlibutang ito, sapagkat sinabi rin ng hula tungkol sa “mga huling araw” na ito: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.”—2 Timoteo 3:13.
11. Bakit hindi maaaring baligtarin ng mga pagsisikap ng tao ang lalong sumasamang mga kalagayan?
11 Hindi maaaring baligtarin ng mga tao ang mga kalagayang ito sapagkat si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Oo, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19; tingnan din ang Juan 14:30.) Wasto ang pagkasabi ng Bibliya tungkol sa ating panahon: “Kaabahan para sa lupa at para sa dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Batid ni Satanas na malapit nang magwakas ang kaniyang pamamahala at ang kaniyang sanlibutan, kaya siya ay gaya ng “isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.”—1 Pedro 5:8.
Malapit Na ang Katubusan—Para Kanino?
12. Para kanino malapit na ang katubusan?
12 Ang tumitinding mahihirap na kalagayan sa lupa ay malinaw na patotoo na isang malaking pagbabago—sa katunayan, isang dakilang katubusan—ang pagkalapit-lapit na! Para kanino? Malapit na ang katubusan para sa mga nagbibigay-pansin sa mga babala at kumikilos nang nararapat. Ipinakikita ng 1 Juan 2:17 kung ano ang dapat gawin: “Ang sanlibutan [sistema ng mga bagay ni Satanas] ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—Tingnan din ang 2 Pedro 3:10-13.
13, 14. Paano idiniin ni Jesus ang pangangailangang manatiling gising?
13 Inihula ni Jesus na ang masamang lipunan sa ngayon ay malapit nang mapalis sa isang panahon ng kaligaligan “gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli.” (Mateo 24:21) Ito ang dahilan kung bakit nagbabala siya: “Ngunit bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat niyaong nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap.”—Lucas 21:34-36.
14 Hahanapin niyaong mga ‘nagbibigay-pansin’ at ‘nananatiling gising’ ang kalooban ng Diyos at gagawin ito. (Kawikaan 2:1-5; Roma 12:2) Ang mga ito ang ‘magtatagumpay sa pagtakas’ mula sa pagkapuksa na sasapit sa sistema ni Satanas. At lubusan silang makapagtitiwala na sila’y tutubusin.—Awit 34:15; Kawikaan 10:28-30.
Ang Pangunahing Manunubos
15, 16. Sino ang pangunahing Manunubos, at bakit tayo nakatitiyak na magiging matuwid ang kaniyang mga kahatulan?
15 Upang matubos ang mga lingkod ng Diyos, kailangang alisin si Satanas at ang kaniyang buong pandaigdig na sistema ng mga bagay. Kailangan dito ang isang pinagmumulan ng katubusan na makapupong higit na makapangyarihan kaysa sa mga tao. Ang pinagmumulang iyan ay ang Diyos na Jehova, ang Kataas-taasang Soberano, ang makapangyarihan-sa-lahat na Maylalang ng kagila-gilalas na sansinukob. Siya ang pangunahing Manunubos: “Ako—ako ay si Jehova, at bukod sa akin ay walang tagapagligtas.”—Isaias 43:11; Kawikaan 18:10.
16 Taglay ni Jehova ang sukdulang antas ng kapangyarihan, karunungan, katarungan, at pag-ibig. (Awit 147:5; Kawikaan 2:6; Isaias 61:8; 1 Juan 4:8) Kaya kapag isinasagawa niya ang kaniyang mga kahatulan, makatitiyak tayo na matuwid ang kaniyang pagkilos. Nagtanong si Abraham: “Hindi ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?” (Genesis 18:24-33) Ibinulalas ni Pablo: “May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang maging gayon kailanman!” (Roma 9:14) Sumulat si Juan: “Oo, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, totoo at matuwid ang iyong mga panghukumang pasiya.”—Apocalipsis 16:7.
17. Paano nagpahayag ng pagtitiwala sa kaniyang mga pangako ang mga lingkod ni Jehova noon?
17 Kapag nangako si Jehova ng katubusan, walang-pagsalang tutuparin niya iyon. Sinabi ni Josue: “Wala ni isang pangako ang nabigo mula sa lahat ng mabubuting bagay na ipinangako ni Jehova.” (Josue 21:45) Ipinahayag naman ni Solomon: “Wala ni isang salita ang nabigo mula sa lahat ng kaniyang mabuting pangako na kaniyang ipinangako.” (1 Hari 8:56) Binanggit ni apostol Pablo na si Abraham ay “hindi nag-urung-sulong sa kawalan ng pananampalataya, . . . lubusang kumbinsido na ang ipinangako [ng Diyos] ay kaya rin niyang gawin.” Gayundin naman si Sara, “itinuring niyang tapat [ang Diyos] na nangako.”—Roma 4:20, 21; Hebreo 11:11.
18. Bakit makapagtitiwala ang mga lingkod ni Jehova ngayon na sila’y tutubusin?
18 Di-tulad ng mga tao, si Jehova ay lubusang mapagkakatiwalaan, tapat sa kaniyang sinalita. “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinanukala, gayon matutupad.’ ” (Isaias 14:24) Kaya kapag sinabi ng Bibliya na “alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok, ngunit magtaan ng mga taong di-matuwid para sa araw ng paghuhukom upang putulin,” lubusan tayong makapagtitiwala na mangyayari ito. (2 Pedro 2:9) Kahit na manganib na malipol ng makapangyarihang mga kaaway, may lakas ng loob ang mga lingkod ni Jehova dahil sa kaniyang saloobin, na masasalamin sa kaniyang pangako sa isa sa kaniyang mga propeta: “Sila’y tiyak na magsisilaban sa iyo, ngunit sila’y hindi mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasa-iyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ”—Jeremias 1:19; Awit 33:18, 19; Tito 1:2.
Mga Pagliligtas Noon
19. Paano tinubos ni Jehova si Lot, na may anong katumbas sa ating panahon?
19 Tayo ay lubhang mapatitibay-loob sa pamamagitan ng paggunita sa ilang pagliligtas noon ni Jehova. Halimbawa, si Lot ay “lubhang nabagabag” sa kabalakyutan ng Sodoma at Gomorra. Subalit binigyang-pansin ni Jehova ang “sigaw ng reklamo” laban sa mga lunsod na ito. Sa angkop na panahon, nagsugo siya ng mga mensahero upang himukin si Lot at ang kaniyang pamilya na lumabas kaagad sa lugar na iyon. Ang resulta? “Iniligtas [ni Jehova] ang matuwid na si Lot,” anupat ‘pinapaging abo ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra.’ (2 Pedro 2:6-8; Genesis 18:20, 21) Napapansin din naman ni Jehova sa ngayon ang mga sigaw ng reklamo hinggil sa malubhang kasamaan ng sanlibutang ito. Kapag natapos na ng kaniyang makabagong-panahong mga mensahero ang kanilang apurahang gawaing pagpapatotoo sa lawak na ibig niya, siya ay kikilos laban sa sanlibutang ito at ililigtas ang kaniyang mga lingkod gaya ng ginawa niya kay Lot.—Mateo 24:14.
20. Ilarawan ang pagtubos ni Jehova sa sinaunang Israel mula sa Ehipto.
20 Milyun-milyon sa bayan ng Diyos ang inalipin sa sinaunang Ehipto. Ganito ang sabi ni Jehova tungkol sa kanila: “Narinig ko ang kanilang paghiyaw . . . nalalaman ko nang lubos ang pasakit na kanilang dinaranas. At ako’y bababa upang iligtas sila.” (Exodo 3:7, 8) Gayunman, pagkatapos na palayain ang bayan ng Diyos, si Faraon ay nagbago ng isip at tinugis sila kasama ng kaniyang makapangyarihang hukbo. Waring nasukol na ang mga Israelita sa Dagat na Pula. Subalit sinabi ni Moises: “Huwag kayong matakot. Kayo’y tumayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova, na gagawin niya sa inyo ngayon.” (Exodo 14:8-14) Hinati ni Jehova ang Dagat na Pula, at nakatakas ang mga Israelita. Hinabol sila ng mga hukbo ni Faraon, ngunit ginamit ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan anupat “tinakpan sila ng dagat; sila’y lumubog na tulad ng tingga sa maringal na katubigan.” Pagkatapos, nagbunyi si Moises sa isang awit kay Jehova: “Sino ang kagaya mo, na pinatutunayan ang iyong sarili na makapangyarihan sa kabanalan? Ang Isa na dapat katakutan taglay ang mga awit ng papuri, ang Isa na gumagawa ng mga kababalaghan.”—Exodo 15:4-12, 19.
21. Paano naligtas ang bayan ni Jehova mula sa Ammon, Moab, at Seir?
21 Sa isa pang pagkakataon, pinagbantaang lilipulin ng kaaway na mga bansang Ammon, Moab, at Seir (Edom) ang bayan ni Jehova. Ganito ang sabi ni Jehova: “Huwag kayong matakot o mangilabot man dahilan sa lubhang karamihang ito [na kaaway]; sapagkat ang pakikipagbaka ay hindi inyo, kundi sa Diyos. . . . Hindi kayo kailangang makipaglaban . . . Kayo’y tumayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova alang-alang sa inyo.” Iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng paghahasik ng kalituhan sa mga kaaway anupat kanilang pinaslang ang isa’t isa.—2 Cronica 20:15-23.
22. Anong makahimalang katubusan mula sa Asirya ang inilaan ni Jehova para sa Israel?
22 Nang bumangon ang Pandaigdig na Kapangyarihan ng Asirya laban sa Jerusalem, tinuya ni Haring Senakerib si Jehova sa pamamagitan ng pagsasabi sa mga tao na nasa pader: “Sino sa lahat ng diyos ng mga lupaing ito [na aking sinakop] ang nakapagligtas sa kanilang lupain mula sa aking kamay anupat ililigtas ni Jehova ang Jerusalem mula sa aking kamay?” Sa mga lingkod ng Diyos ay sinabi niya: “Huwag ninyong hayaan si Hezekias na pagtiwalain kayo kay Jehova, sa pagsasabing: ‘Walang pagsalang ililigtas tayo ni Jehova.’ ” Nang magkagayo’y nanalangin nang marubdob si Hezekias para sa katubusan, “upang makilala ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, O Jehova, ang Diyos.” Nilipol ni Jehova ang 185,000 sundalong Asiryano, at natubos ang mga lingkod ng Diyos. Nang dakong huli, habang sumasamba si Senakerib sa kaniyang huwad na diyos, pinatay siya ng kaniyang mga anak.—Isaias, kabanata 36 at 37.
23. Anong mga tanong hinggil sa katubusan ang kailangang masagot sa ngayon?
23 Tiyak na lumalakas ang loob natin kapag nakikita natin kung paano makahimalang tinubos ni Jehova ang kaniyang bayan noon. Paano naman ngayon? Sa anong mapanganib na situwasyon masasadlak ang kaniyang tapat na mga lingkod anupat mangangailangan ng kaniyang makahimalang katubusan? Bakit siya naghintay hanggang sa ngayon upang tubusin sila? Ano ang magiging katuparan ng mga salita ni Jesus: “Habang ang mga bagay na ito ay nagpapasimulang maganap, tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na”? (Lucas 21:28) At paano darating ang katubusan para sa mga lingkod ng Diyos na nangamatay na? Susuriin sa susunod na artikulo ang mga tanong na ito.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Bakit may matinding pangangailangan para sa katubusan?
◻ Bakit hindi tayo dapat na umasa sa mga tao para sa katubusan?
◻ Para kanino malapit na ang katubusan?
◻ Bakit tayo makapagtitiwala sa pagtubos ni Jehova?
◻ Anong mga halimbawa ng katubusan noon ang nakapagpapasigla?
[Larawan sa pahina 10]
Kabilang si Abraham sa mga lubusang nagtiwala kay Jehova