“Gumamit ng Kaunawaan ang Mambabasa”
“Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.”—MATEO 24:15, 16.
1. Ano ang ibinunga ng babalang ibinigay ni Jesus na masusumpungan sa Lucas 19:43, 44?
ANG pagiging alisto natin sa pagdating ng isang kalamidad ay magpapangyari sa atin na maiwasan ito. (Kawikaan 22:3) Kaya gunigunihin ang kalagayan ng mga Kristiyano sa Jerusalem matapos sumalakay ang mga Romano noong 66 C.E. Nagbabala si Jesus na ang lunsod ay palilibutan at wawasakin. (Lucas 19:43, 44) Hindi siya pinansin ng karamihan sa mga Judio. Ngunit pinakinggan ng kaniyang mga alagad ang kaniyang babala. Bunga nito, sila’y naligtas mula sa kapahamakan noong 70 C.E.
2, 3. Bakit tayo dapat na maging interesado sa hula ni Jesus na nakaulat sa Mateo 24:15-21?
2 Sa isang hula na may mga pahiwatig para sa atin ngayon, binalangkas ni Jesus ang isang kabuuang tanda na kinabibilangan ng mga digmaan, kakapusan sa pagkain, lindol, salot, at pag-uusig sa mga Kristiyanong nangangaral ng tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:4-14; Lucas 21:10-19) Nagbigay rin si Jesus ng isang pahiwatig na tutulong sa kaniyang mga alagad upang malaman na malapit na ang wakas—isang ‘kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang na nakatayo sa isang dakong banal.’ (Mateo 24:15) Muli nating suriin ang makahulugang pananalitang iyon upang maunawaan kung paano maaaring makaapekto ang mga ito sa ating buhay ngayon at sa hinaharap.
3 Matapos balangkasin ang tanda, sinabi ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, (gumamit ng kaunawaan ang mambabasa,) kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba upang kunin ang mga pag-aari mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa bahay upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! Patuloy na manalangin na ang pagtakas ninyo ay huwag mangyari sa panahon ng taglamig, ni sa araw ng sabbath; sapagkat kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan.”—Mateo 24:15-21.
4. Ano ang nagpapakita na nagkaroon ng katuparan ang Mateo 24:15 noong unang siglo?
4 Naglalaan ng karagdagang detalye ang salaysay nina Marcos at Lucas. Kung saan gumamit si Mateo ng “nakatayo sa isang dakong banal,” ang Marcos 13:14 naman ay nagsabi ng “nakatayo kung saan hindi dapat.” Idinagdag ng Lucas 21:20 ang mga salita ni Jesus: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na.” Tumutulong ito sa atin na maunawaang kasangkot sa unang katuparan ang pagsalakay ng mga Romano sa Jerusalem at sa templo nito—isang dakong banal para sa mga Judio ngunit hindi na banal para kay Jehova—na nagsimula noong 66 C.E. Naganap ang lubusang pagtitiwangwang nang wasakin ng mga Romano kapuwa ang lunsod at ang templo noong 70 C.E. Ano ang “kasuklam-suklam na bagay” noon? At paano ito ‘tumayo sa isang dakong banal’? Ang sagot sa mga tanong na ito ay tutulong na liwanagin ang modernong-panahong katuparan.
5, 6. (a) Bakit mangangailangan ng kaunawaan ang mga mambabasa ng Daniel kabanata 9? (b) Paano natupad ang hula ni Jesus tungkol sa “kasuklam-suklam na bagay”?
5 Hinimok ni Jesus ang mga mambabasa na gumamit ng kaunawaan. Mambabasa ng ano? Malamang, ng Daniel kabanata 9. Doon ay masusumpungan natin ang isang hula na nagpapakita kung kailan lilitaw ang Mesiyas at humuhula na siya’y “kikitlin” pagkatapos ng tatlo at kalahating taon. Ganito ang sabi sa hula: “Darating na nasa pakpak ng mga kasuklam-suklam na bagay yaong isa na sanhi ng pagkatiwangwang; at hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.”—Daniel 9:26, 27; tingnan din ang Daniel 11:31; 12:11.
6 Inakala ng mga Judio na ito’y kumakapit sa paglapastangan ni Antiochus IV sa templo mga 200 taon bago nito. Subalit iba naman ang ipinakita ni Jesus, anupat humimok ng paggamit ng kaunawaan sapagkat “ang kasuklam-suklam na bagay” ay lilitaw at tatayo pa lamang sa “isang dakong banal.” Maliwanag na tinutukoy ni Jesus ang hukbong Romano na darating noong 66 C.E. taglay ang pagkakakilanlang mga sagisag. Ang gayong mga sagisag, na matagal nang ginagamit, ay masasabing mga idolo na nga at kasuklam-suklam sa mga Judio.a Subalit kailan sila ‘tatayo sa isang dakong banal’? Nangyari ito nang sumalakay ang hukbong Romano, taglay ang mga sagisag nito, sa Jerusalem at sa templo nito, na itinuturing na banal ng mga Judio. Sinimulan pa ngang sirain ng mga Romano ang pader sa lugar ng templo. Tunay, ang isang bagay na matagal nang kasuklam-suklam ay nakatayo ngayon sa isang dakong banal!—Isaias 52:1; Mateo 4:5; 27:53; Gawa 6:13.
Isang Modernong-Panahong “Kasuklam-suklam na Bagay”
7. Anong hula ni Jesus ang natutupad sa ating panahon?
7 Mula noong Digmaang Pandaigdig I, nasaksihan natin ang mas malaking katuparan ng tanda ni Jesus na nakaulat sa Mateo kabanata 24. Gayunman, alalahanin ang kaniyang mga salita: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mateo 24:15, 16) Tiyak na may katuparan din naman sa panahon natin ang bahaging ito ng hula.
8. Sa loob ng maraming taon, paano ipinakikilala ng mga Saksi ni Jehova “ang kasuklam-suklam na bagay” sa modernong panahon?
8 Upang ipakita ang pagtitiwala ng mga lingkod ni Jehova na matutupad ang hulang ito, ang The Watchtower ng Enero 1, 1921, ay nagtuon dito ng pansin kaugnay sa mga pangyayari sa Gitnang Silangan. Sumunod, sa Disyembre 15, 1929, na isyu nito, sa pahina 374, buong-katiyakang sinabi ng The Watchtower: “Ang buong hilig ng Liga ng mga Bansa ay ang ilayo ang mga tao sa Diyos at kay Kristo, at sa gayo’y isa itong nakalulungkot na bagay, ang gawa ni Satanas, at nakaririmarim sa paningin ng Diyos.” Kaya noong 1919, lumitaw “ang kasuklam-suklam na bagay.” Nang maglaon, ang Liga ay nagbigay-daan sa Nagkakaisang mga Bansa. Matagal nang inilalantad ng mga Saksi ni Jehova ang mga organisasyong ito ng tao ukol sa kapayapaan bilang kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos.
9, 10. Paanong ang isang naunang pagkaunawa sa malaking kapighatian ay nakaimpluwensiya sa ating pangmalas kung kailan tatayo sa isang dakong banal “ang kasuklam-suklam na bagay”?
9 Binuod sa naunang artikulo ang isang mas malinaw na pangmalas sa kalakhang bahagi ng Mateo kabanata 24 at 25. Kailangan ba ang ilang paglilinaw hinggil sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’? Tila gayon nga. Malapit na iniuugnay ng hula ni Jesus ang ‘pagtayo sa isang dakong banal’ sa pagsiklab ng inihulang “kapighatian.” Kaya naman, bagaman matagal nang umiiral “ang kasuklam-suklam na bagay,” ang kaugnayan sa ‘pagtayo nito sa isang dakong banal’ at sa malaking kapighatian ay dapat makaapekto sa ating pag-iisip. Paano?
10 Ang pagkaunawa noon ng bayan ng Diyos ay na ang unang yugto ng malaking kapighatian ay nagsimula noong 1914 at na ang huling yugto ay sasapit sa labanan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16; ihambing ang The Watchtower, Abril 1, 1939, pahina 110.) Kaya, mauunawaan natin kung bakit dating inakala na ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay” ay tiyak na tumayo sa isang dakong banal karaka-raka pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I.
11, 12. Noong 1969, ano ang iniharap na bagong pananaw tungkol sa malaking kapighatian?
11 Gayunman, nang sumunod na mga taon ay naunawaan natin ang mga bagay-bagay sa ibang paraan. Noong Huwebes, Hulyo 10, 1969, sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa New York City, nagbigay si F. W. Franz, bise presidente noon ng Watch Tower Bible and Tract Society, ng isang lubhang kapana-panabik na pahayag. Sa pagrerepaso sa naunang pagkaunawa sa hula ni Jesus, sinabi ni Brother Franz: “Ipinaliwanag na ang ‘malaking kapighatian’ ay nagsimula noong 1914 C.E. at na hindi ito pinahintulutang lubusang maganap noon kundi pinahinto ng Diyos ang Digmaang Pandaigdig I noong Nobyembre ng 1918. Mula noon, pinahihintulutan ng Diyos ang isang yugto ng panahon para sa gawain ng kaniyang pinahirang nalabi ng piniling mga Kristiyano bago niya hayaang magpatuloy ang huling bahagi ng ‘malaking kapighatian’ sa digmaan ng Armagedon.”
12 Pagkatapos, isang lubhang binagong paliwanag ang ibinigay: “Upang makasuwato ng mga pangyayari noong unang siglo, . . . ang antitipikong ‘malaking kapighatian’ ay hindi nagsimula noong 1914 C.E. Sa halip, ang nangyari sa modernong antitipo ng Jerusalem noong 1914-1918 ay ‘isa [lamang] pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan’ . . . Ang ‘malaking kapighatian’ na hindi na mangyayari pang muli ay sa hinaharap pa, sapagkat nangangahulugan ito ng pagkapuksa ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon (kasali na ang Sangkakristiyanuhan) na susundan ng ‘digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat’ sa Armagedon.” Nangahulugan ito na ang buong malaking kapighatian ay sa hinaharap pa.
13. Bakit makatuwiran na sabihing sa hinaharap pa ‘tatayo sa isang dakong banal’ ang “kasuklam-suklam na bagay”?
13 May tuwirang kaugnayan ito sa pag-unawa kung kailan tatayo “ang kasuklam-suklam na bagay” sa isang dakong banal. Alalahanin ang nangyari noong unang siglo. Sinalakay ng mga Romano ang Jerusalem noong 66 C.E., ngunit bigla silang umurong, na nagpangyaring makaligtas ang Kristiyanong “laman.” (Mateo 24:22) Alinsunod dito, inaasahan natin na malapit nang magsimula ang malaking kapighatian, ngunit paiikliin ito alang-alang sa mga pinili ng Diyos. Pansinin ang pangunahing puntong ito: Sa sinaunang parisan, ‘ang kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’ ay iniugnay sa pagsalakay ng mga Romano sa ilalim ni Heneral Gallus noong 66 C.E. Ang modernong-panahong katumbas ng pagsalakay na iyan—ang pagsiklab ng malaking kapighatian—ay sa hinaharap pa. Kaya “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang,” na umiiral noon pa mang 1919, sa wari ay tatayo pa lamang sa isang dakong banal.b Paano ito mangyayari? At paano tayo maaaring maapektuhan nito?
Pagsalakay sa Hinaharap
14, 15. Paano tumutulong sa atin ang Apocalipsis kabanata 17 upang maunawaan ang mga pangyayaring hahantong sa Armagedon?
14 Inilalarawan ng aklat ng Apocalipsis ang mapamuksang pagsalakay sa huwad na relihiyon sa hinaharap. Binabalangkas sa kabanata 17 ang hatol ng Diyos laban sa “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot”—ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang Sangkakristiyanuhan ay gumaganap ng isang pangunahing bahagi at nag-aangking may pakikipagtipang kaugnayan sa Diyos. (Ihambing ang Jeremias 7:4.) Ang huwad na mga relihiyon, kasali na ang Sangkakristiyanuhan, ay matagal nang may mahalay na kaugnayan sa “mga hari sa lupa,” ngunit magwawakas ito kapag itiniwangwang na ang mga relihiyong iyon. (Apocalipsis 17:2, 5) Sa mga kamay nino?
15 Inilalarawan ng Apocalipsis ang “isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop” na iiral sa loob ng isang panahon, mawawala, at saka muling lilitaw. (Apocalipsis 17:3, 8) Ang hayop na ito ay tinatangkilik ng mga tagapamahala sa lupa. Ang mga detalyeng inilaan sa hula ay tumutulong sa atin na makilala ang makasagisag na hayop na ito bilang isang organisasyong pangkapayapaan na umiral noong 1919 na siyang Liga ng mga Bansa (isang “kasuklam-suklam na bagay”) at ngayo’y ang Nagkakaisang mga Bansa. Ipinakikita ng Apocalipsis 17:16, 17 na ilalagay pa ng Diyos sa puso ng ilang tagapamahalang tao na prominente sa “hayop” na ito ang pagtiwangwang sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang pagsalakay na iyan ay palatandaan ng pagsiklab ng malaking kapighatian.
16. Anong kapansin-pansing mga pangyayari ang nagaganap na kinasasangkutan ng relihiyon?
16 Yamang sa hinaharap pa ang pasimula ng malaking kapighatian, sa hinaharap pa ba ang ‘pagtayo sa isang dakong banal’? Tila gayon nga. Bagaman lumitaw “ang kasuklam-suklam na bagay” sa pagsisimula ng siglong ito at sa gayo’y umiiral na sa loob ng mga dekada, hindi na magtatagal at pupuwesto ito sa isang natatanging paraan “sa isang dakong banal.” Kung paanong tiyak na matamang nagbantay ang mga tagasunod ni Kristo noong unang siglo upang makita kung paano mangyayari ang ‘pagtayo sa isang dakong banal,’ gayundin ang ginagawa ng mga Kristiyano sa ngayon. Totoo, kailangan nating maghintay sa aktuwal na katuparan upang malaman natin ang lahat ng detalye. Gayunman, kapansin-pansin na sa ilang lupain, nahahalata at tumitindi na ang pagkayamot sa relihiyon. Ang ilang pulitikal na elemento, kasama ng mga dating Kristiyano na humiwalay sa tunay na pananampalataya, ay nagsusulsol ng poot laban sa relihiyon sa pangkalahatan at lalo na sa mga tunay na Kristiyano. (Awit 94:20, 21; 1 Timoteo 6:20, 21) Bunga nito, ngayon pa lamang ay ‘nakikipagbaka na sa Kordero’ ang pulitikal na mga kapangyarihan, at gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 17:14, titindi pa ang labanang ito. Yamang hindi nila literal na masusunggaban ang Kordero ng Diyos—si Jesu-Kristo sa kaniyang matayog at niluwalhating kalagayan—ibubuhos nila ang kanilang pagsalansang sa mga tunay na mananamba sa Diyos, sa kaniyang “mga banal” lalung-lalo na. (Daniel 7:25; ihambing ang Roma 8:27; Colosas 1:2; Apocalipsis 12:17.) May katiyakan tayo mula sa Diyos na magtatagumpay ang Kordero at yaong mga kasama niya.—Apocalipsis 19:11-21.
17. Sa paraang hindi dogmatiko, ano ang maaari nating sabihin tungkol sa kung paano tatayo sa isang dakong banal “ang kasuklam-suklam na bagay”?
17 Alam natin na pagkatiwangwang ang naghihintay sa huwad na relihiyon. Ang Babilonyang Dakila ay “lasing sa dugo ng mga banal” at umaastang gaya ng isang reyna, ngunit tiyak na ang kaniyang pagkapuksa. Biglang mababago ang kaniyang maruming impluwensiya sa mga hari sa lupa sapagkat ang ugnayang iyan ay magiging marahas na pagkapoot sa bahagi ng ‘sampung sungay at mabangis na hayop.’ (Apocalipsis 17:6, 16; 18:7, 8) Kapag sinalakay ng “kulay matingkad-pulang mabangis na hayop” ang relihiyosong patutot, “ang kasuklam-suklam na bagay” ay tatayo sa isang nagbabantang paraan sa tinaguriang banal na dako ng Sangkakristiyanuhan.c Kaya magsisimula ang pagtitiwangwang sa walang-pananampalatayang Sangkakristiyanuhan, na naglalarawan sa sarili bilang banal.
“Tumakas”—Paano?
18, 19. Anong mga dahilan ang ibinigay upang ipakita na ang ‘pagtakas tungo sa mga bundok’ ay hindi nangangahulugan ng pagbabago ng relihiyon?
18 Matapos ihula ‘ang pagtayo ng kasuklam-suklam na bagay sa isang dakong banal,’ binabalaan ni Jesus ang mga taong may unawa na sila’y kumilos na. Ang ibig ba niyang sabihin ay na sa dakong huli—kapag “ang kasuklam-suklam na bagay” ay “nakatayo sa isang dakong banal”—maraming tao ang tatakas mula sa huwad na relihiyon at yayakap sa tunay na pagsamba? Hindi naman. Tingnan ang unang katuparan. Sinabi ni Jesus: “Yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok. Ang tao na nasa tuktok ng bahay ay huwag bumaba, ni pumasok man upang kumuha ng anumang bagay mula sa kaniyang bahay; at ang tao na nasa bukid ay huwag bumalik sa mga bagay sa likuran upang kunin ang kaniyang panlabas na kasuutan. Kaabahan sa mga babaing nagdadalang-tao at doon sa mga nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! Patuloy na manalangin na huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig.”—Marcos 13:14-18.
19 Hindi sinabi ni Jesus na yaong nasa Jerusalem lamang ang kailangang umurong, na para bang ang ibig niyang sabihin ay kailangan nilang lumabas mula sa sentro ng pagsambang Judio; ni binanggit man sa kaniyang babala ang tungkol sa pagbabago ng relihiyon—ang pagtakas mula sa huwad at ang pagsasagawa ng tunay. Tiyak na hindi kailangan ng mga alagad ni Jesus ang babala tungkol sa pagtakas mula sa isang relihiyon patungo sa iba; sila’y naging tunay na mga Kristiyano na. At ang pagsalakay noong 66 C.E. ay hindi nag-udyok sa mga nagsasagawa ng Judaismo sa Jerusalem at sa buong Judea na iwan ang relihiyong iyan at tanggapin ang Kristiyanismo. Sinabi ni Propesor Heinrich Graetz na yaong mga tumugis sa tumatakas na mga Romano ay nagbalik sa lunsod: “Ang mga Zealot, na sumisigaw ng nagbubunying mga awiting pandigma, ay nagbalik sa Jerusalem (ika-8 ng Oktubre), anupat galak na galak ang kanilang puso dahil sa inaasahang kalayaan at kasarinlan. . . . Hindi ba sila tinulungan ng Diyos kung paanong buong-awang tinulungan Niya ang kanilang mga ninuno? Wala sa puso ng mga Zealot ang takot sa hinaharap.”
20. Paano tumugon ang mga unang alagad sa babala ni Jesus na tumakas patungo sa mga bundok?
20 Kung gayon, paano sumunod sa payo ni Jesus ang medyo maliit na bilang noon ng mga pinili? Sa pamamagitan ng pag-alis sa Judea at pagtakas patungo sa mga bundok sa kabila ng Jordan, ipinakita nila na hindi sila bahagi ng sistemang Judio, sa pulitikal man o sa relihiyosong paraan. Iniwan nila ang mga bukid at mga tahanan, anupat ni hindi kinuha ang kanilang mga kagamitan mula sa kanilang mga tahanan. Palibhasa’y nagtitiwala sa proteksiyon at suporta ni Jehova, ang pagsamba sa kaniya ang kanilang inuna kaysa sa lahat ng iba pang bagay na waring mahalaga.—Marcos 10:29, 30; Lucas 9:57-62.
21. Ano ang hindi natin dapat asahan kapag sumalakay “ang kasuklam-suklam na bagay”?
21 Ngayon, isaalang-alang ang mas malaking katuparan. Maraming dekada na nating hinihimok ang mga tao na lumabas sa huwad na relihiyon at yakapin ang tunay na pagsamba. (Apocalipsis 18:4, 5) Milyun-milyon na ang gumawa nito. Hindi ipinahihiwatig ng hula ni Jesus na pulu-pulutong ang babaling sa tunay na pagsamba kapag sumiklab na ang malaking kapighatian; tiyak, hindi maraming Judio ang nakumberte noong 66 C.E. Gayunman, may malaking pangganyak ang mga tunay na Kristiyano upang ikapit ang babala ni Jesus at tumakas.
22. Maaaring ano ang masangkot sa pagkakapit natin ng payo ni Jesus na tumakas patungo sa mga bundok?
22 Hindi natin maaaring taglayin sa ngayon ang buong mga detalye tungkol sa malaking kapighatian, ngunit makatuwirang masasabi natin na sa ganang atin, ang pagtakas na binanggit ni Jesus ay hindi tumutukoy sa lugar. Ang bayan ng Diyos ay nasa buong daigdig na, halos nasa lahat na ng lugar. Subalit makatitiyak tayo na kapag kailangang tumakas, dapat na patuloy na panatilihin ng mga Kristiyano ang malinaw na pagkakaiba ng kanilang sarili at ng huwad na relihiyosong mga organisasyon. Kapansin-pansin din na nagbabala si Jesus na huwag nang magbalik sa bahay ng isa upang kunin ang mga kasuutan o iba pang gamit. (Mateo 24:17, 18) Kaya maaaring may mga pagsubok sa hinaharap tungkol sa kung paano natin minamalas ang materyal na mga bagay; ang mga ito ba ang siyang pinakamahalagang bagay, o higit na mahalaga ang kaligtasang darating sa lahat ng nasa panig ng Diyos? Oo, ang ating pagtakas ay maaaring magsangkot ng ilang paghihirap at pagkakait. Kakailanganin nating maging handang gumawa ng anumang nararapat, gaya ng ginawa ng mga katumbas natin noong unang siglo na tumakas mula sa Judea patungong Perea, sa kabila ng Jordan.
23, 24. (a) Saan lamang tayo makasusumpong ng proteksiyon? (b) Ano ang dapat na maging epekto sa atin ng babala ni Jesus tungkol sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal’?
23 Talagang nakatitiyak tayo na ang ating kaligtasan ay mananatiling kay Jehova at sa kaniyang tulad-bundok na organisasyon. (2 Samuel 22:2, 3; Awit 18:2; Daniel 2:35, 44) Doon natin masusumpungan ang proteksiyon! Hindi natin tutularan ang karamihan sa sangkatauhan na tatakas patungo sa “mga yungib” at magtatago sa “malalaking bato ng mga bundok”—ang mga organisasyon at institusyon ng tao na maaaring manatili nang napakaikling panahon matapos itiwangwang ang Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 6:15; 18:9-11) Totoo, maaaring maging lalong mahirap ang panahon—gaya ng maaaring nangyari noong 66 C.E. sa mga babaing nagdadalang-tao na tumakas sa Judea o sa sinuman na kinailangang maglakbay sa isang panahong malamig at maulan. Ngunit makatitiyak tayo na pangyayarihin ng Diyos ang ating kaligtasan. Ngayon pa lamang ay patibayin na natin ang ating pananalig kay Jehova at sa kaniyang Anak, na ngayo’y namamahala na bilang Hari sa Kaharian.
24 Walang dahilan para mabuhay tayo na natatakot sa mangyayari. Hindi ninais ni Jesus na matakot ang mga alagad niya noon, at hindi niya nais na matakot din naman tayo ngayon, o sa mga araw na darating. Binabalaan niya tayo upang maihanda natin ang ating puso at isip. Tutal, hindi parurusahan ang masunuring mga Kristiyano kapag sumapit ang pagpuksa sa huwad na relihiyon at sa nalalabing bahagi ng balakyot na sistemang ito. Kanilang mauunawaan at susundin ang babala tungkol sa ‘kasuklam-suklam na bagay na nakatayo sa isang dakong banal.’ At sila’y tiyakang kikilos ayon sa kanilang di-natitinag na pananampalataya. Huwag nawa nating kalimutan kailanman ang ipinangako ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—Marcos 13:13.
[Mga talababa]
a “Ang mga Romanong sagisag ay iniingatan sa mga templo sa Roma taglay ang relihiyosong pagpipitagan; at ang pagpipitagan ng bayang ito sa kanilang mga sagisag ay katumbas ng kanilang kahigitan sa ibang bansa . . . [Sa mga sundalo, iyon na] marahil ang pinakasagradong bagay na nasa lupa. Ang Romanong kawal ay nanunumpa sa pamamagitan ng kaniyang sagisag.”—The Encyclopædia Britannica, Ika-11 Edisyon.
b Dapat tandaan na samantalang ang katuparan ng mga salita ni Jesus noong 66-70 C.E. ay makatutulong sa atin na maunawaan kung paano matutupad ang mga ito sa malaking kapighatian, ang dalawang katuparan ay hindi eksaktong magkapareho sapagkat nagaganap ang katuparan sa magkaibang mga kalagayan.
c Tingnan ang The Watchtower, Disyembre 15, 1975, pahina 741-4.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano inihayag ng “kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang” ang sarili nito noong unang siglo?
◻ Bakit makatuwirang isipin na ang modernong-panahong “kasuklam-suklam na bagay” ay tatayo sa isang dakong banal sa isang panahon sa hinaharap?
◻ Anong pagsalakay ng isang “kasuklam-suklam na bagay” ang inihula sa Apocalipsis?
◻ Anong uri ng ‘pagtakas’ ang kakailanganin nating gawin?
[Larawan sa pahina 16]
Ang Babilonyang Dakila ay tinawag na “ang ina ng mga patutot”
[Larawan sa pahina 17]
Ang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop sa Apocalipsis kabanata 17 ang siyang “kasuklam-suklam na bagay” na binanggit ni Jesus
[Larawan sa pahina 18]
Pangungunahan ng kulay matingkad-pulang mabangis na hayop ang mapamuksang pagsalakay sa relihiyon