Apocalipsis kay Juan
18 Pagkatapos nito, nakakita ako ng isa pang anghel na may malaking awtoridad at bumababa mula sa langit, at nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatian niya. 2 At sumigaw siya nang napakalakas: “Bumagsak na siya! Bumagsak na ang Babilonyang Dakila,+ at siya ay naging tahanan ng mga demonyo at tirahan ng bawat masamang* espiritu* at ng bawat marumi at kinasusuklamang ibon!+ 3 Dahil sa kaniyang alak ng matinding pagnanasa sa seksuwal na imoralidad,* nabiktima ang lahat ng bansa,+ at ang mga hari sa lupa ay nagkasala ng seksuwal na imoralidad kasama niya,+ at ang mga negosyante* sa lupa ay yumaman dahil sa kaniyang walang-kahihiyang karangyaan.”
4 At narinig ko ang isa pang tinig mula sa langit na nagsabi: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko,+ kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya, at kung ayaw ninyong madamay sa mga salot niya.+ 5 Dahil ang mga kasalanan niya ay nagkapatong-patong at umabot na sa langit,+ at inalaala ng Diyos ang mga ginawa niyang kawalang-katarungan.*+ 6 Ibalik mo sa kaniya ang masamang trato niya sa iba,+ at doblihin mo pa;+ sa kopa+ na pinaghaluan niya ng inumin, maghalo kayo nang doble para sa kaniya.+ 7 Kung paanong labis niyang niluwalhati ang sarili niya at nagpakasasa siya sa walang-kahihiyang karangyaan, labis ding pahirap at dalamhati ang ibigay ninyo sa kaniya. Dahil patuloy niyang sinasabi sa sarili niya: ‘Ako ay isang reyna, at hindi ako biyuda, at hindi ako kailanman magdadalamhati.’+ 8 Iyan ang dahilan kung bakit sa isang araw ay darating ang mga salot niya, ang kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin,+ dahil ang Diyos na Jehova,* na humatol sa kaniya, ay malakas.+
9 “At ang mga hari sa lupa na nagkasala ng seksuwal na imoralidad* kasama niya at namuhay sa walang-kahihiyang karangyaan kasama niya ay hahagulgol, at susuntukin nila ang dibdib nila sa pagdadalamhati sa kaniya kapag nakita nila ang usok mula sa pagsunog sa kaniya. 10 Tatayo sila sa malayo dahil sa takot nila sa pagpapahirap sa kaniya at sasabihin: ‘Kaawa-awa, kaawa-awa ka, ikaw na dakilang lunsod,+ O Babilonya, ikaw na matibay na lunsod, dahil sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!’
11 “Gayundin, ang mga negosyante sa lupa ay umiiyak at nagdadalamhati sa kaniya, dahil wala nang bibili ng mga paninda nila, 12 mga panindang ginto, pilak, mamahaling bato, perlas, magandang klase ng lino, purpurang tela, seda, at matingkad-na-pulang tela; at lahat ng bagay na yari sa mabangong kahoy; at iba’t ibang uri ng produkto na yari sa garing* at sa mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol; 13 pati kanela,* mababangong sangkap mula sa India, insenso, mabangong langis, olibano, alak, langis ng olibo, magandang klase ng harina, trigo, baka, tupa, kabayo, karwahe, alipin, at mga tao. 14 Oo, ang masasarap na prutas na gustong-gusto mo ay kinuha na sa iyo, at ang lahat ng masasarap na pagkain at ang magagandang bagay ay nawala na sa iyo at hindi na makikita pang muli.
15 “Ang mga negosyante na nagbebenta ng mga ito, na yumaman dahil sa kaniya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot nila sa pagpapahirap sa kaniya at iiyak at magdadalamhati, 16 at sasabihin nila: ‘Kaawa-awa, kaawa-awa siya, ang dakilang lunsod, na nadaramtan ng magandang klase ng lino, purpura, at matingkad na pula at nakasuot ng maraming alahas na ginto, mamahaling bato, at perlas,+ 17 dahil sa isang oras ay nawasak ang gayon kalaking kayamanan!’
“At ang bawat kapitan ng barko at ang bawat taong naglalakbay sa dagat at ang mga mandaragat at ang lahat ng naghahanapbuhay sa dagat ay tumayo sa malayo 18 at sumigaw habang nakatingin sa usok mula sa pagsunog sa kaniya at nagsabi: ‘Anong lunsod ang tulad ng dakilang lunsod?’ 19 Nagsaboy sila ng alabok sa mga ulo nila at sumigaw, at umiyak sila at nagdalamhati at nagsabi: ‘Kaawa-awa, kaawa-awa siya, ang dakilang lunsod, na ang kayamanan ay nagpayaman sa lahat ng may barko sa dagat, dahil sa isang oras ay nawasak siya!’+
20 “Matuwa ka sa nangyari sa kaniya, O langit,+ kayo ring mga banal+ at mga apostol at mga propeta, dahil ang Diyos ay naghayag na ng hatol sa kaniya para sa inyo!”+
21 At binuhat ng isang malakas na anghel ang isang bato na gaya ng isang malaking gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat, at sinabi niya: “Ganoon kabilis ihahagis ang Babilonya na dakilang lunsod, at hindi na siya makikita pang muli.+ 22 At ang tinig ng mga mang-aawit na sinasabayan ng pagtugtog ng alpa at ang pagtugtog ng mga musikero, ng mga plawtista, at ng mga humihihip ng trumpeta ay hindi na maririnig pang muli sa iyo. At walang bihasang manggagawa ng anumang hanapbuhay ang makikita pang muli sa iyo, at wala nang tunog ng gilingang-bato ang maririnig pang muli sa iyo. 23 Wala nang liwanag ng lampara ang sisinag pang muli sa iyo, at wala nang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaeng ikakasal ang maririnig pang muli sa iyo; dahil ang mga negosyante mo ang pinakaprominenteng mga tao sa mundo, at dahil sa espiritistiko mong mga gawain+ ay naligaw ang lahat ng bansa. 24 Oo, nakita sa kaniya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal+ at ng lahat ng pinatay sa lupa.”+