AMEN
Kapuwa sa Tagalog at sa Griego, ang salitang ito ay transliterasyon ng Hebreong ʼa·menʹ. Nangangahulugan ito na “mangyari nawa,” o “tiyak nga.” Ang salitang-ugat na Hebreo na pinagkunan nito (ʼa·manʹ) ay nangangahulugang “maging tapat; maging mapagkakatiwalaan.”
Sa Hebreong Kasulatan, ginagamit ang salitang ito bilang isang taimtim na ekspresyon na nagpapahiwatig na tinatanggap ng isa ang mga kundisyon ng isang sumpa o tipan (Bil 5:22; Deu 27:15-26; Ne 5:13) at gayundin bilang isang taimtim na ekspresyon ng pagsang-ayon sa isang binigkas na panalangin (1Cr 16:36), sa isang papuri (Ne 8:6), o sa isang ipinahayag na layunin (1Ha 1:36; Jer 11:5). Ang bawat isa sa unang apat na aklat, o koleksiyon, ng Mga Awit ay nagwawakas sa salitang ito, marahil ay nagpapahiwatig na kaugalian noon ng kongregasyon ng Israel na sumambit ng “Amen” sa pagtatapos ng awit o salmo.—Aw 41:13; 72:19; 89:52; 106:48.
Ang salitang Hebreo na ʼa·manʹ ay ikinakapit kay Jehova bilang “ang tapat na Diyos” (Deu 7:9; Isa 49:7) at ginagamit upang ilarawan ang kaniyang mga paalaala at mga pangako bilang “mapagkakatiwalaan” at “tapat.” (Aw 19:7; 89:28, 37) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang titulong “Amen” ay ikinakapit kay Kristo Jesus bilang “ang saksing tapat at totoo.” (Apo 3:14) Ginamit ni Jesus ang ekspresyong ito sa pantanging paraan sa kaniyang pangangaral at pagtuturo, anupat napakalimit niya itong gamiting pambungad bago bumanggit ng isang bagay na totoo, isang pangako, o isang hula, sa gayo’y idiniriin na talagang tunay at maaasahan ang kaniyang sinabi. (Mat 5:18; 6:2, 5, 16; 24:34) Sa gayong mga kaso, ang salitang Griego (a·menʹ) ay isinasalin bilang ‘katotohanan’ o kaya’y ‘katotohanang-katotohanan,’ ang doblihang anyo na ginamit sa buong aklat ng Juan. (Ju 1:51) Sinasabing ang gayong paggamit ni Jesus ng “amen” ay natatangi sa mga sagradong literatura, at angkop naman ito dahil sa kaniyang bigay-Diyos na awtoridad.—Mat 7:29.
Gayunman, gaya ng ipinakikita ni Pablo sa 2 Corinto 1:19, 20, ang titulong “Amen” ay kumakapit kay Jesus hindi lamang bilang isa na nagsasalita ng katotohanan o bilang isang tunay na propeta at tagapagsalita ng Diyos kundi gayundin bilang ang isa na sa kaniya ay natutupad ang lahat ng pangako ng Diyos. Dahil sa kaniyang landasin ng katapatan at pagkamasunurin hanggang sa kamatayan niya bilang hain, napagtibay at naging posible ang katuparan ng lahat ng pangako at kapahayagan ng layunin ng Diyos. Siya ang nabubuhay na Katotohanan ng gayong mga pagsisiwalat ng layunin ng Diyos, ng mga bagay na pinanumpaan ng Diyos.—Ihambing ang Ju 1:14, 17; 14:6; 18:37.
Ang salitang “Amen” ay ginamit nang maraming beses sa mga liham, lalo na sa mga isinulat ni Pablo, kapag ang manunulat ay nagpapahayag ng isang anyo ng papuri sa Diyos (Ro 1:25; 16:27; Efe 3:21; 1Pe 4:11) o ng kahilingang pagpakitaan ng Diyos ng pabor sa isang partikular na paraan ang mga pinadadalhan ng liham. (Ro 15:33; Heb 13:20, 21) Ginagamit din ito kapag marubdob na sumasang-ayon ang manunulat sa bagay na sinabi.—Apo 1:7; 22:20.
Ang mga panalangin sa 1 Cronica 16:36 at sa Mga Awit (41:13; 72:19; 89:52; 106:48), gayundin ang mga kapahayagan sa kanonikal na mga liham, ay pawang nagpapakita na wastong sumambit ng “Amen” sa pagtatapos ng panalangin. Totoo na hindi sa lahat ng nakaulat na panalangin ay makikita ang gayong ekspresyon, gaya ng pangwakas na panalangin ni David para kay Solomon (1Cr 29:19) o ng panalangin ni Solomon noong ialay ang templo (1Ha 8:53-61), bagaman malamang na sinambit din noon ang ekspresyong iyon. (Pansinin ang 1Cr 29:20.) Gayundin, hindi iniulat na ginamit iyon sa mga panalangin ni Jesus (Mat 26:39, 42; Ju 17:1-26) o sa panalangin ng mga alagad sa Gawa 4:24-30. Gayunman, malinaw na ipinakikita ng mas naunang katibayan na tama ang pagsambit ng “Amen” sa pagtatapos ng panalangin, at partikular na ipinakikita ng sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 14:16 na kaugalian noon ng mga Kristiyanong nagtitipon ang sumambit ng Amen sa pagtatapos ng panalangin. Karagdagan pa, ang mga halimbawa ng mga nasa langit, na nakaulat sa Apocalipsis 5:13, 14; 7:10-12; at 19:1-4, ay pawang sumusuporta sa pagsambit ng Amen bilang pag-ayon sa mga panalangin o sa taimtim na mga kapahayagan, anupat sa pamamagitan lamang ng isang salita, ipinahahayag nila ang pagtitiwala, lubos na pagsang-ayon, at marubdob na pag-asa na nasa kanilang puso.