Mga Panahon at Kapanahunan sa Kamay ni Jehova
“Hindi sa inyo ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.”—GAWA 1:7.
1. Paano sinagot ni Jesus ang tanong ng kaniyang mga apostol may kinalaman sa panahon?
ANO pa nga ba ang mas natural para sa mga “nagbubuntung-hininga at nagsisidaing dahil sa lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginagawa” sa Sangkakristiyanuhan at sa buong lupa kundi ang itanong kung kailan magwawakas ang balakyot na sistemang ito at hahalinhan ng matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos? (Ezekiel 9:4; 2 Pedro 3:13) Ang mga apostol ni Jesus ay nagtanong sa kaniya may kinalaman sa panahon nang malapit na siyang mamatay at matapos siyang buhaying muli. (Mateo 24:3; Gawa 1:6) Subalit bilang tugon, hindi nagbigay si Jesus sa kanila ng paraan ng pagtantiya sa mga petsa. Minsan ay binigyan niya sila ng isang kabuuang tanda, at minsan naman ay sinabi niya na ‘hindi sa kanila ang alamin ang mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling hurisdiksiyon.’—Gawa 1:7.
2. Bakit masasabi na hindi laging nalalaman ni Jesus ang talaorasan ng kaniyang Ama sa kaganapan ng mga pangyayari sa panahon ng kawakasan?
2 Bagaman si Jesus ang bugtong na Anak ni Jehova, siya mismo ay hindi laging nakaaalam sa talaorasan ng kaniyang Ama para sa mga pangyayari. Sa kaniyang hula hinggil sa mga huling araw, buong-pagpapakumbabang inamin ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:36) Si Jesus ay handang maghintay nang may pagtitiyaga hanggang sa isiwalat sa kaniya ng kaniyang Ama ang eksaktong panahon para puksain ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay.a
3. Ano ang maaari nating matutuhan mula sa kasagutan ni Jesus sa mga tanong hinggil sa layunin ng Diyos?
3 Dalawang bagay ang mahihiwatigan mula sa paraan ng pagsagot ni Jesus sa mga tanong hinggil sa kung kailan magaganap ang mga pangyayari bilang katuparan ng layunin ng Diyos. Una, na si Jehova ay may talaorasan; at pangalawa, na siya lamang ang nagtatakda nito, at hindi makaaasa ang kaniyang mga lingkod na bibigyan sila ng eksaktong patiunang impormasyon tungkol sa kaniyang mga panahon at kapanahunan.
Mga Panahon at Kapanahunan ni Jehova
4. Ano ang mga kahulugan ng mga Griegong salita na isinaling “mga panahon” at “mga kapanahunan” sa Gawa 1:7?
4 Ano ang ibig sabihin ng “mga panahon” at “mga kapanahunan”? Dalawang aspekto ng panahon ang nilalaman ng pangungusap ni Jesus na nakaulat sa Gawa 1:7. Ang salitang Griego na isinaling “mga panahon” ay nangangahulugan ng “panahon sa diwa ng tagal,” isang yugto ng panahon (mahaba o maikli). Ang “mga kapanahunan” ay siyang salin ng isang salitang tumutukoy sa isang itinakda o itinalagang panahon, isang partikular na kapanahunan, o yugto, na kakikitaan ng ilang katangian. Hinggil sa dalawang orihinal na salitang ito, ganito ang sabi ni W. E. Vine: “Sa Gawa 1:7, ‘itinakda ng Ama ayon sa Kaniyang sariling awtoridad’ kapuwa ang mga panahon (chronos), ang haba ng mga yugto ng panahon, at ang mga kapanahunan (kairos), mga panahon na makikilala sa pamamagitan ng ilang pangyayari.”
5. Kailan ipinabatid ni Jehova kay Noe ang Kaniyang layunin na puksain ang masamang sanlibutan, at anong dalawang misyon ang tinupad ni Noe?
5 Bago ang Baha, nagtakda ang Diyos ng hanggang 120 taon para sa masamang sanlibutan na pinapangyari ng mga tao at mapaghimagsik na mga anghel na nagkatawang-tao. (Genesis 6:1-3) Ang makadiyos na si Noe ay 480 taong gulang noon. (Genesis 7:6) Siya’y walang anak at nanatiling gayon sa loob ng 20 taon pa. (Genesis 5:32) Nang maglaon, pagkatapos na tumuntong sa hustong gulang at makapag-asawa ang mga anak ni Noe, saka lamang ipinabatid ng Diyos kay Noe ang Kaniyang layunin na alisin ang kabalakyutan sa lupa. (Genesis 6:9-13, 18) Kahit na noon, bagaman ipinagkatiwala kay Noe ang dalawang atas ng pagtatayo ng daong at pangangaral sa kaniyang mga kapanahon, hindi naman isiniwalat sa kaniya ni Jehova ang kaniyang talaorasan.—Genesis 6:14; 2 Pedro 2:5.
6. (a) Paano ipinakita ni Noe na ipinaubaya niya sa kamay ni Jehova ang tungkol sa panahon? (b) Paano natin matutularan ang halimbawa ni Noe?
6 Sa loob ng mga dekada—marahil kalahating siglo—“ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos ng Diyos sa kaniya.” Ginawa iyon ni Noe “sa pamamagitan ng pananampalataya,” nang hindi nalalaman ang isang eksaktong petsa. (Genesis 6:22; Hebreo 11:7) Hindi ipinabatid sa kaniya ni Jehova ang eksaktong panahon ng mga pangyayari hanggang sa isang linggo na lamang bago nakatakdang magsimula ang Delubyo. (Genesis 7:1-5) Ang ganap na pagtitiwala at pananampalataya ni Noe kay Jehova ay nagpangyari sa kaniya na ipaubaya ang panahon sa mga kamay ng Diyos. At tiyak na laking pasasalamat ni Noe nang madama niya ang proteksiyon ni Jehova noong Baha at nang makalabas sa daong tungo sa nilinis na lupa! Habang tinatanaw ang katulad na pag-asa, hindi ba dapat tayong magpamalas ng gayong pananampalataya sa Diyos?
7, 8. (a) Paano umiral ang mga bansa at ang pandaigdig na mga kapangyarihan? (b) Sa anong paraan ‘itinalaga [ni Jehova] ang mga itinakdang panahon at ang nakalagay na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao’?
7 Matapos ang Baha, tinalikuran ng karamihan sa mga inapo ni Noe ang tunay na pagsamba kay Jehova. Sa layuning manatili sa isang lugar, sila’y nagsimulang magtayo ng isang lunsod at tore ukol sa huwad na pagsamba. Ipinasiya ni Jehova na panahon na para makialam. Kaniyang ginulo ang kanilang wika at ‘pinangalat sila mula [sa Babel] sa ibabaw ng buong lupa.’ (Genesis 11:4, 8, 9) Nang maglaon, ang mga grupo na may parehong wika ay bumuo ng mga bansa, anupat ang ilan ay naglakip ng ibang bansa at naging mga kapangyarihang panrehiyon, at mga pandaigdig na kapangyarihan pa nga.—Genesis 10:32.
8 Kasuwato ng katuparan ng kaniyang layunin, sa pana-panahon ay ipinapasiya ng Diyos ang hangganan ng mga bansa at kung kailan mangingibabaw ang isang bansa sa isang lugar o bilang isang pandaigdig na kapangyarihan. (Genesis 15:13, 14, 18-21; Exodo 23:31; Deuteronomio 2:17-22; Daniel 8:5-7, 20, 21) Tinukoy ni apostol Pablo ang aspektong ito ng mga panahon at kapanahunan ni Jehova nang sabihin niya sa mga Griegong intelektuwal sa Atenas: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay rito . . . at ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa, at itinalaga niya ang mga itinakdang panahon at ang nakalagay na mga hangganan ng pananahanan ng mga tao.”—Gawa 17:24, 26.
9. Paano ‘binago [ni Jehova] ang mga panahon at mga kapanahunan’ may kinalaman sa mga hari?
9 Hindi ito nangangahulugan na si Jehova ang may pananagutan sa lahat ng pulitikal na pananakop at pagbabago sa gitna ng mga bansa. Gayunman, maaari siyang makialam kapag minabuti niyang gawin iyon upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. Sa gayon, tungkol kay Jehova ay ganito ang sinabi ni propeta Daniel, na nakatakdang makasaksi noon sa pagpanaw ng Pandaigdig na Kapangyarihan ng Babilonya at ang paghalili rito ng Medo-Persia: “Kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan, inaalis ang mga hari at inilalagay ang mga hari, nagbibigay ng karunungan sa mga pantas at kaalaman sa mga may kaunawaan.”—Daniel 2:21; Isaias 44:24–45:7.
“Ang Panahon ay Nalalapit Na”
10, 11. (a) Gaano katagal patiunang itinalaga ni Jehova ang panahon ng pagliligtas niya sa mga inapo ni Abraham mula sa pagkaalipin? (b) Ano ang nagpapahiwatig na hindi alam ng mga Israelita ang eksaktong panahon ng pagliligtas sa kanila?
10 Mahigit na apat na siglo bago nito, itinalaga ni Jehova ang eksaktong taon kung kailan niya hihiyain ang hari ng Pandaigdig na Kapangyarihan ng Ehipto at palalayain ang mga inapo ni Abraham mula sa pagkaalipin. Sa pagsisiwalat ng kaniyang layunin kay Abraham, nangako ang Diyos: “Tiyak na malalaman mo na ang iyong binhi ay magiging naninirahang dayuhan sa lupain na hindi kanila, at paglilingkuran nila ang mga yaon, at tiyak na pipighatiin sila ng mga yaon sa loob ng apat na raang taon. Ngunit ang bansa na kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan, at pagkatapos ay lalabas sila taglay ang maraming pag-aari.” (Genesis 15:13, 14) Sa kaniyang sumaryo ng kasaysayan ng Israel, na binigkas sa harap ng Sanedrin, tinukoy ni Esteban ang 400-taon na yugtong ito at sinabi: “Nang ang panahon ay nalalapit na para sa katuparan ng pangako na hayagang ipinahayag ng Diyos kay Abraham, ang bayan ay lumago at dumami sa Ehipto, hanggang sa bumangon ang ibang hari sa Ehipto, na hindi nakakakilala kay Jose.”—Gawa 7:6, 17, 18.
11 Inalipin ng bagong Paraon na ito ang mga Israelita. Hindi pa naisusulat noon ni Moises ang aklat ng Genesis, bagaman malamang na ang mga pangako ni Jehova kay Abraham ay naipasa alinman sa salita o sa sulat. Magkagayunman, waring ang nalalaman ng mga Israelita ay hindi nagpangyari sa kanila na matantiya ang eksaktong petsa ng kanilang paglaya mula sa pang-aapi. Batid ng Diyos kung kailan niya sila ililigtas, ngunit lumilitaw na hindi ito ipinaalam sa mga nagdurusang Israelita. Mababasa natin: “Nangyari na noong maraming araw na iyon ay namatay sa wakas ang hari ng Ehipto, ngunit ang mga anak ni Israel ay patuloy na nagbubuntung-hininga dahil sa pagkaalipin at humihiyaw sa pagrereklamo, at ang kanilang mga karaingan ay patuloy na umabot sa tunay na Diyos dahil sa pagkaalipin. Nang maglaon ay dininig ng Diyos ang kanilang pagdaing at inalaala ng Diyos ang kaniyang tipan kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya nilingap ng Diyos ang mga anak ni Israel at ang Diyos ay nagbigay-pansin.”—Exodo 2:23-25.
12. Paano ipinakita ni Esteban na si Moises ay kumilos nang mas maaga sa panahon ni Jehova?
12 Ang ganitong hindi pagkaalam sa eksaktong panahon ng pagliligtas sa Israel ay mahihiwatigan din sa sumaryo ni Esteban. Tungkol kay Moises, ganito ang sabi niya: “Nang ang panahon ng kaniyang ikaapatnapung taon ay natutupad, pumasok sa kaniyang puso na gumawa ng pagsisiyasat sa kaniyang mga kapatid, ang mga anak ni Israel. At nang makita niya ang isa na pinakikitunguhan nang di-makatarungan, kaniyang ipinagtanggol siya at naglapat ng paghihiganti para sa isa na inaabuso sa pamamagitan ng paghampas sa Ehipsiyo. Ipinapalagay niya na maiintindihan ng kaniyang mga kapatid na binibigyan sila ng Diyos ng kaligtasan sa pamamagitan ng kaniyang kamay, subalit hindi nila naintindihan ito.” (Gawa 7:23-25) Si Moises ay kumilos dito nang mas maaga ng 40 taon sa panahong itinakda ng Diyos. Sinabi ni Esteban na kinailangang maghintay si Moises ng 40 taon bago ‘ibinigay ng Diyos sa mga Israelita ang kaligtasan sa pamamagitan ng kaniyang kamay.’—Gawa 7:30-36.
13. Paanong ang ating situwasyon ay katulad niyaong sa mga Israelita bago sila iniligtas mula sa Ehipto?
13 Bagaman “ang panahon ay nalalapit na para sa katuparan ng pangako” at na ang eksaktong taon ay itinakda na ng Diyos, kinailangang manampalataya si Moises at ang buong Israel. Kinailangan nilang maghintay sa itinakdang panahon ni Jehova, anupat maliwanag na hindi iyon patiunang matatantiya. Tayo rin naman ay kumbinsido na nalalapit na ang ating kaligtasan mula sa kasalukuyang balakyot na sistema ng mga bagay. Alam natin na tayo ay nabubuhay sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Kaya hindi ba dapat ay handa tayong magpakita ng ating pananampalataya at maghintay sa itinakdang panahon ni Jehova para sa kaniyang dakilang araw? (2 Pedro 3:11-13) Kung gayon, gaya ni Moises at ng mga Israelita, maaari nating awitin ang isang maluwalhating awit ng kaligtasan, ukol sa kapurihan ni Jehova.—Exodo 15:1-19.
‘Nang Dumating ang Panahon’
14, 15. Paano natin nalalaman na ang Diyos ay nagtalaga ng panahon para bumaba sa lupa ang kaniyang Anak, at ano ang patuloy na binantayan ng mga propeta at maging ng mga anghel?
14 Nagtalaga si Jehova ng isang takdang panahon para bumaba sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak bilang Mesiyas. Sumulat si Pablo: “Nang dumating na ang hustong hangganan ng panahon, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak, na umiral mula sa isang babae at napasa ilalim ng batas.” (Galacia 4:4) Ito ay katuparan ng pangako ng Diyos na magsusugo ng isang Binhi—‘ang Shilo, na sa kaniya mauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.’—Genesis 3:15; 49:10.
15 Ang mga propeta ng Diyos—maging ang mga anghel—ay patuloy na nagbantay sa “kapanahunan” na lilitaw ang Mesiyas sa lupa at magiging posible ang kaligtasan para sa makasalanang sangkatauhan. “May kinalaman sa mismong kaligtasang ito,” sabi ni Pedro, “ay isang masikap na pagsisiyasat at isang maingat na pagsasaliksik ang ginawa ng mga propeta na nanghula tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan na nauukol sa inyo. Patuloy nilang siniyasat kung anong partikular na kapanahunan o kung anong uri ng kapanahunan ang ipinahihiwatig ng espiritu na nasa kanila may kinalaman kay Kristo nang ito ay nagpapatotoo nang patiuna tungkol sa mga pagdurusa para kay Kristo at tungkol sa mga kaluwalhatian na kasunod ng mga ito. . . . Sa mismong mga bagay na ito ang mga anghel ay nagnanasang magmasid.”—1 Pedro 1:1-5, 10-12.
16, 17. (a) Sa pamamagitan ng anong hula tinulungan ni Jehova ang mga Judio noong unang siglo para asahan ang pagdating ng Mesiyas? (b) Paano nakaapekto ang hula ni Daniel sa inaasahan ng mga Judio tungkol sa Mesiyas?
16 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Daniel—isang taong may di-natitinag na pananampalataya—nagbigay si Jehova ng isang hula may kinalaman sa “pitumpung sanlinggo.” Sa pamamagitan ng hulang iyan ay malalaman ng mga Judio noong unang siglo na malapit na ang paglitaw ng ipinangakong Mesiyas. Sa isang bahagi, sinabi ng hula: “Mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t dalawang sanlinggo.” (Daniel 9:24, 25) Karaniwan nang sumasang-ayon ang mga iskolar na Judio, Katoliko, at Protestante na ang mga “sanlinggo” na binanggit dito ay nangangahulugan ng sanlinggo ng mga taon. Ang 69 na “sanlinggo” (483 taon) sa Daniel 9:25 ay nagsimula noong 455 B.C.E., nang pahintulutan ni Haring Artajerjes ng Persia si Nehemias upang “isauli at muling itayo ang Jerusalem.” (Nehemias 2:1-8) Nagwakas iyon pagkaraan ng 483 taon—noong 29 C.E., nang si Jesus ay bautismuhan at pahiran ng banal na espiritu, sa gayo’y naging Mesiyas, o Kristo.—Mateo 3:13-17.
17 Hindi tiyak kung batid man ng mga Judio noong unang siglo kung kailan eksaktong nagsimula ang 483 taon. Ngunit nang simulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang ministeryo, “ang mga tao ay may inaasahan at lahat ay nangangatuwiran sa kanilang mga puso tungkol kay Juan: ‘Siya kaya marahil ang Kristo?’ ” (Lucas 3:15) Iniuugnay ng ilang iskolar sa Bibliya ang inaasahang ito sa hula ni Daniel. Bilang komento sa talatang ito, sumulat si Matthew Henry: “Dito ay sinasabihan tayo . . . kung paano nanghinuha ang mga tao, mula sa ministeryo at bautismo ni Juan, upang isaalang-alang ang Mesiyas, at isipin na siya’y nasa pintuan na. . . . Natatapos na ngayon ang pitumpung sanlinggo ng Daniel.” Ganito ang sabi ng Pranses na Manuel Biblique, nina Vigouroux, Bacuez, at Brassac: “Alam ng mga tao na patapos na ang pitumpung sanlinggo na itinakda ng Daniel; walang nagtaka nang marinig na inihahayag ni Juan Bautista na ang kaharian ng Diyos ay malapit na.” Isinulat ng Judiong iskolar na si Abba Hillel Silver na ayon sa “popular na kronolohiya” ng panahong iyon, “ang Mesiyas ay inaasahan sa bandang kalagitnaan ng unang siglo C.E.”
Mga Pangyayari—Hindi mga Pagtantiya ng Panahon
18. Bagaman ang hula ni Daniel ay nakatulong sa mga Judio na matiyak ang panahon na maaasahang lilitaw ang Mesiyas, ano ang pinakakapani-paniwalang ebidensiya ng pagiging Mesiyas ni Jesus?
18 Bagaman ang kronolohiya ay waring nakatulong sa bayang Judio para magkaroon ng pangkalahatang ideya kung kailan nakatakdang lumitaw ang Mesiyas, ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na hindi ito nakatulong na makumbinsi ang karamihan sa kanila sa pagiging Mesiyas ni Jesus. Kulang na ng isang taon bago siya mamatay, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Sino ako ayon sa sinasabi ng mga pulutong?” Sumagot sila: “Si Juan Bautista; ngunit ng iba, si Elias, at ng iba pa, na isa sa mga sinaunang propeta ang bumangon.” (Lucas 9:18, 19) Wala tayong rekord na si Jesus ay sumipi kailanman ng hula tungkol sa makasagisag na mga sanlinggo upang patunayan na siya ang Mesiyas. Ngunit minsan, sinabi niya: “Taglay ko ang patotoo na mas dakila kaysa yaong kay Juan, sapagkat ang mismong mga gawa na iniatas ng aking Ama sa akin upang ganapin, ang mga gawa mismo na aking ginagawa, ang nagpapatotoo tungkol sa akin na ang Ama ang nagsugo sa akin.” (Juan 5:36) Sa halip na anumang isiniwalat na kronolohiya, ang pangangaral ni Jesus, ang kaniyang mga himala, at ang mga nangyari noong mamatay siya (ang makahimalang kadiliman, ang pagkakahati ng kurtina sa templo, at ang lindol) ay nagpatunay na siya ang Mesiyas na sinugo ng Diyos.—Mateo 27:45, 51, 54; Juan 7:31; Gawa 2:22.
19. (a) Paano malalaman ng mga Kristiyano na malapit na ang pagkapuksa ng Jerusalem? (b) Bakit ang malaking pananampalataya ay kinailangan pa rin ng mga naunang Kristiyano na tumakas mula sa Jerusalem?
19 Sa katulad na paraan, pagkamatay ni Jesus, walang paraan ang mga naunang Kristiyano para tantiyahin ang dumarating na kawakasan ng Judiong sistema ng mga bagay. Totoo, binanggit ng hula ni Daniel tungkol sa makasagisag na mga sanlinggo ang pagkapuksa ng sistemang iyon. (Daniel 9:26b, 27b) Subalit mangyayari ito pagkatapos ng “pitumpung sanlinggo” (455 B.C.E.–36 C.E.). Sa ibang salita, matapos maging tagasunod ni Jesus ang mga unang Gentil noong 36 C.E., ang Daniel kabanata 9 ay hindi naglaan ng anumang kronolohikal na impormasyon sa mga Kristiyano. Para sa kanila, ang mga pangyayari, hindi ang kronolohiya, ang magpapakita na malapit nang magwakas ang sistemang Judio. Ang mga pangyayaring iyon, na inihula ni Jesus, ay nagsimulang umabot sa kasukdulan mula noong 66 C.E., nang salakayin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem at saka sila umatras. Ito ay nagbigay sa tapat at mapagbantay na mga Kristiyano sa Jerusalem at Judea ng pagkakataong “tumakas patungo sa mga bundok.” (Lucas 21:20-22) Palibhasa’y walang kronolohikal na mga palatandaan, hindi alam ng mga naunang Kristiyanong iyon kung kailan mangyayari ang pagkawasak ng Jerusalem. Anong laking pananampalataya ang nag-udyok sa kanila na iwan ang kanilang mga tahanan, bukirin, at mga pagawaan at lumayo sa Jerusalem sa loob ng mga apat na taon hanggang sa magbalik ang hukbong Romano noong 70 C.E. at lipulin ang sistemang Judio!—Lucas 19:41-44.
20. (a) Paano tayo makikinabang sa halimbawa nina Noe, Moises, at ng mga Kristiyano sa Judea noong unang siglo? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
20 Tulad nina Noe, Moises, at ng mga Kristiyano sa Judea noong unang siglo, may-pagtitiwala na maipauubaya natin ngayon sa kamay ni Jehova ang mga panahon at kapanahunan. Ang ating pananalig na nabubuhay tayo sa panahon ng kawakasan at malapit na ang ating kaligtasan ay nakasalalay, hindi lamang sa kronolohikal na kalkulasyon, kundi sa totoong-buhay na mga pangyayari bilang katuparan ng mga hula sa Bibliya. Karagdagan pa, bagaman nabubuhay tayo sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo, hindi tayo malaya sa pangangailangang manampalataya at manatiling mapagbantay. Dapat ay patuloy na mabuhay tayo nang may-pananabik na pag-asam sa kapana-panabik na mga pangyayaring inihula sa Kasulatan. Ito ang magiging paksa ng susunod na artikulo.
[Talababa]
Bilang Repaso
◻ Hinggil sa mga panahon at kapanahunan ni Jehova, ano ang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol?
◻ Gaano katagal patiunang nalaman ni Noe na magsisimula na ang Baha?
◻ Ano ang nagpapakita na hindi nalalaman ni Moises at ng mga Israelita ang eksaktong panahon kung kailan sila ililigtas mula sa Ehipto?
◻ Paano tayo makikinabang sa mga halimbawa sa Bibliya may kinalaman sa mga panahon at kapanahunan ni Jehova?
[Larawan sa pahina 11]
Pananampalataya ni Noe ang nagpangyari sa kaniya na ipaubaya sa kamay ni Jehova ang tungkol sa panahon