Tinutupad ang Kristiyanong Pag-aalay Nang may Kalayaan
“Kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” —2 CORINTO 3:17.
1. Kanino nakaalay ang mga Saksi ni Jehova, at bakit sila gumagamit ng mga legal na ahensiya?
NANINIWALA ang mga Saksi ni Jehova na ang kanilang relihiyon ay mananatili magpakailanman. Kaya naman inaasam nila ang paglilingkod sa Diyos “sa espiritu at katotohanan” nang walang hanggan. (Juan 4:23, 24) Bilang mga taong may malayang kalooban, ang mga Kristiyanong ito ay gumawa ng walang-pasubaling pag-aalay sa Diyos na Jehova at determinadong tuparin ito. Sa layuning ito, nananalig sila sa Salita ng Diyos at sa kaniyang banal na espiritu. Habang buong-puso nilang itinataguyod ang kanilang landasin ng Kristiyanong pag-aalay nang may bigay-Diyos na kalayaan, ang mga Saksi ay nagpapakita ng nararapat na paggalang sa papel ng “nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan at wastong gumagamit sa pamamaraan at mga paglalaan ng batas. (Roma 13:1; Santiago 1:25) Halimbawa, ginagamit ng mga Saksi ang Samahang Watch Tower bilang isang legal na kasangkapan—isa sa maraming nasa iba’t ibang lupain—upang maisagawa nila ang pagtulong sa mga kapuwa tao, lalo na sa espirituwal na paraan. Ngunit ang mga Saksi ay nakaalay sa Diyos, hindi sa anumang legal na ahensiya, at ang kanilang pag-aalay kay Jehova ay mananatili magpakailanman.
2. Bakit lubhang pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang Samahang Watch Tower at ang katulad na mga legal na ahensiya?
2 Bilang mga lingkod na nakaalay sa Diyos, obligado ang mga Saksi ni Jehova na sundin ang mga tagubilin ni Jesus na ‘gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na tinuturuan sila.’ (Mateo 28:19, 20) Ipagpapatuloy ang gawaing ito hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sapagkat sinabi rin ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:3, 14) Taun-taon, ang mga planta sa paglilimbag ng Samahang Watch Tower at ng katulad na legal na mga korporasyon ay nagsusuplay sa mga Saksi ni Jehova ng milyun-milyong Bibliya, aklat, brosyur, at mga magasin na ginagamit sa kanilang pandaigdig na gawaing pangangaral. Ang legal na mga korporasyong ito kung gayon ay napakahalaga sa pagtulong sa mga nakaalay na lingkod ng Diyos upang matupad ang kanilang pag-aalay sa kaniya.
3. Sa anong diwa dating ginamit ng mga Saksi ni Jehova ang terminong “ang Samahan”?
3 Maaaring ikatuwiran ng isa na ang paraan ng pagbanggit ng mga Saksi tungkol sa Samahang Watch Tower—o kadalasan “ang Samahan” lamang—ay nagpapahiwatig na minamalas nila ito na higit pa kaysa sa isang legal na kasangkapan. Hindi ba itinuturing nila ito na siyang pangwakas na awtoridad sa mga bagay tungkol sa pagsamba? Niliwanag ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos ang puntong ito sa pagsasabi: “Kapag binabanggit ng Ang Bantayan [Hunyo 1, 1938] ‘Ang Samahan,’ ito’y tumutukoy, hindi sa isa lamang legal na kasangkapan, kundi sa lupon ng pinahirang mga Kristiyano na nagtatag ng legal na kasangkapang iyon at gumagamit niyaon.”a Kaya ang termino ay tumutukoy sa “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Sa diwang ito karaniwan nang ginagamit ng mga Saksi ang terminong “ang Samahan.” Sabihin pa, ang legal na korporasyon at “ang tapat at maingat na alipin” ay hindi mapagpapalit na mga termino. Ang mga direktor ng Samahang Watch Tower ay inihahalal, samantalang ang mga Saksi na bumubuo sa ‘tapat na alipin’ ay pinahiran ng banal na espiritu ni Jehova.
4. (a) Paano ipinahahayag ng maraming Saksi ang kanilang sarili upang maiwasan ang mga maling pagkaunawa? (b) Bakit dapat tayong maging timbang hinggil sa paggamit ng mga salita?
4 Upang maiwasan ang mga maling pagkaunawa, sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maging maingat sa paraan ng pagpapahayag nila ng kanilang sarili. Sa halip na sabihing, “itinuturo ng Samahan,” mas pinipiling gamitin ng maraming Saksi ang pananalitang gaya ng, “sinasabi ng Bibliya” o, “sa pagkaunawa ko ay itinuturo ng Bibliya.” Sa ganitong paraan ay idiniriin nila ang personal na pasiya ng bawat Saksi na tanggapin ang mga turo ng Bibliya at iniiwasan ding magbigay ng maling impresyon na ang mga Saksi sa paano man ay nakatalaga sa mga utos ng isang relihiyosong sekta. Mangyari pa, ang mga mungkahi tungkol sa paggamit ng mga salita ay hindi kailanman dapat maging isang paksa ng pagtatalo. Tutal, ang paggamit ng mga salita ay mahalaga lamang sa bagay na nahahadlangan nito ang mga maling pagkaunawa. Kailangan ang pagiging timbang bilang Kristiyano. Pinaaalalahanan tayo ng Bibliya na “huwag makipag-away tungkol sa mga salita.” (2 Timoteo 2:14, 15) Sinasabi rin ng Kasulatan ang ganitong simulain: “Malibang bumigkas kayo sa pamamagitan ng dila ng pananalitang madaling maunawaan, paano malalaman kung ano ang sinasalita?”—1 Corinto 14:9.
Binabawasan ng Espiritu ng Diyos ang Pangangailangan Para sa mga Alituntunin
5. Paano dapat unawain ang 1 Corinto 10:23?
5 “Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas; ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang,” sabi ni apostol Pablo. Idinagdag pa niya: “Ang lahat ng bagay ay kaayon ng batas; ngunit hindi lahat ng bagay ay nakapagpapatibay.” (1 Corinto 10:23) Maliwanag na hindi ibig sabihin ni Pablo na kaayon sa batas ang paggawa ng mga bagay na maliwanag na hinahatulan ng Salita ng Diyos. Kung ihahambing sa mga 600 batas na ibinigay sa sinaunang Israel, halos ay iilan lamang tiyakang mga utos ang umuugit sa Kristiyanong pamumuhay. Samakatuwid, maraming bagay ang ipinauubaya sa budhi ng bawat isa. Ang isang taong nag-alay kay Jehova ay nagtatamasa ng kalayaang bunga ng patnubay ng espiritu ng Diyos. Yamang niyakap niya ang katotohanan, sinusunod ng isang Kristiyano ang kaniyang sinanay-sa-Bibliyang budhi at umaasa sa patnubay ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu. Tumutulong ito sa nakaalay na Kristiyano upang tiyakin kung ano ang “nakapagpapatibay” at magiging “kapaki-pakinabang” sa kaniya at sa iba. Natatanto niya na ang kaniyang mga pasiya ay makaaapekto sa kaniyang personal na kaugnayan sa Diyos, na pinag-alayan niya.
6. Sa mga pulong Kristiyano, paano natin maipakikita na niyakap na natin ang katotohanan?
6 Ipinakikita ng isang Saksi na niyakap na niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkokomento sa mga pulong Kristiyano. Sa una, baka bigkasin niya ang nakasaad sa publikasyong pinag-aaralan. Subalit sa kalaunan, susulong siya hanggang sa punto na naipahahayag na niya sa sariling pananalita ang mga turo ng Bibliya. Sa gayo’y nagbibigay siya ng katunayan na siya’y sumusulong sa kaniyang kakayahang mag-isip, hindi lamang inuulit ang sinabi ng iba. Ang pagbuo ng mga kaisipan sa kaniyang sariling pananalita at pagpapahayag ng tumpak na mga salita ng katotohanan sa isang taos-pusong paraan ay magdudulot sa kaniya ng kasiyahan at magpapakita na siya ay kumbinsido sa kaniyang sariling pag-iisip.—Eclesiastes 12:10; ihambing ang Roma 14:5b.
7. Anong mga pagpapasiya ang may kalayaang ginawa ng mga lingkod ni Jehova?
7 Ang mga Saksi ni Jehova ay nauudyukan ng pag-ibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa tao. (Mateo 22:36-40) Totoo, malapit sila sa isa’t isa sa pamamagitan ng buklod ng tulad-Kristong pag-ibig bilang isang pandaigdig na samahan ng magkakapatid. (Colosas 3:14; 1 Pedro 5:9) Subalit bilang mga taong may malayang kalooban, bawat isa ay personal na nagpasiyang magpahayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, manatiling neutral sa pulitika, umiwas sa dugo, umiwas sa ilang uri ng paglilibang, at mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Hindi ipinilit sa kanila ang mga pasiyang ito. Ang mga ito ay mga pasiyang bahagi ng isang paraan ng pamumuhay na malayang pinili ng mga potensiyal na Saksi bago nila ginawa ang hakbang ng Kristiyanong pag-aalay.
Mananagot ba sa Isang Lupong Tagapamahala?
8. Anong tanong ang kailangang liwanagin?
8 Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na ang mga tunay na Kristiyano ay hindi sapilitang naglilingkod sa Diyos. Sinasabi nito: “Si Jehova ang Espiritu; at kung nasaan ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Ngunit paano maitutugma ang katotohanang ito sa ideya ng isang “tapat at maingat na alipin” na may Lupong Tagapamahala nito?—Mateo 24:45-47.
9, 10. (a) Paano kumakapit ang simulain ng pagkaulo sa kongregasyong Kristiyano? (b) Ano ang kinailangan sa unang siglong Kristiyanong kongregasyon may kinalaman sa pagsunod sa simulain ng pagkaulo?
9 Upang masagot ang tanong na ito, dapat nating tandaan ang maka-Kasulatang simulain ng pagkaulo. (1 Corinto 11:3) Sa Efeso 5:21-24, si Kristo ay ipinakilala bilang “ulo ng kongregasyon,” ang isa na sa kaniya ay “nagpapasakop” ito. Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang tapat at maingat na alipin ay binubuo ng espirituwal na mga kapatid ni Jesus. (Hebreo 2:10-13) Ang uring tapat na aliping ito ay inatasang maglaan sa bayan ng Diyos ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.” Sa panahong ito ng kawakasan, inatasan ni Kristo ang aliping ito “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” Kaya ang posisyon nito ay nararapat igalang ng sinumang nag-aangking Kristiyano.
10 Ang layunin ng pagkaulo ay upang ingatan ang pagkakaisa at tiyakin na ‘ang lahat ng bagay ay maganap nang disente at ayon sa kaayusan.’ (1 Corinto 14:40) Upang matamo ito noong unang siglo, ang ilang pinahirang Kristiyano mula sa uring tapat at maingat na alipin ay pinili upang kumatawan sa buong grupo. Gaya ng pinatunayan ng sumunod na mga pangyayari, ang pangangasiwa ng unang-siglong lupong tagapamahalang ito ay sinang-ayunan at pinagpala ni Jehova. Malugod na tinanggap ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kaayusang ito. Oo, talagang tinanggap nila at pinasalamatan ang maiinam na resulta nito.—Gawa 15:1-32.
11. Paano dapat malasin ang kasalukuyang Lupong Tagapamahala?
11 Nariyan pa rin ang kahalagahan ng gayong kaayusan. Sa kasalukuyan, ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay binubuo ng sampung pinahirang Kristiyano, pawang may maraming taon ng karanasan bilang Kristiyano. Naglalaan sila ng espirituwal na patnubay sa mga Saksi ni Jehova, gaya ng ginawa ng unang-siglong lupong tagapamahala. (Gawa 16:4) Tulad ng mga naunang Kristiyano, malugod na umaasa ang mga Saksi sa may-gulang na mga kapatid sa Lupong Tagapamahala para sa salig-sa-Bibliyang direksiyon at patnubay sa mga bagay tungkol sa pagsamba. Bagaman ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ay mga alipin ni Jehova at ni Kristo, gaya ng kanilang mga kapuwa Kristiyano, ganito ang tagubilin sa atin ng Bibliya: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntong-hininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”—Hebreo 13:17.
12. Kanino dapat magsulit ang bawat Kristiyano?
12 Nangangahulugan ba na dahil sa katungkulan ng pangangasiwa na iniatas ng Kasulatan sa Lupong Tagapamahala ay dapat nang magsulit dito ang bawat isa sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa kaniyang mga gawa? Hindi, ayon sa mga salita ni Pablo sa mga Kristiyano sa Roma: “Bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O bakit mo rin hinahamak ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng luklukan ng paghatol ng Diyos . . . Ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:10-12.
13. Bakit iniuulat ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang gawaing pangangaral?
13 Subalit hindi ba totoo na bawat Saksi ay inaasahang mag-ulat ng kanilang gawaing pangangaral? Oo, ngunit ang layunin nito ay maliwanag na isinaad sa isang manwal ng mga Saksi, na nagsasabi: “Ang sinaunang mga tagasunod ni Jesu-Kristo ay naging interesado sa ulat ng pagsulong sa gawaing pangangaral. (Marcos 6:30) Habang sumusulong ang gawain, tinipon ang mga ulat hinggil sa mga bilang at namumukod na mga karanasan niyaong mga nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. . . . (Gawa 2:5-11, 41, 47; 6:7; 1:15; 4:4) . . . Kay laking pampasigla sa tapat na mga Kristiyanong manggagawang yaon ang pagkarinig ng mga ulat hinggil sa gawain! . . . Sa kahawig ding paraan, ang makabagong panahong organisasyon ni Jehova ay nagsisikap na mag-ingat ng wastong mga ulat ng gawain bilang katuparan ng Mateo 24:14.”
14, 15. (a) Paano kumakapit ang 2 Corinto 1:24 sa Lupong Tagapamahala? (b) Sa ano dapat nakasalig ang personal na pasiya na gagawin ng bawat Kristiyano, bilang pagkilala sa ano?
14 Ang Lupong Tagapamahala ay isang maibiging paglalaan at isang uliran sa pananampalataya na karapat-dapat tularan. (Filipos 3:17; Hebreo 13:7) Sa kanilang pagsunod at pagtulad kay Kristo bilang isang modelo, maaari nilang ulitin ang mga salita ni Pablo: “Hindi sa kami ang mga panginoon sa inyong pananampalataya, kundi mga kamanggagawa kami ukol sa inyong kagalakan, sapagkat sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kaya kayo ay nakatayo.” (2 Corinto 1:24) Sa pamamagitan ng pagmamasid sa mga kausuhan, inaakay ng Lupong Tagapamahala ang pansin tungo sa mga kapakinabangan ng pagsunod sa payo ng Bibliya, nagbibigay ng mga mungkahi tungkol sa pagkakapit ng mga batas at simulain sa Bibliya, nagbababala tungkol sa mga nakakubling panganib, at naglalaan ng kinakailangang pampatibay-loob sa “mga kamanggagawa.” Sa gayo’y nagagampanan nito ang pagiging mga katiwalang Kristiyano, tumutulong sa kanila na mapanatili ang kanilang kagalakan, at pinatitibay sila sa pananampalataya upang sila’y makatayong matatag.—1 Corinto 4:1, 2; Tito 1:7-9.
15 Kung magpasiya ang isang Saksi batay sa payo ng Bibliya na ibinigay ng Lupong Tagapamahala, ginagawa niya iyon nang kusang-loob dahil ang kaniyang sariling pag-aaral ng Bibliya ay nakakumbinsi sa kaniya na ito na nga ang tamang landasin. Bawat Saksi ay naiimpluwensiyahan ng sariling Salita ng Diyos upang ikapit ang mahusay na payo mula sa Kasulatan na ibinibigay ng Lupong Tagapamahala, anupat lubusang kinikilala na ang kaniyang mga pasiya ay makaaapekto sa kaniyang personal na kaugnayan sa Diyos, na pinag-alayan niya.—1 Tesalonica 2:13.
Mga Estudyante at mga Kawal
16. Bagaman ang mga pasiya hinggil sa paggawi ay personal na bagay, bakit ang ilan ay natitiwalag?
16 Subalit kung ang mga pagpapasiya may kinalaman sa paggawi ay isang personal na bagay, bakit natitiwalag ang ilang Saksi ni Jehova? Walang sinuman ang makapagsasabi sa ganang sarili na ang paggawa ng isang partikular na kasalanan ay nangangailangan ng pagtitiwalag. Sa halip, ang pagkilos na ito ay hinihiling ng Kasulatan tangi lamang kapag hindi nagsisisi ang isang miyembro ng kongregasyon na gumagawa ng malulubhang kasalanan, gaya ng mga nakatala sa ika-5 kabanata ng Unang Corinto 5. Sa gayon, bagaman ang isang Kristiyano ay maaaring matiwalag dahil sa pakikiapid, ito’y nangyayari lamang kung ang indibiduwal ay tumatangging tanggapin ang espirituwal na tulong ng maibiging mga pastol. Hindi lamang ang mga Saksi ni Jehova ang sumusunod sa ganitong Kristiyanong pamamaraan. Ganito ang sabi ng The Encyclopedia of Religion: “Anumang pamayanan ay nag-aangkin ng karapatang pangalagaan ang sarili nito laban sa mga di-sumusunod na miyembro na maaaring magsapanganib sa kapakanan ng lahat. Kung tungkol naman sa relihiyon ang karapatang ito ay malimit napatitibay sa paniniwalang ang parusa [ng ekskomonikasyon] ay nakaaapekto sa katayuan ng isa sa harap ng Diyos.”
17, 18. Paano mailalarawan ang pagiging angkop ng pagtitiwalag?
17 Ang mga Saksi ni Jehova ay mga estudyante ng Bibliya. (Josue 1:8; Awit 1:2; Gawa 17:11) Ang programa ng edukasyon sa Bibliya na inilalaan ng Lupong Tagapamahala ay maaaring ihambing sa isang kurikulum sa paaralan na binabalangkas ng isang lupon ng edukasyon. Bagaman ang lupon sa ganang sarili ay hindi siyang pinagmumulan ng materyal na itinuturo, ito naman ang nagtatakda ng kurikulum, tumitiyak sa paraan ng pagtuturo, at nagpapalabas ng kinakailangang mga direktiba. Kung ang sinuman ay lantarang tumatangging mamuhay alinsunod sa mga kahilingan ng institusyon, lumilikha ng mga suliranin sa mga kapuwa estudyante, o nagdudulot ng kahihiyan sa paaralan, maaari siyang patalsikin. Ang mga awtoridad sa paaralan ay may karapatang kumilos sa kapakinabangan ng mga estudyante bilang kabuuan.
18 Bukod sa pagiging mga estudyante, ang mga Saksi ni Jehova ay mga kawal ni Jesu-Kristo, anupat tinuruan na ‘ipakipaglaban ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya.’ (1 Timoteo 6:12; 2 Timoteo 2:3) Natural lamang, ang patuloy na paggawi nang di-karapat-dapat para sa isang Kristiyanong kawal ay magbubunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Bilang isang indibiduwal na pinagkalooban ng kalayaang pumili, ang isang Kristiyanong kawal ay maaaring magpasiya ayon sa naisin niya, ngunit dapat niyang harapin ang mga ibubunga ng kaniyang pasiya. Nangatuwiran si Pablo: “Walang taong naglilingkod bilang isang kawal ang nagsasangkot ng kaniyang sarili sa mga gawaing pangangalakal sa buhay, upang makamit niya ang pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kaniya bilang isang kawal. Isa pa, kung ang sinuman ay nakikipaglaban maging sa mga laro, hindi siya kinokoronahan malibang nakipaglaban siya ayon sa mga alituntunin.” (2 Timoteo 2:4, 5) Ang may-gulang na mga Kristiyano, pati na yaong mga kabilang sa Lupong Tagapamahala, ay nananatiling lubusang nasa ilalim ng kanilang Lider, si Jesu-Kristo, anupat sinusunod ang “mga alituntunin” upang manalo sila ng gantimpalang buhay na walang hanggan.—Juan 17:3; Apocalipsis 2:10.
19. Pagkatapos suriin ang mga katotohanan tungkol sa Kristiyanong pag-aalay, sa ano tayo makatitiyak?
19 Hindi ba nililiwanag ng katotohanan na ang mga Saksi ni Jehova ay mga lingkod ng Diyos, hindi alipin ng mga tao? Bilang nakaalay na mga Kristiyanong nagtatamasa ng kalayaan na ipinagkaloob sa kanila ni Kristo, hinahayaan nilang ugitan ng espiritu ng Diyos at ng kaniyang Salita ang kanilang buhay habang nagkakaisa silang naglilingkod kasama ng kanilang mga kapatid sa kongregasyon ng Diyos. (Awit 133:1) Ang mga patotoo nito ay dapat pumawi sa anumang pag-aalinlangan tungkol sa pinagmumulan ng kanilang lakas. Kasama ng salmista, makaaawit sila: “Si Jehova ang aking lakas at ang aking kalasag. Sa kaniya nagtiwala ang aking puso, at ako’y natulungan, kaya nagbubunyi ang aking puso, at akin siyang pupurihin sa pamamagitan ng aking awit.”—Awit 28:7.
[Talababa]
a Inilathala noong 1993 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Paano tumutulong sa mga Saksi ni Jehova ang Samahang Watch Tower at ang katulad na mga legal na ahensiya?
◻ Paano nakikinabang ang mga Kristiyano sa papel ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova?
◻ Bakit iniuulat ng bayan ni Jehova ang kanilang gawaing pangangaral?
◻ Sa anong mga kalagayan angkop ang pagtitiwalag sa isang nakaalay na Kristiyano?
[Larawan sa pahina 19]
Iningatan ng unang-siglong lupong tagapamahala ang pagkakaisa sa doktrina
[Larawan sa pahina 23]
Sa buong daigdig, nasisiyahan ang mga Saksi ni Jehova sa kalayaang ukol dito ay pinalaya sila ni Kristo