Nakapasa sa Pagsubok ‘ang Tapat na Alipin’!
“Ito ang takdang panahon upang ang paghatol ay pasimulan sa bahay ng Diyos.”—1 Pedro 4:17.
1. Ano ang nasumpungan ni Jesus nang siyasatin niya ang “alipin”?
NOONG Pentecostes 33 C.E., nag-atas si Jesus ng isang “alipin” upang maglaan ng pagkain sa tamang panahon para sa kaniyang “mga lingkod ng sambahayan.” Noong 1914, iniluklok si Jesus bilang Hari, at di-nagtagal ay sumapit ang panahon upang siyasatin ang “alipin” na iyon. Sa kalakhang bahagi, nasumpungan niya na pinatunayan ng “alipin” na “tapat at maingat” ito. Kaya inatasan niya ito “sa lahat ng kaniyang mga pag-aari.” (Mateo 24:45-47) Gayunman, mayroon ding masamang alipin, na hindi tapat ni maingat man.
“Ang Masamang Aliping Iyon”
2, 3. Saan nagmula “ang masamang aliping iyon,” at paano ito lumitaw?
2 Binanggit kaagad ni Jesus ang tungkol sa masamang alipin pagkatapos talakayin “ang tapat at maingat na alipin.” Sinabi niya: “Kung sakaling ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kaniyang puso, ‘Ang aking panginoon ay nagluluwat,’ at magsimulang mambugbog ng kaniyang mga kapuwa alipin at kumain at uminom na kasama ng mga kilaláng lasenggo, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya nalalaman, at parurusahan siya nang napakatindi at itatakda sa kaniya ang kaniyang bahagi na kasama ng mga mapagpaimbabaw. Doon mangyayari ang kaniyang pagtangis at ang pagngangalit ng kaniyang mga ngipin.” (Mateo 24:48-51) Itinatawag-pansin sa atin ng pananalitang “ang masamang aliping iyon” ang naunang mga salita ni Jesus tungkol sa tapat at maingat na alipin. Oo, ang ‘masamang alipin’ ay nagmula sa hanay ng tapat na alipin.a Paano?
3 Bago noong 1914, maraming miyembro ng tapat na uring alipin ang may masidhing pag-asa na makasama sa langit ang Kasintahang Lalaki noong taóng iyon, ngunit hindi natupad ang kanilang mga inaasahan. Dahil dito at sa iba pang mga pangyayari, marami ang hindi nasiyahan at may ilang naghinanakit. Ang ilan sa mga ito ay bumaling sa berbal na ‘pambubugbog’ sa kanilang dating mga kapatid at nakisama sa “mga kilaláng lasenggo,” ang relihiyosong mga grupo ng Sangkakristiyanuhan.—Isaias 28:1-3; 32:6.
4. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang ‘masamang alipin’ at ang lahat ng nagpakita ng gayunding saloobin?
4 Ang dating mga Kristiyanong ito ay nakilala bilang ang ‘masamang alipin,’ at pinarusahan sila “nang napakatindi” ni Jesus. Paano? Itinakwil niya sila, at hindi sila nakinabang sa kanilang makalangit na pag-asa. Gayunman, hindi sila kaagad pinuksa. Kinailangan muna nilang batahin ang isang yugto ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin sa “kadiliman sa labas” ng kongregasyong Kristiyano. (Mateo 8:12) Mula noong unang mga araw na iyon, nagpakita ng gayunding masamang saloobin ang ilan pang pinahirang indibiduwal, anupat iniugnay ang kanilang sarili sa ‘masamang alipin.’ Tinularan ng ilan sa “ibang mga tupa” ang kanilang kawalang-katapatan. (Juan 10:16) Ang lahat ng gayong mga kaaway ni Kristo ay nakararanas ng gayunding espirituwal na “kadiliman sa labas.”
5. Paano tumugon ang tapat at maingat na alipin, kung ihahambing sa ‘masamang alipin’?
5 Gayunpaman, naranasan din ng tapat at maingat na alipin ang mga pagsubok na naranasan ng “masamang aliping iyon.” Gayunman, sa halip na maghinanakit, naibalik sila sa ayos. (2 Corinto 13:11) Napatibay ang kanilang pag-ibig kay Jehova at sa mga kapatid nila. Dahil dito, sila ay naging “isang haligi at suhay ng katotohanan” sa maligalig na “mga huling araw” na ito.—1 Timoteo 3:15; 2 Timoteo 3:1.
Maiingat at Mangmang na mga Dalaga
6. (a) Paano inilarawan ni Jesus ang pagkamaingat ng kaniyang uring tapat na alipin? (b) Bago noong 1914, anong mensahe ang ipinahayag ng mga pinahirang Kristiyano?
6 Matapos banggitin ang tungkol sa “masamang aliping iyon,” nagbigay si Jesus ng dalawang talinghaga upang ipakita kung bakit mapatutunayang tapat at maingat ang ilang pinahirang Kristiyano samantalang ang iba ay hindi.b Upang ilarawan ang pagkamaingat, sinabi niya: “Ang kaharian ng langit ay magiging tulad ng sampung dalaga na kumuha ng kanilang mga lampara at lumabas upang salubungin ang kasintahang lalaki. Ang lima sa kanila ay mga mangmang, at ang lima ay maiingat. Sapagkat dinala ng mga mangmang ang kanilang mga lampara ngunit hindi sila nagdala ng langis, samantalang ang maiingat ay nagdala ng langis sa kanilang mga lalagyan kasama ng kanilang mga lampara.” (Mateo 25:1-4) Ipinaaalaala sa atin ng sampung dalaga ang mga pinahirang Kristiyano bago noong 1914. Nakalkula nila na ang kasintahang lalaki, si Jesu-Kristo, ay magpapakita na. Kaya “lumabas” sila upang salubungin siya, anupat buong-katapangang ipinangangaral na matatapos sa 1914 “ang mga takdang panahon ng mga bansa.”—Lucas 21:24.
7. Kailan at bakit “nakatulog,” wika nga, ang mga pinahirang Kristiyano?
7 Tama sila. Nagwakas nga noong 1914 ang mga takdang panahon ng mga bansa, at namahala na ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Ngunit naganap iyon sa di-nakikitang mga langit. Sa lupa, nagsimulang maranasan ng sangkatauhan ang inihulang ‘kaabahan.’ (Apocalipsis 12:10, 12) Sumunod dito ang panahon ng pagsubok. Palibhasa’y hindi malinaw na nauunawaan ang mga bagay-bagay, inakala ng mga pinahirang Kristiyano na “ang kasintahang lalaki ay nagluluwat.” Dahil sa naguguluhan at napapaharap sa poot ng sanlibutan, sa pangkalahatan ay nagmabagal sila at halos huminto sa organisadong gawaing pangangaral sa madla. Gaya ng mga dalaga sa talinghaga, sila ay “inantok at nakatulog” sa espirituwal na diwa, gaya ng nangyari sa di-tapat na nag-aangking mga Kristiyano pagkamatay ng mga apostol ni Jesus.—Mateo 25:5; Apocalipsis 11:7, 8; 12:17.
8. Ano ang umakay sa pagsigaw ng: “Narito na ang kasintahang lalaki!” at panahon na iyon para gawin ng mga pinahirang Kristiyano ang ano?
8 Pagkatapos ay may di-inaasahang nangyari noong 1919. Mababasa natin: “Nang mismong kalagitnaan na ng gabi ay may bumangong sigaw, ‘Narito na ang kasintahang lalaki! Lumabas kayo upang salubungin siya.’ Nang magkagayon ay tumindig ang lahat ng mga dalagang iyon at inayos ang kanilang mga lampara.” (Mateo 25:6, 7) Nang waring nasa karimlan ang mga bagay-bagay, saka nagkaroon ng panawagang maging aktibo! Noong 1918, si Jesus, “ang mensahero ng tipan,” ay dumating sa espirituwal na templo ni Jehova upang siyasatin at linisin ang kongregasyon ng Diyos. (Malakias 3:1) Ngayon, kinailangang lumabas ang mga pinahirang Kristiyano at sumalubong sa kaniya sa makalupang mga looban ng templong iyon. Panahon na para “magpasinag [sila] ng liwanag.”—Isaias 60:1; Filipos 2:14, 15.
9, 10. Noong 1919, bakit ang ilang Kristiyano ay “maiingat” at ang ilan ay “mangmang”?
9 Ngunit sandali! Sa talinghaga, may problema ang ilan sa mga dalaga. Nagpatuloy si Jesus: “Ang mga mangmang ay nagsabi sa maiingat, ‘Bigyan ninyo kami ng ilang bahagi ng inyong langis, dahil ang aming mga lampara ay malapit nang mamatay.’ ” (Mateo 25:8) Kung walang langis, hindi magbibigay ng liwanag ang mga lampara. Sa gayon ay ipinaaalaala sa atin ng langis ng lampara ang Salita ng Diyos na katotohanan at ang kaniyang banal na espiritu, na nagpapalakas sa tunay na mga mananamba upang maging mga tagapagdala ng liwanag. (Awit 119:130; Daniel 5:14) Bago noong 1919, puspusang nagsikap ang maiingat na pinahirang Kristiyano upang maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa kanila, sa kabila ng kanilang pansamantalang huminang kalagayan. Kaya naman, nang dumating ang panawagang magpasinag ng liwanag, handa na sila.—2 Timoteo 4:2; Hebreo 10:24, 25.
10 Gayunman, hindi handang magsakripisyo o magpagal nang puspusan ang ilang pinahiran—bagaman marubdob nilang hangarin na makasama ang Kasintahang Lalaki. Kaya nang panahon na upang maging aktibo sa pangangaral ng mabuting balita, hindi sila handa. (Mateo 24:14) Sinikap pa nga nilang pabagalin ang kanilang masisigasig na kasamahan, na sa diwa ay humihiling ng ilang bahagi ng kanilang suplay ng langis. Sa talinghaga ni Jesus, paano tumugon ang maiingat na dalaga? Sinabi nila: “Baka hindi makasapat para sa amin at sa inyo. Sa halip, pumaroon kayo sa mga nagtitinda niyaon at bumili kayo para sa inyo.” (Mateo 25:9) Sa katulad na paraan, ang matatapat na pinahirang Kristiyano noong 1919 ay tumangging gumawa ng anumang bagay na magpapahina sa kanilang kakayahang magdala ng liwanag. Dahil dito, nakapasa sila sa pagsisiyasat.
11. Ano ang nangyari sa mangmang na mga dalaga?
11 Ganito ang pagtatapos ni Jesus: “Samantalang [ang mangmang na mga dalaga] ay pumaparoon upang bumili, ang kasintahang lalaki ay dumating, at ang mga dalagang nakahanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pinto. Pagkatapos ang iba sa mga dalaga ay dumating din, na nagsasabi, ‘Ginoo, ginoo, pagbuksan mo kami!’ Bilang sagot ay sinabi niya, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, Hindi ko kayo kilala.’ ” (Mateo 25:10-12) Oo, hindi handa ang ilan sa pagdating ng Kasintahang Lalaki. Dahil dito, hindi sila nakapasa sa pagsisiyasat at nawalan sila ng pagkakataong dumalo sa makalangit na piging ng kasalan. Kalunus-lunos nga!
Ang Talinghaga Tungkol sa mga Talento
12. (a) Ano ang ginamit ni Jesus upang ilarawan ang katapatan? (b) Sino ang tao na “pumaroon sa ibang lupain”?
12 Matapos ilarawan ang pagkamaingat, inilarawan naman ni Jesus ang katapatan. Sinabi niya: “Iyon ay gaya ng isang tao, na nang maglalakbay na sa ibang bayan ay ipinatawag ang kaniyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari. At sa isa ay nagbigay siya ng limang talento, sa isa naman ay dalawa, sa isa pa ay isa, sa bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan, at siya ay pumaroon sa ibang lupain.” (Mateo 25:14, 15) Ang tao sa talinghaga ay si Jesus mismo, na “pumaroon sa ibang lupain” nang umakyat siya sa langit noong taóng 33 C.E. Ngunit bago siya umakyat, ipinagkatiwala ni Jesus ang “kaniyang mga pag-aari” sa tapat na mga alagad niya. Paano?
13. Paano inihanda ni Jesus ang isang malaking larangan ng gawain at binigyan ng awtorisasyon ang kaniyang “mga alipin” upang mangalakal?
13 Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, sinimulang ihanda ni Jesus ang isang malaking larangan ng gawain sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong lupain ng Israel. (Mateo 9:35-38) Bago siya “pumaroon sa ibang lupain,” ipinagkatiwala niya ang gawaing iyon sa kaniyang tapat na mga alagad, na sinasabi: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:18-20) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, binigyan ni Jesus ng awtorisasyon ang kaniyang “mga alipin” upang mangalakal hanggang sa pagbalik niya, “bawat isa ayon sa kaniyang sariling kakayahan.”
14. Bakit hindi lahat ay inaasahang gagawa ng magkakaparehong dami ng pangangalakal?
14 Ipinahihiwatig ng pariralang iyan na hindi lahat ng Kristiyano noong unang siglo ay may pare-parehong mga kalagayan o pagkakataon. Ang ilan, gaya nina Pablo at Timoteo, ay malayang makibahagi nang lubus-lubusan sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Maaaring labis na nalimitahan ang malayang pagkilos ng iba dahil sa kanilang mga kalagayan. Halimbawa, ang ilang Kristiyano ay mga alipin, at ang iba naman ay masasakitin, may-edad na, o may mga pananagutan sa pamilya. Siyempre pa, hindi bukás sa lahat ng alagad ang ilang pribilehiyo sa kongregasyon. Ang mga pinahirang babae at ilang pinahirang lalaki ay hindi nagturo sa kongregasyon. (1 Corinto 14:34; 1 Timoteo 3:1; Santiago 3:1) Gayunman, anuman ang kanilang personal na situwasyon, ang lahat ng mga pinahirang alagad ni Kristo—lalaki at babae—ay inatasang mangalakal, anupat ginagamit nang mahusay ang kanilang mga pagkakataon at mga kalagayan sa ministeryong Kristiyano. Gayundin ang ginagawa ng makabagong-panahong mga alagad ni Kristo.
Nagsimula Na ang Panahon ng Pagsisiyasat!
15, 16. (a) Kailan sumapit ang panahon upang makipagtuos ng mga kuwenta? (b) Anu-anong bagong mga pagkakataon upang ‘mangalakal’ ang ipinagkaloob sa mga tapat?
15 Nagpatuloy ang talinghaga: “Pagkatapos ng mahabang panahon ang panginoon ng mga aliping iyon ay dumating at nakipagtuos ng mga kuwenta sa kanila.” (Mateo 25:19) Noong 1914—mahabang panahon nga ang lumipas mula noong 33 C.E.—nagsimula ang maharlikang pagkanaririto ni Kristo Jesus. Pagkalipas ng tatlo at kalahating taon, noong 1918, dumating siya sa espirituwal na templo ng Diyos at tinupad ang mga salita ni Pedro: “Ito ang takdang panahon upang ang paghatol ay pasimulan sa bahay ng Diyos.” (1 Pedro 4:17; Malakias 3:1) Panahon na upang makipagtuos ng mga kuwenta.
16 Ano ang ginawa ng mga alipin, ang pinahirang mga kapatid ni Jesus, sa ‘mga talento’ ng Hari? Mula 33 C.E. patuloy, kabilang na ang mga taon hanggang noong 1914, marami ang nagpagal sa ‘kalakal’ ni Jesus. (Mateo 25:16) Maging noong unang digmaang pandaigdig, nagpakita sila ng masidhing pagnanais na maglingkod sa Panginoon. Ngayon ay angkop lamang na bigyan ng bagong mga pagkakataon ang mga tapat upang ‘mangalakal.’ Dumating na ang panahon ng katapusan ng sistemang ito ng mga bagay. Kailangang ipangaral sa buong daigdig ang mabuting balita. Kailangan nang gapasin “ang aanihin sa lupa.” (Apocalipsis 14:6, 7, 14-16) Kailangang masumpungan ang huling mga miyembro ng uring trigo at matipon ang “isang malaking pulutong” ng ibang mga tupa.—Apocalipsis 7:9; Mateo 13:24-30.
17. Paano ‘pumasok sa kagalakan ng kanilang panginoon’ ang tapat na mga pinahirang Kristiyano?
17 Isang masayang panahon ang panahon ng pag-aani. (Awit 126:6) Angkop kung gayon na noong 1919, nang pagkatiwalaan ni Jesus ng karagdagang pananagutan ang kaniyang tapat na mga pinahirang kapatid, sinabi niya: “Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.” (Mateo 25:21, 23) Bukod dito, hindi natin malilirip ang kagalakan ng Panginoon bilang bagong iniluklok na Hari ng Kaharian ng Diyos. (Awit 45:1, 2, 6, 7) Nadarama ng uring tapat na alipin ang kagalakang iyon sa pamamagitan ng pagkatawan sa Hari at pagpaparami sa kaniyang mga kapakanan sa lupa. (2 Corinto 5:20) Makikita ang kanilang kaluguran sa makahulang mga salita ng Isaias 61:10: “Walang pagsalang magbubunyi ako kay Jehova. Ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Diyos. Sapagkat dinamtan niya ako ng mga kasuutan ng kaligtasan.”
18. Bakit hindi nakapasa sa pagsisiyasat ang ilan, at ano ang resulta?
18 Nakalulungkot, ang ilan ay hindi nakapasa sa pagsisiyasat. Mababasa natin: “Ang isa na tumanggap ng isang talento ay lumapit at nagsabi, ‘Panginoon, kilala kita bilang isang taong mahigpit, na gumagapas kung saan hindi ka naghasik at nagtitipon kung saan hindi ka nagtahip. Kaya ako ay natakot at umalis at itinago ko ang iyong talento sa lupa. Narito, mapasaiyo ang sa iyo.’ ” (Mateo 25:24, 25) Sa katulad na paraan, ang ilang pinahirang Kristiyano ay hindi ‘nangalakal.’ Bago noong 1914, hindi nila masiglang ibinahagi ang kanilang pag-asa sa iba, at ayaw nilang magsimula noong 1919. Paano tumugon si Jesus sa kanilang kawalang-pakundangan? Inalis niya ang lahat ng kanilang mga pribilehiyo. ‘Itinapon sila sa kadiliman sa labas, kung saan mangyayari ang kanilang pagtangis at ang pagngangalit ng kanilang mga ngipin.’—Mateo 25:28, 30.
Nagpapatuloy ang Pagsisiyasat
19. Sa anong paraan nagpapatuloy ang proseso ng pagsisiyasat, at ano ang determinadong gawin ng lahat ng mga pinahirang Kristiyano?
19 Siyempre pa, ang karamihan sa magiging mga pinahirang alipin ni Kristo sa panahon ng kawakasan ay hindi pa naglilingkod kay Jehova nang pasimulan ni Jesus ang kaniyang pagsisiyasat noong 1918. Nawalan ba sila ng pagkakataong masiyasat? Hindi naman. Nagsimula lamang ang proseso ng pagsisiyasat noong 1918/19 nang makapasa sa pagsubok ang tapat at maingat na alipin bilang isang kalipunan. Patuloy na sinisiyasat ang bawat isa sa mga pinahirang Kristiyano hanggang sa maging permanente ang pagkakatatak sa kanila. (Apocalipsis 7:1-3) Palibhasa’y alam ito, determinadong magpatuloy nang tapat sa ‘pangangalakal’ ang mga pinahirang kapatid ni Kristo. Sila ay determinadong maging maingat, anupat nag-iingat ng saganang suplay ng langis upang sumikat nang maningning ang liwanag. Alam nila na kapag nagwakas na ang tapat na landasin ng buhay ng bawat isa, tatanggapin siya ni Jesus sa makalangit na tahanang dako.—Mateo 24:13; Juan 14:2-4; 1 Corinto 15:50, 51.
20. (a) Ano ang determinadong gawin sa ngayon ng ibang mga tupa? (b) Ano ang alam ng mga pinahirang Kristiyano?
20 Tinutularan ng malaking pulutong ng ibang mga tupa ang kanilang mga pinahirang kapatid. Alam nila na ang kanilang kaalaman sa mga layunin ng Diyos ay nag-aatang ng malaking pananagutan. (Ezekiel 3:17-21) Dahil dito, sa tulong ng Salita ni Jehova at ng banal na espiritu, pinananatili rin nilang sagana ang kanilang suplay ng langis sa pamamagitan ng pag-aaral at pakikipagsamahan. At pinasisikat nila ang kanilang liwanag, anupat nakikibahagi sa gawaing pangangaral at pagtuturo at sa gayon ay ‘nangangalakal’ kasama ng kanilang mga pinahirang kapatid. Gayunman, alam na alam ng mga pinahirang Kristiyano na ipinagkatiwala sa kanilang mga kamay ang mga talento. Dapat silang magsulit sa paraan ng pangangasiwa sa mga pag-aari ng Panginoon sa lupa. Bagaman kakaunti ang bilang nila, hindi nila maaaring ipaubaya na lamang ang kanilang pananagutan sa malaking pulutong. Yamang nasa isipan ito, patuloy na nangunguna ang tapat at maingat na alipin sa pag-aasikaso sa kalakal ng Hari, anupat nagpapahalaga sa suporta ng tapat na mga miyembro ng malaking pulutong. Kinikilala ng mga ito ang pananagutan ng kanilang mga pinahirang kapatid at itinuturing na karangalan ang gumawa sa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
21. Anong payo ang kumakapit sa lahat ng Kristiyano mula noong bago 1919 hanggang sa panahon natin?
21 Sa gayon, bagaman nagbibigay-liwanag ang dalawang talinghagang ito sa mga pangyayari noong 1919 o nang mga panahong iyon, ang mga simulain nito ay kumakapit sa lahat ng tunay na mga Kristiyano sa mga huling araw na ito. Sa ganitong paraan, bagaman ang payo na ibinigay ni Jesus sa katapusan ng talinghaga tungkol sa sampung dalaga ay pangunahing kumakapit sa mga pinahirang Kristiyano bago noong 1919, ang simulain nito ay kumakapit pa rin sa bawat Kristiyano. Kung gayon, dibdibin nawa nating lahat ang mga salita ni Jesus: “Patuloy kayong magbantay, kung gayon, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”—Mateo 25:13.
[Mga talababa]
a Sa katulad na paraan, pagkamatay ng mga apostol, nagmula sa hanay ng pinahirang Kristiyanong matatanda ang “mapaniil na mga lobo.”—Gawa 20:29, 30.
b Para sa iba pang pagtalakay tungkol sa talinghaga ni Jesus, tingnan ang Worldwide Security Under the “Prince of Peace,” inilathala ng mga Saksi ni Jehova, kabanata 5 at 6.
Maipaliliwanag Mo Ba?
• Kailan siniyasat ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod, at ano ang kaniyang nasumpungan?
• Bakit ang ilang pinahirang Kristiyano ay nagkaroon ng saloobin na katulad ng sa “masamang aliping iyon”?
• Paano natin maipakikita na maingat tayo sa espirituwal na paraan?
• Sa pagtulad sa tapat na mga pinahirang kapatid ni Jesus, paano tayo patuloy na ‘makapangangalakal’?
[Kahon sa pahina 16]
KAILAN DARATING SI JESUS?
Sa Mateo kabanata 24 at 25, sinasabi na “darating” si Jesus sa iba’t ibang diwa. Hindi na niya kailangang maglakbay sa pisikal na paraan para ‘makarating.’ Sa halip, “dumarating” siya sa diwa na ibabaling niya ang kaniyang pansin sa sangkatauhan o sa kaniyang mga tagasunod, kadalasan upang humatol. Kaya naman, noong 1914, “dumating” siya upang pasimulan ang kaniyang pagkanaririto bilang iniluklok na Hari. (Mateo 16:28; 17:1; Gawa 1:11) Noong 1918, “dumating” siya bilang mensahero ng tipan at nagsimulang humatol sa mga nag-aangking naglilingkod kay Jehova. (Malakias 3:1-3; 1 Pedro 4:17) Sa Armagedon, “darating” siya upang hatulan ang mga kaaway ni Jehova.—Apocalipsis 19:11-16.
Ang pagdating na tinukoy nang ilang beses sa Mateo 24:29-44 at 25:31-46 ay mangyayari sa “malaking kapighatian.” (Apocalipsis 7:14) Sa kabilang panig, ang pagdating na tinukoy nang ilang beses sa Mateo 24:45 hanggang 25:30 ay may kaugnayan sa kaniyang paghatol sa nag-aangking mga alagad mula 1918 patuloy. Halimbawa, hindi makatuwirang sabihin na ang pagbibigay ng gantimpala sa tapat na alipin, ang paghatol sa mangmang na mga dalaga, at ang paghatol sa makupad na alipin, na nagtago ng talento ng Panginoon, ay magaganap kapag “dumating” si Jesus sa malaking kapighatian. Mangangahulugan iyon na marami sa mga pinahiran ang masusumpungang di-tapat sa panahong iyon at sa gayon ay kakailanganing palitan. Gayunman, ipinahihiwatig ng Apocalipsis 7:3 na lahat ng mga pinahirang alipin ni Kristo ay permanente nang ‘natatakan’ sa panahong iyon.
[Larawan sa pahina 14]
Walang tinanggap na pagpapala ang ‘masamang alipin’ noong 1919
[Larawan sa pahina 15]
Handa ang matatalinong dalaga nang dumating ang kasintahang lalaki
[Larawan sa pahina 17]
‘Nangalakal’ ang tapat na mga alipin
Hindi ito ginawa ng makupad na alipin
[Mga larawan sa pahina 18]
Patuloy na pinasisikat ng mga pinahiran at ng “malaking pulutong” ang kanilang liwanag