Apocalipsis kay Juan
7 Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, at hinahawakan nilang mahigpit ang apat na hangin ng lupa, para walang hanging humihip sa lupa o sa dagat o sa anumang puno. 2 At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw,* at siya ay may tatak ng Diyos na buháy; at sumigaw siya nang malakas sa apat na anghel na binigyan ng awtoridad na puminsala sa lupa at sa dagat: 3 “Huwag ninyong pinsalain ang lupa o ang dagat o ang mga puno, hanggang sa matapos naming tatakan+ sa noo ang mga alipin ng ating Diyos.”+
4 At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000,+ na tinatakan mula sa bawat tribo ng mga anak ni Israel:+
5 Mula sa tribo ni Juda ay 12,000 ang tinatakan;
mula sa tribo ni Ruben ay 12,000;
mula sa tribo ni Gad ay 12,000;
6 mula sa tribo ni Aser ay 12,000;
mula sa tribo ni Neptali ay 12,000;
mula sa tribo ni Manases+ ay 12,000;
7 mula sa tribo ni Simeon ay 12,000;
mula sa tribo ni Levi ay 12,000;
mula sa tribo ni Isacar ay 12,000;
8 mula sa tribo ni Zebulon ay 12,000;
mula sa tribo ni Jose ay 12,000;
mula sa tribo ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan.
9 Pagkatapos nito ay nakita ko ang isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng bansa at tribo at bayan at wika,+ na nakatayo sa harap ng trono at sa harap ng Kordero at nakasuot ng mahabang damit na puti;+ at may hawak silang mga sanga ng palma.+ 10 At patuloy silang sumisigaw nang malakas: “Ang kaligtasan ay utang namin sa ating Diyos, na nakaupo sa trono,+ at sa Kordero.”+
11 Ang lahat ng anghel ay nakatayo sa palibot ng trono at ng matatanda+ at ng apat na buháy na nilalang, at sumubsob sila sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 at nagsabi: “Amen! Ang papuri at ang kaluwalhatian at ang karunungan at ang pasasalamat at ang karangalan at ang kapangyarihan at ang lakas ay maging sa Diyos natin magpakailanman.+ Amen.”
13 Pagkatapos, sinabi sa akin ng isa sa matatanda: “Ang mga ito na nakasuot ng mahabang damit na puti,+ sino sila at saan sila nanggaling?” 14 Kaya agad kong sinabi sa kaniya: “Panginoon ko, ikaw ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin: “Sila ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian,+ at nilabhan nila ang kanilang mahabang damit at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.+ 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila nasa harap ng trono ng Diyos, at gumagawa sila ng sagradong paglilingkod sa kaniya araw at gabi sa templo niya; at ang Isa na nakaupo sa trono+ ay maglulukob ng tolda niya sa kanila.+ 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw, at hindi sila mapapaso ng araw o ng anumang matinding init,+ 17 dahil ang Kordero,+ na nasa gitna ng trono, ay magpapastol sa kanila+ at aakay sa kanila sa mga bukal ng tubig ng buhay.+ At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa mga mata nila.”+