“Ito ay Aking Katawan”
“KUNIN ninyo at kanin; . . . ito ay aking katawan.”(Mateo 26:26, The New Jerusalem Bible)
Sa mga salitang ito, ipinasa ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga apostol ang tinapay na walang lebadura nang itinatatag ang Hapunan ng Panginoon. Subalit ano ba ang ibig niyang sabihin sa mga salitang, “Ito ay aking katawan”?
ANG sagot sa tanong na ito ay mahalaga sa mga Romanong Katoliko, yamang ang mga salita ni Jesus ang basihan ng doktrina ng transubstantiation. Ayon sa paniwalang ito, pagka ginaganap ng mga Katoliko ang Misa at nilulunok ang ostia, ito’y nagiging literal na katawan, o laman, ni Kristo. Samakatuwid, sila’y mariing tututol sa New World Translation of the Holy Scriptures, na ang pagkasalin sa mga salita ni Jesus ay: “Kunin ninyo, kanin ninyo. Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.” Ang ganitong pagkasalin ay nagpapahiwatig na ang tinapay ay isang simbolo ng laman ni Jesus, hindi siyang laman mismo. Alin bang salin ang nagbibigay ng tamang diwa?
Ang salitang Griego na isinaling “ay” (is) o “nangangahulugan” (means) ay e·stinʹ. “Ay” ang saligang kahulugan nito, ngunit maaari rin namang mangahulugang “nagpapakilala, nangangahulugan.” Aling pagkasalin ang mas mainam sa kontekstong ito?
Mahalaga ang isang talababa sa Mateo 26:26 sa wikang-Kastilang La Sagrada Escritura, Texto y comentario por Profesores de la Compañía de Jesús, Nuevo Testamento I (Ang Banal na Kasulatan, Teksto at Komentario ng mga Propesor ng Company of Jesus, Bagong Tipan). Sinasabi: ‘Ang salin, mula sa gramatikong punto de vista, ay maaari ring isaling nangangahulugan o sumasagisag sa ay—na ang ibig sabihin ay literal na kumakapit. Bilang halimbawa na kung saan ang ibig sabihin ay sumasagisag, maaaring banggitin ang Genesis 41:26; Ezekiel 5:5; Daniel 7:17; Lucas 8:11; Mateo 13:38; 16:18; Galacia 4:24; Apocalipsis 1:20. Ang kahulugan ng ay ([sa diwa ng] magkatulad) ay ipinahihiwatig, gaya ng makikita buhat sa mga manual ng paniniwala, puwera ang posibilidad ng metapora, o simbolismo, at gayundin sa paraan ng pagkaunawa sa parirala ng Sinaunang Iglesiya.’
Gaya ng tahasang ipinakikita ng Romano Katolikong bersiyong ito, sa diwang gramatiko ay maaaring unawain ang mga salita ni Jesus ayon sa alinman sa dalawang paraang iyan. Sa katunayan, ang salitang Griegong e·stinʹ ay isinaling “nangangahulugan ng” sa ibang lugar sa Katolikong New Jerusalem Bible. (Mateo 12:7) Aling salita ang dapat piliin ng isang tagapagsalin sa Mateo 26:26? Yamang si Jesus ay buháy pa noon sa isang sakdal na katawan nang kaniyang bigkasin ang mga salita ng tekstong iyan, ang tinapay na inialok niya sa kaniyang mga tagasunod ay hindi maaaring tumutukoy sa literal na laman. Isa pa, ang kaniyang buong sakdal na katawang tao ay inihandog bilang isang haing pantubos. (Colosas 1:21-23) Samakatuwid, ang pinakamagaling na salin ng talatang ito ay: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan.” Ang tinapay na walang lebadura ay sumasagisag sa katawan ni Jesus, na mga ilang saglit pa at ihahain alang-alang sa sangkatauhan.
Kahit na kung ang iyong sariling Bibliya ay may pananalitang “Ito ay aking katawan,” hindi ka dapat malito. Malimit na gumagamit si Jesus ng nahahawig na pangungusap. Nang kaniyang sabihin, “Ako ang pintuan” at, “Ako ang tunay na punong-ubas,” sinuman ay hindi uunawain iyon na isa iyong literal na punong-ubas. (Juan 10:7; 15:1) At, sang-ayon sa The New Jerusalem Bible, nang siya’y magpasa ng isang saro ng alak sa kaniyang mga alagad at sabihin: “Ang sarong ito ay ang bagong tipan,” walang sinuman na nag-akalang ang literal na saro ang siyang bagong tipan. (Lucas 22:20) Sa katulad na paraan, nang kaniyang sabihing ang tinapay ‘ay’ kaniyang katawan, ang ating pagkaunawa ay na ang tinapay ay ‘nangangahulugan ng,’ o sumasagisag sa, kaniyang katawan.