Humanda Para sa Araw ni Jehova!
Mga Tampok Mula sa Unang Tesalonica
ANG araw ni Jehova! Ang mga Kristiyano sa sinaunang Tesalonica ay may palagay na iyon ay napipinto na noon. Tama ba ang kanilang paniniwala? Kailan darating iyon? Iyan ang isa sa mahalagang bagay na tinutukoy sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Tesalonica, ipinadala buhat sa Corinto noong humigit-kumulang taóng 50 ng ating Panlahatang Panahon.
Itinatag nina Pablo at Silas ang kongregasyon sa Tesalonica, ang pinakasentro ng pamamahala sa Romanong lalawigan ng Macedonia. (Gawa 17:1-4) Nang maglaon, sa kaniyang unang liham sa mga taga-Tesalonica, si Pablo ay naghandog ng komendasyon, nagbigay ng payo, at tinalakay ang araw ni Jehova. Tayo rin naman ay makikinabang sa liham na ito, lalo na ngayong ang araw ni Jehova ay napakalapit na.
Papurihan at Patibaying-loob
Ang una’y pinapurihan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica. (1:1-10) Papuri ang nauukol sa kanilang tapat na paggawa at pagtitiis. Kapuri-puri rin na kanilang “tinanggap ang salita sa ilalim ng malaking kapighatian taglay ang kagalakan ng banal na espiritu.” Iyo bang pinapupurihan ang iba, gaya ng ginawa ni Pablo?
Ang apostol ay nagbigay ng isang mainam na halimbawa. (2:1-12) Bagaman siya’y tumanggap ng pangit na trato sa Filipos, siya’y ‘nagkaroon ng kalakasan ng loob sa pamamagitan ng Diyos upang salitain ang mabuting balita’ sa mga taga-Tesalonica. Kaniyang itinakuwil ang mga salitang paimbabaw, ang kasakiman, at paghahanap ng kaluwalhatian. Si Pablo ay hindi naging isang magastos na pabigat kundi kaniyang malumanay na pinakitunguhan sila na gaya ng isang inang nagpapasuso sa kaniyang sanggol. Anong inam na halimbawa para sa matatanda sa ngayon!
Ang sumunod na mga salita ni Pablo ay nagpatibay-loob sa mga taga-Tesalonica na manatiling matatag pagka pinag-uusig. (2:13–3:13) Sila’y nagtiis ng pag-uusig buhat sa kanilang mga kababayan at si Timoteo ay nagdala kay Pablo ng isang mabuting ulat tungkol sa kanilang espirituwal na kalagayan. Ipinanalangin ng apostol na sila’y sumagana sana sa pag-ibig at ang kanilang mga puso ay maging matatag. Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova ngayon ay nananalangin ukol sa pinag-uusig na mga kapananampalataya, sila’y pinalalakas-loob hangga’t maaari, at nagagalak sa mga ulat ng kanilang katapatan.
Manatiling Gising sa Espirituwal!
Ang mga taga-Tesalonica ay tumanggap naman ngayon ng payo. (4:1-18) Sila’y dapat lumakad nang lalong puspusan sa isang landas na nakalulugod sa Diyos, na nagpapakita ng higit pang pag-ibig sa kapatid at gumagawa sa tulong ng kanilang mga kamay upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Isa pa, sila’y dapat mag-aliwan sa isa’t isa taglay ang pag-asa na sa panahon ng pagkanaririto ni Jesus ang mga mananampalatayang inianak sa espiritu na nangamatay ang unang ibabangon at makakasama niya. Pagkatapos, ang nakaligtas na mga pinahiran, pagkamatay nila at pagkabuhay-muli, ay makakasama ni Kristo at ng mga binuhay-muli sa langit.
Pagkatapos ay tinalakay ni Pablo ang tungkol sa araw ni Jehova at nagbigay ng higit pang payo. (5:1-28) Ang araw ni Jehova ay dumarating na gaya ng isang magnanakaw, na ang biglang pagkawasak ay tiyak na darating pagkatapos ng sigaw ng: “Kapayapaan at katiwasayan!” Kaya ang mga taga-Tesalonica ay kailangang manatiling gising sa espirituwal, na protektado ng kalasag ng pananampalataya at pag-ibig at ng pag-asa ng kaligtasan bilang isang turbante. Sila’y kailangang may matinding pagsasaalang-alang sa mga nangunguna sa kongregasyon at sila’y lalayo sa kabalakyutan, gaya ng kailangan nating gawin.
Ang unang liham ni Pablo sa mga taga-Tesalonica ay dapat mag-udyok sa atin na magbigay ng papuri at pampatibay-loob sa mga kapananampalataya. Dapat ding tayo’y mapukaw nito na maging uliran sa asal at kalooban. At tiyak na ang payo nito ay makatutulong sa atin na maging handa para sa araw ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 22]
Baluti at Turbante: Upang ipayo na maging gising sa espirituwal, si Pablo ay sumulat: “Tayo’y manatiling laging handa at nakasuot ng baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig at ang maging turbante natin ay ang pag-asa ng kaligtasan.” (1 Tesalonica 5:8) Ang baluti ay isang tagapagsanggalang sa dibdib ng isang mandirigma, na binubuo ng mga scales, kadena, o solidong metal. Sa katulad na paraan, ang baluti ng pananampalataya ay isang espirituwal na pananggalang. At kumusta naman ang sinaunang turbante? Yamang malimit na ito’y metal, isang kasuotan ito sa ulo ng isang kawal upang siya’y maipagsanggalang sa panahon ng labanan. Kung papaanong ang turbante’y proteksiyon sa ulo ng isang mandirigma, gayundin na ang pag-asa ng kaligtasan ay proteksiyon sa kaisipan, kung kaya’t ang isang Kristiyano ay nakapananatiling tapat. Anong halaga nga na ang mga lingkod ni Jehova ay magsuot ng gayong espirituwal na baluti!—Efeso 6:11-17.