Nasumpungan Nila ang Mesiyas!
“Nasumpungan na namin ang Mesiyas.”—JUAN 1:41.
1. Bakit nasabi ni Andres: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas”?
NAKATAYO si Juan na Tagapagbautismo kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad. Habang papalapit si Jesus, sinabi ni Juan: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos!” Agad na sumunod kay Jesus si Andres at ang isa pang alagad at ginugol ang maghapon kasama niya. Nang maglaon, hinanap ni Andres ang kapatid niyang si Simon Pedro at buong-pananabik na sinabi rito: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” Pagkatapos, isinama niya si Pedro kay Jesus.—Juan 1:35-41.
2. Paano tayo makikinabang sa pagsusuri sa iba pang Mesiyanikong hula?
2 Sa paglipas ng panahon, sina Andres, Pedro, at ang iba pa ay nakapagsaliksik sa Kasulatan at sa gayo’y masasabi nila nang may katiyakan na si Jesus ng Nazaret ang ipinangakong Mesiyas. Habang sinusuri natin ang iba pang Mesiyanikong hula, titibay rin ang ating pananampalataya sa Salita ng Diyos at sa kaniyang Pinahiran.
“Narito! Ang Iyong Hari ay Dumarating”
3. Anong mga hula ang natupad nang matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem bilang hari?
3 Ang Mesiyas ay matagumpay na papasok sa Jerusalem bilang hari. Inihula ni Zacarias: “Magalak kang lubos, O anak na babae ng Sion. Sumigaw ka nang may pagbubunyi, O anak na babae ng Jerusalem. Narito! Ang iyong hari ay dumarating sa iyo. Siya ay matuwid, oo, ligtas; mapagpakumbaba, at nakasakay sa asno, isa ngang hustong-gulang na hayop na anak ng asnong babae.” (Zac. 9:9) Isinulat ng salmista: “Pagpalain nawa ang Isa na dumarating sa pangalan ni Jehova.” (Awit 118:26) Hindi maaaring iutos ni Jesus sa pulutong kung ano ang gagawin nila. Pero bilang katuparan ng hula, sumigaw sila udyok ng masidhing kagalakan. Habang binabasa mo ang ulat na ito, gunigunihin ang nangyayari at pakinggan ang kanilang masayang tinig.—Basahin ang Mateo 21:4-9.
4. Ipaliwanag kung paano natupad ang Awit 118:22, 23.
4 Bagaman itinakwil ng marami si Jesus kahit may mga katibayang siya ang Mesiyas, mahalaga siya sa Diyos. Gaya ng inihula, si Jesus ay ‘hinamak at itinuring bilang walang halaga’ ng mga ayaw maniwala sa ebidensiya. (Isa. 53:3; Mar. 9:12) Gayunman, ipinasulat ng Diyos sa salmista: “Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging ulo ng panulukan. Ito ay nagmula kay Jehova.” (Awit 118:22, 23) Itinawag-pansin ni Jesus ang tekstong ito sa mga lider ng relihiyon na sumasalansang sa kaniya, at sinabi ni Pedro na natupad ito kay Kristo. (Mar. 12:10, 11; Gawa 4:8-11) Si Jesus talaga ang naging “pundasyong batong-panulok” ng kongregasyong Kristiyano. Bagaman itinakwil siya ng mga taong walang pananampalataya, siya ay “pinili, mahalaga, sa Diyos.”—1 Ped. 2:4-6.
Ipinagkanulo at Iniwan!
5, 6. Anong hula ang natupad hinggil sa pagkakanulo sa Mesiyas?
5 Ang Mesiyas ay ipagkakanulo ng isang taksil na kasamahan. Inihula ni David: “Ang taong may pakikipagpayapaan sa akin, na pinagtiwalaan ko, na kumakain ng aking tinapay, ay nag-angat ng kaniyang sakong laban sa akin.” (Awit 41:9) Noong panahon ng Bibliya, ang magkakasamang kumakain ng tinapay ay ipinapalagay na magkakaibigan. (Gen. 31:54) Kaya sukdulang kataksilan ang pagkakanulo ni Hudas Iscariote kay Jesus! Tinukoy ni Jesus ang taong ito nang sabihin niya sa kaniyang mga apostol: “Hindi ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit ito ay upang matupad ang Kasulatan, ‘Siya na dating kumakain sa aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.’”—Juan 13:18.
6 Ipagkakanulo ang Mesiyas kapalit ng 30 pirasong pilak—ang halaga ng isang alipin! Bilang pagsipi sa Zacarias 11:12, 13, sinabi ni Mateo na ipinagkanulo si Jesus sa gayon kaliit na halaga. Pero bakit sinabi ni Mateo na inihula ito “sa pamamagitan ni Jeremias na propeta”? Noong panahon ni Mateo, ang Jeremias ay maaaring nasa unahan ng pangkat ng mga aklat ng Bibliya na kinabibilangan ng Zacarias. (Ihambing ang Lucas 24:44.) Hindi ginamit ni Hudas ang 30 pirasong pilak. Inihagis niya ito sa templo, umalis, at nagpakamatay.—Mat. 26:14-16; 27:3-10.
7. Paano natupad ang Zacarias 13:7?
7 Mangangalat ang mga alagad ng Mesiyas. Isinulat ni Zacarias: “Saktan mo ang pastol, at bayaang mangalat ang mga nasa kawan.” (Zac. 13:7) Noong Nisan 14, 33 C.E., sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Lahat kayo ay matitisod may kaugnayan sa akin sa gabing ito, sapagkat nasusulat, ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’” At iyon nga ang nangyari. Iniulat ni Mateo na “iniwan [si Jesus] ng lahat ng mga alagad at tumakas.”—Mat. 26:31, 56.
Aakusahan at Sasaktan
8. Paano natupad ang Isaias 53:8?
8 Ang Mesiyas ay lilitisin at hahatulan. (Basahin ang Isaias 53:8.) Noong madaling-araw ng Nisan 14, nagtipon ang buong Sanedrin, iginapos si Jesus, at ibinigay sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. Tinanong niya si Jesus at nakita niyang wala itong kasalanan. Pero nang sabihin ni Pilato na palalayain niya si Jesus, sumigaw ang pulutong: “Ibayubay siya!” Iginiit nilang ang kriminal na si Barabas ang palayain. Para mapalugdan ang pulutong, pinalaya ni Pilato si Barabas, ipinahagupit si Jesus, at ibinigay siya upang ibayubay.—Mar. 15:1-15.
9. Ano ang nangyari noong panahon ni Jesus na katuparan ng Awit 35:11?
9 Magpapatotoo laban sa Mesiyas ang mga bulaang saksi. Sinabi ng salmistang si David: “Ang mga saksing mararahas ay bumabangon; tinatanong nila ako ng mga bagay na hindi ko alam.” (Awit 35:11) Kaayon ng hulang ito, “ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng bulaang patotoo laban kay Jesus upang patayin siya.” (Mat. 26:59) Sa katunayan, “marami ang nagbibigay ng bulaang patotoo laban sa kaniya, ngunit ang kanilang mga patotoo ay hindi magkakasuwato.” (Mar. 14:56) Sa kagustuhang ipapatay si Jesus, bale-wala sa mga kaaway na ito kahit puro kasinungalingan ang sinasabi ng mga saksi.
10. Ipaliwanag kung paano natupad ang Isaias 53:7.
10 Mananahimik ang Mesiyas sa harap ng kaniyang mga tagapag-akusa. Inihula ni Isaias: “Siya ay ginipit, at hinayaan niyang pighatiin siya; gayunma’y hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig. Siya ay dinalang tulad ng isang tupa patungo sa patayan; at tulad ng isang tupang babae na sa harap ng kaniyang mga manggugupit ay napipi, hindi rin niya ibinubuka ang kaniyang bibig.” (Isa. 53:7) Nang ‘akusahan si Jesus ng mga punong saserdote at matatandang lalaki, hindi siya sumagot.’ Nagtanong si Pilato: “Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming mga bagay ang pinatototohanan nila laban sa iyo?” Pero “hindi . . . sumagot sa kaniya [si Jesus], hindi, ni isa mang salita, kung kaya labis na namangha ang gobernador.” (Mat. 27:12-14) Hindi nilait ni Jesus ang nag-aakusa sa kaniya.—Roma 12:17-21; 1 Ped. 2:23.
11. Paano natupad ang mga hula sa Isaias 50:6 at Mikas 5:1?
11 Ang Mesiyas ay sasaktan. Inihula ni propeta Isaias: “Ang aking likod ay iniharap ko sa mga nananakit, at ang aking mga pisngi doon sa mga bumubunot ng balbas. Ang aking mukha ay hindi ko ikinubli sa kahiya-hiyang mga bagay at sa dura.” (Isa. 50:6) Inihula ni Mikas: “Sa pamamagitan ng tungkod ay hahampasin nila sa pisngi ang hukom ng Israel.” (Mik. 5:1) Pinatotohanan ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos na natupad ang hulang ito nang sabihin niya: ‘Pinasimulang duraan si Jesus ng ilan at tinakpan ang kaniyang buong mukha at sinuntok siya at sinabi sa kaniya: “Manghula ka!” At, pagsampal sa kaniyang mukha, kinuha siya ng mga tagapaglingkod sa hukuman.’ Sinabi ni Marcos na “hinahampas [ng mga sundalo si Jesus] sa ulo ng isang tambo at dinuduraan siya at, pagkaluhod ng kanilang mga tuhod [nang may panunuya], sila ay nangangayupapa sa kaniya.” (Mar. 14:65; 15:19) Siyempre pa, walang ginawang masama si Jesus para tratuhin siya nang ganoon.
Tapat Hanggang Kamatayan
12. Paano natupad kay Jesus ang Awit 22:16 at Isaias 53:12?
12 Ibabayubay ang Mesiyas. “Pinaligiran ako ng kapulungan ng mga manggagawa ng kasamaan,” ang sabi ng salmistang si David. “Tulad ng leon sila ay nasa aking mga kamay at aking mga paa.” (Awit 22:16) Natupad ang hulang ito gaya ng iniulat ng manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos: “Ngayon nga ay ikatlong oras na [mga alas nuwebe ng umaga], at ibinayubay nila siya.” (Mar. 15:25) Inihula rin na ang Mesiyas ay ibibilang sa mga makasalanan. Isinulat ni Isaias: “Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa hanggang sa mismong kamatayan, at ibinilang siyang kasama ng mga mananalansang.” (Isa. 53:12) Nangyari nga ito nang “dalawang magnanakaw ang ibinayubay na kasama [ni Jesus], isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa.”—Mat. 27:38.
13. Paano natupad kay Jesus ang Awit 22:7, 8?
13 Inihula ni David na lalaitin ang Mesiyas. (Basahin ang Awit 22:7, 8.) Nilait si Jesus habang nagdurusa sa pahirapang tulos, gaya ng iniulat ni Mateo: “Ang mga nagdaraan ay nagsimulang magsalita sa kaniya nang may pang-aabuso, na iniiiling ang kanilang mga ulo at nagsasabi: ‘O ikaw na diumano’y tagapagbagsak ng templo at tagapagtayo nito sa tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ay anak ng Diyos, bumaba ka mula sa pahirapang tulos!’” Pinasimulan din siyang gawing katatawanan ng mga punong saserdote, eskriba, at matatandang lalaki, na nagsabi: “Ang iba ay iniligtas niya; ang kaniyang sarili ay hindi niya mailigtas! Siya ay Hari ng Israel; bumaba siya ngayon mula sa pahirapang tulos at maniniwala kami sa kaniya. Inilagak niya sa Diyos ang kaniyang tiwala; sagipin Niya siya ngayon kung ibig Niya siya, sapagkat sinabi niya, ‘Ako ang Anak ng Diyos.’” (Mat. 27:39-43) Kahit nagdurusa si Jesus, nanatili siyang kalmado at hindi nagsalita ng masama. Napakahusay niyang huwaran!
14, 15. Ipaliwanag kung paano natupad ang espesipikong mga hula tungkol sa kasuutan ng Mesiyas at sa pagbibigay sa kaniya ng sukà.
14 Pagpapalabunutan ang damit ng Mesiyas. Isinulat ng salmista: “Pinaghahati-hatian nila sa kanilang sarili ang aking mga kasuutan, at ang aking damit ay pinagpapalabunutan nila.” (Awit 22:18) Iyan mismo ang nangyari dahil nang ibayubay ng mga sundalong Romano si Jesus, “binaha-bahagi [nila] ang kaniyang mga panlabas na kasuutan sa pamamagitan ng palabunutan.”—Mat. 27:35; basahin ang Juan 19:23, 24.
15 Ang Mesiyas ay bibigyan ng sukà at apdo. Sinabi ng salmista: “Bilang pagkain ay binigyan nila ako ng nakalalasong halaman, at para sa aking uhaw ay tinangka nilang painumin ako ng sukà.” (Awit 69:21) Sinabi naman ni Mateo: “Binigyan nila [si Jesus] ng alak na hinaluan ng apdo upang inumin; ngunit, pagkatapos na tikman ito, tumanggi siyang uminom.” Nang maglaon, “tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha at binasâ ito ng maasim na alak at inilagay ito sa isang tambo at pinainom siya.”—Mat. 27:34, 48.
16. Ipaliwanag kung paano natupad ang hula sa Awit 22:1.
16 Magtitinging pinabayaan ng Diyos ang Mesiyas. (Basahin ang Awit 22:1.) Kasuwato ng hulang iyan, “nang ikasiyam na oras na [mga alas tres ng hapon] ay sumigaw si Jesus sa malakas na tinig: ‘Eli, Eli, lama sabaktani?’ na kapag isinalin ay nangangahulugang: ‘Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?’” (Mar. 15:34) Hindi naman nawalan ng pananampalataya si Jesus sa kaniyang Ama sa langit. Pinabayaan ng Diyos si Jesus, sa diwa na inalis Niya ang Kaniyang proteksiyon para lubusang masubok ang katapatan ni Kristo. At ang pagsigaw ni Jesus ay katuparan ng Awit 22:1.
17. Paano natupad ang Zacarias 12:10 at Awit 34:20?
17 Uulusin ng mga kaaway ang Mesiyas pero hindi mababali ang kaniyang mga buto. Ang mga tumatahan sa Jerusalem ay “titingin . . . sa Isa na kanilang inulos.” (Zac. 12:10) At sinasabi sa Awit 34:20: “Binabantayan [ng Diyos] ang lahat ng mga buto ng isang iyon; walang isa man sa mga iyon ang nabali.” Bilang patunay na natupad ang mga ito, isinulat ni apostol Juan: “Inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang . . . tagiliran [ni Jesus], at kaagad ay dugo at tubig ang lumabas. At siya na nakakita nito [si Juan] ay nagpatotoo, at ang kaniyang patotoo ay tunay . . . Naganap ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan: ‘Walang isa mang buto niya ang madudurog.’ At, muli, ang iba pang kasulatan ay nagsasabi: ‘Titingin sila sa Isa na kanilang inulos.’”—Juan 19:33-37.
18. Paano natupad ang hula na ililibing si Jesus kasama ng mayayaman?
18 Ililibing ang Mesiyas kasama ng mayayaman. (Basahin ang Isaias 53:5, 8, 9.) Noong dapit-hapon ng Nisan 14, hiniling ng “isang taong mayaman mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose,” ang katawan ni Jesus kay Pilato. Pinagbigyan naman siya. Sinabi pa ni Mateo: “Kinuha ni Jose ang katawan, binalot iyon sa malinis at mainam na lino, at inilagay iyon sa kaniyang bagong alaalang libingan, na kaniyang inuka sa batong-limpak. At, pagkatapos na igulong ang isang malaking bato sa pinto ng alaalang libingan, siya ay umalis.”—Mat. 27:57-60.
Ibunyi ang Mesiyanikong Hari!
19. Paano natupad ang hula sa Awit 16:10?
19 Bubuhaying muli ang Mesiyas. Isinulat ni David: “Hindi mo [Jehova] iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol.” (Awit 16:10) Isip-isipin ang pagkamangha ng kababaihang nagtungo sa libingan ni Jesus. Nakita nila roon ang isang nagkatawang-taong anghel, na nagsabi sa kanila: “Huwag na kayong matigilan. Hinahanap ninyo si Jesus na Nazareno, na ibinayubay. Ibinangon siya, wala siya rito. Tingnan ninyo! Ang dakong pinaglagyan nila sa kaniya.” (Mar. 16:6) Sa pulutong na nagkakatipon sa Jerusalem noong Pentecostes 33 C.E., ipinahayag ni apostol Pedro: “Nakita [ni David] nang patiuna at sinalita ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng Kristo, na hindi siya pinabayaan sa Hades ni nakakita man ng kasiraan ang kaniyang laman.” (Gawa 2:29-31) Hindi hinayaan ng Diyos na mabulok ang katawan ng kaniyang minamahal na Anak. Bukod diyan, si Jesus ay makahimalang binuhay-muli sa espiritu!—1 Ped. 3:18.
20. Ano ang inihula tungkol sa pamamahala ng Mesiyas?
20 Gaya ng inihula, ipinahayag ng Diyos na si Jesus ay kaniyang Anak. (Basahin ang Awit 2:7; Mateo 3:17.) Ibinunyi rin ng pulutong si Jesus at ang dumarating na Kaharian. Sa ngayon, masigla nating ibinabalita sa iba ang tungkol sa kaniya at sa kaniyang pamamahala. (Mar. 11:7-10) Malapit nang puksain ni Kristo ang kaniyang mga kaaway habang humahayo siya “alang-alang sa katotohanan at kapakumbabaan at katuwiran.” (Awit 2:8, 9; 45:1-6) Ang pamamahala niya ay magdudulot ng kapayapaan at kasaganaan sa buong lupa. (Awit 72:1, 3, 12, 16; Isa. 9:6, 7) Ang minamahal na Anak ni Jehova, si Jesu-Kristo, ay namamahala na sa langit bilang Mesiyanikong Hari. Karangalan nga natin bilang mga Saksi ni Jehova na sabihin sa iba ang mga katotohanang ito!
Paano Mo Sasagutin?
• Paano natupad ang hula na ipagkakanulo at iiwan si Jesus?
• Ano ang mga hula tungkol sa kamatayan ni Jesu-Kristo?
• Bakit kumbinsido ka na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas?
[Larawan sa pahina 13]
Anong mga hula ang natupad nang matagumpay na pumasok si Jesus sa Jerusalem?
[Mga larawan sa pahina 15]
Namatay si Jesus para sa ating mga kasalanan, pero namamahala na siya ngayon bilang Mesiyanikong Hari