ARALING ARTIKULO 11
Handa Ka Na Bang Magpabautismo?
“Ang bautismo . . . ay nagliligtas din ngayon sa inyo.”—1 PED. 3:21.
AWIT 28 Maging Kaibigan ni Jehova
NILALAMANa
1. Ano ang dapat gawin ng isa bago niya simulan ang pagtatayo ng bahay?
IPAGPALAGAY nang may isang taong gustong magtayo ng bahay. Alam niya kung anong klaseng bahay ang gusto niya. Bibili ba siya agad ng materyales at sisimulan na ang pagtatayo? Hindi. Bago siya magsimula, may dapat muna siyang gawin—kukuwentahin niya ang gastusin. Bakit? Kailangan kasi niyang malaman kung sapat ba ang pera niya para matapos ang bahay. Kung kukuwentahin niyang mabuti ang gastusin, malamang na matapos niya ang pagtatayo.
2. Ayon sa Lucas 14:27-30, ano ang dapat mong pag-isipang mabuti bago magpabautismo?
2 Naiisip mo na bang magpabautismo dahil mahal mo si Jehova at pinapahalagahan mo siya? Kung oo, dapat mo ring gawin ang ginawa ng taong gustong magtayo ng bahay. Bakit? Pag-isipan ang sinabi ni Jesus sa Lucas 14:27-30. (Basahin.) Sinabi ni Jesus kung ano ang kailangan para maging alagad niya. Dapat na handa nilang tanggapin ang “gastusin”—ang mga hamon at sakripisyong nasasangkot. (Luc. 9:23-26; 12:51-53) Kaya bago magpabautismo, kailangan mo munang pag-isipang mabuti ang lahat ng iyan. Sa gayon, magiging handa kang patuloy na maglingkod sa Diyos bilang bautisadong Kristiyano.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Sulit bang maging bautisadong alagad ni Kristo? Siyempre naman! Kapag nagpabautismo ka, marami kang matatanggap na pagpapala—ngayon at sa hinaharap. Talakayin natin ang ilang mahahalagang tanong tungkol sa bautismo. Makakatulong ito sa iyo na masagot ang tanong na “Handa na ba akong magpabautismo?”
ANG KAILANGAN MONG MALAMAN TUNGKOL SA PAG-AALAY AT BAUTISMO
4. (a) Ano ang pag-aalay? (b) Ano ang ibig sabihin ng ‘pagtatakwil’ sa sarili, gaya ng binabanggit sa Mateo 16:24?
4 Ano ang pag-aalay? Dapat ka munang mag-alay bago magpabautismo. Sa pag-aalay, taos-puso mong sinasabi kay Jehova sa panalangin na gagamitin mo na ang buhay mo para paglingkuran siya magpakailanman. Sa paggawa nito, ‘itinatakwil’ mo na ang sarili mo. (Basahin ang Mateo 16:24.) Pag-aari ka na ni Jehova, at malaking pribilehiyo iyon. (Roma 14:8) Sinasabi mo sa kaniya na mula ngayon, siya na ang pinakamahalaga sa iyo at hindi ang sarili mo. Ang pag-aalay ay isang panata—isang taimtim na pangako sa Diyos. Hindi tayo pinipilit ni Jehova na gawin iyan. Pero kapag nanata tayo, inaasahan niyang tutuparin natin ito.—Awit 116:12, 14.
5. Ano ang pagkakaiba ng pag-aalay at bautismo?
5 Ano ang pagkakaiba ng pag-aalay at bautismo? Ang pag-aalay ay ginagawa nang mag-isa; walang ibang nakakaalam nito kundi si Jehova. Ang bautismo ay ginagawa sa harap ng mga tao; kadalasan na, sa asamblea o kombensiyon. Sa bautismo, ipinapakita mo sa iba na nag-alay ka na kay Jehova.b Ipinapaalám mo rin na mahal mo ang Diyos na Jehova nang iyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at na determinado kang paglingkuran siya magpakailanman.—Mar. 12:30.
6-7. Ayon sa 1 Pedro 3:18-22, ano ang dalawang dahilan kung bakit kailangang magpabautismo?
6 Kailangan ba talagang magpabautismo? Pag-isipan ang 1 Pedro 3:18-22. (Basahin.) Kung paanong ang arka ay patunay sa mga tao na may pananampalataya si Noe, ang iyong bautismo ay patunay rin na nag-alay ka na kay Jehova. Pero kailangan ba talagang magpabautismo? Oo. Sinabi ni Pedro kung bakit. Una, ‘ililigtas’ ka nito. Maililigtas tayo ng bautismo kung ipinapakita nating nananampalataya tayo kay Jesus at naniniwalang namatay siya para sa atin, binuhay-muli sa langit, at “nasa kanan ng Diyos” ngayon.
7 Ikalawa, tutulong sa atin ang bautismo na magkaroon ng “malinis na konsensiya.” Kapag nag-alay tayo sa Diyos at nagpabautismo, magkakaroon tayo ng espesyal na kaugnayan sa kaniya. Dahil talagang nagsisisi tayo at nananampalataya sa pantubos, pinapatawad ng Diyos ang mga kasalanan natin. Kaya nagiging malinis ang konsensiya natin.
8. Ano ang dapat na dahilan mo para magpabautismo?
8 Ano ang dapat na dahilan mo para magpabautismo? Dahil pinag-aralan mong mabuti ang Bibliya, marami ka nang natutuhan tungkol kay Jehova—ang mga katangian at ginawa niya. Nakaantig ang mga ito sa puso mo kaya napakilos kang mahalin din siya. Dapat na ang pinakamahalagang dahilan mo para magpabautismo ay ang pagmamahal kay Jehova.
9. Ano ang ibig sabihin ng mabautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na binabanggit sa Mateo 28:19, 20?
9 Ang isa pang dahilan para magpabautismo ay ang mga katotohanan sa Bibliya na tinanggap mo. Pansinin ang sinabi ni Jesus nang mag-utos siyang gumawa ng mga alagad. (Basahin ang Mateo 28:19, 20.) Ayon kay Jesus, dapat na mabautismuhan ang isa “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” Ibig sabihin, dapat na buong puso kang naniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova, sa kaniyang Anak na si Jesus, at sa banal na espiritu. Makapangyarihan ang mga katotohanang ito at puwede nitong maantig ang puso mo. (Heb. 4:12) Talakayin natin ang ilan sa mga ito.
10-11. Anong mga katotohanan tungkol sa Ama ang natutuhan mo at tinanggap?
10 Alalahanin ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa Ama: “Ang pangalan [niya] ay Jehova,” siya “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” at siya lang “ang tunay na Diyos.” (Awit 83:18; Isa. 37:16) Siya ang ating Maylalang at “tagapagligtas.” (Awit 3:8; 36:9) Gumawa siya ng paraan para iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan, at binigyan niya tayo ng pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Ang iyong pag-aalay at bautismo ay magpapakita na isa ka nang Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Magiging bahagi ka ng pambuong-daigdig na pamilya ng mga mananamba na ipinagmamalaking tinatawag sila sa pangalan ng Diyos at gustong-gusto na ipakilala siya sa iba.—Awit 86:12.
11 Isa ngang pribilehiyo na maunawaan ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Ama! Kapag tinanggap mo ang mga katotohanang ito, mapapakilos kang mag-alay kay Jehova at magpabautismo.
12-13. Anong mga katotohanan tungkol sa Anak ang natutuhan mo at tinanggap?
12 Ano ang reaksiyon mo nang matutuhan mo ang sumusunod na katotohanan tungkol sa Anak? Si Jesus ang ikalawang pinakamahalagang persona sa uniberso. Siya ang ating Manunubos. Kusang-loob niyang ibinigay ang buhay niya para sa atin. Kapag ipinapakita nating nananampalataya tayo sa pantubos, mapapatawad ang mga kasalanan natin, magiging kaibigan natin ang Diyos, at magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16) Si Jesus ang ating Mataas na Saserdote. Gusto niyang makinabang tayo sa pantubos at maging malapít sa Diyos. (Heb. 4:15; 7:24, 25) Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, siya ang gagamitin ni Jehova para mapabanal ang pangalan Niya, alisin ang kasamaan, at magbigay ng walang-hanggang pagpapala sa Paraiso. (Mat. 6:9, 10; Apoc. 11:15) Si Jesus ang ating huwaran. (1 Ped. 2:21) Magandang halimbawa siya sa atin dahil ginamit niya ang buhay niya sa paggawa ng kalooban ng Diyos.—Juan 4:34.
13 Kapag tinanggap mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus, mapapamahal sa iyo ang Anak ng Diyos. Dahil sa pagmamahal na iyan, gagawin mo ang kalooban ng Diyos gaya ng ginawa ni Jesus. Kaya mapapakilos kang mag-alay kay Jehova at magpabautismo.
14-15. Anong mga katotohanan tungkol sa banal na espiritu ang natutuhan mo at tinanggap?
14 Ano ang naisip mo nang matutuhan mo ang sumusunod na mga katotohanan tungkol sa banal na espiritu? Hindi ito isang persona; ito ang aktibong puwersa ng Diyos. Ginamit ito ni Jehova para ipasulat ang Bibliya, at ito ang tumutulong sa ating maunawaan at maisabuhay ang nababasa natin sa Bibliya. (Juan 14:26; 2 Ped. 1:21) Sa pamamagitan ng espiritu, binibigyan tayo ni Jehova ng “lakas na higit sa karaniwan.” (2 Cor. 4:7) Kaya naipapangaral natin ang mabuting balita, nalalabanan ang tukso, nakakayanan ang pagkasira ng loob, at natitiis ang mga pagsubok. Natutulungan din tayo nitong maipakita ang magagandang “katangian na bunga ng espiritu.” (Gal. 5:22) Nagbibigay ang Diyos ng espiritu niya sa mga nagtitiwala sa kaniya at humihingi nito.—Luc. 11:13.
15 Nakakapagpatibay ngang malaman na ang mga mananamba ni Jehova ay makakaasa sa banal na espiritu para tulungan silang makapaglingkod sa Diyos! Kapag tinanggap mo ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa banal na espiritu, mapapakilos kang mag-alay sa Diyos at magpabautismo.
16. Ano na ang natutuhan natin sa artikulong ito?
16 Napakahalaga ngang desisyon ng pag-aalay sa Diyos at pagpapabautismo! Gaya ng natutuhan natin, dapat na handa kang tanggapin ang mga hamon at sakripisyong nasasangkot. Pero di-hamak na nakakahigit sa mga ito ang mga pagpapalang matatanggap mo. Maililigtas ka ng bautismo, at magkakaroon ka ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos. Dapat na ang pangunahing dahilan mo para magpabautismo ay ang pagmamahal sa Diyos na Jehova. Dapat din na buong puso mong pinaniniwalaan ang mga katotohanang natutuhan mo tungkol sa Ama, sa Anak, at sa banal na espiritu. Matapos pag-isipan ang mga iyan, ano ang sagot mo sa tanong na “Handa na ba akong magpabautismo?”
ANG KAILANGAN MONG GAWIN BAGO ANG BAUTISMO
17. Ano ang ilang bagay na dapat gawin ng isa bago magpabautismo?
17 Kung sa tingin mo ay handa ka nang magpabautismo, siguradong marami ka nang ginawa para mapatibay ang kaugnayan mo kay Jehova.c Dahil regular mong pinag-aaralan ang Bibliya, mas nakilala mo si Jehova at si Jesus. May pananampalataya ka na rin. (Heb. 11:6) Lubusan kang nagtitiwala sa mga pangako ni Jehova na nasa Bibliya, at kumbinsido kang ang hain ni Jesus ay magliligtas sa iyo mula sa kasalanan at kamatayan. Pinagsisihan mo na ang mga kasalanan mo; lungkot na lungkot ka sa mga pagkakamaling nagawa mo, at humingi ka na ng tawad kay Jehova. Binago mo na ang buhay mo; tinalikuran mo na ang masasamang gawain at namumuhay ka na sa paraang gusto ng Diyos. (Gawa 3:19) Gustong-gusto mong sabihin sa iba ang paniniwala mo. Kuwalipikado ka nang maging di-bautisadong mamamahayag, at nangangaral ka na kasama ng kongregasyon. (Mat. 24:14) Ipinagmamalaki ka ni Jehova dahil sa mga ginawa mo. Talagang napasaya mo ang puso niya.—Kaw. 27:11.
18. Ano pa ang kailangan mong gawin bago magpabautismo?
18 Bago magpabautismo, may iba ka pang kailangang gawin. Gaya ng natalakay na, dapat mong ialay ang sarili mo sa Diyos. Taos-pusong manalangin kay Jehova nang mag-isa at ipangako sa kaniya na gagamitin mo ang buhay mo para gawin ang kalooban niya. (1 Ped. 4:2) Pagkatapos, sabihin sa koordineytor ng lupon ng matatanda na gusto mo nang magpabautismo. Mag-aatas siya ng ilang elder para makipag-usap sa iyo. Pakisuyo, huwag kang matakot sa kanila. Kilala ka na ng mga brother na ito, at mahal ka nila. Rerepasuhin ninyo ang pangunahing mga turo sa Bibliya na natutuhan mo. Gusto nilang matiyak na naiintindihan mo ang mga turong iyon at alam mo kung gaano kahalaga ang pag-aalay at bautismo. Kung sa tingin nila ay handa ka na, ipapaalám nila sa iyo na puwede ka nang magpabautismo sa susunod na asamblea o kombensiyon.
ANG KAILANGAN MONG GAWIN PAGKATAPOS NG BAUTISMO
19-20. Ano ang kailangan mong gawin pagkatapos ng bautismo, at paano mo iyan magagawa?
19 Ano ang gagawin mo pagkatapos ng bautismo?d Tandaan na ang pag-aalay ay isang panata at na inaasahan ni Jehova na tutuparin mo ito. Kaya pagkatapos ng bautismo, dapat mong tuparin ang ipinangako mo noong mag-alay ka. Paano mo iyan magagawa?
20 Manatiling malapít sa kongregasyon. Bilang bautisadong Kristiyano, bahagi ka na ng “samahan ng mga kapatid.” (1 Ped. 2:17) Ang mga kapatid sa kongregasyon ang iyong espirituwal na pamilya. Mapapalapít ka sa kanila kung regular kang dadalo sa mga pulong. Basahin ang Salita ng Diyos at bulay-bulayin ito araw-araw. (Awit 1:1, 2) Pagkatapos magbasa ng Bibliya, maglaan ng panahon para pag-isipang mabuti ang nabasa mo. Maaabot nito ang puso mo. ‘Patuloy kang manalangin.’ (Mat. 26:41) Mapapalapít ka kay Jehova kung taos-puso ang panalangin mo. “Patuloy [mong] unahin ang Kaharian.” (Mat. 6:33) Magagawa mo iyan kung magiging pangunahin sa buhay mo ang pangangaral. Sa gayon, titibay ang pananampalataya mo at matutulungan mo ang iba na magkaroon ng buhay na walang hanggan.—1 Tim. 4:16.
21. Anong pagpapala ang tatanggapin mo kung magpapabautismo ka?
21 Ang desisyong mag-alay kay Jehova at magpabautismo ang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo. Totoo, may kasama itong mga sakripisyo, pero sulit ang lahat ng ito! Anumang paghihirap mo sa mundong ito ay “panandalian at magaan.” (2 Cor. 4:17) Pero kung magpapabautismo ka, magiging masaya ang buhay mo ngayon at magkakaroon ka ng “tunay na buhay” sa hinaharap. (1 Tim. 6:19) Kaya pakisuyo, pag-isipang mabuti at ipanalangin ang sagot mo sa tanong na “Handa na ba akong magpabautismo?”
AWIT 50 Ang Aking Panalangin ng Pag-aalay
a Nag-iisip ka na bang magpabautismo? Kung oo, para sa iyo ang artikulong ito. Tatalakayin natin ang ilang tanong tungkol sa mahalagang paksang ito. Depende sa sagot mo, malalaman mo kung handa ka na ngang magpabautismo.
b Tingnan ang kahong “Dalawang Tanong na Sasagutin sa Araw ng Iyong Bautismo.”
d Kung hindi mo pa natatapos ang pag-aaral sa mga aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya? at Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos, dapat mong tapusin ang dalawang aklat na ito kasama ng nagtuturo sa iyo.