Tanong
● Bakit mahalaga na tapusin nang lubusan ang pag-aaral ng dalawang aklat kasama ng mga bagong alagad kahit na sila’y nabautismuhan na bago pa matapos ang ikalawang aklat?
Ang mga baguhan ay nangangailangan ng tulong upang sumapit sa tumpak na kaalaman ng katotohanan. (Col. 1:9, 10) May pribilehiyo tayong tulungan silang magtamo ng mabuting kaunawaan sa mga saligang doktrina ng Bibliya, sa mga moral na pamantayan ng Bibliya, at kaugnay na mga bagay. Ito’y tutulong sa kanila na maging matatag sa katotohanan upang kanilang mapagtagumpayan ang anumang pagsubok sa hinaharap.
Ang mga estudiyante ay kailangang maging maygulang sa kaunawaan. (1 Cor. 14:20) Upang maging isang maygulang na tao sa espirituwal, kailangan ang personal na pag-aaral ng Bibliya sa tulong ng isang guro. Anupa’t ang karunungan ay nagbabadyang dapat na magpatuloy ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya sa tahanan hanggang matapos niya ang pag-aaral ng dalawang aklat.
PAGKATAPOS NG BAUTISMO
Sinabi ni Jesus na tayo’y dapat na gumawa ng mga alagad—bautismuhan at turuan sila. (Mat. 28:19, 20) Ang karamihan sa pagtuturo ay isinasagawa pagkatapos ng bautismo. Ang kaalaman mula sa isang aklat lamang ay karaniwan nang hindi sapat upang maging lubusan ang kaniyang espirituwal na pagsasanay. Ang karagdagang tagubilin ay kailangan upang maging karapatdapat sa ministeryo at upang malabanan ang mga panggigipit na sumasapit sa mga naglilingkod kay Jehova ngayon. Ang unang publikasyong pinag-aralan ay naglalaan ng kaunawaan sa mga saligang turo. Ang ikalawang publikasyon ay sumasaklaw sa mga Kristiyanong katangian. Ang mga publikasyong ito ay maaaring ang aklat na Mabuhay Magpakailanman at pagkatapos ay alinman sa aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba o ang aklat na Tunay na Kapayapaan. Ang patuloy na pag-aaral hanggang sa matapos ang ikalawang aklat ay naglalaan ng isang mabuting edukasyon sa mga layunin ni Jehova at sa kaniyang matataas na pamantayang Kristiyano. Ito’y nakatutulong sa baguhan na mag-ugat na matatag sa pananampalataya. (Col. 2:7) Ukol sa higit na impormasyon hinggil sa pag-uulat ng gayong mga pag-aaral, tingnan ang “Tanong” sa Enero, 1988 ng Ating Ministeryo sa Kaharian.
Sabihin pa, pagkatapos ng bautismo ang mga baguhan ay dapat na asahang gagawa pa ng espirituwal na pagsulong. (Heb. 6:1-3) Sa maraming kaso hindi naman nagtatagal bago matapos ang ikalawang aklat. Ang baguhan kung gayon ay napaglalaanan ng isang matatag na pundasyon.