ARALING ARTIKULO 45
Paano Tutulungan ang Iba na Tuparin ang mga Utos ni Kristo?
‘Humayo kayo at gumawa ng mga alagad, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.’—MAT. 28:19, 20.
AWIT 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
NILALAMANa
1. Ano ang iniutos ni Jesus sa Mateo 28:18-20?
MATAPOS buhaying muli si Jesus, nagpakita siya sa mga alagad niyang nagkakatipon sa Galilea. May mahalaga siyang sasabihin sa kanila. Ano iyon? Mababasa iyon sa Mateo 28:18-20.—Basahin.
2. Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
2 Ang utos ni Jesus na gumawa ng mga alagad ay para din sa lahat ng lingkod ng Diyos ngayon. Kaya talakayin natin ang tatlong tanong na may kaugnayan sa atas na ibinigay ni Jesus sa atin. Una, bukod sa pagtuturo ng mga kahilingan ng Diyos sa bagong mga alagad, ano pa ang dapat nating gawin? Ikalawa, paano makakatulong ang lahat ng kapatid sa kongregasyon para sumulong ang mga Bible study? Ikatlo, paano natin matutulungan ang inactive na mga kapatid na makibahagi ulit sa paggawa ng alagad?
ITURO SA KANILA NA TUPARIN ANG MGA UTOS
3. Anong espesipikong tagubilin ang sinabi ni Jesus sa utos niya?
3 Malinaw ang tagubilin ni Jesus. Dapat nating ituro sa mga tao ang mga utos niya. Pero dapat nating tandaan ang isang mahalagang detalye. Hindi sinabi ni Jesus: ‘Ituro ninyo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa inyo.’ Sa halip, sinabi niya: Ituro ninyo sa kanilang “tuparin ang lahat ng iniutos ko sa inyo.” Para masunod ang espesipikong tagubiling iyan, hindi lang natin dapat turuan ang mga Bible study natin, dapat din natin silang gabayan. (Gawa 8:31) Bakit?
4. Ano ang ibig sabihin ng tuparin ang utos? Ilarawan.
4 Kapag sinabing “tuparin” ang utos, ibig sabihin, sundin iyon. Para ilarawan kung paano natin matuturuan ang isa na tuparin, o sundin, ang mga iniutos ni Kristo, pag-isipan ito: Paano tinuturuan ng driving instructor ang mga estudyante niya na sundin ang mga batas trapiko? Baka ituturo muna ng instructor ang mga batas trapiko. Pero para maituro sa mga estudyante niya kung paano susundin ang mga batas na iyon, may dapat pa siyang gawin. Kailangan niyang samahan ang mga estudyante at gabayan sila habang aktuwal silang nagmamaneho at ginagawa ang mga natutuhan nila. Ano ang matututuhan natin dito?
5. (a) Ayon sa Juan 14:15 at 1 Juan 2:3, ano ang kailangan nating ituro sa mga Bible study natin na dapat nilang gawin? (b) Magbigay ng mga halimbawa kung paano natin magagabayan ang mga Bible study natin.
5 Kapag ini-study ang iba, itinuturo natin sa kanila ang mga kahilingan ng Diyos. Pero hindi lang iyan. Dapat din nating ituro sa kanila na isabuhay ang mga natututuhan nila. (Basahin ang Juan 14:15; 1 Juan 2:3.) Sa pamamagitan ng ating halimbawa, maipapakita natin sa mga Bible study kung paano nila isasabuhay ang pangunahing mga prinsipyo sa Bibliya kapag nasa paaralan, trabaho, o kapag naglilibang. Puwede nating ikuwento sa kanila kung paano tayo nakaiwas sa panganib o nakagawa ng tamang desisyon dahil sa pagsunod sa mga utos ng Bibliya. Kapag nananalangin kasama ang mga Bible study, puwede nating hilingin kay Jehova na gabayan sila ng banal na espiritu.—Juan 16:13.
6. Ano pa ang kailangang gawin kapag itinuturo natin sa iba na tuparin ang mga utos ni Jesus?
6 Ano pa ang kailangang gawin kapag itinuturo natin sa iba na tuparin ang mga utos ni Jesus? Kailangan nating tulungan ang mga Bible study natin na magkaroon ng kagustuhang gumawa ng mga alagad. May mga Bible study na natatakot mangaral. Kaya kailangan nating maging matiyaga habang nagtuturo tayo sa kanila sa paraang unti-unting magpapalalim ng unawa nila, makakaantig sa puso nila, at magpapakilos sa kanila. Ano ang puwede nating gawin para matulungan ang mga Bible study na magkaroon ng kagustuhang mangaral ng mabuting balita?
7. Paano natin matutulungan ang Bible study na magkaroon ng kagustuhang mangaral ng mabuting balita?
7 Puwede nating itanong sa Bible study natin: “Paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa itinuturo ng Bibliya? Sa tingin mo ba kailangan ding marinig ng iba ang tungkol dito? Ano ang puwede mong gawin para matulungan sila?” (Kaw. 3:27; Mat. 9:37, 38) Ipakita sa Bible study ang mga tract sa Toolbox sa Pagtuturo at papiliin siya kung alin sa tingin niya ang magugustuhan ng kaniyang mga kamag-anak, kaibigan, o katrabaho. Bigyan siya ng mga tract na ito. Praktisin siya kung paano iaalok ang tract sa mataktikang paraan. Siyempre, kapag di-bautisadong mamamahayag na ang study natin, kailangan natin siyang samahan sa pangangaral.—Ecles. 4:9, 10; Luc. 6:40.
PAANO MAKAKATULONG ANG KONGREGASYON PARA SUMULONG ANG MGA BIBLE STUDY?
8. Bakit mahalagang magkaroon ng malalim na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang mga Bible study? (Tingnan din ang kahong “Paano Mapapalalim ang Pag-ibig ng mga Bible Study sa Diyos?”)
8 Tandaan na tinagubilinan tayo ni Jesus na ituro sa iba na “tuparin ang lahat” ng utos niya. Siguradong kasama diyan ang dalawang pinakamahalagang utos—ibigin ang Diyos at mahalin ang kapuwa—na parehong konektado sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mat. 22:37-39) Ano ang koneksiyon? Pag-ibig ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nangangaral—pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa. May ilang Bible study na natatakot mangaral. Pero puwede nating sabihin sa kanila na sa tulong ni Jehova, unti-unti nilang malalabanan ang takot sa tao. (Awit 18:1-3; Kaw. 29:25) Makikita sa kahon sa artikulong ito kung paano natin matutulungan ang mga Bible study na mapalalim ang pag-ibig nila sa Diyos. Bukod diyan, ano ang magagawa ng kongregasyon para tulungan sila na lalong makapagpakita ng pag-ibig?
9. Ayon sa ilustrasyon, paano natututo ng mahahalagang aral ang student driver?
9 Balikan natin ang ilustrasyon tungkol sa student driver. Habang nagmamaneho kasama ang instructor niya, paano siya natututo? Kung nakikinig siya sa instructor niya at nag-oobserba sa ibang maiingat na driver. Halimbawa, puwedeng ituro ng instructor ang isang mabait na driver na nagpasingit ng iba sa unahan nito. O puwede niyang ituro ang isang driver na nagbaba ng headlight para hindi masilaw ang mga kasalubong nito. Makakatulong ang mga halimbawang iyon para matuto ang estudyante ng mahahalagang aral na magagamit niya sa pagmamaneho.
10. Ano ang makakatulong sa Bible study na sumulong?
10 Gaya ng student driver, ang Bible study na nagsisimula nang maglingkod kay Jehova ay natututo rin hindi lang sa nagtuturo sa kaniya kundi sa iba pang magagandang halimbawa ng mga naglilingkod kay Jehova. Kaya ano ang makakatulong nang malaki para sumulong ang mga Bible study? Pagdalo sa mga pulong. Bakit? Ang mga maririnig nila sa pulong ay magpapalalim ng kaalaman nila, magpapatibay ng pananampalataya nila, at makakatulong sa kanila na lalong ibigin ang Diyos. (Gawa 15:30-32) Maipapakilala rin sila sa mga kapatid na kapareho nila ang sitwasyon. Anong magagandang halimbawa ng mga kapatid ang puwede nilang makita sa kongregasyon? Tingnan ang sumusunod na mga senaryo.
11. Anong mga halimbawa ang puwedeng mapansin ng Bible study sa kongregasyon, at ano ang puwedeng maging epekto nito sa kaniya?
11 Napansin ng single parent na Bible study ang isang sister na kapareho niya ng sitwasyon. Humanga siya sa pagsisikap ng sister na isama sa Kingdom Hall ang maliliit na anak nito. Nakilala ng isang Bible study na nahihirapang tumigil sa paninigarilyo ang isang kapatid na ganoon din ang pinagdaanan. Sinabi ng kapatid sa study kung paano nakatulong ang malalim na pag-ibig niya kay Jehova para masunod ang mga utos ng Diyos. (2 Cor. 7:1; Fil. 4:13) Matapos magkuwento ng kapatid, lalong lumakas ang loob ng Bible study nang sabihin ng brother, “Maihihinto mo rin ’yan.” Napansin ng isang kabataang babae na Bible study ang isang kabataang sister na masayang-masaya sa buhay niya bilang Saksi. Kaya gustong malaman ng study kung bakit parang laging masaya ang sister.
12. Bakit masasabing makakatulong sa mga Bible study ang bawat miyembro ng kongregasyon?
12 Kapag iba’t ibang kapatid ang nakikilala ng mga Bible study, natututuhan nila mula sa halimbawa ng mga ito kung paano tutuparin ang utos ni Kristo na ibigin ang Diyos at ang kapuwa. (Juan 13:35; 1 Tim. 4:12) At gaya ng nabanggit, matututo ang Bible study sa mga kapatid na kapareho niya ng sitwasyon. Natututuhan niya na kayang-kaya pala niyang gawin ang mga pagbabagong kailangan para maging alagad ni Kristo. (Deut. 30:11) May magagawa ang bawat miyembro ng kongregasyon para sumulong ang mga Bible study. (Mat. 5:16) Ano ang ginagawa mo para mapatibay ang mga Bible study na dumadalo sa mga pulong?
TULUNGAN ANG MGA INACTIVE NA MANGARAL ULIT
13-14. Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga apostol niyang pinanghinaan ng loob?
13 Gusto nating matulungan ang inactive na mga kapatid na makibahagi ulit sa pagtupad ng utos ni Kristo na gumawa ng mga alagad. Makikita natin sa pakikitungo ni Jesus sa mga apostol niyang pinanghinaan ng loob kung ano ang puwede nating gawin ngayon.
14 Sa pagtatapos ng ministeryo ni Jesus sa lupa bago siya mamatay, “tumakas [ang lahat ng apostol niya] at iniwan siya.” (Mar. 14:50; Juan 16:32) Paano pinakitunguhan ni Jesus ang mga apostol niya noong pinanghihinaan sila ng loob? Di-nagtagal, matapos siyang buhaying muli, sinabi niya sa ilang tagasunod niya: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila [na binuhay akong muli].” (Mat. 28:10a) Hindi sinukuan ni Jesus ang mga apostol niya. Kahit iniwan nila siya, tinawag pa rin niya silang “mga kapatid ko.” Gaya ni Jehova, maawain at mapagpatawad din si Jesus.—2 Hari 13:23.
15. Ano ang nararamdaman natin sa mga huminto na sa pangangaral?
15 Nagmamalasakit din tayo sa mga huminto na sa pangangaral. Mga kapatid natin sila, at mahal natin sila! Hindi natin nalilimutan ang ginawa nilang paglilingkod noon—na baka umabot pa nga nang ilang dekada. (Heb. 6:10) Miss na miss na natin sila! (Luc. 15:4-7) Bilang pagtulad kay Jesus, paano natin maipapakitang nagmamalasakit tayo sa kanila?
16. Paano natin maipapakitang nagmamalasakit tayo sa mga kapatid nating inactive?
16 Yayain sila. Napatibay ni Jesus ang mga apostol niyang pinanghihinaan ng loob nang imbitahan niya sila sa isang pagpupulong. (Mat. 28:10b; 1 Cor. 15:6) Sa ngayon, puwede rin nating yayain sa pulong ang mga inactive na hindi pa dumadalo. Baka kailangan natin silang yayain nang ilang beses bago sila dumalo. Siguradong natuwa si Jesus nang tanggapin ng kaniyang mga alagad ang paanyaya niya.—Ihambing ang Mateo 28:16 at Lucas 15:6.
17. Ano ang gagawin natin kapag dumalo sa pulong ang inactive na mga kapatid?
17 I-welcome sila. Ipinadama ni Jesus sa mga alagad niya na natutuwa siyang makita sila at siya mismo ang lumapit para makipag-usap sa kanila. (Mat. 28:18) Ano ang gagawin natin kapag dumalo sa Kingdom hall ang mga inactive? Dapat na tayo mismo ang lumapit para i-welcome sila. Sa umpisa, baka hindi natin alam kung ano ang sasabihin sa kanila. Pero puwede nating sabihin na natutuwa tayong makita sila nang hindi naman sila maaasiwa.
18. Paano natin mapapatibay ang mga inactive?
18 Patibayin sila. Posibleng nag-alala ang mga alagad ni Jesus nang utusan niya silang mangaral sa buong mundo. Pero pinatibay niya ang mga tagasunod niya at sinabi: “Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw.” (Mat. 28:20) Nakatulong ba iyon? Oo. Di-nagtagal, abalang-abala na sila sa “pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita.” (Gawa 5:42) Kailangan din ng mga inactive ang pampatibay. Baka natatakot silang mangaral ulit. Puwede nating sabihin sa kanila na hindi naman sila mangangaral nang mag-isa. Kapag handa na sila, puwede natin silang samahan sa ministeryo. Siguradong pasasalamatan nila tayo kapag nakapangaral na sila ulit. Kapag ipinadama natin sa kanila na mga kapatid pa rin natin sila, baka maging aktibo na sila ulit at matutuwa ang kongregasyon.
GUSTO NATING TAPUSIN ANG GAWAING IPINAGKATIWALA SA ATIN
19. Ano ang gusto nating gawin, at bakit?
19 Hanggang kailan tayo gagawa ng mga alagad? Hanggang sa katapusan ng sistemang ito. (Mat. 28:20; tingnan sa Glosari, “Katapusan ng sistemang ito.”) Magagawa ba natin ang utos na iyan ni Jesus? Determinado tayong gawin iyan! Masaya nating ibinibigay ang ating panahon, lakas, at pag-aari para mahanap ang mga “nakaayon sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48) Sa paggawa nito, tinutularan natin si Jesus. Sinabi niya: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.” (Juan 4:34; 17:4) Iyan din ang gusto nating gawin. Gusto nating tapusin ang gawaing ipinagkatiwala sa atin. (Juan 20:21) At gusto nating makasama ang iba, pati na ang mga inactive, sa patuloy na pagtitiis para sa gawaing ito.—Mat. 24:13.
20. Ayon sa Filipos 4:13, bakit natin magagawa ang iniutos ni Jesus?
20 Totoo, hindi madaling gawin ang utos ni Jesus. Pero hindi tayo nag-iisa sa gawaing ito. Nangako si Jesus na sasamahan niya tayo. Gumagawa tayo ng mga alagad bilang “mga kamanggagawa ng Diyos” at “mga tagasunod ni Kristo.” (1 Cor. 3:9; 2 Cor. 2:17) Kaya magagawa natin ito. Isa ngang pribilehiyo na gawin ang atas na ito at tulungan ang iba na ganoon din ang gawin!—Basahin ang Filipos 4:13.
AWIT 79 Turuan Mo Silang Maging Matatag
a Tinagubilinan ni Jesus ang mga tagasunod niya na gumawa ng mga alagad at turuan sila na tuparin ang lahat ng iniutos niya sa kanila. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano natin masusunod ang mga tagubilin ni Jesus. Ang ilang bahagi ng impormasyong ito ay mula sa isang artikulo ng Bantayan ng Hulyo 1, 2004, pahina 14-19.
b LARAWAN: Ipinapaliwanag ng sister sa Bible study niya ang mga kailangan nitong gawin para mapalalim ang pag-ibig nito sa Diyos. Ginawa ng study ang tatlong mungkahi ng nagtuturo sa kaniya.