LAMPARA
Isang sisidlang ginagamit upang makagawa ng artipisyal na liwanag. Mayroon itong mitsa na pampaningas ng mga likidong madaling magliyab gaya ng langis, anupat sinisipsip ng mitsa ang fluido na nagsisilbi namang gatong ng liyab ng apoy. Ang mga mitsa ay gawa sa lino (Isa 42:3; 43:17), binalatang tangkay ng halamang hungko, o abaka. Langis ng olibo ang fluido na karaniwang ipinampapaningas sa mga sinaunang lampara (Exo 27:20), bagaman ginagamit din noon ang langis mula sa punong terebinth.
Bawat isa sa limang maiingat na dalaga sa ilustrasyon ni Jesus ay may isang lampara at isang sisidlan na may langis. (Mat 25:1-4) May dala ring mga lampara at mga sulo yaong mga dumating upang arestuhin si Jesus.—Ju 18:3.
Karaniwan na, ang mga lamparang pambahay ay yari sa luwad, bagaman may natuklasan ding mga lamparang bronse sa Palestina. Ang karaniwang lampara ng mga Canaanita ay hugis-platito, pabilog ang ilalim at mataas ang gilid. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 952) Nilalagyan ng bahagyang yupi ang isang gilid ng labi nito, at doon ipinapatong ang mitsa. Kung minsan, nilalagyan ng yupi ang apat na sulok ng labi nito upang may mapaglagyan ng apat na mitsa. Nang maglaon, mga lamparang may iba’t ibang hugis ang ginawa, anupat ang ilan ay sarado maliban sa dalawang butas ng mga ito, ang isa ay nasa ibabaw (malapit sa gitna) upang sa pamamagitan niyaon ay malagyan ng langis ang sisidlan at ang isa naman ay nagsisilbing bibig nito na pinaglalagyan ng mitsa. Ang ilang lampara ay may pabilog na tatangnan sa kabilang dulo na katapat ng bibig nito; kung minsan, ang tatangnan ay nakapahiga, ngunit kadalasa’y patayo. Kalimitan, ang mga lamparang Griego-Romano ay may mga anyo ng mga tao o mga hayop sa mitolohiya, samantalang ang mga Judio naman ay gumawa ng mga lamparang may mga disenyong gaya ng mga dahon ng punong ubas o mga balumbon.
Karaniwan ay kulay kayumanggi ang sinaunang mga lamparang hugis-platito. Ang mga lampara naman na ginawa noong unang siglo C.E. ay may iba’t ibang kulay, kabilang na ang mapusyaw na kayumanggi, mamula-mulang kulay-kahel, at abuhin. Gayundin, noong mga panahong Romano, may mga lamparang pinahiran ng pulang pampakintab.
Noon, ang mga lampara na karaniwang ginagamit sa mga tahanan at iba pang mga gusali ay maaaring inilalagay sa isang butas sa pader, o sa isang istante sa pader o haligi, o baka ibinibitin ang mga ito sa kisame sa pamamagitan ng isang panali. Kung minsan, inilalagay ang mga ito sa mga patungang luwad, kahoy, o metal. Sa pamamagitan ng gayong mga patungan, kumakalat ang liwanag sa buong silid.—2Ha 4:10; Mat 5:15; Mar 4:21.
Hindi binabanggit sa Bibliya ang paggamit ng kandila. Ang langis ng lampara, na likido, ang ginagamit para magkaroon ng liwanag. Samakatuwid, hindi wasto ang malimit na salin ng King James Version sa Hebreong ner at sa salitang Griego na lyʹkhnos bilang “kandila,” gaya sa Job 29:3 at Lucas 11:33, kung saan “lampara” ang angkop na ginagamit ng makabagong mga salin (gaya ng AT, NW, RS).
Ginamit sa Santuwaryo. Sa tabernakulo ng Israel, ang kandelero, o patungan ng lampara, ay yari sa ginto at may disenyong naiiba sa karaniwang kandelerong pambahay. Alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos na Jehova (Exo 25:31), ito’y pinalamutian ng salit-salitang mga globito at mga bulaklak at may tatlong sanga sa bawat tagiliran ng pinakakatawan nito, anupat mayroon itong pitong lalagyan ng maliliit na lampara. Tanging mainam na napigang langis ng olibo ang ginagamit noon sa mga lamparang ito. (Exo 37:17-24; 27:20) Nang maglaon, nagpagawa si Solomon ng sampung ginintuang kandelero at ng ilang pilak na kandelero para gamitin sa templo.—1Ha 7:48, 49; 1Cr 28:15; 2Cr 4:19, 20; 13:11.
Si Jehova—Isang Lampara at Bukal ng Liwanag. Si Jehova ang pangunahing Bukal ng liwanag at patnubay. Matapos mailigtas si David mula sa kamay ng kaniyang mga kaaway at mula rin sa kamay ni Saul, sinabi niya: “Ikaw ang aking lampara, O Jehova, at pinagliliwanag ni Jehova ang kadiliman ko.” (2Sa 22:29) Naiiba naman nang bahagya ang pananalitang ginamit sa Mga Awit: “Ikaw ang magsisindi ng aking lampara, O Jehova,” anupat doo’y inilalarawan si Jehova bilang siyang nagpapaningas ng lamparang dala ni David upang magbigay-liwanag sa kaniyang daan.—Aw 18:28.
Si Jesu-Kristo. Gaya ng nakita ng apostol na si Juan sa pangitain, “ang gabi ay hindi iiral” sa makalangit na Bagong Jerusalem. Hindi araw at buwan ang pinagmumulan ng liwanag ng lunsod, sapagkat ang kaluwalhatian mismo ng Diyos na Jehova ang tuwirang nagbibigay-liwanag sa lunsod, kung paanong ang ulap ng liwanag na tinatawag ng mga Hebreo bilang Shekina ang siyang nagbigay-liwanag sa Kabanal-banalan ng sinaunang tabernakulo at templo. (Lev 16:2; ihambing ang Bil 9:15, 16.) Ang “lampara” naman nito ay ang Kordero, si Jesu-Kristo. Pasisikatin ng “lunsod” ang espirituwal na liwanag nito sa mga bansa, ang mga tumatahan sa “bagong lupa,” upang patnubayan sila.—Apo 21:22-25.
Ang mga Hari sa Linya ni David. Itinatag ng Diyos na Jehova si Haring David sa trono ng Israel, at sa ilalim ng patnubay ng Diyos, si David ay napatunayang isang marunong na tagapatnubay at lider ng bansa. Dahil dito, tinawag siyang “lampara ng Israel.” (2Sa 21:17) Sa kaniyang tipan kay David ukol sa kaharian, nangako si Jehova: “Ang iyo mismong trono ay magiging isa na itinatag nang matibay hanggang sa panahong walang takda.” (2Sa 7:11-16) Alinsunod dito, ang dinastiya, o linya ng pamilya, ng mga tagapamahala mula kay David sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Solomon ay naging gaya ng isang “lampara” sa Israel.—1Ha 11:36; 15:4; 2Ha 8:19; 2Cr 21:7.
Nang si Haring Zedekias ay alisin sa trono at dalhing bihag sa Babilonya upang doon mamatay, waring napatay ang “lampara.” Ngunit hindi pinabayaan ni Jehova ang kaniyang tipan. Pansamantala lamang niyang sinuspende ang pamamahala sa trono “hanggang sa dumating siya na may legal na karapatan.” (Eze 21:27) Si Jesu-Kristo, ang Mesiyas at “anak ni David,” ang siyang tagapagmana ng tronong iyon magpakailanman. Dahil dito, hindi kailanman mamamatay ang “lampara” ni David. Samakatuwid, bilang may-ari ng Kaharian magpakailanman, si Jesus ay isang walang-hanggang lampara.—Mat 1:1; Luc 1:32.
Ang Salita ng Diyos. Yamang “ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova” (Mat 4:4), ang Kaniyang mga utos ay tulad ng isang lampara, na nagbibigay-liwanag sa daan ng mga lingkod ng Diyos sa gitna ng madilim na sanlibutang ito. Ipinahayag ng salmista: “Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.” (Aw 119:105) Sinabi naman ni Haring Solomon: “Sapagkat ang utos ay isang lampara, at ang kautusan ay liwanag, at ang mga saway ng disiplina ang siyang daan ng buhay.”—Kaw 6:23.
Nakita ng apostol na si Pedro ang katuparan ng maraming hula may kinalaman kay Jesu-Kristo, at naroon siya mismo nang magbagong-anyo si Jesus sa bundok. Dahil sa lahat ng ito, masasabi ni Pedro: “Dahil dito ay taglay namin ang makahulang salita na ginawang higit na tiyak; at mahusay ang inyong ginagawa sa pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang dakong madilim, hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat, sa inyong mga puso.” (2Pe 1:19) Samakatuwid, hinihimok ang isang Kristiyano na hayaang suminag sa kaniyang puso ang liwanag ng makahulang Salita ng Diyos. Kung magkagayon ay papatnubayan siya nito sa ligtas na daan “hanggang sa ang araw ay magbukang-liwayway at ang bituing pang-araw ay sumikat.”
Ang mga Lingkod ng Diyos. Noong taóng 29 C.E., si Juan na anak ni Zacarias, isang saserdote, ay dumating at nagpahayag: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 3:1, 2; Luc 1:5, 13) Palibhasa’y tumalikod ang Israel mula sa pagsunod sa Kautusan, isinugo si Juan upang mangaral ng pagsisisi at itawag-pansin ang Kordero ng Diyos. Naipanumbalik niya kay Jehova na kanilang Diyos ang marami sa mga anak ni Israel. (Luc 1:16) Kaya naman sinabi ni Jesus tungkol kay Juan: “Ang taong iyon ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at sa loob ng maikling panahon ay ninais ninyong magsaya nang labis sa kaniyang liwanag. Ngunit taglay ko ang patotoong mas dakila kaysa sa taglay ni Juan, sapagkat ang mismong mga gawang iniatas sa akin ng aking Ama upang ganapin, na siyang mga gawa na aking ginagawa, ang nagpapatotoo tungkol sa akin na isinugo ako ng Ama.”—Ju 5:35, 36.
Sinabi rin ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan. Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok. Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng basket na panukat, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara, at ito ay nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay. Sa gayunding paraan ay pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mat 5:14-16) Dapat maunawaan ng isang lingkod ng Diyos kung bakit siya binigyan ng liwanag, at dapat niyang matanto na isang malaking kamangmangan sa bahagi niya at ikapapahamak niya nang husto kung hindi niya ito pasisikatin mula sa kaniya gaya ng liwanag na nagmumula sa isang lampara.
Iba Pang Makasagisag na mga Paggamit. Anumang bagay na inaasahan ng isang tao upang magbigay-liwanag sa kaniyang daan ay isinasagisag ng lampara. Sa pamamagitan ng gayong paglalarawan, ipinakita sa isang kawikaan ang pagkakaiba ng matuwid at ng balakyot, anupat sinabi roon: “Ang liwanag ng mga matuwid ay magsasaya; ngunit ang lampara ng mga balakyot—ito ay papatayin.” (Kaw 13:9) Ang liwanag ng matuwid ay higit at higit na nagniningning, ngunit kahit waring napakaningning ng lampara ng balakyot at tila napakasagana ng kaniyang daan, titiyakin ng Diyos na mauuwi siya sa kadiliman, kung saan walang pagsalang matitisod ang kaniyang paa. Ganiyan ang kahahantungan ng taong sumusumpa sa kaniyang ama at ina.—Kaw 20:20.
Kapag ‘pinatay ang lampara’ ng isang tao, nangangahulugan din ito na wala nang kinabukasang naghihintay sa kaniya. Sinasabi ng isa pang kawikaan: “Sapagkat walang kinabukasan para sa sinumang masama; ang lampara ng mga taong balakyot ay papatayin.”—Kaw 24:20.
Noong ipinahihiwatig ni Bildad na si Job ay may inililihim na kabalakyutan, sinabi niya tungkol sa balakyot: “Ang isang ilaw ay tiyak na magdidilim sa kaniyang tolda, at doon papatayin ang kaniyang sariling lampara.” Sa dakong huli ng kaniyang argumento, idinagdag ni Bildad: “Hindi siya magkakaroon ng kaapu-apuhan ni ng supling man sa gitna ng kaniyang bayan.” Sa liwanag ng pananalitang si Solomon ay isang lampara na ibinigay ng Diyos kay David na kaniyang ama, ang pagpatay sa lampara ng isa ay maaaring nangangahulugan na ang taong iyon ay hindi magkakaroon ng supling na mapagsasalinan niya ng kaniyang mana.—Job 18:6, 19; 1Ha 11:36.
Sa makasagisag na paraan, ang mata ng tao ay isang “lampara.” Sinabi ni Jesus: “Ang lampara ng katawan ay ang mata. Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple [taimtim; pawang nasa iisang direksiyon; nakapokus; bukas-palad], ang buong katawan mo ay magiging maliwanag; ngunit kung ang iyong mata ay balakyot, ang buong katawan mo ay magiging madilim.” (Mat 6:22, 23, tlb sa Rbi8) Ang mata ay tulad ng isang lampara, sapagkat sa pamamagitan nito, ang katawan ay makalalakad nang hindi natitisod at hindi bumabangga sa anumang bagay. Sabihin pa, ang nasa isip ni Jesus ay ‘ang mga mata ng puso’ (Efe 1:18), gaya ng ipinakikita ng kaniyang mga salita sa konteksto.
Ganito ang sabi ng Kawikaan 31:18 tungkol sa mabuting asawang babae: “Ang kaniyang lampara ay hindi namamatay sa gabi.” Dito, ginamit ang makasagisag na pananalita na nangangahulugang buong-sipag siyang nagtatrabaho sa gabi at bumabangon pa nga siya bago magbukang-liwayway upang ipagpatuloy ang kaniyang gawain.—Ihambing ang Kaw 31:15.
Ayon sa Kawikaan 20:27, “ang hininga ng makalupang tao ay ang lampara ni Jehova, na maingat na sumasaliksik sa lahat ng mga kaloob-loobang bahagi ng tiyan.” Sa pamamagitan ng “inihihinga,” o ibinubulalas, ng isang tao, mabubuti o masasamang pananalita man, isinisiwalat o binibigyang-liwanag niya ang kaniyang personalidad o kaloob-loobang katauhan.—Ihambing ang Gaw 9:1.
[Larawan sa pahina 169]
Sinaunang lampara na napapalamutian ng disenyo ng isang menora (kandelerong Judio)