MANGMANG
Sa halip na tumukoy sa isang tao na kulang sa mental na kakayahan, ang salitang “mangmang,” ayon sa pagkakagamit sa Bibliya, ay karaniwan nang tumutukoy sa isang indibiduwal na humahamak sa tamang pangangatuwiran at gumagawi nang walang katinuan sa moral anupat sumasalungat sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. Ang iba’t ibang terminong Hebreo na tumutukoy sa gayong tao ay kesilʹ (“hangal”; Kaw 1:22), ʼewilʹ (“mangmang”; Kaw 12:15), na·valʹ (“hangal”; Kaw 17:7), at lets (“manunuya”; Kaw 13:1). Ang Griegong aʹphron naman ay tumutukoy sa isa na “di-makatuwiran” (Luc 12:20), ang a·noʹe·tos ay sa isa na “hangal” (Gal 3:1), at ang mo·rosʹ ay sa isa na “mangmang” (Mat 23:17; 25:2).
Ang lalaking si Nabal ay isang halimbawa ng taong mangmang (1Sa 25) gaya rin ng mga taong nakakakilala sa tunay na Diyos at pagkatapos ay sumasamba naman sa mga bagay na nilalang. (Ro 1:20-25) Sinabi ni Isaias na ang isang taong mangmang, o hangal, ay magsasalita “lamang ng kahangalan, at ang kaniya mismong puso ay gagawa ng bagay na nakasasakit, upang magsagawa ng apostasya at upang magsalita ng bagay na liko laban kay Jehova, upang payauning walang laman ang kaluluwa ng gutóm, at maging ang nauuhaw ay pinayayaon niya nang walang nainom.” (Isa 32:6) Hinahamak ng mangmang ang karunungan at disiplina. (Kaw 1:7) Sa halip na makinig sa payo, patuloy na lumalakad ang mangmang sa daan na itinuturing niyang “tama sa kaniyang sariling paningin.” (Kaw 12:15) Madali siyang maghinanakit at sumusugod agad sa pakikipagtalo. (Ec 7:9; Kaw 20:3) Sinasabi niya sa kaniyang puso (anupat makikita sa kaniyang mga pagkilos ang hindi tuwirang binibigkas ng kaniyang bibig): “Walang Jehova.”—Aw 14:1.
Angkop lamang na tukuyin ni Jesu-Kristo ang mga eskriba at mga Pariseo bilang “mga mangmang at mga bulag,” samakatuwid nga, mga taong kulang ng karunungan at walang kabuluhan sa moral, sapagkat pinilipit nila ang katotohanan sa pamamagitan ng gawang-taong mga tradisyon at sumunod sila sa isang mapagpaimbabaw na landasin. Bukod dito, sinuhayan ni Jesus ang kawastuan ng katawagang ito nang ilarawan niya ang kanilang kawalan ng kaunawaan. (Mat 23:15-22; 15:3) Gayunman, kapag tinatawag ng isang indibiduwal ang isang kapatid bilang isang “kasuklam-suklam na mangmang,” anupat hinahatulan at hinahamak niya ang kaniyang kapatid bilang walang kabuluhan sa moral, magiging marapat siya sa Gehenna.—Mat 5:22; Ro 14:10-12; Mat 7:1, 2.
Ang taong mangmang na nagtayo ng kaniyang bahay sa buhanginan at ang taong mayaman na ang lupain ay nagbubunga nang sagana, anupat dahil dito’y nagplanong magpalawak ng kaniyang mga imbakan at pagkatapos ay lubusang magpakasaya sa buhay, ay mga halimbawa ng maiinam na ilustrasyon ni Jesus na hango sa pang-araw-araw na buhay at nagdiriin sa kamangmangan ng pagpapabaya sa espirituwal na mga bagay at hindi pagtatamasa ng tunay na pagpapala dahil dito. Karagdagan pa, isang kahibangan kung ang isang tao ay hindi ‘patuloy na magbabantay’ sa espirituwal na paraan, gaya ng idiniin sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa limang mangmang na dalaga na, sa kanilang paglabas upang salubungin ang kasintahang lalaki, ay hindi nagdala ng langis para sa kanilang mga lampara.—Mat 7:24-27; Luc 12:16-21; Mat 25:1-13.
Upang ang isang tao ay maging tunay na marunong, dapat siyang magpakamangmang sa paningin ng sanlibutan, “sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos.” Hindi yaong marurunong sa sanlibutan kundi yaong mga hinahamak bilang mga taong walang kaalaman, mga mangmang, ang pinili ni Jehova upang kumatawan sa kaniya. Dahil dito ay naging litaw na litaw ang kamangmangan ng sanlibutang ito. Bukod dito, pinapawi nito ang lahat ng dahilan para maghambog ang isang indibiduwal na pinagpakitaan ng pabor. Sa halip, ang lahat ng kaluwalhatian ay marapat lamang na napupunta sa Bukal ng karunungan, si Jehova.—1Co 3:18, 19; 1:18-31.
Kapag sinasagot ng isang tao ang mangmang ‘ayon sa kamangmangan nito,’ sa diwa na tinutularan niya ang magaspang na pamamaraan nito ng pakikipagtalo, ang taong iyon ay nagiging kaayon ng maling mga pangangatuwiran at mga lakad ng mangmang. Upang huwag maging gaya ng mangmang sa bagay na ito, tayo ay pinapayuhan ng kawikaan: “Huwag mong sagutin ang sinumang hangal ayon sa kaniyang kamangmangan.” Sa kabilang dako naman, ipinakikita ng Kawikaan 26:4, 5 na maaaring maging kapaki-pakinabang kung ang mangmang ay sasagutin “ayon sa kaniyang kamangmangan,” sa diwa na susuriin ang kaniyang mga argumento, ilalantad ang mga iyon bilang kamangmangan, at ipakikita na mali ang kaniyang mga konklusyon batay sa sarili niyang mga pangangatuwiran.