Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat ba Nating Tupdin ang Ating mga Panata?
NAKAKAHARAP ng isang dapat sana’y maligayang mag-asawa ang isang mahirap na problema. Mga taon ang nakalipas, nang sila’y nalubog sa isang mahirap na problemang pampamilya, sila’y nanatang magkakaloob ng ikapu ng kanilang kita sa Diyos kung iaahon niya sila sa kanilang mga problema. Ngayon, matatanda na at pinabibigatan ng di-inaasahang mga problema sa pera, sila’y nagtatanong, “Kami ba’y obligadong tupdin ang panatang ito?”
Idiniriin ng kanilang mabigat na kalagayan ang payo ng matalinong tao laban sa pabigla-biglang pagsasalita: “Maigi nga ang ikaw ay huwag manata kaysa ikaw ay manata at hindi tumupad. Huwag bayaan ang iyong bibig na papagkasalanin ang iyong laman, at huwag ka nang magsabi sa harap ng anghel na isang kamalian.”—Eclesiastes 5:5, 6.
Walang Mahinang Pagdadahilan
Bagaman ang walang kabuluhang mga sumpa at hindi tuwirang mga pangako ay karaniwan sa maluwag sa disiplinang lipunan sa ngayon, hindi natin maaasahan na maniwala ang Diyos sa inimbentong mga dahilan; nalalaman iyan kahit ng mga negosyante. Panangis ng isang artikulo: “Katapatan sa Negosyo: Isang Oxymoron?” sa babasahing pangkalakal na Industry Week: “Hindi na kami nagtitiwalang ang mga tao ay magsasabi ng totoo, gawin kung ano ang tama sa halip na kapaki-pakinabang, mamuhay ayon sa kanilang mga pangako.” Samantalang ang kombinyenteng kasinungalingan, gaya ng “ipinadala ko na ang tseke,” ay maaaring bilhin ng mga taong pinagkakautangan, ang mga anghel ay hindi kailanman madadaya.
Hindi ibig sabihin nito na ginagamit ng Diyos ang mga anghel upang ipatupad ang mga panata na katulad ng maaaring paggamit ng walang konsiyensiyang usurero ng mga butangero upang huthutin ang mga bayad mula sa kaawa-awang mga biktima. Bagkus, maibiging ginagawa ng Diyos ang kaniyang mga anghel na “mga espiritu para sa [pagpapatibay] ng pangmadlang paglilingkod, na sinugo upang maglingkod alang-alang sa magsisipagmana ng kaligtasan.” (Hebreo 1:14) Bilang gayon, ang mga anghel ay maaari at may bahagi sa pagsagot sa ating taimtim na mga panalangin.
Gayunman, kung patuloy tayong gagawa ng walang-saysay na mga pangako sa ating mga panalangin, matuwid kayang makaaasa tayo ng mga pagpapala ng Diyos? Ang pantas na tao ay nagsabi: “Bakit nga magagalit ang Diyos sa iyong tinig at sisirain [sa paano man] ang gawa ng iyong mga kamay?”—Eclesiastes 5:6b.
Kaya, hindi ang pagkatakot sa isang naghihiganting anghel ang dapat na magpakilos sa atin na tupdin ang ating mga panata sa halip na gumawa ng mga pagdadahilan. Sa halip, dapat nating pahalagahan ang isang mabuting kaugnayan sa Diyos at matapat na hangarin ang pagsang-ayon ng Diyos sa ating gawain. Gaya ng magandang pagkakasabi rito ng nabanggit na mag-asawa: “Nais naming magkaroon ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at nais naming kumilos ayon sa kaniyang kalooban.”
Pag-iingat ng Isang Mabuting Budhi
Upang magkaroon ng isang malinis na budhi tungkol sa pagtupad ng isang panata, dapat tayong maging tapat sa ating mga sarili. Upang ilarawan: Ipagpalagay nang may nagkakautang sa iyo ng isang malaking halaga ng salapi subalit dahil sa ilang kasawiang palad ay hindi makabayad sa iyo. Alin ang higit na makalulugod sa iyo—kung kalilimutan niya ang lahat ng utang na imposibleng bayaran o kung kahit paano ay isasaayos niyang bayaran ka ng maliit, regular na halaga na kaya niyang ibayad?
Sa gayunding pangangatuwiran, ipagpalagay nang ang isang padalus-dalos na panatang ilalaan ang buong-panahon o iba pang yaman sa wastong mga gawaing Kristiyano ay basta hindi maaaring tupdin. Hindi ba tayo dapat makadama ng pananagutan na tupdin hangga’t maaari ang ating panata ayon sa ipinahihintulot ng mga kalagayan? “Kung mayroon na munang pagkukusa,” sulat ni Pablo, “iyon ay lalo nang tinatanggap” marami man o kaunti lamang ang maibibigay. (2 Corinto 8:12) Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga panata na ginawa sa harap ng isa na may tumpak na kaalaman tungkol sa katotohanan ng Bibliya?
Mali o Hindi Maka-Kasulatang mga Panata
Kung nalalaman natin na ang isang panata ay hindi malinis o imoral, dapat natin itong karaka-rakang pawalang-saysay! (2 Corinto 6:16-18) Mga halimbawa ng hindi malinis na mga panata ay:
◻ Mga panatang ginawa sa huwad na mga diyos o mga diyosa, gaya ng “reyna ng mga langit” ng Babilonya.—Jeremias 44:23, 25.
◻ Mga panatang labag sa batas, gaya ng sumpa ng 40 lalaki na hindi titikim ng pagkain hanggang sa mapatay nila si apostol Pablo.—Gawa 23:13, 14.
◻ Mga panata ng apostata na sumusunod sa “mga aral ng demonyo, sa pamamagitan . . . ng mga tao na nagsasalita ng kasinungalingan . . . , na nagbabawal ng pag-aasawa, at ipinag-uutos na lumayo sa mga pagkain na nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat ng mga taong may pananampalataya at tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 4:1-3.
Kaya, maliwanag, maaaring kailangang ipahayag natin ang ilang panata noon na walang bisa. Ngunit kung tungkol sa mga panata na makasulatan naman, bakit ka maghahanap ng mga butas? Hindi ba dapat na ang ating kasalukuyang tumpak na kaalaman ay magpangyari sa atin na magpakita ng higit na paggalang higit kailanman sa nakalipas na mga panata?
Isaalang-alang ang Iyong mga Panata Noon at sa Hinaharap
Nangangahulugan din ito na dapat nating seryosong pag-isipan bago magdagdag ng anumang panata sa hinaharap sa ating pagsamba. Ang mga panata ay hindi dapat basta gamitin upang ganyakin ang isang tao na gawin o huwag gawin ang isang bagay, gaya ng pagdaragdag ng panahong ginugugol sa Kristiyanong pagsamba o pag-iwas sa labis na pagkain. Gayunman, hindi tinutulan ni Jesus ang lahat ng mga panunumpa, gaya halimbawa, kapag hinihiling sa isang hukuman ng batas. Subalit siya’y nagtakda ng isang hangganan kung tungkol sa walang itinatanging panunumpa, sapagkat siya’y nagbabala: “Sinabi sa mga tao noong una, ‘Huwag kang manunumpa ng di katotohanan, kundi tutupdin mo kay Jehova ang iyong mga sumpa.’ Datapuwat, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong manumpa.” (Mateo 5:33, 34) Bakit niya kinuha ang paninindigang ito? Ang mga panata ba ay naging hindi gaanong angkop kaysa rati?
Ang panunumpa ng mga tapat noong sinaunang panahon ay kadalasang kondisyunal. Sa isang taimtim na panalangin sila ay mangangako kay Jehova, ‘Kung tutulungan mo ako sa krisis na ito, gagawin ko ang ganoo’t ganito alang-alang sa iyo.’ Subalit sinabi ni Jesus: “Kung kayo’y hihingi ng anuman sa Ama ay ibibigay niya iyon sa inyo sa aking pangalan.” Malayo sa pagrerekomenda ng kondisyunal na mga panata sa mga tapat noong panahon niya, tiniyak sa kanila ni Jesus: “Hanggang ngayo’y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Humingi kayo at kayo’y tatanggap.”—Juan 16:23, 24.
Ang pagtitiwalang ito sa pangalan, o tungkulin, ni Jesus ay dapat na makaaliw sa sinuman na nakadarama pa rin ng pagkakasala sapagkat—bagaman sinisikap niya—hindi niya matupad ang ipinangako niya sa Diyos “ng kaniyang labi nang walang dili-dili.” (Levitico 5:4-6) Kaya bagaman hindi itinuturing ang ating dating mga panata nang may pagwawalang-bahala, hindi lamang tayo ngayon maaaring manalangin sa pangalan ni Jesus kundi maaari tayong magsumamo sa Diyos na ikapit ang haing pantubos ni Jesus para sa ating mga kasalanan, at maaari tayong humingi ng kapatawaran sa pangalan ni Jesus. Sa gayon maaari nating tanggapin “ang lubos na pananampalataya, na ang ating mga puso ay [nilinis] mula sa isang masamang budhi.”—Hebreo 10:21, 22.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Mga paring nananata sa Montmarte.