KABANATA 27
“Napakabuti Niya!”
1, 2. Gaano kalawak ang kabutihan ng Diyos, at paano idiniriin sa Bibliya ang katangiang ito?
SAMANTALANG nasisikatan ng mainit-init na liwanag ng papalubog na araw, ilang matagal nang magkakaibigan ang nagkakatuwaan sa kanilang pagsasalo-salo sa labas, nagtatawanan at nagkukuwentuhan habang hinahangaan nila ang tanawin. Sa ibang lugar na malayo rito, pinagmamasdan ng isang magsasaka ang kaniyang bukirin at ito’y napapangiti dahil namuo na ang maiitim na ulap at nadidiligan na ng unang mga patak ng ulan ang mga uhaw na pananim. Sa isa pang lugar, tuwang-tuwa ang isang mag-asawa habang pinagmamasdan ang kanilang anak sa kaniyang unang mga hakbang na pagiwang-giwang.
2 Alam man nila ito o hindi, ang gayong mga tao ay pawang nakikinabang sa iisang bagay—sa kabutihan ng Diyos na Jehova. Palaging inuulit ng relihiyosong mga tao ang pariralang “Ang Diyos ay mabuti.” Ngunit mas matindi ang pagdiriin nito sa Bibliya. Sinasabi nito: “Napakabuti niya!” (Zacarias 9:17) Subalit parang iilan lamang sa ngayon ang nakababatid ng tunay na kahulugan ng mga salitang iyan. Ano ba talaga ang nasasangkot sa kabutihan ng Diyos na Jehova, at paano nakaaapekto ang katangiang ito ng Diyos sa bawat isa sa atin?
Isang Namumukod-Tanging Pitak ng Pag-ibig ng Diyos
3, 4. Ano ang kabutihan, at bakit pinakamainam na mailalarawan ang kabutihan ni Jehova bilang isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
3 Sa maraming modernong wika, ang “kabutihan” ay isang pangkaraniwang salita lamang. Subalit gaya ng isinisiwalat sa Bibliya, ang kabutihan ay hindi lamang isang pangkaraniwang salita. Pangunahin na, ito’y tumutukoy sa kagalingan at kahusayan sa moral. Kung gayon, sa diwa, masasabi nating ang kabutihan ay nasa kaibuturan ng personalidad ni Jehova. Ang lahat ng kaniyang katangian—lakip na ang kaniyang kapangyarihan, katarungan, at karunungan—ay lubos na napakabuti. Gayunman, ang kabutihan ay pinakamainam na mailalarawan bilang isang kapahayagan ng pag-ibig ni Jehova. Bakit?
4 Ang kabutihan ay isang aktibong katangian na ipinapakita sa gawa. Ipinahiwatig ni apostol Pablo na mas nakaaakit pa nga sa mga tao ang pagiging mabuti kaysa sa pagiging matuwid. (Roma 5:7) Ang taong matuwid ay maaasahang maninindigan sa mga kahilingan ng batas, subalit higit pa rito ang ginagawa ng isang mabuting tao. Siya ang unang gumagawa ng hakbang, anupat masigasig na humahanap ng mga paraan upang makinabang ang iba. Gaya ng makikita natin, si Jehova ay talagang mabuti sa diwang iyan. Maliwanag na ang gayong kabutihan ay bumubukal sa walang-hanggang pag-ibig ni Jehova.
5-7. Bakit tumanggi si Jesus na tawagin siyang “Mabuting Guro,” at anong malalim na katotohanan ang sa gayon ay pinagtibay niya?
5 Si Jehova ay namumukod-tangi rin sa kaniyang kabutihan. Hindi pa natatagalan bago mamatay si Jesus, isang lalaki ang lumapit sa kaniya upang magtanong, anupat tinatawag siyang “Mabuting Guro.” Sumagot si Jesus: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Isa lang ang mabuti, ang Diyos.” (Marcos 10:17, 18) Buweno, maaaring malito ka sa sagot na iyan. Bakit itinuwid ni Jesus ang lalaki? Hindi ba’t totoo naman na si Jesus ay isang “Mabuting Guro”?
6 Maliwanag na ginamit ng lalaki ang mga salitang “Mabuting Guro” para purihin si Jesus. Buong kapakumbabaang iniukol ni Jesus ang kaluwalhatiang iyon sa kaniyang Ama sa langit, na mabuti sa pinakasukdulang diwa nito. (Kawikaan 11:2) Subalit pinagtitibay rin ni Jesus ang isang malalim na katotohanan. Si Jehova lamang ang tanging pamantayan ng kabutihan. Siya lamang ang tanging may karapatan bilang Kataas-taasan na magpasiya kung ano ang mabuti at masama. Nang maghimagsik sina Adan at Eva at kainin ang bunga ng puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, para na rin nilang hinangad ang karapatang iyon. Di-gaya nila, buong kapakumbabaang ipinaubaya ni Jesus sa kaniyang Ama ang pagtatakda ng mga pamantayan.
7 Isa pa, batid ni Jesus na si Jehova ang Bukal ng lahat ng bagay na talagang mabuti. Siya ang Tagapagbigay ng “bawat mabuting kaloob at . . . bawat perpektong regalo.” (Santiago 1:17) Suriin natin kung paanong ang kabutihan ni Jehova ay nakikita sa kaniyang pagkabukas-palad.
Katibayan ng Saganang Kabutihan ni Jehova
8. Paano nagpakita si Jehova ng kabutihan sa lahat ng tao?
8 Bawat isang nabubuhay ay nakikinabang sa kabutihan ni Jehova. Ang Awit 145:9 ay nagsasabi: “Si Jehova ay mabuti sa lahat.” Ano ang ilang halimbawa na talagang nagpapakita siya ng kabutihan sa lahat ng tao? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.” (Gawa 14:17) Naranasan mo na bang masiyahan sa isang masarap na pagkain? Kung hindi dahil sa kabutihan ni Jehova anupat dinisenyo ang lupang ito na patuloy na binubukalan ng sariwang tubig at “mabubungang panahon” upang magbigay ng saganang pagkain, wala tayong makakain. Iniukol ni Jehova ang gayong kabutihan hindi lamang para sa mga umiibig sa kaniya kundi para sa lahat. Sinabi ni Jesus: “Pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa mga taong matuwid at di-matuwid.”—Mateo 5:45.
9. Paano mo makikita ang kabutihan ni Jehova sa paglalaan niya ng mansanas?
9 Marami ang nagwawalang-bahala sa lubos na pagkabukas-palad na idinudulot sa sangkatauhan dahil sa walang-humpay na pagkilos ng araw, ulan, at mabubungang panahon. Bilang halimbawa, tingnan ang mansanas. Sa mga lugar sa lupa na may katamtamang klima, ito ay isang karaniwang prutas. Gayunman, ito’y maganda, masarap kainin, makatas, at masustansiya. Alam mo bang sa buong daigdig ay may mga 7,500 iba’t ibang uri ng mansanas, na may iba’t ibang kulay tulad ng pula, ginto, dilaw, at berde at iba’t ibang sukat mula sa malaki-laki sa kalamansi hanggang kasinlaki ng suha? Kapag hawak mo ang isang maliit na buto ng mansanas, parang walang halaga ito. Subalit mula rito ay tumutubo ang isa sa pinakamagagandang puno. (Awit ni Solomon 2:3) Tuwing tagsibol, ang puno ng mansanas ay nakokoronahan ng kumpol-kumpol na mga bulaklak; tuwing taglagas, ito’y namumunga. Taon-taon—sa loob ng 75 taon—ang isang karaniwang puno ng mansanas ay napamimitasan ng sapat na bunga upang makapunô ng 20 kahon na tumitimbang ng 19 na kilo bawat isa!
‘Binibigyan kayo ni Jehova ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon’
10, 11. Paano naitatanghal ng mga pandamdam ang kabutihan ng Diyos?
10 Sa kaniyang sukdulang kabutihan, binigyan tayo ni Jehova ng isang katawan na “kamangha-mangha ang pagkakagawa.” Mayroon itong mga pandamdam na dinisenyo upang tulungan tayong maunawaan ang kaniyang mga gawa at masiyahan sa mga ito. (Awit 139:14) Pag-isipang muli ang mga tanawing inilarawan sa simula ng kabanatang ito. Anong mga nakikita ng paningin ang nagdudulot ng kagalakan sa gayong mga sandali? Ang mamula-mulang pisngi ng tuwang-tuwang bata. Ang pagpatak ng ulan sa pananim. Ang mga kulay na pula, ginto, at biyoleta ng papalubog na araw. Ang mata ng tao ay dinisenyo upang makakita ng daan-daang libo, o milyon-milyon pa ngang iba’t ibang kulay! At ang ating pandinig ay nakasasagap ng iba’t ibang tono ng isang kinagigiliwang tinig, ng higing ng hangin sa mga puno, ng nakakatuwang pagtawa ng isang paslit na natututo pa lamang lumakad. Bakit kaya natin natatamasa ang gayong mga tanawin at mga tunog? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang taingang nakaririnig at ang matang nakakakita—ang mga iyon ay parehong ginawa ni Jehova.” (Kawikaan 20:12) Subalit dalawa pa lamang iyan sa mga pandamdam.
11 Ang pang-amoy ay isa pang katibayan ng kabutihan ni Jehova. Ang ilong ng tao ay nakasasamyo ng napakaraming iba’t ibang amoy, na ayon sa pagtantiya ay mula libo-libo hanggang isang trilyon. Mag-isip ng ilan lamang: ang iyong paboritong pagkain habang ito’y iniluluto, mga bulaklak, nalaglag na mga dahon, ang kaunting usok mula sa isang nagbabagang ilawan. At dahil sa iyong pandama ay nadarama mo ang dampi ng hangin sa iyong mukha, ang nakapagpapatibay-loob na yakap ng isang minamahal, ang kasiya-siyang kinis ng balat ng prutas sa iyong kamay. Kapag kinagat mo iyon, diyan papasok ang iyong panlasa. Malalasahan mo kung gaano kasarap iyon kapag tumama na sa dila mo ang katas ng prutas na iyon. Oo, taglay natin ang lahat ng dahilan upang bumulalas tungkol kay Jehova: “Napakasagana ng iyong kabutihan! Inilalaan mo iyon sa mga may takot sa iyo.” (Awit 31:19) Kung gayon, paano inilalaan ni Jehova ang kabutihan para sa mga may makadiyos na pagkatakot?
Kabutihan na May Walang-Hanggang Pakinabang
12. Aling mga paglalaan ni Jehova ang pinakamahalaga, at bakit?
12 Sinabi ni Jesus: “Nasusulat, ‘Ang tao ay mabubuhay, hindi lang sa tinapay, kundi sa bawat salitang sinasabi ni Jehova.’” (Mateo 4:4) Sa katunayan, higit na may mabuting nagagawa sa atin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova kaysa sa materyal na mga bagay, yamang ang mga iyon ay umaakay sa buhay na walang hanggan. Sa Kabanata 8 ng aklat na ito, napansin natin na ginamit ni Jehova sa mga huling araw na ito ang kaniyang kapangyarihang magbalik sa dati upang mapairal ang isang espirituwal na paraiso. Ang isang mahalagang bahagi ng paraisong iyan ay ang saganang espirituwal na pagkain.
13, 14. (a) Ano ang nakita ng propetang si Ezekiel sa pangitain, na may anong kahulugan para sa atin sa ngayon? (b) Anong nagbibigay-buhay na espirituwal na mga paglalaan ang ibinibigay ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod?
13 Sa isa sa mga dakilang hula sa Bibliya hinggil sa pagbabalik sa dati, ang propetang si Ezekiel ay binigyan ng pangitain tungkol sa isang naibalik at niluwalhating templo. Mula sa templong iyon ay umagos ang isang sapa ng tubig, na lumuwang at lumalim hanggang sa maging ilog. Saanman ito umagos, ang ilog na iyon ay nagdulot ng mga pagpapala. Napakaraming puno sa mga pampang nito na mapagkukunan ng pagkain at pampagaling. At ang ilog ay nagdulot pa nga ng buhay at saganang pakinabang sa maalat at walang-buhay na Dagat na Patay! (Ezekiel 47:1-12) Subalit ano kaya ang ibig sabihin ng lahat ng ito?
14 Ang pangitain tungkol sa templo ay nangangahulugang ibabalik ni Jehova ang dalisay na pagsamba. Dahil diyan, makasasamba na ulit ang mga tao ayon sa matuwid na mga pamantayan niya. Gaya ng ilog sa pangitain, ang mga paglalaan ng Diyos ukol sa buhay ay lalo pang saganang aagos sa kaniyang bayan. Mula nang ibalik ang dalisay na pagsamba noong 1919, pinagpala na ni Jehova ang kaniyang bayan ng nagbibigay-buhay na mga paglalaan. Paano? Buweno, ang mga Bibliya, literatura sa Bibliya, mga pulong, at mga kombensiyon ay pawang nakatulong upang madala ang mahalagang katotohanan sa milyon-milyon. Sa pamamagitan ng mga ito ay naturuan ni Jehova ang kaniyang bayan tungkol sa pinakamahalaga niyang paglalaan ukol sa buhay—ang haing pantubos ni Kristo, na nagdudulot ng isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova at ng pag-asang buhay na walang hanggan para sa lahat ng tunay na umiibig at natatakot sa Diyos.a Kaya naman, sa mga huling araw na ito, habang ang sanlibutan ay nagugutom sa espirituwal, ang bayan naman ni Jehova ay nagtatamasa ng isang espirituwal na piging.—Isaias 65:13.
15. Sa anong diwa aagos ang kabutihan ni Jehova sa tapat na sangkatauhan sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo?
15 Subalit ang ilog sa pangitain ni Ezekiel ay hindi titigil sa pag-agos sa pagwawakas ng lumang sistemang ito. Sa kabaligtaran, lalo pang lalakas ang agos nito sa Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo. Pagkatapos, sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kaharian, lubusang ikakapit ni Jehova ang halaga ng hain ni Jesus, anupat unti-unting magiging perpekto ang tapat na sangkatauhan. Gayon na lamang ang pagbubunyi natin doon dahil sa kabutihan ni Jehova!
Karagdagang mga Pitak ng Kabutihan ni Jehova
16. Paano ipinapakita ng Bibliya na ang kabutihan ni Jehova ay sumasaklaw sa iba pang mga katangian, at ano ang ilan sa mga ito?
16 Hindi lamang basta pagkabukas-palad ang nasasangkot sa kabutihan ni Jehova. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Pararaanin ko sa harap ng iyong mukha ang buong kaluwalhatian ko, at ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova sa harap mo.” Pagkatapos ay sinabi sa ulat: “Dumaan si Jehova sa harap niya at ipinahayag: ‘Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at may magandang-loob, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.’” (Exodo 33:19; 34:6, talababa) Kaya nga ang kabutihan ni Jehova ay sumasaklaw sa ilang maiinam na katangian. Isaalang-alang natin ang dalawa lamang sa mga ito.
17. Ano ang kagandahang-loob, at paano ito ipinamamalas ni Jehova sa mga hamak na taong di-perpekto?
17 “Magandang-loob.” Ang katangiang ito, mula sa salita na puwede ring isaling “mapagmalasakit,” ay maraming masasabi sa atin tungkol sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga nilalang. Sa halip na maging magaspang, walang malasakit, o malupit, na kadalasa’y totoo sa mga nasa kapangyarihan, si Jehova ay mahinahon at mabait. Halimbawa, sinabi ni Jehova kay Abram: “Pakisuyo, mula sa kinaroroonan mo ay tumingin ka sa paligid mo, sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran.” (Genesis 13:14) Inaalis sa maraming salin ang salitang “pakisuyo.” Subalit sinasabi ng mga iskolar ng Bibliya na kalakip sa ginamit na mga salita sa orihinal na Hebreo ang isang kataga na bumabago sa pangungusap mula sa pautos tungo sa magalang na pakiusap. May iba pang nakakatulad na mga halimbawa. (Genesis 31:12; Ezekiel 8:5) Akalain mo, ang Kataas-taasan ng uniberso ay nagsasabi ng “pakisuyo” sa hamak na mga tao lamang! Sa isang daigdig na laganap ang kabagsikan, kapusukan, at kawalang-galang, hindi ba’t nakagiginhawang bulay-bulayin ang kagandahang-loob ng ating Diyos na si Jehova?
18. Sa anong diwa si Jehova ay “sagana sa . . . katotohanan,” at bakit nakapagpapalakas-loob ang mga salitang iyan?
18 “Sagana sa . . . katotohanan.” Palasak na sa daigdig ngayon ang kawalang-katapatan. Subalit pinaaalalahanan tayo ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi gaya ng tao na nagsisinungaling.” (Bilang 23:19) Sa katunayan, sinasabi sa Tito 1:2 na ‘ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling.’ Napakabuti niya para magawa iyan. Kaya naman, ang mga pangako ni Jehova ay lubos na maaasahan; ang kaniyang mga salita ay tiyak na matutupad. Tinawag pa nga si Jehova na “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Bukod sa hindi siya nagsisinungaling, namamahagi pa siya ng saganang katotohanan. Hindi siya maramot, nagkakait ng impormasyon, o malihim; sa halip, sagana siyang nagbibigay ng kaliwanagan sa kaniyang tapat na mga lingkod mula sa kaniyang di-nauubusang imbakan ng karunungan.b Tinuturuan pa nga niya silang mamuhay ayon sa katotohanang ibinabahagi niya upang sila’y ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ (3 Juan 3) Sa pangkalahatan, paano dapat makaapekto sa atin bilang indibidwal ang kabutihan ni Jehova?
“Magniningning Sila Dahil sa Kabutihan ni Jehova”
19, 20. (a) Paano sinikap ni Satanas na sirain ang tiwala ni Eva sa kabutihan ni Jehova, at ano ang naging resulta? (b) Ang kabutihan ni Jehova ay dapat lamang na magkaroon ng anong epekto sa atin, at bakit?
19 Nang tuksuhin ni Satanas si Eva sa hardin ng Eden, sinimulan niya iyon sa pamamagitan ng tusong pagsira sa tiwala nito sa kabutihan ni Jehova. Sinabi ni Jehova kay Adan: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka.” Sa libo-libong puno na nakapalamuti sa hardin na iyon, isa lamang ang ipinagbawal ni Jehova. Gayunman, pansinin kung paano binuo ni Satanas ang kaniyang unang tanong kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” (Genesis 2:9, 16; 3:1) Pinilipit ni Satanas ang mga salita ni Jehova upang isipin ni Eva na may mabuting bagay na ipinagkakait si Jehova. Nakalulungkot, naging epektibo ang kaniyang taktika. Gaya ng napakaraming lalaki at babae pagkatapos niya, sinimulang pag-alinlanganan ni Eva ang kabutihan ng Diyos, na nagbigay sa kaniya ng lahat ng kaniyang tinataglay.
20 Hindi kaila sa atin ang tindi ng pighati at paghihirap na idinulot ng gayong pag-aalinlangan. Kaya isapuso natin ang mga salita sa Jeremias 31:12: “Magniningning sila dahil sa kabutihan ni Jehova.” Ang kabutihan ni Jehova ay dapat ngang magpaningning sa atin sa kagalakan. Hindi tayo dapat mag-alinlangan kailanman sa mga motibo ng ating Diyos, na lipos ng kabutihan. Lubusan tayong makapagtitiwala sa kaniya, sapagkat wala siyang ibang hangarin kundi pawang kabutihan lamang para sa mga umiibig sa kaniya.
21, 22. (a) Ano-ano ang ilang paraan na doo’y nanaisin mong makaganti sa kabutihan ni Jehova? (b) Anong katangian ang ating tatalakayin sa susunod na kabanata, at paano ito naiiba sa kabutihan?
21 Isa pa, kapag nagkakaroon tayo ng pagkakataong sabihin sa iba ang tungkol sa kabutihan ng Diyos, tayo ay natutuwa. Hinggil sa bayan ni Jehova, ang Awit 145:7 ay nagsasabi: “Mag-uumapaw sila sa pasasalamat habang inaalaala ang saganang kabutihan mo.” Sa araw-araw na tayo’y nabubuhay, nakikinabang tayo mula sa kabutihan ni Jehova. Bakit hindi ugaliing magpasalamat kay Jehova araw-araw dahil sa kaniyang kabutihan, sa espesipikong paraan hangga’t maaari? Ang pagsasaisip sa katangiang iyan, pagpapasalamat kay Jehova araw-araw dahil dito, at pagsasabi sa iba tungkol dito ay tutulong sa atin na matularan ang ating mabuting Diyos. At habang naghahanap tayo ng mga paraan upang makagawa ng mabuti, gaya ng ginagawa ni Jehova, lalo na tayong mapapalapít sa kaniya. Ang matanda nang si apostol Juan ay sumulat: “Mahal kong kapatid, huwag mong tularan kung ano ang masama, kundi tularan mo kung ano ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay nagmula sa Diyos.”—3 Juan 11.
22 Ang kabutihan ni Jehova ay iniuugnay rin sa iba pang mga katangian. Halimbawa, ang Diyos ay “sagana sa tapat na pag-ibig.” (Exodo 34:6) Ang pinagtutuunan ng katangiang ito ay mas espesipiko kaysa sa kabutihan, sapagkat ito’y ipinadarama ni Jehova lalo na sa kaniyang tapat na mga lingkod. Sa susunod na kabanata, matututuhan natin kung paano niya ito ginagawa.
a Wala nang hihigit pang halimbawa ng kabutihan ni Jehova kaysa sa pantubos. Sa lahat ng milyon-milyong espiritung nilalang na mapagpipilian, ang pinili pa ni Jehova ay ang kaniyang minamahal at kaisa-isang Anak upang mamatay alang-alang sa atin.
b Angkop lamang na iugnay ng Bibliya ang katotohanan sa liwanag. Inawit ng salmista: “Isugo mo ang iyong liwanag at ang iyong katotohanan.” (Awit 43:3) Si Jehova ay nagpapasikat ng saganang espirituwal na liwanag sa mga handang magpaturo, o tumanggap ng kaliwanagan, sa kaniya.—2 Corinto 4:6; 1 Juan 1:5.