Aklat ng Bibliya Bilang 40—Mateo
Manunulat: Si Mateo
Saan Isinulat: Sa Palestina
Natapos Isulat: c. 41 C.E.
Panahong Saklaw: 2 B.C.E.–33 C.E.
1. (a) Anong pangako ang ibinigay ni Jehova mula sa Eden at patuloy? (b) Papaano naging matatag sa mga Judio ang pag-asa sa Mesiyas?
MULA pa noong paghihimagsik sa Eden, ibinigay na ni Jehova sa tao ang nakakaaliw na pangako ng katubusan para sa lahat ng umiibig sa katuwiran sa pamamagitan ng Binhi ng “babae.” Ang Binhi, o Mesiyas, ay nilayon niyang iluwal mula sa bansang Israel. Sa paglipas ng mga dantaon, napakaraming hula ang ipinasulat niya sa kinasihang mga Hebreo upang ipakita na ang Binhi ay magiging Pinunò sa Kaharian ng Diyos, na pakakabanalin niya ang pangalan ni Jehova at papawiin magpakailanman ang upasalang idinulot dito. Inilaan ng mga propetang ito ang maraming detalye tungkol sa tagapagbangong-puri ni Jehova na magdudulot ng katubusan mula sa takot, pang-aapi, kasalanan, at kamatayan. Nang mabuo ang mga Kasulatang Hebreo, ang pag-asa sa Mesiyas ay matatag na sa mga Judio.
2. Sa pagdating ng Mesiyas, papaano naging kanais-nais ang mga kalagayan ukol sa pangangaral ng mabuting balita?
2 Samantala’y patuloy na nagbabago ang tanawin ng daigdig. Ang mga bansa ay minaneobra ng Diyos bilang paghahanda sa pagdating ng Mesiyas, at naging kanais-nais ang mga kalagayan ukol sa malawakang pagbabalita nito. Ang ikalimang kapangyarihang pandaigdig, ang Gresya, ay naglaan ng isang karaniwang wika, isang paraan ng pakikipagtalastasan sa pagitan ng mga bansa. Pinagbuklod ng Roma, ikaanim na kapangyarihang pandaigdig, ang mga bansang sakop nito bilang isang pandaigdig na imperyo at inilaan ang mga lansangan upang marating ang lahat ng panig nito. Maraming Judio ang nangalat sa buong imperyo, kaya alam ng iba na ang mga Judio ay naghihintay sa Mesiyas. Ngayo’y lumitaw ang Mesiyas mahigit na 4,000 taon mula nang ipangako ito sa Eden! Dumating ang matagal-nang-hinihintay na ipinangakong Binhi! Ang pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng tao hanggang noon ay nagsimulang maganap samantalang ang Mesiyas ay buong-katapatang tumutupad sa kalooban ng kaniyang Ama.
3. (a) Anong paglalaan ang ginawa ni Jehova sa pag-uulat ng mga detalye ng buhay ni Jesus? (b) Ano ang katangi-tangi sa bawat isa sa mga Ebanghelyo, at bakit mahalaga ang apat na ito?
3 Panahon na upang iulat sa kinasihang kasulatan ang makasaysayang mga pangyayaring ito. Apat na tapat na lalaki ang kinasihan ng espiritu ni Jehova upang gumawa ng magkakahiwalay na ulat bilang makaapat na patotoo na si Jesus ang Mesiyas, ang ipinangakong Binhi at Hari, at upang maglaan ng detalye ng kaniyang buhay, ministeryo, kamatayan, at pagkabuhay-na-muli. Tinatawag ang mga ito na Mga Ebanghelyo, at ang “ebanghelyo” ay nangangahulugan ng “mabuting balita.” Bagaman ang apat ay magsintulad at malimit sumaklaw ng pare-parehong pangyayari, ang mga ito ay hindi sinipi sa isa’t-isa. Ang unang tatlo ay tinatawag na synoptic, o “magkatulad ng pangmalas,” yamang pare-pareho ang pagtalakay nila sa buhay ni Jesus sa lupa. Ngunit bawat isa sa mga manunulat—sina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—ay may kani-kaniyang salaysay tungkol sa Kristo. Bawat isa ay may partikular na tema at tunguhin, nagpapaaninaw ng kani-kaniyang personalidad, at isinasaisip ang kani-kaniyang mambabasa. Mentras sinusuri ang kanilang isinulat, lalong mapapahalagahan ang natatanging katangian ng bawat isa at na ang apat na kinasihang aklat na ito ng Bibliya ay magkakahiwalay, nagdaragdag, at nagkakasuwatong ulat ng buhay ni Jesu-Kristo.
4. Ano ang nalalaman tungkol sa manunulat ng unang Ebanghelyo?
4 Si Mateo ang unang sumulat ng mabuting balita hinggil kay Kristo. Ang pangalan niya ay malamang na pinaikling anyo ng Hebreong “Mattithiah,” nangangahulugang “Kaloob ni Jehova.” Isa siya sa 12 apostol na pinili ni Jesus. Nang naglalakbay ang Panginoon sa buong Palestina upang mangaral at magturo ng Kaharian ng Diyos, si Mateo ay nagkaroon ng matalik, malapít na kaugnayan sa kaniya. Bago naging alagad, si Mateo ay maniningil ng buwis, isang hanapbuhay na lubhang kinapootan ng mga Judio, palibhasa ito’y nagpaalaala na sila ay hindi malaya kundi nasasakop ng imperyo ng Roma. Si Mateo ay nakilala rin bilang Levi at anak siya ni Alfeo. Agad siyang tumugon sa paanyaya ni Jesus na sumunod sa kaniya.—Mat. 9:9; Mar. 2:14; Luc. 5:27-32.
5. Papaano pinatutunayan na si Mateo ang manunulat ng unang Ebanghelyo?
5 Bagaman hindi binabanggit bilang manunulat, sagana ang patotoo ng sinaunang mga mananalaysay ng simbahan na si Mateo ang sumulat ng Ebanghelyong ipinangalan sa kaniya. Sa lahat ng sinaunang aklat, Mateo lamang ang may maliwanag at di-matututulang patotoo tungkol sa manunulat. Mula kay Papias ng Hierapolis (pasimula ng ikalawang siglo C.E.) at patuloy, ay may mahabang hanay ng sinaunang mga saksing nagpapatotoo na si Mateo nga ang sumulat ng Ebanghelyo at na ito’y tunay na bahagi ng Salita ng Diyos. Sinasabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Ang mga talata ni Mateo ay sinisipi ni Justin Martyr, ng may-akda ng liham kay Diognetus (tingnan sa Justin Martyr ni Otto, tomo ii), nina Hegesippus, Irenæus, Tatian, Athenagoras, Theophilus, Clement, Tertullian, at Origen. Hindi lamang dahil sa pagsipi, kundi dahil sa paraan ng pagsipi, sa may-tiwalang pagsamo sa isang kilalang autoridad, sa kawalan ng anomang alinlangan, kaya itinuturing natin na ang aklat ay hindi nagkaroon ng alinmang biglang pagbabago.”a Ang pagiging-apostol ni Mateo, at dahil dito, ang pagkakaroon niya ng espiritu ng Diyos, ay patotoo na ang isinulat niya ay isang tapat na ulat.
6, 7. (a) Kailan at sa anong wika unang isinulat ang Ebanghelyo ni Mateo? (b) Ano ang nagpapahiwatig na isinulat ito pangunahin na para sa mga Judio? (c) Sa Ebanghelyo, ilang beses ginagamit ng New World Translation ang pangalang Jehova, at bakit?
6 Sa Palestina isinulat ni Mateo ang kaniyang ulat. Hindi batid ang mismong taon, ngunit ayon sa mga subscription sa dulo ng ilang manuskrito (pawang makaraan ang ikasampung siglo C.E.), ito ay noong 41 C.E. May katibayan na unang isinulat ni Mateo ang Ebanghelyo sa wikang Hebreo nang panahong yaon at nang maglao’y isinalin ito sa Griyego. Sa kaniyang De viris inlustribus (Tungkol sa Tanyag na mga Tao), sinasabi ni Jerome sa kabanata III: “Si Mateo, na siya ring Levi, maniningil ng buwis na naging apostol, ay unang kumatha ng Ebanghelyo ni Kristo sa Judaea sa wika at mga karakter na Hebreo sa kapakinabangan ng mga nasa-pagtutuli.”b Isinusog pa ni Jerome na ang tekstong Hebreo ng Ebanghelyo ay naingatan noon (ikaapat at ikalimang siglo C.E.) sa aklatan ni Pamphilus sa Cesarea.
7 Sa pasimula ng ikatlong siglo, sinipi ni Eusebius ang pagtalakay ni Origen sa Mga Ebanghelyo, na nagsasabing “ang una ay isinulat . . . ayon kay Mateo, . . . na naglathala nito sa wikang Hebreo para sa mga mananampalataya mula sa Judaismo.”c Na ito ay isinulat para sa mga Judio ay makikita sa talaangkanan nito na nagpapakita ng legal na hanay ni Jesus pasimula kay Abraham, at sa maraming pagtukoy sa Kasulatang Hebreo at pagkakapit ng mga ito sa darating na Mesiyas. May dahilan upang maniwala na ginamit ni Mateo ang banal na pangalang Jehova sa anyong Tetragramaton nang sumipi siya sa mga bahagi ng Kasulatang Hebreo na naglalaman ng pangalan. Kaya sa New World Translation ang Mateo ay 18 beses bumabanggit ng pangalang Jehova, gaya ng saling Hebreo ni F. Delitzsch na noong ika-19 na siglo. Ang saloobin ni Mateo tungkol sa banal na pangalan ay katulad niyaong kay Jesus at hindi siya napigilan ng pamahiing Judio na di-paggamit sa pangalan.—Mat. 6:9; Juan 17:6, 26.
8. Papaano maaaninaw sa kaniyang Ebanghelyo na si Mateo ay dating maniningil ng buwis?
8 Palibhasa dating maniningil ng buwis, likas na maging espisipiko si Mateo sa salapi, mga bilang, at mga halaga. (Mat. 17:27; 26:15; 27:3) Pinahalagahan niya ang awa ng Diyos sa pagtawag sa kaniya, isang kinamumuhiang maniningil ng buwis, na maging ministro ng mabuting balita at matalik na kasama ni Jesus. Kaya sa apat na manunulat ng Ebanghelyo, si Mateo lamang ang bumabanggit ng paulit-ulit na pagdiriin ni Jesus sa pangangailangan ng awa at hindi lamang ng handog. (9:9-13; 12:7; 18:21-35) Napatibay-loob si Mateo ng di-sana nararapat na kabaitan ni Jehova at wasto niyang iniulat ang ilang pinaka-nakaaaliw na salita ni Jesus: “Magsiparito, kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at pagpapahingahin ko kayo. Dalhin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin, pagkat ako’y mahinahon at mababang-loob, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaang ang aking pasan.” (11:28-30) Talagang nakagiginhawa ang mga salitang ito para sa dating maniningil ng buwis na tiyak na walang natikman kundi paghamak ng mga kababayan!
9. Anong tema at estilo ng paghaharap ang nagpapakilala kay Mateo?
9 Idiniin ni Mateo na ang tema ng turo ni Jesus ay “ang kaharian ng mga langit.” (4:17) Para sa kaniya, si Jesus ang Haring-Mangangaral. Napakalimit niyang gamitin ang salitang “kaharian” (mahigit 50 beses) kaya’t ang kaniyang Ebanghelyo ay matatawag na Ebanghelyo ng Kaharian. Higit na nagpahalaga si Mateo sa lohikal na paghaharap ng mga diskurso at sermon ni Jesus kaysa pagkasunud-sunod sa panahon. Sa unang 18 kabanata, ang pagtatampok sa tema ng Kaharian ay umakay sa kaniya na lumihis sa kronolohikal na kaayusan. Ngunit ang huling sampung kabanata (19 hanggang 28) ay sunud-sunod ayon sa panahon at patuloy na nagdiriin sa Kaharian.
10. Anong bahagi ng nilalaman ang masusumpungan lamang sa Mateo, at anong yugto ang saklaw ng Ebanghelyo?
10 Kuwarenta’y-dos porsiyento ng Mateo ay wala sa ibang Ebanghelyo.d Kalakip dito ang di-kukulangin sa sampung talinghaga, o ilustrasyon: Ang panirang-damo (13:24-30), ang natatagong kayamanan (13:44), ang mamahaling perlas (13:45, 46), ang lambat (13:47-50), ang walang-awang alipin (18:23-35), ang mga manggagawa at ang denaryo (20:1-16), ang ama at ang dalawang anak (21:28-32), ang kasalan ng anak ng hari (22:1-14), ang sampung dalaga (25:1-13), at ang mga talento (25:14-30). Ang ulat ay nagsisimula sa pagsilang ni Jesus, noong 2 B.C.E., hanggang sa pakikipagtipon sa mga alagad bago siya umakyat sa langit, noong 33 C.E.
NILALAMAN NG MATEO
11. Papaano makatuwirang nagsisimula ang Ebanghelyo, at anong panimulang mga pangyayari ang isinasalaysay? (b) Ano ang ilang makahulang katuparan na itinatawag-pansin ni Mateo?
11 Pagpapakilala kay Jesus at sa balita ng “kaharian ng mga langit” (1:1–4:25). Makatuwirang magsimula si Mateo sa talaangkanan ni Jesus upang patunayan ang karapatan niya bilang tagapagmana ni Abraham at ni David. Kaya naaakit ang pansin ng mambabasang Judio. Pagkatapos ay mababasa natin ang makahimalang paglilihi kay Jesus, ang pagsilang sa kaniya sa Betlehem, ang pagdalaw ng mga astrologo, ang pagpaslang ni Herodes sa lahat ng batang lalaki sa Betlehem na dalawang taong gulang pababa, ang paglikas nina Jose at Maria sa Ehipto kasama ang bata, at ang pagbabalik nila upang manirahan sa Nazaret. Maingat na inaakay ni Mateo ang pansin sa katuparan ng mga hula na tumitiyak kay Jesus bilang inihulang Mesiyas.—Mat. 1:23—Isa. 7:14; Mat. 2:1-6—Mik. 5:2; Mat. 2:13-18—Ose. 11:1 at Jer. 31:15; Mat. 2:23—Isa. 11:1, talababa.
12. Ano ang naganap nang binabautismuhan si Jesus at karaka-raka pagkatapos nito?
12 Ang ulat ay lumulundag nang halos 30 taon. Nangangaral na si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea: “Magsisi kayo, pagkat malapit na ang kaharian ng mga langit.” (Mat. 3:2) Binautismuhan niya sa ilog Jordan ang nagsisising mga Judio at binalaan ang mga Fariseo at Saduceo tungkol sa darating na galit. Dumating si Jesus mula sa Galilea at nagpabautismo. Nanaog sa kaniya ang espiritu ng Diyos at isang tinig mula sa langit ang nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, sa kaniya ako nalulugod.” (3:17) Inakay si Jesus sa ilang at matapos mag-ayuno nang 40 araw ay tinukso siya ng Diyablo. Tatlong beses niyang sinansala si Satanas sa tulong ng Salita ng Diyos, at sa wakas ay nagsabi: “Lumayas ka, Satanas! Pagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat sambahin, at siya lamang ang dapat pag-ukulan ng banal na paglilingkod.’ ”—4:10.
13. Anong nagpapakilos na kampanya ang sinimulan sa Galilea?
13 “Magsisi kayo, pagkat malapit na ang kaharian ng mga langit.” Ang nagpapakilos na mga salitang ito ay ipinahahayag sa Galilea ng pinahirang si Jesus. Sinabi niya sa apat na mangigisda na iwan ang kanilang lambat at maging “mamamalakaya ng tao,” kaya sumunod sila sa kaniya “sa buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat sakit at kapansanan ng tao.”—4:17, 19, 23.
14. Sa Sermon sa Bundok, anong mga kaligayahan ang tinalakay ni Jesus, at ano ang sinasabi niya hinggil sa katuwiran?
14 Ang Sermon sa Bundok (5:1–7:29). Nang sundan siya ng karamihan, umakyat si Jesus sa bundok, naupo, at tinuruan ang mga alagad. Sinimulan niya ang kaniyang kapana-panabik na diskurso sa pamamagitan ng siyam na ‘mga kaligayahan’: Maligaya ang palaisip sa espirituwal na pangangailangan, ang nagdadalamhati, ang maaamo, ang nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, ang maawain, ang may malinis na puso, ang mapayapa, ang pinag-uusig dahil sa katuwiran, ang himahamak at pinagsasalitaan ng di-totoo. “Magalak kayo at lumukso sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.” Tinawag niya sila na “asin ng lupa” at “ilaw ng sanlibutan” at ipinaliwanag ang katuwiran na kailangan upang makapasok sa Kaharian ng langit, ibang-iba sa pormalismo ng mga eskriba at Fariseo. “Magpakasakdal kayo, gaya ng inyong makalangit na Ama na sakdal.”—5:12-14, 48.
15. Ano ang masasabi ni Jesus tungkol sa panalangin at sa Kaharian?
15 Nagbabala si Jesus laban sa paimbabaw na mga kaloob at panalangin. Itinuro niya na idalangin ang pagbanal sa pangalan ng Ama, ang pagdating ng Kaharian, at ang araw-araw na panustos. Sa buong sermon ay itinampok ni Jesus ang Kaharian. Pinag-ingat niya sila na huwag mag-alala o gumawa ukol lamang sa materyal na kayamanan, pagkat alam ng Ama ang kailangan nila. Aniya, “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng ibang bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”—6:33.
16. (a) Ano ang ipinayo ni Jesus sa pakikitungo sa iba, at ano ang sinasabi niya tungkol sa mga sumusunod sa kalooban ng Diyos at doon sa hindi? (b) Ano ang naging epekto ng kaniyang sermon?
16 Nagpayo ang Panginoon tungkol sa pakikitungo sa iba: “Lahat ng gusto ninyong gawin sa inyo ng mga tao ay siya ninyong gawin sa kanila.” Ang iilan na nakasumpong ng daan tungo sa buhay ay yaong gumagawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Ang mga manggagawa ng katampalasanan ay makikilala sa kanilang bunga at itatakwil. Ang sumusunod sa kaniyang salita ay itinulad ni Jesus sa “matalinong tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng bato.” Ano ang naging epekto ng diskurso sa mga nakikinig? Sila’y “namangha sa kaniyang paraan ng pagtuturo,” pagkat siya’y “gaya ng isang may kapamahalaan, at di-tulad ng kanilang mga eskriba.”—7:12, 24-29.
17. Papaano ipinakita ni Jesus ang kaniyang autoridad bilang Mesiyas, at anong maibiging pagmamalasakit ang ipinahayag niya?
17 Pinalawak ang pangangaral ng Kaharian (8:1–11:30). Si Jesus ay naghimala—nagpagaling siya ng mga ketongin, mga lumpo, at mga inaalihan ng demonyo. Nagpakita siya ng kapangyarihan sa hangin at mga alon nang payapain niya ang isang bagyo, at binuhay niya ang isang patay na dalagita. Awang-awa si Jesus sa karamihan pagkat sila’y payat at pinabayaan na “gaya ng mga tupang walang pastol”! Sinabi niya sa mga alagad, “malaki ang aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa. Idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magsugo ng mga manggagawa sa kaniyang anihin.”—9:36-38.
18. (a) Anong tagubilin at payo ang ibinigay ni Jesus sa mga apostol? (b) Bakit may kaabahan ang “lahing ito”?
18 Pumili at nag-atas si Jesus ng 12 apostol. Tinagubilinan sila sa kanilang gawain at idiniin ang kanilang pangunahing turo: “Mangaral kayo at sabihin, ‘Malapit na ang kaharian ng langit.’ ” Binigyan sila ng matalino at maibiging payo: “Tinanggap ninyo na walang bayad, ibigay na walang bayad.” “Maging maingat na gaya ng ahas at matimtimang gaya ng kalapati.” Sila’y kapopootan at uusigin maging ng malalapit na kamag-anak, ngunit pinaalalahanan sila: “Ang humahanap ng kaniyang kaluluwa ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa akin ay makakasumpong nito.” (10:7, 8, 16, 39) Humayo sila upang magturo at mangaral sa iniatas na mga lungsod! Si Juan na Tagapagbautismo ay ipinakilala ni Jesus bilang sugo sa unahan niya, ang ipinangakong “Elias,” ngunit si Juan, ni ang Anak ng tao ay hindi tinanggap ng “lahing ito.” (11:14, 16) Kaya sa aba nila at ng mga lungsod na hindi nagsisi matapos masaksihan ang kaniyang mga himala! Ngunit ang mga alagad ay magkakamit ng kapahingahan ng kanilang kaluluwa.
19. Papaano tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo nang tanungin nila siya tungkol sa paggawi niya sa Sabbath?
19 Pinabulaanan at tinuligsa ang mga Fariseo (12:1-50). Si Jesus ay hinanapan ng butas ng mga Fariseo kaugnay ng Sabbath, ngunit pinabulaanan niya ang mga paratang at tinuligsa ang kanilang pagpapaimbabaw. Sinabi niya: “Mga lahi ng ulupong, papaano kayo makapagsasalita ng mabuti, gayong kayo’y masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.” (12:34) Walang ibibigay na tanda kundi ang tanda ni Jonas na propeta: Ang Anak ng tao ay tatlong araw at gabing mapapasailalim ng lupa.
20. (a) Bakit gumagamit si Jesus ng mga talinghaga? (b) Anong mga talinghaga tungkol sa Kaharian ang ibinigay niya?
20 Pitong talinghaga ng Kaharian (13:1-58). Bakit gumamit si Jesus ng mga talinghaga? Sinabi niya sa mga alagad: “Ipinagkaloob sa inyo ang unawa sa banal na mga lihim ng kaharian ng langit, ngunit hindi sa mga taong ito.” Sinabi niyang maligaya ang mga alagad pagkat sila’y nakakakita at nakakarinig. Nakagiginhawa ang kaniyang turo! Matapos ipaliwanag ang talinghaga ng maghahasik, ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng mga panirang-damo, ang binhi ng mustasa, ang lebadura, ang natatagong kayamanan, ang mamahaling perlas, at ang lambat—pawang naglalarawan sa “kaharian ng mga langit.” Gayunman, natisod sa kaniya ang mga tao, kaya sinabi ni Jesus: “Walang propetang pinarangalan sa sariling bayan at sa sariling bahay.”—13:11, 57.
21. (a) Anong mga himala ang ginanap ni Jesus, at ipinakilala siya ng mga ito bilang ano? (b) Anong pangitain ang inilaan tungkol sa pagparito ng Anak ng tao sa Kaharian?
21 Karagdagang ministeryo at paghihimala ng “Kristo” (14:1–17:27). Lubhang dinamdam ni Jesus ang pagkapugot ng ulo ni Juan na Tagapagbautismo sa utos ng duwag na si Herodes Antipas. Makahimala siyang nagpakain ng mahigit 5,000 tao; lumakad sa ibabaw ng dagat; sumalungat sa mga Fariseo na ‘nagpawalang-halaga sa kautusan ng Diyos dahil sa tradisyon’; nagpagaling ng mga inaalihan ng demonyo, ng “mga lumpo, pilay, bulag, pipi, at mga tulad nito”; muli siyang nagpakain ng mahigit 4,000 tao mula sa pitong tinapay at ilang maliliit na isda. (15:3, 30) Bilang tugon sa tanong ni Jesus, kinilala siya ni Pedro, na nagsabi: “Ikaw ang Kristo, Anak ng Diyos na buháy.” Pinapurihan ni Jesus si Pedro: “Sa ibabaw ng bunton-ng-batong ito ay itatayo ko ang aking kongregasyon.” (16:16, 18) Isinaysay ni Jesus ang napipinto niyang kamatayan at pagbangon sa ikatlong araw. Ngunit nangako siya na ang ilan sa mga alagad “ay hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang kaharian.” (16:28) Anim na araw pagkaraan, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan sa isang mataas na bundok upang makita ang kaniyang pagbabagong-anyo. Sa pangitain, nakita nila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kaniya at narinig nila ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi: “Ito ang aking Anak, ang sinisinta, sa kaniya ako nalulugod; makinig kayo sa kaniya.” Pagkapanaog sa bundok, sinabi sa kanila ni Jesus na dumating na ang ipinangakong “Elias,” at naunawaan nila na ang tinutukoy niya ay si Juan na Tagapagbautismo.—17:5, 12.
22. Ano ang ipinayo ni Jesus tungkol sa pagpapatawad?
22 Pinayuhan ni Jesus ang mga alagad (18:1-35). Sa Capernaum nakipag-usap si Jesus sa mga alagad tungkol sa kapakumbabaan, sa kagalakan ng pagkasumpong sa nawawalang tupa, at pakikipagkasundo sa mga kapatid. Nagtanong si Pedro: ‘Ilang ulit ko patatawarin ang aking kapatid?’ at sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa makapito, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pito.” Upang idiin ito, ibinigay ni Jesus ang talinghaga ng alipin na pinatawad ng kaniyang panginoon sa kabila ng utang nito na 60 milyong denaryo. Nang maglaon ipinabilanggo ng alipin ang kapuwa alipin na nagkautang lamang sa kaniya ng 100 denaryo, kaya, ang walang-awang alipin ay ipinaubaya rin sa mga tagapagbilanggo.e Idiniin ni Jesus: “Gayon makikitungo sa inyo ang aking Ama sa langit kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.”—18:21, 22, 35.
23. Ano ang ipinaliwanag ni Jesus tungkol sa diborsiyo at sa daan tungo sa buhay?
23 Mga huling araw ng ministeryo ni Jesus (19:1–22:46). Bumibilis at lalong umiigting ang mga pangyayari habang sumisidhi ang galit ng mga eskriba at Fariseo kay Jesus. Sinubok nilang siluin siya tungkol sa diborsiyo ngunit bigo sila; ipinakita niya na pakikiapid ang tanging maka-Kasulatang saligan dito. Nagtanong ang isang binatang mayaman tungkol sa daan tungo sa walang-hanggang buhay, subalit nalungkot ito nang malamang dapat ipagbili ang lahat ng ari-arian at maging tagasunod ni Jesus. Matapos isalaysay ang talinghaga ng mga manggagawa at ang denaryo, ipinaalaala ni Jesus ang kaniyang kamatayan at pagkabuhay-na-muli: “Naparito ang Anak ng tao, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.”—20:28.
24. Sa huling linggo ni Jesus bilang tao, ano ang pinagtalunan niya at ng mga relihiyosong kaaway, at papaano niya sinagot ang kanilang mga tanong?
24 Huling linggo na ni Jesus bilang tao. Matagumpay siyang pumasok sa Jerusalem bilang ‘Hari, sakay ng bisiro ng asno.’ (21:4, 5) Pinalayas niya sa templo ang mga nagpapalit ng salapi at iba pang nagpapatubo, at lalong nagalit ang mga kaaway nang sabihin niya: “Ang mga maniningil ng buwis at patutot ay mauuna sa inyo sa kaharian ng Diyos.” (21:31) Tumamà ang kaniyang matutulis na ilustrasyon tungkol sa ubasan at kasalan. Sinagot niya ang tanong ng mga Fariseo tungkol sa buwis sa pagsasabing ibigay “kay Cesar ang kay Cesar, ngunit sa Diyos ang sa Diyos.” (22:21) Ibinalik niya sa mga Saduceo ang isang tusong tanong at pinatunayan ang pagkabuhay-muli. Lumapit uli ang mga Fariseo na nagtatanong tungkol sa Kautusan, at sinabi ni Jesus na ang pinakadakilang utos ay ang lubos na pag-ibig kay Jehova at ang pangalawa ay pag-ibig sa kapuwa na gaya ng sarili. Tinanong sila ni Jesus, ‘Papaano kapuwa magiging anak at Panginoon ni David ang Kristo?’ Walang makasagot, at mula noon wala nang nangahas magtanong sa kaniya.—22:45, 46.
25. Papaano mariing tinuligsa ni Jesus ang mga eskriba at Fariseo?
25 ‘Sa aba ninyo, mga mapagpaimbabaw’ (23:1–24:2). Nang nakikipag-usap sa karamihan sa templo, bumigkas uli si Jesus ng nakakasugat na pagtuligsa sa mga eskriba at Fariseo. Hindi lamang nila naiwala ang karapatang pumasok sa Kaharian kundi ginagawa pa nila ang lahat upang hadlangan ang iba. Gaya ng pinaputing mga nitso, maganda silang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng katiwalian at kabulukan. Nagtapos si Jesus sa ganitong paghatol sa Jerusalem: “Ang iyong bahay ay pinabayaan na.” (23:38) Inihula ni Jesus ang pagkawasak ng templo habang nililisan niya ito.
26. Anong makahulang tanda ang inilaan ni Jesus tungkol sa kaniyang pagkanaririto sa maharlikang kaluwalhatian?
26 Ibinigay ni Jesus ang ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto’ (24:3–25:46). Sa Bundok ng Olibo, tinanong siya ng mga alagad tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.’ Bilang sagot inihula ni Jesus ang digmaan, ‘bansa laban sa bansa at kaharian laban sa kaharian,’ taggutom, lindol, paglago ng katampalasanan, pandaigdig na pangangaral ng “mabuting balita ng kaharian,” pag-aatas sa “tapat at maingat na alipin . . . sa lahat ng kaniyang ari-arian,” at iba pang pitak ng maramihang tanda ng ‘pagdating ng Anak ng tao sa kaluwalhatian upang lumuklok sa kaniyang maluwalhating trono.’ (24:3, 7, 14, 45-47; 25:31) Winakasan ni Jesus ang mahalagang hulang ito sa pamamagitan ng mga talinghaga ng sampung dalaga at ng mga talento, na nag-aalok ng masasayang gantimpala sa mga alisto at tapat, at ang talinghaga ng mga tupa at kambing, na nagpapakitang ang mga tulad-kambing ay hahayo sa “walang-hangang pagkapuksa, ngunit ang mga matuwid ay sa walang-hanggang buhay.”—25:46.
27. Anong mga pangyayari ang naganap sa huling araw ni Jesus sa lupa?
27 Mga kaganapan sa huling araw ni Jesus (26:1–27:66). Matapos ang Paskuwa, isang bagong bagay ang pinasinayaan ni Jesus sa tapat na mga apostol at inalok sila ng tinapay at alak na sagisag ng kaniyang katawan at dugo. Saka sila pumunta sa Getsemane at doo’y nanalangin si Jesus. Dumating si Judas at ang armadong mga tao at sa paimbabaw na halik ay ipinagkanulo si Jesus. Dinala si Jesus sa mataas na saserdote, at ang mga punong saserdote at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi. Tapat sa hula ni Jesus, ipinagkaila siya ni Pedro nang malagay ito sa pagsubok. Dahil sa pag-uusig ng budhi, inihagis ni Judas ang salaping ipinagkanulo at saka nagbigti. Kinaumagahan ay humarap si Jesus sa Romanong gobernador na si Pilato na nagbigay ng hatol ng kamatayan dahil sa panggigipit ng mga mang-uumog na sinulsulan ng mga saserdote, na nagsabing: “Mapasa-amin at sa aming mga anak ang kaniyang dugo.” Hinamak siya ng mga kawal at ibinayubay siya sa Golgota, sa pagitan ng dalawang magnanakaw, at isang karatula sa ulunan niya ang nagsasabing, “Ito’y si Jesus na Hari ng mga Judio.” (27:25, 37) Pagkaraang maghirap nang ilang oras, namatay siya nang mga alas tres ng hapon at inilibing sa bagong nitso na pag-aari ni Jose ng Arimatea. Pinaka-makasaysayang araw ito sa lahat.
28. Sa anong pinakamabuting balita nagwawakas ang ulat ni Mateo, at sa anong atas siya nagtatapos?
28 Pagkabuhay-muli at huling mga tagubilin ni Jesus (28:1-20). Tinatapos ni Mateo ang ulat kasabay ng pinakamabuting balita. Ibinangon si Jesus—siya’y muling nabuhay! Maaga sa unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang “isa pang Maria” ay naparoon sa puntod at ibinalita ng anghel ang tungkol sa maligayang bagay na ito. (28:1) Upang patunayan ito, nagpakita si Jesus sa kanila. Sinikap ng mga kaaway na pagtakpan ang pagkabuhay-na-muli at sinuhulan ang mga bantay sa nitso para sabihin, “Dumating kagabi ang mga alagad at siya’y ninakaw habang kami’y natutulog.” Nang maglaon, sa Galilea, tinipon uli ni Jesus ang mga alagad. Ano ang huling habilin niya? “Humayo kayo . . . gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu.” Tatanggap ba sila ng patnubay sa pangangaral? Tinitiyak ito ng huling pangungusap ni Jesus na iniuulat ni Mateo: “Narito! Ako ay kasama ninyo lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng pamamalakad ng mga bagay.”—28:13, 19, 20.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
29. (a) Papaano nagsisilbing tulay ang Mateo mula sa mga Kasulatang Hebreo tungo sa Griyego? (b) Anong pribilehiyo na tinamasa ni Jesus ang bukas pa rin sa mga Kristiyano ngayon?
29 Ang aklat ni Mateo, una sa apat na Ebanghelyo, ay mahusay na tulay mula sa Kasulatang Hebreo tungo sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Walang-pagkakamaling ipinakikilala nito ang Mesiyas at Hari sa Kaharian ng Diyos, ang mga kahilingan para sa magiging mga tagasunod niya, at ang gawaing nasa kanilang unahan. Ang temang, “Ang kaharian ng langit ay malapit na” ay ipinangaral ni Juan na Tagapagbautismo, ni Jesus, at saka ng mga alagad. Bukod dito, ang utos ni Jesus ay umaabot sa katapusan ng sistema ng mga bagay: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Ngayon, gaya din noon, dakila at kagila-gilalas na pribilehiyo ang makibahagi sa gawain ng Kaharian, pati na ang ‘paggawang alagad sa mga tao sa lahat ng bansa’ bilang pagtulad sa huwaran ng Panginoon.—3:2; 4:17; 10:7; 24:14; 28:19.
30. Anong partikular na bahagi ng Mateo ang nakilala dahil sa praktikal na halaga nito?
30 Ang Ebanghelyo ni Mateo ay tunay na “mabuting balita.” Ang kinasihang mensahe nito ay “mabuting balita” sa mga nakinig noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, at iningatan ito ng Diyos na Jehova hanggang sa ngayon bilang “mabuting balita.” Maging mga di-Kristiyano ay napilitang kumilala sa puwersa ng Ebanghelyo, gaya ng pinunong Hindu na si Mohandas (Mahatma) Gandhi na nagsabi kay Lord Irwin, dating gobernador ng Indiya: “Kapag ang iyong bansa at ang aking bansa ay nagkaisa sa mga turo ni Kristo sa Sermon sa Bundok, malulutas hindi lamang ang mga suliranin ng ating bansa kundi maging ang sa buong daigdig.”f Sa isa pang okasyon ay sinabi ni Gandhi: “Humigop nang malalim sa mga bukal na galing sa Sermon sa Bundok . . . Sapagkat ang turo ng Sermon ay para sa lahat.”g
31. Sino ang nagpakita ng tunay na pagpapahalaa sa payo sa Mateo, at bakit kapaki-pakinabang ang paulit-ulit na pag-aaral sa Ebanghelyo?
31 Gayunman, ang buong daigdig, pati na yaong nag-aangking Kristiyano, ay patuloy na nagkakaproblema. Maliit na grupo lamang ng tunay na mga Kristiyano ang nagpapahalaga, nag-aaral, at nagkakapit ng Sermon sa Bundok at ng iba pang mahusay na payo ng mabuting balita ayon kay Mateo at sa gayo’y umaani ng di-masukat na pakinabang. Kapaki-pakinabang ang paulit-ulit na pag-aaral ng napakahusay na payo ni Jesus sa paghahanap ng tunay na kaligayahan, pati na sa wagas na asal at pag-aasawa, sa kapangyarihan ng pag-ibig, karapat-dapat na panalangin, espirituwal laban sa materyal na mga pamantayan, paghanap muna sa Kaharian, paggalang sa mga bagay na banal, at pagiging-mapagbantay at pagiging-masunurin. May tagubilin ang Mateo 10 para sa mga mangangarál ng mabuting balita ng “kaharian ng langit.” Mahalagang aral ang itinuturo ng mga talinghaga ni Jesus sa mga ‘may taingang nakikinig.’ Isa pa, ang mga hula ni Jesus, gaya ng detalyadong ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto,’ ay nagpapatibay ng pag-asa at tiwala sa hinaharap.—5:1–7:29; 10:5-42; 13:1-58; 18:1–20:16; 21:28–22:40; 24:3–25:46.
32. (a) Ilarawan kung papaano nagpapatotoo sa pagiging-Mesiyas ni Jesus ang natupad na hula. (b) Anong matibay na pagtitiwala ang inilalaan sa atin ngayon ng mga katuparang ito?
32 Sagana ang Ebanghelyo ni Mateo sa natupad na mga hula. Ang marami niyang pagsipi sa kinasihang Kasulatang Hebreo ay nilayon upang ipakita ang katuparan nito. Naglalaan ito ng di-matututulang ebidensiya na si Jesus ang Mesiyas, sapagkat imposible na lahat ng detalye ay patiunang isaayos. Halimbawa, ihambing ang Mateo 13:14, 15 sa Isaias 6:9, 10; Mateo 21:42 sa Awit 118:22, 23; at Mateo 26:31, 56 sa Zacarias 13:7. Ang mga katuparang ito ay tumitiyak din na magkakatotoo ang lahat ng inihula ni Jesus habang natutupad ang maluwalhating layunin ni Jehova kaugnay ng “kaharian ng langit.”
33. Sa anong kaalaman at pag-asa maaaring magalak ang mga umiibig sa katuwiran?
33 Eksaktong-eksakto ang pagkahula ng Diyos sa buhay ng Hari ng Kaharian, hanggang sa kaliitliitang detalye! Eksaktong-eksakto ang kinasihang pag-uulat ni Mateo sa katuparan ng mga hula! Habang binubulay ang makahulang mga katuparan at pangako, lahat ng umiibig sa katuwiran ay magagalak sa kaalaman at pag-asa sa “kaharian ng mga langit” bilang kasangkapan ni Jehova sa pagbanal ng kaniyang pangalan. Sa “pagpapanibagong-lahi, kapag naupo na ang Anak ng tao sa kaniyang maluwalhating luklukan,” ang Kaharian ni Jesu-Kristo ay magdadala ng walang-katulad na pagpapala ng buhay at kaligayahan para sa mga maaamo at nagugutom-sa-espirituwal. (Mat. 19:28) Lahat ng ito ay bahagi ng nagpapasiglang mabuting balita “ayon kay Mateo.”
[Mga talababa]
a Muling paglilimbag noong 1981, Tomo V, pahina 895.
b Salin ng tekstong Latin na pinamatnugutan ni E. C. Richardson at inilathala sa serye na “Texte und Untersuchungen zur Geschichte der altchristlichen Literatur,” Leipzig, 1896, Tomo 14, pahina 8, 9.
c The Ecclesiastical History, VI, xxv, 3-6.
d Introduction to the Study of the Gospels, 1896, B. F. Westcott, pahina 201.
e Noong panahon ni Jesus, ang isang denaryo ay katumbas ng maghapong suweldo; kaya ang 100 denaryo ay mga sangkatlo ng suweldo sa isang taon. Ang 60 milyong denaryo ay katumbas ng suweldong iipunin sa loob ng libu-libong lawig-ng-buhay.—Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 614.
f Treasury of the Christian Faith, 1949, pinamatnugutan nina S. I. Stuber at T. C. Clark, pahina 43.
g Mahatma Gandhi’s Ideas, 1930, ni C. F. Andrews, pahina 96.