ARALIN 37
Ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Trabaho at Pera
Naranasan mo na bang mag-alala dahil sa trabaho o pera? Baka nahihirapan kang balansehin ang pag-aasikaso sa mga pangangailangan mo at ang pagsamba kay Jehova. May praktikal na payo ang Bibliya na makakatulong sa atin.
1. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa trabaho?
Gusto ng Diyos na mag-enjoy tayo sa pagtatrabaho. Sinasabi ng Bibliya na “wala nang mas mabuti para sa tao kundi ang . . . masiyahan sa pinaghirapan niya.” (Eclesiastes 2:24) Masipag si Jehova. Kapag tinularan natin siya, mapapasaya natin si Jehova at magiging masaya tayo sa trabaho natin.
Mahalaga ang trabaho. Pero hindi natin ito hahayaan na maging mas mahalaga kaysa sa pagsamba natin kay Jehova. (Juan 6:27) Nangangako si Jehova na kung uunahin natin siya, ibibigay niya ang mga pangangailangan natin.
2. Ano ang balanseng pananaw sa pera?
Sinasabi ng Bibliya na “ang pera ay proteksiyon,” pero sinasabi rin nito na hindi lang ito ang kailangan ng tao para maging tunay na masaya. (Eclesiastes 7:12) Kaya sinasabi ng Bibliya na huwag nating ibigin ang pera, kundi ‘maging kontento sa mga bagay na mayroon tayo.’ (Basahin ang Hebreo 13:5.) Kung kontento tayo sa mga bagay na mayroon tayo, hindi natin hahangarin ang mga bagay na wala tayo. Kaya hindi tayo mangungutang nang hindi naman kailangan. (Kawikaan 22:7) At makakaiwas tayo sa panganib ng pagsusugal at sa mga alok na nagsasabing mabilis tayong yayaman.
3. Paano mo gagamitin ang pera para tulungan ang iba?
Si Jehova ay mapagbigay na Diyos. At matutularan natin siya kung magiging “mapagbigay [tayo] at handang mamahagi.” (1 Timoteo 6:18) Magagamit natin ang ating pera sa pagsuporta sa kongregasyon at pagtulong sa mga nangangailangan, lalo na sa mga kapananampalataya natin. Ang mahalaga kay Jehova ay ang motibo natin sa pagbibigay, hindi ang dami ng ibinibigay natin. Kapag nagbibigay tayo mula sa puso, nagiging masaya tayo pati na si Jehova.—Basahin ang Gawa 20:35.
PAG-ARALAN
Tingnan ang pakinabang ng pagiging balanse sa trabaho at pagiging kontento.
4. Parangalan si Jehova sa paraan mo ng pagtatrabaho
Ang kaugnayan natin kay Jehova ay dapat makaapekto sa pananaw natin sa trabaho. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang hinangaan mo kay Jason sa pananaw at paggawi niya sa trabaho?
Ano ang ginawa niya para maging balanse sa trabaho?
Basahin ang Colosas 3:23, 24. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Bakit mahalaga kung ano ang pananaw natin sa trabaho?
Mahalaga ang trabaho. Pero hindi natin ito hahayaan na maging mas mahalaga kaysa sa pagsamba natin kay Jehova
5. Makikinabang tayo kung kontento tayo
Maraming tao ang gustong kumita nang kumita ng pera. Pero hindi iyan ang ipinapayo ng Bibliya. Basahin ang 1 Timoteo 6:6-8. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang payo sa atin ng Bibliya?
Kahit kaunti lang ang pag-aari natin, puwede pa rin tayong maging masaya. Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Kahit mahirap ang buhay, bakit masaya pa rin ang mga pamilya sa video?
Paano kung marami na tayong pag-aari pero hindi pa rin tayo nakokontento? Tingnan kung bakit ito mapanganib ayon sa isang ilustrasyon ni Jesus. Basahin ang Lucas 12:15-21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang matututuhan mo sa ilustrasyong ito ni Jesus?—Tingnan ang talata 15.
Basahin at ikumpara ang Kawikaan 10:22 at 1 Timoteo 6:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa tingin mo, ano ang mas mahalaga? Ang kaugnayan mo kay Jehova o ang pagkakaroon ng maraming pera? Bakit?
Ano ang puwedeng maging problema kapag lagi nating gustong magkapera?
6. Ibibigay ni Jehova ang mga kailangan natin
Kung may problema tayo sa trabaho at sa pera, masusubok ang pagtitiwala natin kay Jehova. Panoorin ang VIDEO para makita kung ano ang puwedeng gawin kapag napaharap sa mga problemang gaya nito. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang naging problema ng isang brother?
Ano ang ginawa niya para makayanan ang problema niya?
Basahin ang Mateo 6:25-34. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang pangako ni Jehova sa mga taong mas inuuna siya?
MAY NAGSASABI: “Kailangan kong magtrabaho nang maraming oras para sa pamilya ko. Kaya hindi ako nakakadalo linggo-linggo.”
Anong teksto ang nakakumbinsi sa iyo na ang pag-una sa pagsamba kay Jehova ang pinakamagandang gawin?
SUMARYO
Kailangan natin ang trabaho at pera, pero hindi ito dapat makaapekto sa paglilingkod natin kay Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang makakatulong sa iyo para magkaroon ng balanseng pananaw sa trabaho?
Ano ang maitutulong sa iyo ng pagiging kontento?
Paano ka makakapagtiwala sa pangako ni Jehova na ibibigay niya ang mga pangangailangan ng mga lingkod niya?
TINGNAN DIN
Sinasabi ba ng Bibliya na masama ang pera?
“Pera Ba ang Ugat ng Lahat ng Kasamaan?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan kung paano magagamit ang pera para mapasaya ang Diyos.
“Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagbibigay?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Masama ba ang pagsusugal?
“Ang Pangmalas ng Bibliya—Pagsusugal” (Gumising!, Marso 2015)
Tingnan kung bakit nagbago ang isang dating sugarol at magnanakaw.
“Mahilig Ako sa mga Kabayo at Karera” (Ang Bantayan, Nobyembre 1, 2011)