PANGANGAYUPAPA
Pagyukod, pagluhod, pagpapatirapa, o iba pang kilos na tanda ng pagpapasakop; o basta isang pagbibigay-galang. Sa maraming kaso, ito ang wastong salin ng Hebreong hish·ta·chawahʹ at ng Griegong pro·sky·neʹo.
Ang hish·ta·chawahʹ ay pangunahin nang nangangahulugang “yumukod.” (Gen 18:2) Maaaring ginagawa ang gayong pagyukod bilang paggalang o pagpapakundangan sa ibang tao, gaya sa isang hari (1Sa 24:8; 2Sa 24:20; Aw 45:11), mataas na saserdote (1Sa 2:36), isang propeta (2Ha 2:15), o iba pang taong may awtoridad (Gen 37:9, 10; 42:6; Ru 2:8-10), sa isang nakatatandang kamag-anak (Gen 33:1-6; 48:11, 12; Exo 18:7; 1Ha 2:19), o maging sa mga estranghero bilang kapahayagan ng pagpipitagan (Gen 19:1, 2). Yumukod si Abraham sa Canaanitang mga anak ni Het na mula sa mga ito ay ninais niyang bumili ng isang dakong libingan. (Gen 23:7) Dahil sa pagpapala ni Isaac kay Jacob, ang mga liping pambansa at ang mismong “mga kapatid” ni Jacob ay kinailangang yumukod sa kaniya. (Gen 27:29; ihambing ang 49:8.) Kapag may mga taong nagpapasimulang yumukod sa anak ni David na si Absalom, sinusunggaban niya sila at hinahalikan, maliwanag na upang isulong ang kaniyang pulitikal na mga ambisyon sa pamamagitan ng pagpapakitang siya’y kapantay lamang nila. (2Sa 15:5, 6) Tumangging magpatirapa si Mardokeo sa harap ni Haman, hindi dahil sa itinuring niyang masama ang kaugaliang ito, kundi tiyak na dahil ang mataas na Persianong opisyal ay nagmula sa isinumpang lahi ng mga Amalekita.—Es 3:1-6.
Salig sa nabanggit na mga halimbawa, maliwanag na ang terminong Hebreo ay hindi laging may diwang relihiyoso o nangangahulugan ng pagsamba. Gayunpaman, sa maraming kaso ay ginagamit ito may kaugnayan sa pagsamba, maaaring sa tunay na Diyos (Exo 24:1; Aw 95:6; Isa 27:13; 66:23) o sa huwad na mga diyos. (Deu 4:19; 8:19; 11:16) Maaaring yumuyukod ang mga tao sa Diyos kapag nananalangin (Exo 34:8; Job 1:20, 21) at kadalasa’y nagpapatirapa sila kapag nakatatanggap ng pagsisiwalat mula sa Diyos o ng isang kapahayagan o katibayan ng kaniyang pabor, sa gayo’y ipinakikita nila ang kanilang pasasalamat, pagpipitagan, at mapagpakumbabang pagpapasakop sa kaniyang kalooban.—Gen 24:23-26, 50-52; Exo 4:31; 12:27, 28; 2Cr 7:3; 20:14-19; ihambing ang 1Co 14:25; Apo 19:1-4.
Ang pagyukod sa mga tao bilang paggalang ay katanggap-tanggap naman, ngunit ang pagyukod sa ibang diyos maliban kay Jehova ay ipinagbawal Niya. (Exo 23:24; 34:14) Sa katulad na paraan, tahasang hinahatulan ang pagyukod sa relihiyosong mga imahen o sa anumang nilalang bilang pagsamba. (Exo 20:4, 5; Lev 26:1; Deu 4:15-19; Isa 2:8, 9, 20, 21) Kaya naman sa Hebreong Kasulatan, kapag nagpapatirapa ang ilang lingkod ni Jehova sa harap ng mga anghel, ginagawa lamang nila iyon upang ipakita na kinikilala nila ang mga ito bilang mga kinatawan ng Diyos, hindi upang mangayupapa sa kanila bilang mga bathala.—Jos 5:13-15; Gen 18:1-3.
Pangangayupapa sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ang Griegong pro·sky·neʹo ay halos katumbas ng Hebreong hish·ta·chawahʹ anupat nagtatawid ng ideya ng pagpapatirapa sa mga nilalang at gayundin ng pagsamba sa Diyos o sa isang bathala. Waring hindi gaanong malinaw na ipinahihiwatig ng pro·sky·neʹo ang paraan ng pagpapahayag ng pangangayupapa, di-gaya ng hish·ta·chawahʹ, na malinaw na nagtatawid ng ideya ng pagpapatirapa o pagyukod. Hinalaw ng mga iskolar ang terminong Griego mula sa pandiwang ky·neʹo, samakatuwid nga, “humalik.” Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan (gayundin sa Griegong Septuagint na salin ng Hebreong Kasulatan), ipinakikita ng pagkakagamit sa salitang ito na ang mga taong tinukoy na nangayupapa ay nagpatirapa o yumukod.—Mat 2:11; 18:26; 28:9.
Gaya ng terminong Hebreo, dapat isaalang-alang ang konteksto upang matiyak kung ang pro·sky·neʹo ay tumutukoy sa pangangayupapa na isa lamang anyo ng matinding paggalang o sa pangangayupapa na isang anyo ng relihiyosong pagsamba. Kapag ang tinutukoy ay pangangayupapa sa Diyos (Ju 4:20-24; 1Co 14:25; Apo 4:10) o sa huwad na mga diyos at sa kanilang mga idolo (Gaw 7:43; Apo 9:20), maliwanag na iyon ay hindi basta isang katanggap-tanggap o kinaugaliang pangangayupapa na ginagawa sa mga tao at sa gayo’y maituturing na isang pagsamba. Gayundin naman, kapag hindi binabanggit kung kanino iniuukol ang pangangayupapa, intindido nang sa Diyos ito iniuukol. (Ju 12:20; Gaw 8:27; 24:11; Heb 11:21; Apo 11:1) Sa kabilang dako, maliwanag na hindi pagsamba ang ginawa niyaong mga nagmula sa “sinagoga ni Satanas” na ‘pinapunta at pinangayupapa’ sa harap ng mga paa ng mga Kristiyano.—Apo 3:9.
Masusumpungan sa ilustrasyon ni Jesus sa Mateo 18:26 ang isang halimbawa ng pangangayupapa sa isang taong hari. Maliwanag na ganitong uri ng pangangayupapa ang ginawa ng mga astrologo sa batang si Jesus, na “ipinanganak na hari ng mga Judio”; ganito ring pangangayupapa ang sinabi ni Herodes na nais niyang gawin, at ang may-panlilibak na ginawa ng mga kawal kay Jesus bago siya ibayubay. Maliwanag na hindi nila itinuring si Jesus bilang ang Diyos o bilang isang bathala. (Mat 2:2, 8; Mar 15:19) Bagaman ginagamit ng ilang tagapagsalin ang salitang “sumamba” sa karamihan ng mga kaso kung saan ang pro·sky·neʹo ay ginamit upang tumukoy sa mga ikinilos ng mga tao sa harap ni Jesus, hindi sinusuportahan ng katibayan ang saling ito. Sa halip, kung isasaalang-alang ang mga kalagayang nag-udyok sa mga tao na mangayupapa kay Jesus, mapapansin na ang mga ito ay kahawig na kahawig ng mga kalagayang nag-udyok sa ilan na mangayupapa sa mga propeta at mga hari noong una. (Ihambing ang Mat 8:2; 9:18; 15:25; 20:20 sa 1Sa 25:23, 24; 2Sa 14:4-7; 1Ha 1:16; 2Ha 4:36, 37.) Kadalasan, ipinakikita ng mismong sinabi ng mga taong nangayupapa kay Jesus na, bagaman maliwanag na kinikilala nila siya bilang kinatawan ng Diyos, hindi nila iniisip na sa Diyos o sa isang bathala sila nangangayupapa, kundi sa “Anak ng Diyos,” ang inihulang “Anak ng tao,” ang Mesiyas na may awtoridad mula sa Diyos. Sa maraming pagkakataon, ang pangangayupapa nila ay isang kapahayagan ng pasasalamat para sa pagsisiwalat ng Diyos o para sa katibayan ng kaniyang pabor, gaya rin ng pangangayupapang ginawa ng mga tao noong una.—Mat 14:32, 33; 28:5-10, 16-18; Luc 24:50-52; Ju 9:35, 38.
Bagaman tumanggap ng pangangayupapa ang naunang mga propeta at gayundin ang mga anghel, pinigilan ni Pedro si Cornelio sa pangangayupapa sa kaniya, at sa pangitain naman ni Juan, dalawang ulit siyang pinigilan ng anghel o mga anghel sa paggawa ng gayon, anupat tinukoy ng anghel ang kaniyang sarili bilang ‘kapuwa alipin’ at nagpayo na “sambahin mo ang Diyos [toi The·oiʹ pro·skyʹne·son].” (Gaw 10:25, 26; Apo 19:10; 22:8, 9) Maliwanag na sa pagdating ni Kristo, nagkaroon ng bagong mga ugnayan na nakaapekto sa paraan ng pakikitungo ng mga lingkod ng Diyos sa isa’t isa. Itinuro niya sa kaniyang mga alagad na “iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid . . . ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo” (Mat 23:8-12), sapagkat sa kaniya natupad ang makahulang mga paglalarawan, gaya nga ng sinabi ng anghel kay Juan na “ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang kumakasi sa panghuhula.” (Apo 19:10) Si Jesus ay Panginoon ni David, ang mas dakila kaysa kay Solomon, ang propetang mas dakila kaysa kay Moises. (Luc 20:41-43; Mat 12:42; Gaw 3:19-24) Kaya wasto lamang na tumanggi si Pedro na pakundanganan siya ni Cornelio nang higit kaysa sa nararapat.
Gayundin naman, dahil si Juan ay ipinahayag nang matuwid ng Diyos bilang isang pinahirang Kristiyano, anupat tinawag upang maging makalangit na anak ng Diyos at maging isang miyembro ng Kaharian, ang kaniyang kaugnayan sa (mga) anghel ng Apocalipsis ay naiiba sa kaugnayan ng mga Israelita sa mga anghel na nagpakita sa kanila noong una. Maliwanag na kinilala ng (mga) anghel ang pagbabagong ito ng kaugnayan nang tanggihan nila ang pangangayupapa ni Juan.—Ihambing ang 1Co 6:3; tingnan ang IPAHAYAG NA MATUWID.
Pangangayupapa sa niluwalhating si Jesu-Kristo. Sa kabilang dako, si Kristo Jesus ay dinakila ng kaniyang Ama sa isang posisyon na pangalawa lamang sa Diyos, upang “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa at niyaong mga nasa ilalim ng lupa, at ang bawat dila ay hayagang kumilala na si Jesu-Kristo ay Panginoon sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.” (Fil 2:9-11; ihambing ang Dan 7:13, 14, 27.) Ipinakikita rin ng Hebreo 1:6 na kahit ang mga anghel ay nangayupapa sa binuhay-muling si Jesu-Kristo. Maraming salin ng tekstong ito ang gumagamit ng “sumamba” para sa pro·sky·neʹo, samantalang isinasalin naman ito ng iba sa pamamagitan ng mga pananalitang gaya ng “yumukod sa harap” (AT; Yg) at ‘magbigay-galang’ (NE). Anumang terminong Tagalog ang ginagamit, ang orihinal na Griego ay hindi nagbabago at ang ginawa ng mga anghel sa harap ni Kristo ay dapat unawain kaayon ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Mariing sinabi mismo ni Jesus kay Satanas na “si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin [isang anyo ng pro·sky·neʹo] mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mat 4:8-10; Luc 4:7, 8) Sa katulad na paraan, sinabi ng (mga) anghel kay Juan na “sambahin mo ang Diyos” (Apo 19:10; 22:9), at ang utos na ito ay binigkas pagkaraang buhaying-muli at dakilain si Jesus, anupat nagpapakitang si Jehova pa rin ang dapat pag-ukulan ng pagsamba. Totoo, bagaman ang Awit 97, na maliwanag na sinipi ng apostol sa Hebreo 1:6, ay tumutukoy sa Diyos na Jehova bilang ang isa na ‘niyuyukuran,’ ikinapit ang tekstong ito kay Kristo Jesus. (Aw 97:1, 7) Gayunman, bago nito ay nilinaw na ng apostol na ang binuhay-muling si Kristo ang ‘sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at ang eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’ (Heb 1:1-3) Samakatuwid, kung ang ipinapalagay nating “pagsamba” ay waring iniuukol ng mga anghel sa Anak, ang totoo, ito’y iniuukol nila sa pamamagitan lamang niya at para sa Diyos na Jehova, ang Soberanong Tagapamahala, “ang Isa na gumawa ng langit at ng lupa at dagat at mga bukal ng mga tubig.” (Apo 14:7; 4:10, 11; 7:11, 12; 11:16, 17; ihambing ang 1Cr 29:20; Apo 5:13, 14; 21:22.) Sa kabilang dako, ang mga saling “yumukod sa harap” at ‘magbigay-galang’ (sa halip na “sumamba”) ay hindi naman salungat sa orihinal na wika, sa tekstong Hebreo man ng Awit 97:7 o sa tekstong Griego ng Hebreo 1:6, sapagkat naitatawid ng gayong mga salin ang saligang diwa ng hish·ta·chawahʹ at pro·sky·neʹo.