Esther
3 Pagkatapos ng mga bagay na ito, binigyan ni Haring Ahasuero ng mas mataas na posisyon si Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ at binigyan niya ito ng mas malaking awtoridad kaysa sa lahat ng iba pang matataas na opisyal.+ 2 At ang lahat ng lingkod ng hari na nasa pintuang-daan ng palasyo ay yumuyukod at sumusubsob sa harapan ni Haman dahil iyon ang iniutos ng hari. Pero ayaw yumukod o sumubsob ni Mardokeo. 3 Kaya ang mga lingkod ng hari na nasa pintuang-daan ng palasyo ay nagsabi kay Mardokeo: “Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?” 4 Araw-araw nila siyang sinasabihan, pero ayaw niyang makinig, at sinabi niya sa kanila na siya ay isang Judio.+ Kaya nagsumbong sila kay Haman para malaman kung palalampasin nito ang ginagawa ni Mardokeo.+
5 Nang makita ni Haman na ayaw yumukod at sumubsob ni Mardokeo sa harapan niya, nag-init siya sa galit.+ 6 Pero hindi siya kontentong si Mardokeo lang ang patayin, dahil sinabi sa kaniya ang tungkol sa bayan ni Mardokeo. Kaya humanap ng paraan si Haman para malipol ang lahat ng Judio, ang lahat ng kababayan ni Mardokeo, sa buong nasasakupan ni Ahasuero.
7 Noong unang buwan, ang buwan ng Nisan,* sa ika-12 taon+ ni Haring Ahasuero, naghagis sila ng Pur+ (o, pitsa sa palabunutan) sa harap ni Haman para malaman kung anong araw at buwan iyon dapat isagawa, at tumapat ito sa ika-12 buwan, ang Adar.*+ 8 Pagkatapos, sinabi ni Haman kay Haring Ahasuero: “May isang bayan na nakapangalat sa gitna ng mga bayan+ sa lahat ng distritong pinamamahalaan mo.+ Naiiba ang mga batas nila kumpara sa ibang bayan. Hindi sila sumusunod sa kautusan ng hari, at hindi makakabuti sa hari kung kukunsintihin sila. 9 Kung papayag ang hari, ipasulat niya nawa ang isang utos na lipulin sila. Magbibigay ako sa mga opisyal ng 10,000 talento* ng pilak para sa kabang-yaman ng hari.”*
10 Hinubad ng hari ang kaniyang singsing na panlagda+ at ibinigay iyon kay Haman+ na anak ni Hamedata na Agagita,+ na kaaway ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari kay Haman: “Bahala ka na sa pilak at sa mga taong iyon; gawin mo sa kanila kung ano ang iniisip mong tama.” 12 Pagkatapos, ang mga kalihim ng hari+ ay tinawag noong ika-13 araw ng unang buwan. Isinulat nila+ ang lahat ng utos ni Haman para sa mga satrapa ng hari, sa mga gobernador na namamahala sa mga nasasakupang distrito, at sa matataas na opisyal ng iba’t ibang bayan. Ang kautusan ay isinulat ayon sa istilo ng pagsulat ng bawat distrito at sa wika ng bawat bayan. Isinulat ito sa ngalan ni Haring Ahasuero at tinatakan ng singsing na panlagda ng hari.+
13 Ang mga liham ay dinala ng mga mensahero sa lahat ng distritong sakop ng hari. Nakasulat dito na ang lahat ng Judio, mga bata’t matanda, mga musmos at mga babae, ay dapat lipulin, patayin, at puksain sa isang araw, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar,+ at dapat kunin ang lahat ng pag-aari nila.+ 14 Ang nilalaman ng sulat ay magiging batas sa bawat nasasakupang distrito at ipaaalam sa lahat ng tao para maging handa sila sa araw na iyon. 15 Nagmula ang batas sa palasyo ng Susan.*+ Lumabas agad ang mga mensahero+ gaya ng iniutos ng hari. Pagkatapos, ang hari at si Haman ay umupo para uminom, habang ang mga tao sa lunsod ng Susan* ay nalilito sa nangyayari.