Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Nagtatalu-talo ang mga Alagad Habang Palapít ang Kamatayan ni Jesus
SI Jesus at ang kaniyang mga alagad ay malapit na sa Ilog Jordan, at mula roon ay tatawid sila sa pook ng Perea patungo sa Judea. Marami silang kasama na patungo rin sa Paskuwa noong 33 C.E., na mga isang linggo lamang ang layo.
Si Jesus ay naglalakad na una sa kaniyang mga alagad, at sila’y nanggilalas sa kaniyang lakas-loob na pagpapasiya. Alalahanin na mga ilang linggo lamang ang nakalipas nang mamatay si Lasaro at si Jesus ay papunta na sa Judea galing sa Perea, nang himukin ni Tomas ang iba pa: “Tayo’y pumaroon din, upang tayo’y makasama niya na mamatay.” Alalahanin din na pagkatapos buhayin ni Jesus si Lasaro, ang Sanedrin ay bumuo na ng mga plano upang siya’y mapatay. Hindi kataka-taka na takot ang manaig sa mga alagad samantalang sila’y pumapasok uli sa Judea.
Upang ihanda sila sa mga bagay na napipintong dumating, ang 12 ay isinama ni Jesus nang bukod at sa kanila’y sinabi: “Narito tayo, patungo na sa Jerusalem, at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at kanilang hahatulan na siya’y patayin at ibibigay siya sa mga tao ng mga bansa, at kanilang pagtatawanan siya at luluraan siya at hahagupitin siya at papatayin siya, ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay babangon siya.”
Ito ang ikatlong pagkakataon sa nakalipas na mga buwan na sa kaniyang mga alagad ay sinabi ni Jesus ang tungkol sa kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. At bagaman sila’y nakikinig sa kaniya, hindi sila makaunawa. Marahil ang dahilan ay naniniwala sila sa pagsasauli sa lupa ng kaharian ng Israel, inaasam-asam na sila’y magtatamasa ng kaluwalhatian at karangalan sa isang makalupang kaharian kasama ni Kristo.
Kabilang sa mga manlalakbay na patungo sa pagdiriwang ng Paskuwa ay si Salome, ang ina ng mga apostol na sina Santiago at Juan. Ang tawag ni Jesus sa mga lalaking ito ay “mga Anak ng Kulog,” tiyak na dahil sa kanilang mga ugaling madaling magalit. Sa loob ng ilang panahon ang dalawang ito ay nagkimkim ng lunggatiin na maging tanyag sa Kaharian ni Kristo, at ang kanilang mga hangarin ay kanilang ipinaalam sa kanilang ina. Ngayon ang ina ay lumapit kay Jesus alang-alang sa kanila, yumukod sa harap niya, at humiling na bigyan siya ng pabor.
“Ano ang ibig mo?” ang tanong ni Jesus.
“Ipag-utos mo na itong aking dalawang anak ay magsiupo, isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo, sa iyong kaharian.”
Palibhasa’y natatanto niya kung saan nagmula ang kahilingang iyon, sinabi ni Jesus kay Santiago at kay Juan: “Kayong mga tao, hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman baga ninyo ang saro na halos iinuman ko na lamang?”
“Maiinuman namin,” ang sagot nila. Bagaman kasasabi-sabi lamang sa kanila ni Jesus na siya’y nakaharap sa isang kakila-kilabot na pag-uusig at sa wakas ay papatayin siya, maliwanag na hindi nila nasasakyan na ito ang ibig niyang sabihin sa pananalitang ‘saro’ na halos iinuman na lamang niya.
Gayunman, sinabi ni Jesus sa kanila: “Talaga ngang iinuman ninyo ang aking saro, ngunit itong pag-upo sa kanan ko at sa kaliwa ko ay hindi ako ang makapagbibigay, datapuwat ito’y para sa kanila na pinaghandaan nito ng aking Ama.”
Nabalitaan din ng sampu pang apostol ang hiniling nina Santiago at Juan, at sila’y nagalit. Marahil si Santiago at si Juan ang napatampok sa unang pagtatalo sa gitna ng mga apostol tungkol sa kung sino ang pinakadakila. Ang kanilang kasalukuyang kahilingan ay nagsisiwalat na hindi nila ikinapit ang payo na ibinigay ni Jesus tungkol sa bagay na ito. Nakalulungkot sabihin, ang kanilang paghahangad na mapatanyag ay matindi pa rin.
Kaya upang harapin ang pinakahuling pagtatalong ito at ang samaan ng loob na nilikha nito, sama-samang tinawag ni Jesus ang 12. Kaniyang pinayuhan sila nang may pagmamahal, at sinabi niya: “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga bansa ay nag-aamu-amuhan sa kanila at ang kanilang mga dakila ay nagsisigamit ng autoridad sa kanila. Sa inyo’y hindi magkakagayon; kundi sinuman sa inyo na ibig maging dakila ay kailangang maging ministro ninyo, at sinuman sa inyo na ibig maging una ay kailangang maging alipin ninyo.”
Si Jesus ang nagpakita ng halimbawa na kailangang tularan nila, gaya ng kaniyang ipinaliwanag: “Kung papaanong ang Anak ng tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” Si Jesus ay hindi lamang naglingkod alang-alang sa iba kundi ginawa rin niya iyon hanggang sa sukdulang namatay siya alang-alang sa sangkatauhan! Kailangan ng mga alagad ang gayunding saloobing tulad-Kristo na paghahangad na maglingkod imbis na paglingkuran at pagiging isang nakabababa imbis na mapataas sa katanyagan. Mateo 20:17-28; Marcos 3:17; 9:33-37; 10:32-45; Lucas 18:31-34; Juan 11:16.
◆ Bakit takot ang nanaig ngayon sa mga alagad?
◆ Papaano inihanda ni Jesus ang kaniyang mga alagad para sa mga araw na napipintong dumating?
◆ Ano ang hiniling kay Jesus, at ano ang epekto sa mga ibang apostol?
◆ Papaano nilutas ni Jesus ang suliranin sa gitna ng kaniyang mga apostol?