KAPATID NA LALAKI, KAPATID
[sa Ingles, brother].
Kaugnayan ng isang indibiduwal sa isang lalaki na anak din ng kaniyang magulang o mga magulang; sa Hebreo, ʼach, at sa Griego, a·del·phosʹ. Kabilang sa mga lalaking tunay na magkapatid na binabanggit sa Bibliya, mga anak ng iisang ama at iisang ina, ay sina Cain at Abel, mga anak nina Adan at Eva (Gen 4:1, 2; 1Ju 3:12); sina Jacob at Esau, kambal na mga anak nina Isaac at Rebeka (Gen 25:24-26); sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo at ng kaniyang asawa (Mat 4:21; 27:56; ihambing ang Huk 8:19). Sina Moises at Aaron ay mga kapatid ni Miriam (Bil 26:59); si Lazaro ay kapatid nina Marta at Maria. (Ju 11:1, 19) Ang pananalitang “mga kapatid” ay tumutukoy rin sa mga magkapatid sa ama, yaong mga iisa ang ama ngunit magkaiba ang ina, gaya sa kaso ng 12 anak na lalaki ni Jacob na nagmula sa apat na iba’t ibang babae (Gen 35:22-26; 37:4; 42:3, 4, 13); tumutukoy rin ito sa mga supling ng iisang ina ngunit magkaibang ama, gaya sa kaso ni Jesus at ng kaniyang mga kapatid na lalaki, at posibleng sa kaso niyaong kaugnayan ni David sa kaniyang mga kapatid na babae.—Mat 13:55; 1Cr 2:13-16; 2Sa 17:25; tingnan ang subtitulong “Mga Kapatid ni Jesus.”
Gayunman, ang terminong “kapatid” ay hindi limitado sa mismong kapamilya. Tinukoy ni Abraham at ni Laban ang kani-kanilang pamangkin na si Lot at si Jacob bilang kanilang mga kapatid. (Gen 11:27; 13:8; 14:14, 16; 29:10, 12, 15; ihambing ang Lev 10:4.) Ang mga miyembro ng iisang tribo sa Israel ay nagkaroon ng ugnayang pangkapatid (2Sa 19:12, 13; Bil 8:26), at sa mas malawak pang diwa, ang buong bansang Israel ay magkakapatid, gaya ng mga supling ng iisang ama na si Jacob, at nagkakaisa sila sa pagsamba sa iisang Diyos, si Jehova. (Exo 2:11; Deu 15:12; Mat 5:47; Gaw 3:17, 22; 7:23; Ro 9:3) Maging ang mga Edomita, na nagmula kay Abraham sa pamamagitan ng kakambal ni Jacob na si Esau, sa gayo’y mga kamag-anak ng Israel, ay tinawag na mga kapatid nila. (Bil 20:14) Ang muling-pinagkaisang mga kaharian ng Juda at Israel ay tinukoy na nasa “pagkakapatiran” (sa Heb., ʼa·chawahʹ).—Zac 11:14.
Ang salitang “kapatid” ay ikinakapit din sa mga taong nagkakaisa sa iisang mithiin at may magkakatulad na tunguhin at layunin. Halimbawa, tinawag ni Haring Hiram ng Tiro si Haring Solomon na kapatid niya, hindi lamang dahil sa magkapantay sila sa ranggo at posisyon kundi marahil ay dahil din sa kanilang magkaparehong interes na maglaan ng mga tabla at iba pang mga bagay para sa templo. (1Ha 9:13; 5:1-12) “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!” ang isinulat ni David, anupat ipinahihiwatig na hindi lamang ang pagiging magkadugo ang nagdudulot ng kapayapaan at pagkakaisa sa pagitan ng magkakapatid sa laman. (Aw 133:1) Sa katunayan, pagmamahal at interes sa isa’t isa, hindi ang pagiging anak ng iisang magulang, ang nag-udyok kay David na tawaging kapatid si Jonatan. (2Sa 1:26) Ang magkakasamahan na may magkakatulad na mga katangian at mga disposisyon, kahit masasama pa ang mga iyon, ay angkop na tawaging magkakapatid.—Kaw 18:9.
Sa patriyarkal na lipunan at sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, may ilang pribilehiyo at obligasyon na ginagampanan ang mga kapatid sa laman. Kapag namatay ang kanilang ama, ang pinakamatandang kapatid na lalaki, ang panganay, ang tumatanggap ng dobleng bahagi sa mana ng pamilya at ng pananagutang gumanap bilang ulo ng pamilya. Ang kapatid sa laman ang unang may karapatan sa pagtubos, sa pag-aasawa bilang bayaw, at sa paghihiganti para sa dugo ng kaniyang kapatid na napatay. (Lev 25:48, 49; Deu 25:5) Ang mga insestong relasyon sa pagitan ng magkapatid na lalaki at babae ay mahigpit na ipinagbabawal sa Kautusang Mosaiko.—Lev 18:9; Deu 27:22.
Ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay may espirituwal na kaugnayang katulad niyaong sa magkakapatid. Tinawag ni Jesus na mga kapatid ang kaniyang mga alagad. (Mat 25:40; 28:10; Ju 20:17) Binigyang-diin niya ang kaugnayang ito sa pagsasabing: “Ang sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama . . . , siya rin ang aking kapatid na lalaki, at kapatid na babae, at ina.” (Mat 12:48-50) Samakatuwid, dapat na mas ibigin ng isa si Kristo kaysa sa kaniyang mga kamag-anak, at kung kinakailangan ay dapat niyang iwan ang mga ito alang-alang kay Jesus. (Mat 10:37; 19:29; Luc 14:26) Ang totoo, may mga pagkakataong ibinibigay ng kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan. (Mar 13:12) Ang terminong “kapatid” ay sumasaklaw hindi lamang sa malalapit na kasamahan ni Jesus kundi kalakip dito ang buong kongregasyon ng mga mananampalataya (Mat 23:8; Heb 2:17), “ang buong samahan ng mga kapatid” “na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (1Pe 2:17; 5:9; Apo 19:10) Ipinakikita ng gayong samahan ng espirituwal na magkakapatid ang “pag-ibig na pangkapatid” sa pinakamataas na antas nito.—Ro 12:10; Heb 13:1.
Noong Pentecostes, lahat niyaong mula sa malalayong lupain, kabilang na ang mga proselita, ay tinawag ni Pedro na “mga kapatid.” (Gaw 2:8-10, 29, 37) Kung minsan, ang mga mananampalatayang Kristiyanong lalaki ay espesipikong tinatawag na “mga kapatid na lalaki” at ang mga babae naman ay tinatawag na “mga kapatid na babae” (1Co 7:14, 15), ngunit sa pangkalahatan, ang pananalitang “mga kapatid” ang karaniwang pagbati sa haluang mga grupo. (Gaw 1:15; Ro 1:13; 1Te 1:4) Ang terminong ito ay ginagamit sa gayong diwa sa lahat ng kinasihang liham na para sa mga Kristiyano maliban sa tatlo (Tito, 2 Juan, Judas) at sa mga akda ng sinaunang mga manunulat ng simbahan. Nagbabala ang mga apostol laban sa “mga bulaang kapatid” na nakapasok sa mga kongregasyon.—2Co 11:26; Gal 2:4.
Mga Kapatid ni Jesus. Binabanggit ng apat na Ebanghelyo, ng Mga Gawa ng mga Apostol, at ng dalawa sa mga liham ni Pablo ang “mga kapatid ng Panginoon,” ang “kapatid ng Panginoon,” “ang kaniyang mga kapatid na lalaki,” “ang kaniyang mga kapatid na babae,” anupat binabanggit ang pangalan ng apat sa kaniyang “mga kapatid na lalaki”: sina Santiago, Jose, Simon, at Hudas. (Mat 12:46; 13:55, 56; Mar 3:31; Luc 8:19; Ju 2:12; Gaw 1:14; 1Co 9:5; Gal 1:19) Tinatanggap ng karamihan sa mga iskolar ng Bibliya ang natipong katibayan na si Jesus ay may di-kukulangin sa apat na kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae at na ang lahat ng ito ay likas na mga supling nina Jose at Maria pagkatapos ng makahimalang kapanganakan ni Jesus.
Ang sariling pala-palagay na ang mga kapatid na ito ni Jesus ay mga anak ni Jose mula sa unang pag-aasawa, o mga anak mula sa pagganap ni Jose sa pag-aasawa bilang bayaw, ay dapat ituring na kathang-isip lamang, yamang hindi ito pinatototohanan o ipinahihiwatig man lamang sa Kasulatan. Ang pag-aangkin na ang salitang “kapatid na lalaki” (a·del·phosʹ) rito ay nangangahulugang “pinsan” (a·ne·psi·osʹ) ay isang teoriya lamang, na sinasabing kinatha ni Jerome noon lamang 383 C.E. Hindi lamang nabigo si Jerome na magharap ng anumang suporta para sa kaniyang bagong-kathang kuru-kuro kundi sa mas huling mga akda niya ay nag-urong-sulong din siya sa kaniyang mga opinyon at nagpahayag pa nga ng pag-aalinlangan tungkol sa kaniyang “cousin theory.” Sinabi ni J. B. Lightfoot na si Jerome ay “hindi nagharap ng anumang tradisyonal na awtoridad para sa kaniyang teoriya, at dahil doon, ang katibayan na pumapabor dito ay sa Kasulatan lamang dapat hanapin. Sinuri ko ang makakasulatang katibayan, at ang . . . pinagsama-samang mga suliranin . . . ay higit na nakararami sa pangalawahing mga argumentong ito, at sa katunayan ay nagpapakita na dapat itong tanggihan.”—St. Paul’s Epistle to the Galatians, London, 1874, p. 258.
Sa Griegong Kasulatan, hindi ginagamit ang a·del·phosʹ kapag ang kasangkot sa ulat ay isang pamangkin o pinsan. Sa halip ay ipinaliliwanag ang kaugnayan, gaya ng “anak ng kapatid na babae ni Pablo” o “si Marcos na pinsan [a·ne·psi·osʹ] ni Bernabe.” (Gaw 23:16; Col 4:10) Sa Lucas 21:16, ang mga salitang Griego na syg·ge·nonʹ (mga kamag-anak, gaya ng mga pinsan) at a·del·phonʹ (mga kapatid) ay kapuwa lumilitaw, anupat nagpapakita na ang mga terminong ito ay hindi basta pinagpapalit-palit sa Griegong Kasulatan.
Yamang noong panahon ng ministeryo ni Jesus “ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nananampalataya sa kaniya,” tiyak na hindi niya sila mga kapatid sa espirituwal na diwa. (Ju 7:3-5) Ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng kaniyang mga kapatid na ito sa laman at ng kaniyang mga alagad na nanampalataya sa kaniya at naging espirituwal na mga kapatid niya. (Mat 12:46-50; Mar 3:31-35; Luc 8:19-21) Dahil sa kawalan ng pananampalataya ng kaniyang mga kapatid sa laman, hindi sila maiuugnay sa mga apostol na kapangalan nila: sina Santiago, Simon, Hudas; malinaw na ipinakikita na naiiba sila sa mga alagad ni Jesus.—Ju 2:12.
Ang relasyon ng mga kapatid na ito ni Jesus sa laman sa kaniyang inang si Maria ay nagpapakita rin na sila ay mga anak ni Maria sa halip na malalayong kamag-anak. Madalas silang banggitin na kasama ni Maria. Ang mga pananalitang nagsasabi na si Jesus ang “panganay” ni Maria (Luc 2:7), at na si Jose ay ‘hindi nakipagtalik dito hanggang sa ito ay makapagsilang ng isang anak na lalaki,’ ay sumusuporta rin sa pangmalas na sina Jose at Maria ay nagkaroon pa ng ibang mga anak. (Mat 1:25) Kinilala at tinukoy maging ng mga kapitbahay nila na taga-Nazaret na si Jesus ay “kapatid nina Santiago at Jose at Hudas at Simon,” anupat sinabi pa nila, “At ang kaniyang mga kapatid na babae ay naritong kasama natin, hindi ba?”—Mar 6:3.
Batay sa mga kasulatang ito, bumabangon ang ganitong tanong: Bago mamatay si Jesus, bakit niya inihabilin sa apostol na si Juan ang pangangalaga sa kaniyang inang si Maria sa halip na sa mga kapatid niya sa laman? (Ju 19:26, 27) Maliwanag na ito’y dahil ang pinsan ni Jesus, ang apostol na si Juan, ay isang taong nagpamalas ng matibay na pananampalataya, siya ang alagad na pinakamamahal ni Jesus, at ang espirituwal na kaugnayang ito ay nakahihigit sa kaugnayan sa laman. Sa katunayan, walang pahiwatig na noong panahong iyon ay mga alagad na ni Jesus ang kaniyang mga kapatid sa laman.
Matapos na buhaying-muli si Jesus, nagbago ang mapag-alinlangang saloobin ng kaniyang mga kapatid sa laman, sapagkat naroroon sila kasama ng kanilang ina at ng mga apostol nang magkatipon sila upang manalangin matapos umakyat sa langit si Jesus. (Gaw 1:14) Ipinahihiwatig nito na naroroon din sila nang ibuhos ang banal na espiritu noong araw ng Pentecostes. Ang kapatid ni Jesus na si Santiago, na prominenteng tinukoy na kabilang sa matatandang lalaki ng lupong tagapamahala sa Jerusalem, ang sumulat ng liham na nagtataglay ng kaniyang pangalan. (Gaw 12:17; 15:13; 21:18; Gal 1:19; San 1:1) Ang kapatid naman ni Jesus na si Judas ang sumulat ng aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan. (Jud 1, 17) Ipinahihiwatig ni Pablo na sa paanuman, ang ilan sa mga kapatid ni Jesus ay may-asawa.—1Co 9:5.