KABANATA 9
Resulta ng Pangangaral—“Ang mga Bukid . . . ay Mapuputi Na Para sa Pag-aani”
1, 2. (a) Ano ang hindi maintindihan ng mga alagad? (b) Anong pag-aani ang tinutukoy ni Jesus?
HINDI maintindihan ng mga alagad ang sinabi ni Jesus: “Itingin ninyo ang inyong mga mata at tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.” Tumingin sila sa direksiyong itinuturo ni Jesus, pero hindi puti ang nakikita nila, kundi berde—ang kulay ng bagong-sibol na sebada. ‘Pag-aani?’ ang malamang na tanong nila. ‘Ilang buwan pa ang lilipas bago ang anihan.’—Juan 4:35.
2 Pero hindi literal na pag-aani ang tinutukoy ni Jesus. Ginagamit niya ang pagkakataong ito para turuan ang kaniyang mga alagad ng dalawang mahalagang aral tungkol sa espirituwal na pag-aani—ang pag-aani ng mga tao. Anong mga aral iyon? Para malaman, detalyado nating talakayin ang ulat na ito.
Kumilos Nang Apurahan at Maging Maligaya
3. (a) Ano ang posibleng dahilan kung bakit sinabi ni Jesus: “Ang mga bukid . . . ay mapuputi na para sa pag-aani”? (Tingnan ang talababa.) (b) Ano ang sinabi ni Jesus para linawin ang ibig niyang sabihin?
3 Nangyari ang pag-uusap na iyan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad sa pagtatapos ng 30 C.E., malapit sa lunsod ng Sicar sa Samaria. Habang nasa lunsod ang mga alagad, naiwan si Jesus sa isang balon kung saan niya ibinahagi ang espirituwal na mga katotohanan sa isang babae na agad namang nagpahalaga sa kaniyang mga turo. Pagbalik ng mga alagad, nagmadaling umalis ang babae para sabihin sa kaniyang mga kababayan sa Sicar ang kamangha-manghang mga bagay na kaniyang narinig. Kaya napukaw ang interes ng marami at nagmadali silang pumunta sa balon para makita si Jesus. Posibleng nang pagkakataong iyon—habang nakatanaw si Jesus sa mga bukid at nakitang paparating ang grupo ng mga Samaritano—sinabi niya: “Tanawin ang mga bukid, na ang mga ito ay mapuputi na para sa pag-aani.”a Para linawing espirituwal na pag-aani ang tinutukoy niya at hindi literal, idinagdag ni Jesus: “Ang manggagapas [ay] nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan.”—Juan 4:5-30, 36.
4. (a) Anong dalawang aral tungkol sa pag-aani ang itinuro ni Jesus? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
4 Anong dalawang mahalagang aral tungkol sa espirituwal na pag-aani ang itinuro ni Jesus? Una, apurahan ang gawain. Nang sabihin niyang “ang mga bukid . . . ay mapuputi na para sa pag-aani,” hinihimok niya ang kaniyang mga tagasunod na kumilos. Para maidiin sa kaniyang mga alagad ang pagkaapurahan ng gawain, idinagdag ni Jesus: “Sa ngayon ay tumatanggap na ng kabayaran ang manggagapas.” Oo, nagsimula na ang pag-aani—wala nang panahon para magpatumpik-tumpik! Ikalawa, maligaya ang mga manggagawa. Ang mga manghahasik at mga manggagapas ay ‘magsasaya nang magkakasama,’ ang sabi ni Jesus. (Juan 4:35b, 36) Kung paanong nagsaya si Jesus nang makita niyang “marami sa mga Samaritano . . . ang nanampalataya sa kaniya,” matinding kaligayahan din ang madarama ng kaniyang mga alagad habang buong-kaluluwa silang nakikibahagi sa pag-aani. (Juan 4:39-42) Napakahalaga sa atin ng ulat na ito noong unang siglo dahil ipinapakita nito kung ano ang mangyayari sa panahong ito ng pinakamalawak na espirituwal na pag-aani. Kailan nagsimula ang modernong-panahong pag-aaning ito? Sino ang nakikibahagi rito? Ano ang mga resulta?
Pinangungunahan ng Ating Hari ang Pinakamalawak na Pag-aani
5. Sino ang nangunguna sa pag-aani sa buong mundo? Paano ipinahihiwatig sa pangitain ni Juan na apurahan ang gawain?
5 Sa isang pangitain ni apostol Juan, isiniwalat ni Jehova na inatasan niya si Jesus para manguna sa pag-aani ng mga tao sa buong mundo. (Basahin ang Apocalipsis 14:14-16.) Sa pangitaing ito, inilarawan si Jesus na may korona at karit. Ang “ginintuang korona sa . . . ulo” ni Jesus ay patunay sa posisyon niya bilang namamahalang Hari. Ang “matalas na karit sa kaniyang kamay” ay patunay naman ng papel niya bilang Mang-aani. Sa pagsasabi sa pamamagitan ng isang anghel na “ang aanihin sa lupa ay lubusang hinog na,” idiniriin ni Jehova na apurahan ang gawain. Talagang “dumating na ang oras upang gumapas”—wala nang panahon para magpatumpik-tumpik! Bilang tugon sa utos ng Diyos na “gamitin mo ang iyong karit,” isinulong ni Jesus ang kaniyang karit, at ang lupa ay nagapasan—samakatuwid nga, ginapas ang mga tao. Ipinaaalala ng kapana-panabik na pangitaing ito na muli, “ang mga bukid . . . ay mapuputi na para sa pag-aani.” Makikita rin ba natin sa pangitaing ito kung kailan nagsimula ang pag-aani sa buong mundo? Oo!
6. (a) Kailan nagsimula ang “kapanahunan ng pag-aani”? (b) Kailan nagsimula ang aktuwal na ‘pag-aani sa lupa’? Ipaliwanag.
6 Ipinapakita sa pangitain ni Juan sa Apocalipsis kabanata 14 na si Jesus, ang Mang-aani, ay may korona (talata 14), kaya ipinahihiwatig nito na naganap na ang paghirang sa kaniya bilang Hari noong 1914. (Dan. 7:13, 14) Mga ilang panahon pagkatapos niyan, inutusan si Jesus na simulan na ang pag-aani (talata 15). Ganiyan din ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa pag-aani ng trigo, kung saan sinabi niya: “Ang pag-aani ay katapusan ng isang sistema ng mga bagay.” Kaya ang kapanahunan ng pag-aani at ang katapusan ng sistemang ito ng mga bagay ay sabay na naganap—noong 1914. “Sa kapanahunan ng pag-aani,” o sa loob ng panahong iyon, nagsimula ang aktuwal na pag-aani. (Mat. 13:30, 39) Kung babalikan ang kasaysayan, makikita natin na nagsimula ang pag-aani mga ilang taon pagkatapos magsimulang mamahala si Jesus bilang Hari. Mula 1914 hanggang pasimula ng 1919, nagsagawa muna si Jesus ng paglilinis sa gitna ng kaniyang mga pinahirang tagasunod. (Mal. 3:1-3; 1 Ped. 4:17) Pagkatapos, noong 1919, nagsimula ang ‘pag-aani sa lupa.’ Agad na ginamit ni Jesus ang bagong inatasang tapat na alipin para tulungan ang ating mga kapatid na makita ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral. Tingnan natin ang nangyari.
7. (a) Anong pagsusuri ang nakatulong sa mga kapatid para makita ang pagkaapurahan ng gawaing pangangaral? (b) Pinasigla ang mga kapatid na gawin ang ano?
7 Noong Hulyo 1920, sinabi ng The Watch Tower: “Kitang-kita sa pagsusuri sa Kasulatan na isang malaking pribilehiyo ang ibinigay sa simbahan [kongregasyon] para ihatid ang mensahe tungkol sa kaharian.” Halimbawa, nakatulong sa mga kapatid ang mga hula ni Isaias para makitang ang balita ng Kaharian ay kailangang ipahayag sa buong mundo. (Isa. 49:6; 52:7; 61:1-3) Hindi nila alam kung paano maisasakatuparan ang gayon kalaking gawain, pero nagtiwala silang tutulungan sila ni Jehova. (Basahin ang Isaias 59:1.) Dahil malinaw na ngayon ang pagkaapurahan ng pangangaral, pinasigla ang mga kapatid na lalo pang magsumikap sa gawain. Paano sila tumugon?
8. Noong 1921, anong dalawang katotohanan tungkol sa gawaing pangangaral ang nakita ng mga kapatid?
8 Noong Disyembre 1921, ipinatalastas ng The Watch Tower: “Walang katulad ang taóng ito; napakaraming nakapakinig ng mensahe ng katotohanan nitong 1921 kumpara sa nakaraang mga taon.” Pero idinagdag ng magasin: “Marami pang dapat gawin. . . . Gawin natin iyon nang may masayang puso.” Pansinin na nakita ng mga kapatid ang dalawang mahalagang katotohanan tungkol sa gawaing pangangaral na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol: Ang gawain ay apurahan, at ang mga manggagawa ay maligaya.
9. (a) Noong 1954, ano ang sinabi ng The Watchtower tungkol sa gawaing pag-aani, at bakit? (b) Gaano kalaki ang isinulong ng bilang ng mamamahayag sa nakaraang 50 taon? (Tingnan ang tsart na “Pagsulong sa Iba’t Ibang Panig ng Daigdig.”)
9 Noong dekada ng 1930, nang maunawaan ng mga kapatid na isang malaking pulutong ng ibang mga tupa ang tutugon sa mensahe ng Kaharian, lalo pang pinag-ibayo ang pangangaral. (Isa. 55:5; Juan 10:16; Apoc. 7:9) Ang resulta? Dumami ang mga nangangaral ng mensahe ng Kaharian—ang 41,000 noong 1934 ay naging 500,000 noong 1953! Kaya naman sinabi sa Disyembre 1, 1954, ng The Watchtower: “Naisakatuparan ang dakilang pag-aaning ito sa buong mundo dahil sa espiritu ni Jehova at ng kapangyarihan ng kaniyang Salita.”b—Zac. 4:6.
Bansa |
1962 |
1987 |
2013 |
---|---|---|---|
Australia |
15,927 |
46,170 |
66,023 |
Brazil |
26,390 |
216,216 |
756,455 |
Pransiya |
18,452 |
96,954 |
124,029 |
Italy |
6,929 |
149,870 |
247,251 |
Japan |
2,491 |
120,722 |
217,154 |
Mexico |
27,054 |
222,168 |
772,628 |
Nigeria |
33,956 |
133,899 |
344,342 |
Pilipinas |
36,829 |
101,735 |
181,236 |
Estados Unidos |
289,135 |
780,676 |
1,203,642 |
Zambia |
30,129 |
67,144 |
162,370 |
1950 |
234,952 |
1960 |
646,108 |
1970 |
1,146,378 |
1980 |
1,371,584 |
1990 |
3,624,091 |
2000 |
4,766,631 |
2010 |
8,058,359 |
Buháy na Buháy ang Paglalarawan sa Magiging Resulta ng Pag-aani
10, 11. Anong mga aspekto ng pagsibol ng binhi ang itinatampok sa ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa?
10 Sa kaniyang mga ilustrasyon tungkol sa Kaharian, malinaw na inihula ni Jesus ang resulta ng pag-aani. Talakayin natin ang mga ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa at sa lebadura. Magpopokus tayo kung paano natutupad ang mga iyon sa panahon ng kawakasan.
11 Ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa. Nagtanim ang isang tao ng butil ng mustasa. Pagkatapos, lumaki ito at naging isang punungkahoy kung saan sumisilong ang mga ibon. (Basahin ang Mateo 13:31, 32.) Anong mga aspekto ng pagsibol ng binhi ang itinatampok sa ilustrasyong ito? (1) Kamangha-mangha ang paglaki. Ang “pinakamaliit sa lahat ng mga binhi” ay naging isang punungkahoy na may “malalaking sanga.” (Mar. 4:31, 32) (2) Tiyak ang pagsibol. “Kapag [ang binhi] ay naihasik na, ito ay sumisibol.” Hindi sinabi ni Jesus na “baka sumibol ito.” Ang sabi niya: “Ito ay sumisibol.” Ang pagsibol nito ay hindi mapipigilan. (3) Ang lumalaking punungkahoy ay umaakit sa mga ibon at naglalaan ng masisilungan. “Ang mga ibon sa langit ay dumarating” at “nakasusumpong ng masisilungan sa ilalim ng lilim nito.” Paano kumakapit ang tatlong aspektong ito sa modernong-panahong espirituwal na pag-aani?
12. Paano kumakapit ang ilustrasyon tungkol sa butil ng mustasa sa pag-aani sa panahon natin? (Tingnan din ang tsart na “Pagdami ng mga Inaaralan sa Bibliya.”)
12 (1) Kamangha-mangha ang paglaki: Itinatampok sa ilustrasyon ang pagdami ng mga tumatanggap sa mensahe ng Kaharian at paglago ng kongregasyong Kristiyano. Noong 1919, sinimulang tipunin sa nilinis na kongregasyong Kristiyano ang masisigasig na manggagawa sa pag-aani. Kaunti lang sila noon, pero mabilis silang dumami. Sa katunayan, talagang kapansin-pansin ang pagdaming ito mula noong unang bahagi ng ika-20 siglo. (Isa. 60:22) (2) Tiyak ang pagsibol: Hindi mapigilan ang paglago ng kongregasyong Kristiyano. Kahit gaano karaming balakid ang inilalagay ng mga kaaway ng Diyos, patuloy na lumalaki ang napakaliit na binhi. (Isa. 54:17) (3) Naglalaan ng masisilungan: “Ang mga ibon sa langit” na sumisilong sa punungkahoy ay kumakatawan sa milyon-milyong tapat-pusong indibiduwal mula sa mga 240 lupain na tumugon sa mensahe ng Kaharian at naging bahagi ng kongregasyong Kristiyano. (Ezek. 17:23) Doon sila tumatanggap ng espirituwal na pagkain, kaginhawahan, at proteksiyon.—Isa. 32:1, 2; 54:13.
13. Anong mga aspekto ng paglaki ang itinatampok sa ilustrasyon tungkol sa lebadura?
13 Ilustrasyon tungkol sa lebadura. Pagkatapos lagyan ng babae ng kaunting lebadura ang limpak ng harina, napaalsa nito ang buong limpak. (Basahin ang Mateo 13:33.) Anong mga aspekto ng paglaki ang itinatampok sa ilustrasyong ito? Talakayin natin ang dalawa. (1) Pagbabagong-anyo. Kumalat ang lebadura “hanggang sa mapaalsa ang buong limpak.” (2) Pagiging laganap. Pinaalsa ng lebadura ang “tatlong malalaking takal ng harina”—ang buong limpak. Paano kumakapit ang dalawang aspektong ito sa modernong-panahong espirituwal na pag-aani?
14. Paano kumakapit ang ilustrasyon tungkol sa lebadura sa pag-aani sa panahon natin?
14 (1) Pagbabagong-anyo: Ang lebadura ay kumakatawan sa mensahe ng Kaharian, at ang limpak ng harina ay sa sangkatauhan. Kung paanong ang lebadura ay nagdudulot ng pagbabago sa harina kapag pinaghalo ang mga ito, ang mensahe ng Kaharian ay nagdudulot din ng pagbabago sa puso ng mga indibiduwal pagkatanggap nila sa mensahe. (Roma 12:2) (2) Pagiging laganap: Ang pagkalat ng lebadura ay kumakatawan sa paglaganap ng mensahe ng Kaharian. Ang lebadura ay kumakalat sa buong limpak. Sa katulad na paraan, ang mensahe ng Kaharian ay lumalaganap “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ipinahihiwatig din ng aspektong ito ng ilustrasyon na kahit sa mga lupaing ipinagbabawal ang ating gawain, ang mensahe ng Kaharian ay lalaganap, bagaman maaaring hindi kapansin-pansin ang pangangaral sa mga bahaging iyon ng lupa.
15. Paano natutupad ang Isaias 60:5, 22? (Tingnan din ang mga kahong “Walang Imposible kay Jehova,” pahina 93, at “‘Ang Maliit’ ay Naging ‘Makapangyarihang Bansa,’” pahina 96-97.)
15 Mga 800 taon bago bigkasin ni Jesus ang mga ilustrasyong iyon, ipinasulat ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias ang napakagandang hula hinggil sa magiging saklaw ng modernong-panahong espirituwal na pag-aani at ng idudulot nitong kagalakan.c Inilarawan ni Jehova ang mga tao “mula sa malayo” na humuhugos sa kaniyang organisasyon. Ganito ang sinabi ni Jehova sa “babae,” na kumakatawan ngayon sa pinahirang nalabi sa lupa: “Makikita mo at ikaw ay tiyak na magniningning, at ang iyong puso ay manginginig at lálakí, sapagkat sa iyo ay pupunta ang kayamanan ng dagat; ang mismong yaman ng mga bansa ay paroroon sa iyo.” (Isa. 60:1, 4, 5, 9) Totoong-totoo iyan! Sa ngayon, talagang nagniningning sa kagalakan ang matatagal nang lingkod ni Jehova habang nasasaksihan nila ang pagdami ng mamamahayag ng Kaharian sa kani-kanilang lupain—mula sa kaunti ay naging libo-libo.
Kung Bakit Nagsasaya ang Lahat ng Lingkod ni Jehova
16, 17. Ano ang isang dahilan kung bakit ‘ang manghahasik at ang manggagapas ay nagsasayang magkasama’? (Tingnan din ang kahong “Naantig ng Dalawang Tract ang Puso ng Dalawang Taga-Amazon.”)
16 Matatandaan nating sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Ang manggagapas [ay] nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.” (Juan 4:36) Bakit tayo ‘nagsasayang magkakasama’ sa pag-aani sa buong mundo? Maraming dahilan. Talakayin natin ang tatlo.
17 Una, nakikita natin ang papel ni Jehova sa gawain. Kapag ipinangangaral natin ang mensahe ng Kaharian, naghahasik tayo ng binhi. (Mat. 13:18, 19) Kapag tinutulungan natin ang isa na maging alagad ni Kristo, umaani tayo ng bunga. At lahat tayo ay nakadarama ng masidhing kagalakan habang nasasaksihan natin kung paano ‘pinasisibol at pinatataas’ ni Jehova ang binhi ng Kaharian. (Mar. 4:27, 28) May ilan tayong isinasaboy na binhi na sumisibol sa bandang huli at inaani ng iba. Baka may karanasan kang katulad ng kay Joan na taga-Britanya at 60 taon nang bautisado. Sinabi niya: “May mga nakakausap ako na nagsasabing nakapagtanim daw ako ng binhi sa puso nila nang mapangaralan ko sila maraming taon na ang nakararaan. Naturuan pala sila ng Bibliya ng ibang mga Saksi at natulungang maging lingkod ni Jehova. Masaya ako na ang itinanim kong binhi ay tumubo at inani.”—Basahin ang 1 Corinto 3:6, 7.
18. Ayon sa 1 Corinto 3:8, ano ang isa pang dahilan para magsaya?
18 Ikalawa, isinasaisip natin ang sinabi ni Pablo: “Ang bawat tao ay tatanggap ng kaniyang sariling gantimpala ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” (1 Cor. 3:8) Ang gantimpala ay ibinibigay ayon sa pagpapagal, at hindi ayon sa mga bunga nito. Talagang nakapagpapatibay ito sa mga may teritoryong kaunti lang ang tumutugon! Para sa Diyos, ang bawat Saksi na buong-pusong nakikibahagi sa paghahasik ay “namumunga ng marami,” kaya may dahilan siya para magsaya.—Juan 15:8; Mat. 13:23.
19. (a) Ano ang kaugnayan ng hula ni Jesus sa Mateo 24:14 sa ating kagalakan? (b) Ano ang dapat nating tandaan kahit hindi tayo maging matagumpay sa paggawa ng alagad?
19 Ikatlo, ang ating gawain ay tumutupad ng hula. Pansinin ang sagot ni Jesus sa mga apostol nang itanong nila: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Sinabi niya na ang isang bahagi ng tandang iyon ay ang gawaing pangangaral sa buong mundo. Paggawa ba ng mga alagad ang tinutukoy niya? Hindi. Ang sabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo.” (Mat. 24:3, 14) Kaya ang pangangaral ng Kaharian—ang paghahasik ng binhi—ay isang bahagi ng tanda. Kung gayon, kapag nangangaral tayo ng mabuting balita ng Kaharian, tandaan na hindi man tayo maging matagumpay sa paggawa ng alagad, matagumpay naman tayo sa pagbibigay ng “patotoo.”d Oo, anuman ang tugon ng mga tao, nakikibahagi tayo sa katuparan ng hula ni Jesus at may pribilehiyo tayong maglingkod bilang “mga kamanggagawa ng Diyos.” (1 Cor. 3:9) Isa ngang magandang dahilan para magsaya!
“Mula sa Sikatan ng Araw Hanggang sa Lubugan Nito”
20, 21. (a) Paano natutupad ang Malakias 1:11? (b) Ano ang determinado mong gawin hinggil sa gawaing pag-aani, at bakit?
20 Noong unang siglo, tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga apostol na makitang apurahan ang pag-aani. Mula 1919 hanggang ngayon, tinutulungan din ni Jesus ang kaniyang mga alagad na maunawaan ang katotohanang iyan. Kaya naman pinag-ibayo ng bayan ng Diyos ang kanilang mga gawain. Sa katunayan, walang hinto ang pag-aani. Gaya ng hula ni propeta Malakias, ang pangangaral ngayon ay isinasagawa “mula sa sikatan ng araw hanggang sa lubugan nito.” (Mal. 1:11) Oo, mula sa silangan hanggang sa kanluran, saanman sila sa lupa—ang mga manghahasik at mga manggagapas ay gumagawa at nagsasayang magkakasama. At mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, o buong araw—apurahan tayo sa ating gawain.
21 Kapag nagbabalik-tanaw tayo sa nakalipas na mga 100 taon at nasasaksihan kung paanong ang maliit na grupo ng mga lingkod ng Diyos ay naging “makapangyarihang bansa,” talagang ‘lumalakí’ ang ating mga puso sa kagalakan. (Isa. 60:5, 22) Ang kagalakan nawang iyan at ang pag-ibig natin kay Jehova, ang “Panginoon ng pag-aani,” ay mag-udyok sa bawat isa sa atin na patuloy na makibahagi sa pinakamalawak na pag-aani hanggang sa matapos ito!—Luc. 10:2.
a Nang sabihin ni Jesus na ‘ang mga bukid ay mapuputi,’ maaaring tinutukoy niya ang mahahabang damit na puti na malamang na suot ng grupo ng mga Samaritano na papalapít kay Jesus.
b Para sa higit na impormasyon sa mga taóng iyon at sumunod pang mga dekada, hinihimok ka naming basahin ang pahina 425-520 ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, na tumatalakay sa naisagawa ng pag-aani mula 1919 hanggang 1992.
c Para sa higit pang detalye ng hulang ito, tingnan ang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan II, pahina 303-320.
d Nauunawaan ng mga Estudyante ng Bibliya noon ang mahalagang katotohanang iyan. Sinabi sa Nobyembre 15, 1895, ng Zion’s Watch Tower: “Kaunti man ang anihin nating trigo, makapagbibigay naman tayo ng malaking patotoo sa katotohanan. . . . Lahat ay puwedeng mangaral ng ebanghelyo.”