Mga Hiyas Buhat sa Ebanghelyo ni Marcos
ANG espiritu ni Jehova ay kumasi kay Marcos upang sumulat ng isang salaysay na puspos ng aksiyon tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus dito sa lupa. Bagaman hindi sinasabi ng Ebanghelyong ito na si Marcos ang manunulat nito, may katibayan ito sa mga isinulat ni Papias, Justin Martyr, Tertullian, Origen, Eusebius, Jerome, at mga iba pa na ang mga isinulat ay sumasakop sa unang apat na siglo ng ating Karaniwang Panahon.
Sang-ayon sa tradisyon, kay apostol Pedro nanggaling ang saligang impormasyon para sa Ebanghelyong ito. Halimbawa, sinabi ni Origen na si Marcos ang sumulat nito “ayon sa mga tagubulin ni Pedro.” Subalit si Marcos ay maliwanag na kumuha rin ng impormasyon sa iba, sapagkat ang mga alagad ay nagtipon sa tahanan ng kaniyang ina. Sa katunayan, yamang si Marcos marahil ang “binata” na tumakas sa mga dumarakip kay Jesus , marahil ay personal na nakasama niya si Kristo.—Marcos 14:51, 52; Gawa 12:12.
Isinulat Para Kanino?
Marahil si Marcos ay sumulat na ang pangunahing sumasaisip ay ang mga mambabasang Gentil. Halimbawa, ang kaniyang tahasang istilo ay nababagay sa naturalesa ng mga Romano. Ang katuturan ayon sa kaniya ng “korban” ay “isang kaloob na nakaalay sa Diyos” (7:11) at ipinakita niya na ang templo ay makikita buhat sa Bundok ng Olibo. (13:3) Ipinaliwanag din ni Marcos na ang mga Fariseo ay “may ugaling mag-ayuno” at ang mga Saduceo naman ay “nagsasabi na walang pagkabuhay-muli.” (2:18; 12:18) Ang ganiyang mga komento ay hindi na kinakailangan para sa mga mambabasang Judio.
Mangyari pa, ang pagbabasa sa Ebanghelyo ni Marcos ay pakikinabangan ng sinuman. Subalit anong bahagi ng kasaysayang ito ang makatutulong sa atin na maunawaan ang ilan sa mga hiyas nito?
Ang Anak ng Diyos ay Gumagawa ng mga Himala
Isinasaysay ni Marcos ang mga himala na ginawa ni Kristo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Halimbawa, minsan ay may isang lubhang karamihan ng tao sa isang bahay at upang ang isang paralitiko ay mapagaling, kailangang bumutas sa bubong at doon siya ibaba malapit kay Jesus. (2:4) Dahilan sa ang bahay ay siksikan sa mga tao, baka ang taong iyon ay iniakyat sa itaas sa isang hagdan o sa pamamagitan ng isang hagdanan sa labas. Subalit bakit kailangang bumutas pa sa bubong? Bueno, karamihan ng bubong ay plat at nakapatong sa mga barakilan sa magkabi-kabilang dingding. Sa kahabaan ng mga barakilan ay mga kilo sa kisame na may nakakabit na mga sanga, tambo, at mga iba pa. Sa ibabaw ay may isang makapal na sapin ng lupa na napaplastahan ng luwad o ng magkahalong luwad at apog. Samakatuwid, upang ang paralitiko’y madala sa harapan ni Jesus, ang mga lalaki ay kailangang bumutas sa bubong na luwad. Subalit anong laking pagpapala pagkatapos na magawa nila iyon! Pinagaling ni Kristo ang paralitiko at lahat ng mga naroroon na nakakita ay lumuwalhati sa Diyos. (2:1-12) Isang katiyakan ito na ang Anak ni Jehova ay gagawa ng kamangha-manghang mga pagpapagaling sa bagong sanlibutan!
Ginawa ni Jesus ang isa sa kaniyang mga himala nang siya’y sakay ng isang bangka at kaniyang pinatahimik ang unos sa Dagat ng Galilea pagkatapos na gisingin siya samantalang natutulog sa ibabaw ng “isang unan.” (4:35-41) Ang unan ay marahil hindi katulad ng malambot na unan na ngayo’y ginagamit sa pagtulog sa kama. Baka iyon ay isa lamang bunton ng balahibo ng mga tupa na inuupuan ng mga tagagaod o isang bolster o almohadon na nagsisilbing upuan sa may gawing hulihan. Anuman iyon, nang ang dagat ay sabihan ni Jesus ng, “Huminto ka! Tumahimik ka!” ang mga naroroon ay nakakita ng katibayan ng pananampalataya na may gawa, sapagkat “ang hangin ay huminto, at tumahimik na lubha.”
Ministeryo sa Decapolis
Pagkatawid sa Dagat ng Galilea, si Jesus ay pumasok sa Decapolis, o sampung-lunsod na rehiyon. Bagaman walang-alinlangang ang mga lunsod na ito ay may malaking populasyong Judio, sila’y mga sentro ng kulturang Griego o Hellenistiko. Doon, sa bansa ng Gerasenes, pinalabas ni Jesus ang isang demonyong pumasok sa isang taong “tumitira sa mga libingan.”—5:1-20.
Kung minsan, mga libingang naroon sa mga batuhan ang ginagawang tirahan ng mga baliw, mga taguan ng mga salarin, o mga tirahan ng mga dukha. (Ihambing ang Isaias 22:16; 65:2-4.) Sang-ayon sa isang lathala noong ika-19 na siglo, isang bumibisita sa lugar na kung saan nakaharap ni Jesus ang inalihan ng demonyong lalaking ito ang nagsabi tungkol sa gayong tahanan: “Ang libingan ay humigit-kumulang walong piye ang taas sa loob, yamang may binababaang isang matarik na hagdan buhat sa pintuang bato hanggang sa pinaka-sahig. Ang laki ay humigit-kumulang labindalawang parisukat; subalit, yamang walang liwanag na nakapapasok sa loob maliban sa pamamagitan ng pinto, hindi namin makita kung mayroon doon na isang panloob na silid na gaya ng sa mga iba. Isang perpektong kabaong na bato ang naroroon pa sa loob, at ito ngayon ay ginagamit ng pamilya bilang isang taguan ng mais at ng mga iba pang panustos, kung kaya’t ang libingang ito ng mga patay na ginagamit sa mga ibang bagay ay naging isang panatag, maalwan, at kombinyenteng taguan ng mga buháy.”
Si Jesus at ang Tradisyon
Minsan, ang mga Fariseo at ang mga iba sa eskriba ay nagreklamo na ang mga alagad ni Jesus ay kumakain nang hindi naghuhugas ng kamay. Sa kapakanan ng mga mambabasang Gentil, ipinaliwanag ni Marcos na ang mga Fariseo at ang mga ibang Judio ‘ay hindi kumakain maliban sa naghuhugas muna sila ng kamay hanggang sa siko.’ Pag-uwi nila galing sa palengke, sila’y kumakain pagkatapos lamang na makapaglinis ng kanilang sarili sa pamamagitan ng pagwiwisik, at ang kanilang mga tradisyon ay saklaw pati “pagbabautismo ng mga tasa at pitsel at mga sisidlang tanso.”—7:1-4.
Bukod sa kanilang may pagbabanal-banalang pagwiwisik ng kanilang sarili bago kumain, ang mga tasa, pitsel, at mga sisidlang tanso na ginamit ng mga Judiong ito sa pagkain ay kanilang binautismuhan o inilubog sa tubig. Sila’y lubhang mahilig sa tradisyon at ito’y ipinakita ng iskolar na si John Lightfoot. Siya’y bumanggit ng mga gawain ng mga rabbi, at ipinakita niya na malaking atensiyon ang ibinibigay sa mga detalye na tulad halimbawa ng dami ng tubig, ng paraan, at ng oras na pinakamainam para sa paghuhugas. Sumipi si Lightfoot ng isang pinagkunang aklat na nagpapatunay na may mga Judiong naghuhugas nang buong ingat bago kumain upang sila’y huwag saktan ni Shibta, “isang masamang espiritu na umuupo sa mga kamay ng mga tao kung gabi: at kung ang sinuman ay humipo sa kaniyang pagkain nang hindi naghuhugas ng kamay, ang espiritung iyan ay nauupo sa ibabaw ng pagkaing iyon, at may panganib na nanggagaling doon.” Hindi kataka-takang pagwikaan ni Jesus ang mga eskriba at mga Fariseo sa ‘pagtanggi sa kautusan ng Diyos samantalang mahigpit na sumusunod sa tradisyon ng mga tao’!—7:5-8.
Ang Katapusang Pangmadlang Ministeryo ni Jesus
Pagkatapos mag-ulat tungkol sa huling bahagi ng ministeryo ni Jesus sa Galilea at sa kaniyang ginawa sa Perea, si Marcos ay nagtutok ng atensiyon sa mga pangyayari sa Jerusalem at sa palibot nito. Halimbawa, naglahad siya ng tungkol sa isang okasyon nang si Kristo’y nagmamasid sa mga taong naghuhulog ng pera sa mga kabang-yaman sa templo. Nakita ni Jesus na isang dukhang biyuda ang nag-abuloy ng ‘dadalawang barya na pagkaliit-liit ang halaga.’ Gayunman, sinabi niya na ang babaing ito’y nagbigay ng higit kaysa lahat ng iba, sapagkat sila’y nag-aabuloy ng halaga ng labis sa kanila, samantalang ‘sa kaniyang karalitaan, siya’y naghulog ng kaniyang buong ikinabubuhay.’ (12:41-44) Sang-ayon sa tekstong Griego, siya’y nag-abuloy ng dalawang lepta. Ang lepton ang pinakamaliit na baryang tanso o bronse ng mga Judio, at ang halaga nito ay halos bale-wala ngayon. Subalit ginawa ng maralitang babaing ito ang kaniyang buong kaya, at nagbigay ng magandang halimbawa ng kawalang-imbot sa pagtataguyod sa tunay na pagsamba.—2 Corinto 9:6, 7.
Samantalang patapos na ang ministeryo ni Jesus, siya’y tinanong ni Poncio Pilato na ang pangalan at ang titulong “prefect” ay lumilitaw sa isang inscription na natagpuan sa Caesarea noong 1961. Sa karatig na mga lalawigan na katulad ng Judea, ang isang gobernador (prefect) ay may kapangyarihang militar, may pananagutan siya tungkol sa pamamanihala ng pananalapi, at nagsisilbing isang tagalitis na hukom. Si Pilato ay may autoridad na palayain si Kristo, subalit siya’y napadaig sa mga kaaway ni Jesus at sinubok niya na palugdan ang karamihan ng tao sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya sa kamay ng lubhang karamihan doon para ibayubay sa tulos at pinakawalan naman ang mapanghimagsik na mamamatay-taong si Barabas.—15:1-15.
May sarisaring tradisyon tungkol sa naging buhay ni Pilato nang bandang huli at tungkol pa rin sa kaniyang kamatayan. Halimbawa, ang historyador na si Eusebius ay sumulat: “Si Pilato mismo, ang gobernador noong kaarawan ng ating Mananakop, ay napasangkot sa gayong mga kalamidad kung kaya’t siya’y napilitan na maging kaniyang sariling berdugo at parusahan ang kaniyang sarili ng kaniyang sariling kamay: ang maka-Diyos na katarungan, wari nga, ay hindi mabagal sa pagpaparusa sa kaniya.” Gayunman, totoo man o hindi ang gayong posibilidad, ang kamatayan na may pinakamalaking kabuluhan ay yaong kay Jesus. Ang opisyal ng hukbong Romano (senturion) na nakasaksi sa kamatayan ni Kristo at sa pambihirang mga pangyayari na may kaugnayan doon ay nagsalita nang buong katotohanan nang kaniyang sabihin: “Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos.”—15:33-39.
[Picture Credit Line sa pahina 30]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Israel Department of Antiquities and Museums; ang larawan ay galing sa Museo ng Israel, Jerusalem