GADARENO, MGA
[Ng (Mula sa) Gadara].
Ang pangalang itinawag sa mga tumatahan sa isang lugar kung saan nagpalayas si Kristo Jesus ng mga demonyo mula sa dalawang lalaki. Ayon sa itinuturing na pinakamahusay na makukuhang ebidensiya sa manuskrito, ang orihinal na ginamit ni Mateo ay “lupain ng mga Gadareno,” samantalang ang ginamit nina Marcos at Lucas, sa pagsasalaysay sa pangyayaring ito, ay “lupain ng mga Geraseno.”—Mat 8:28; Mar 5:1; Luc 8:26.
Kapuwa ang mga bansang ito ay ipinakikitang nasa “kabilang ibayo,” samakatuwid nga, sa S panig, ng Dagat ng Galilea. Ang katawagang “lupain ng mga Gadareno” ay posibleng ikinapit sa distritong nasa palibot ng lunsod ng Gadara (makabagong Umm Qeis), mga 10 km (6 na mi) sa TS ng Dagat ng Galilea. Kadalasang makikita sa mga barya ng Gadara ang isang barko, anupat nagpapahiwatig na maaaring ang teritoryo nito ay umabot hanggang sa Dagat ng Galilea at sa gayon, maaaring sinaklaw nito sa paanuman ang isang bahagi ng “lupain ng mga Geraseno,” sa dakong S ng katubigang iyon. Iniuugnay ng iba ang “lupain ng mga Geraseno” sa rehiyon sa palibot ng Kursi, ang bayang tinukoy nina Origen at Eusebius bilang Gergesa. Nasa S baybayin ito ng Dagat ng Galilea, mga 20 km (12 mi) sa H ng Gadara. Ito ang pinakatugma sa mga heograpikong detalye sa ulat. Iniuugnay naman ito ng iba sa malaking distrito na nakasentro sa lunsod ng Gerasa (Jarash) mga 55 km (34 na mi) sa TTS ng Dagat ng Galilea at iminumungkahi nila na umabot ito sa dakong S ng lawa na iyon at sumaklaw sa “lupain ng mga Gadareno.” Alinman ang totoo, hindi sinasalungat ng ulat ni Mateo sa anumang paraan ang mga ulat nina Marcos at Lucas.
Malapit sa isang lunsod na di-binanggit ang pangalan at nasa lupain ng mga Gadareno, nasalubong ni Jesu-Kristo ang dalawang lubhang mababangis na lalaking inaalihan ng demonyo. Nakatira ang mga ito sa gitna ng mga libingan, samakatuwid nga, mga libingang inuka sa bato o likas na mga yungib na ginamit bilang mga libingan. Nang pinalalayas niya ang mga demonyo, pinahintulutan ni Jesus ang mga ito na pumasok sa isang malaking kawan ng mga baboy na pagkatapos nito ay nagdagsaan sa bangin at nalunod sa Dagat ng Galilea. Lubha itong ikinabagabag ng mga tumatahan doon anupat pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa lugar na iyon.—Mat 8:28-34.
Bagaman dalawang lalaki ang binabanggit ni Mateo, sina Marcos (5:2) at Lucas (8:27) ay nagbigay-pansin sa iisa lamang, walang alinlangang dahil mas namumukod-tangi ang kaniyang kaso. Posibleng mas marahas siya at mas matagal siyang nagdusa sa ilalim ng impluwensiya ng mga demonyo kaysa roon sa isang lalaki; gayunman, pagkatapos, marahil ay siya lamang ang nagnanais na sumama sa Anak ng Diyos. Hindi siya pinahintulutan ni Jesus na gawin iyon, sa halip ay tinagubilinan siya na ihayag kung ano ang ginawa ng Diyos para sa kaniya.
Naiiba ito sa karaniwang tagubilin ni Jesus na huwag ipatalastas ang kaniyang mga himala. Sa halip na maghangad siya ng mapagparangyang publisidad at hayaan ang mga tao na gumawa ng konklusyon salig sa kahanga-hangang mga ulat, lumilitaw na ninais ni Jesus na magpasiya ang iba batay sa matibay na ebidensiya na siya nga ang Kristo. Tinupad din nito ang makahulang mga salita na sinalita sa pamamagitan ni Isaias: “Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw nang malakas, ni maririnig ng sinuman ang kaniyang tinig sa malalapad na daan.” (Mat 12:15-21; Isa 42:1-4) Gayunman, angkop naman ang pasubali sa kasong ito ng dating inaalihan ng demonyo. Makapagpapatotoo ito sa mga tao na limitado lamang ang magiging pakikipag-ugnayan sa Anak ng Diyos, lalo na dahil hinilingan nila si Jesus na umalis. Ang pagkanaroroon ng lalaki ay maglalaan ng patotoo sa kapangyarihan ni Jesus na gumawa ukol sa ikabubuti, anupat mapabubulaanan ang anumang di-kaayaayang ulat na maaaring kumalat dahil sa pagkalunod ng kawan ng mga baboy.—Mar 5:1-20; Luc 8:26-39; tingnan ang BABOY.