Ayon kay Marcos
5 Nakarating sila sa kabilang ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.+ 2 At pagkababang-pagkababa ni Jesus ng bangka, isang lalaking sinasapian ng masamang* espiritu ang sumalubong sa kaniya mula sa mga libingan. 3 Nakatira siya sa mga libingan; at kapag iginagapos siya, palagi siyang nakakawala, kahit kadena pa ang gamitin. 4 Madalas ikadena ang mga paa at kamay niya, pero nilalagot at dinudurog niya ang mga ito. Walang sinuman ang makapigil sa kaniya. 5 Araw at gabi, sumisigaw siya sa mga libingan at sa mga bundok at hinihiwa ang sarili niya ng bato. 6 Pero nang makita niya si Jesus mula sa malayo, tumakbo siya at yumukod sa kaniya.+ 7 At sumigaw siya nang malakas: “Bakit nandito ka, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Sumumpa ka sa Diyos na hindi mo ako pahihirapan.”+ 8 Sumigaw siya nang ganiyan dahil sinasabi sa kaniya ni Jesus: “Masamang espiritu, lumabas ka mula sa taong iyan.”+ 9 Tinanong siya ni Jesus: “Ano ang pangalan mo?” Sumagot ito: “Ang pangalan ko ay Hukbo, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit siyang nakiusap kay Jesus na huwag palayasin ang mga espiritu mula sa lupain.+
11 Isang malaking kawan ng mga baboy+ ang nanginginain noon sa bundok.+ 12 Kaya nagmakaawa sa kaniya ang mga espiritu: “Payagan mo kaming pumasok sa mga baboy.” 13 At pinayagan niya sila. Kaya lumabas ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at ang mga baboy, na mga 2,000, ay nagtakbuhan sa bangin at nahulog sa lawa at nalunod. 14 Pero ang mga tagapag-alaga ng baboy ay nagtakbuhan at ipinamalita ito sa lunsod at sa kalapít na mga lugar, at dumating ang mga tao para tingnan ang nangyari.+ 15 Kaya pumunta sila kay Jesus, at nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng hukbo ng mga demonyo; nakaupo ito at nakadamit at nasa matinong pag-iisip. Natakot sila. 16 Ibinalita sa kanila ng mga nakasaksi kung ano ang nangyari sa lalaking sinasapian ng demonyo at sa mga baboy. 17 Kaya nakiusap sila kay Jesus na umalis sa lugar nila.+
18 Habang pasakay siya sa bangka, ang lalaki na dating sinasapian ng demonyo ay nakiusap sa kaniya na isama siya.+ 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya: “Umuwi ka sa pamilya mo at mga kamag-anak, at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa iyo at ang awa na ipinakita niya sa iyo.” 20 Umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kaniya, at namangha ang lahat ng tao.
21 Muling tumawid si Jesus sa kabilang ibayo sakay ng bangka. Napakaraming tao ang pumunta sa kaniya sa tabi ng lawa.+ 22 Isa sa mga punong opisyal ng sinagoga, na Jairo ang pangalan, ang dumating. Nang makita niya si Jesus, sumubsob siya sa paanan nito.+ 23 Maraming ulit siyang nakiusap sa kaniya: “Malubha ang lagay ng* anak ko. Pakiusap, sumama ka sa akin at ipatong mo sa kaniya ang mga kamay mo+ para gumaling siya at mabuhay.” 24 Kaya sumama si Jesus sa kaniya. At maraming tao ang sumusunod at sumisiksik sa kaniya.
25 Ngayon, may isang babae na 12 taon nang dinudugo.+ 26 Nahirapan siya sa kamay ng maraming manggagamot at naubos na ang lahat ng pag-aari niya, pero hindi bumuti ang kondisyon niya, sa halip, lumala pa ito. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa mga tao at lumapit sa likuran ni Jesus at hinipo ang damit nito,+ 28 dahil paulit-ulit niyang sinasabi: “Mahipo ko lang kahit ang damit niya, gagaling* ako.”+ 29 At tumigil agad ang pagdurugo niya at naramdaman niyang magaling na siya at wala na ang sakit na nagpapahirap sa kaniya.
30 Agad na naramdaman ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan+ sa kaniya, at lumingon siya sa mga tao at nagsabi: “Sino ang humipo sa damit ko?”+ 31 Sinabi ng mga alagad niya: “Sinisiksik ka ng mga tao, kaya bakit mo itinatanong, ‘Sino ang humipo sa akin?’” 32 Pero tumingin siya sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. 33 Alam ng babae na gumaling siya. Takot na takot siya at nanginginig na lumapit kay Jesus at sumubsob sa paanan nito, at sinabi niya ang buong katotohanan. 34 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling* ka ng pananampalataya mo. Umuwi ka na at huwag nang mag-alala.+ Wala na ang sakit na nagpapahirap sa iyo.”+
35 Habang nagsasalita pa siya, dumating ang ilang lalaki mula sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga. Sinabi nila: “Namatay na ang anak mo! Bakit mo pa aabalahin ang Guro?”+ 36 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa punong opisyal ng sinagoga: “Huwag kang* matakot, manampalataya ka lang.”+ 37 Hindi niya pinahintulutang sundan siya ng sinuman maliban kina Pedro, Santiago, at sa kapatid nitong si Juan.+
38 Kaya pumunta sila sa bahay ng punong opisyal ng sinagoga, at nakita niyang nagkakagulo ang mga tao at may mga umiiyak at humahagulgol nang malakas.+ 39 Pagpasok ni Jesus, sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo umiiyak at nagkakagulo? Hindi namatay ang bata. Natutulog lang siya.”+ 40 At pinagtawanan siya ng mga tao. Matapos niyang palabasin silang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at ang mga alagad niya sa kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi rito: “Talita kumi,” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Dalagita, bumangon ka!”+ 42 At agad na bumangon ang dalagita at naglakad. (Siya ay 12 taóng gulang.) Nang makita ito ng mga magulang niya, nag-umapaw sa saya ang puso nila. 43 Pero paulit-ulit* silang pinagbilinan ni Jesus na huwag itong sabihin kahit kanino,+ at sinabi niyang bigyan ang bata ng makakain.