Ginawa Nila ang Kalooban ni Jehova
Gumugol si Jesus ng Panahon sa Piling ng mga Bata
MALAPIT nang matapos ang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo ni Jesus. Di-magtatagal at papasok na siya sa Jerusalem at daranas ng napakasakit na kamatayan. Alam niya kung ano ang mangyayari, sapagkat sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao, at papatayin nila siya.”—Marcos 9:31.
Tiyak na gustong samantalahin ni Jesus ang bawat araw, bawat oras at bawat sandaling nalalabi. Nangangailangan pa rin ng atensiyon ang kaniyang mga alagad. Nakita ni Jesus na kailangan pa rin nila ng masidhing payo hinggil sa pagiging mapagpakumbaba at sa namamalaging panganib na matisod. (Marcos 9:35-37, 42-48) Kailangan din nila ng tagubilin tungkol sa pag-aasawa, diborsiyo, at pagiging walang asawa. (Mateo 19:3-12) Palibhasa’y batid na malapit na siyang mamatay, tiyak na kinausap ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang tuwiran at may diwa ng pagkaapurahan. Mahalagang-mahalaga ang panahon—isang bagay na nagpangyaring maging lalo pang kapansin-pansin ang sumunod na ginawa ni Jesus.
Gustung-gusto ni Jesus ang mga Bata
Sinasabi ng ulat sa Bibliya: “Ang mga tao ay nagpasimulang magdala sa kaniya ng maliliit na bata upang mahipo niya ang mga ito.” Nang makita ito ng mga alagad, agad silang tumutol. Marahil ikinatuwiran nila na napakaimportante at masyadong abala si Jesus para mabahala pa sa mga bata. Kaya gunigunihin ang pagkabigla ng mga alagad nang magalit si Jesus sa kanila! “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin,” sabi niya sa kanila. “Huwag ninyong tangkaing pigilan sila, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay sa mga tulad nito.” Saka idinagdag ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata ay hindi sa anumang paraan papasok dito.”—Marcos 10:13-15.
Nakita ni Jesus ang kahanga-hangang katangian ng mga bata. Karaniwan nang sila’y mausisa at madaling magtiwala. Tatanggapin nila ang sasabihin ng kanilang mga magulang at ipagtatanggol pa nga ang mga ito sa ibang bata. Ang kanilang pagkukusa at pagiging madaling turuan ay karapat-dapat tularan ng lahat na nagnanais makapasok sa Kaharian ng Diyos. Gaya ng sabi ni Jesus, “ang kaharian ng Diyos ay sa mga tulad nito.”—Ihambing ang Mateo 18:1-5.
Ngunit hindi lamang ginamit ni Jesus ang mga batang ito upang magbigay ng ilustrasyon. Nililiwanag ng salaysay na talagang gustung-gustong makapiling ni Jesus ang mga bata. Iniulat ni Marcos na “kinuha [ni Jesus] ang mga bata sa kaniyang mga bisig at pinasimulang pagpalain sila, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.” (Marcos 10:16) Tanging sa salaysay ni Marcos nakasaad ang magiliw na detalye na “kinuha [ni Jesus] ang mga bata sa kaniyang mga bisig.”a Kaya nalampasan ni Jesus ang inaasahan ng mga nasa hustong gulang, na nagdala sa mga batang ito kay Jesus upang kaniyang “mahipo” lamang sila.
Ano ang kahulugan ng ‘pagpapatong [ni Jesus] ng kaniyang mga kamay’ sa mga bata? Wala ritong ipinahihiwatig na relihiyosong seremonya, gaya ng bautismo. Bagaman sa ibang okasyon, ang pagpapatong ng kamay ay nangahulugan ng paghirang, sa iba ay kumatawan lamang ito sa pagkakaloob ng pagpapala. (Genesis 48:14; Gawa 6:6) Kaya maaaring pinagkalooban lamang ni Jesus ng pagpapala ang mga bata.
Anuman ang nangyari, gumamit si Marcos ng isang mas mariing salita para sa “pagpapala” (ka·teu·lo·geʹo), na nangangahulugan ng matinding puwersa. Ipinahihiwatig nito na marubdob, magiliw, at mapagmahal na pinagpala ni Jesus ang mga bata. Maliwanag, hindi niya itinuring na umuubos-panahong pasanin ang mga bata.
Aral Para sa Atin
Ang pakikitungo ni Jesus kapuwa sa mga bata at nasa hustong gulang ay hindi nakatatakot ni mapandusta. “Tiyak na madali siyang ngumiti at masayang tumawa,” sabi ng isang reperensiya. Hindi kataka-takang komportable ang iba’t ibang uri ng tao kapag kapiling siya. Sa pagbubulay-bulay sa halimbawa ni Jesus, maitatanong natin sa ating sarili, ‘Madali ba akong lapitan ng iba?’ ‘Waring napakaabala ko ba para pansinin ang ginagawa at ikinababalisa ng iba?’ Ang pagkakaroon ng taimtim na interes sa mga tao ay magpapakilos sa atin na ibigay ang ating sarili, gaya ng ginawa ni Jesus. Madarama ng iba ang ating taimtim na interes at lalapit sila sa atin.—Kawikaan 11:25.
Gaya ng ipinakikita ng ulat ni Marcos, nasiyahan si Jesus sa piling ng mga bata. Malamang, pinanood niya ang kanilang paglalaro, sapagkat binanggit niya ang kanilang mga laro sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon. (Mateo 11:16-19) Marahil ay musmos pa ang ilan sa mga bata na pinagpala ni Jesus para maunawaan nila kung sino siya at kung ano ang itinuro niya. Ngunit hindi ito nagpadama sa kaniya na nagsasayang lamang siya ng panahon. Gumugol siya ng panahon sa piling ng mga bata sapagkat mahal niya sila. Malamang, marami sa mga bata na nakatagpo ni Jesus sa kaniyang ministeryo ang napakilos nang bandang huli na tumugon sa kaniyang pag-ibig at naging kaniyang mga alagad.
Kung gumugol si Jesus ng panahon sa piling ng mga bata sa napakahalaga at huling mga sanlinggo ng kaniyang buhay, tiyak na makapaglalaan tayo ng panahon para sa kanila sa kabila ng ating abalang iskedyul. Lalo nating isaalang-alang yaong may pantanging pangangailangan, gaya ng mga batang walang ama. Ang totoo, lahat ng bata ay sumusulong kapag sila’y binigyan ng atensiyon, at hangad ni Jehova na bigyan natin sila ng lahat ng pag-ibig at tulong na magagawa natin.—Awit 10:14.
[Talababa]
a Sinasabi ng isang salin na “sila’y niyakap” ni Jesus. Sinabi naman ng isa pa na kaniyang “kinuha sila sa pantungkod ng kaniyang bisig.”