Ang Pagbibigay Mo ba ay Isang Pagsasakripisyo?
Isang Timbang na Pangmalas sa Pag-aabuloy
PAGKATAPOS na turuan ang mga tao ng maraming bagay sa templo, si Jesus ay “umupo sa tapat ng kabang-yaman at minasdan kung paanong inihuhulog ng karamihan ang salapi sa mga kabang-yaman.” (Marcos 12:41) Sumunod na nga rito ang kilalang-kilalang paglalahad tungkol sa lepta ng babaing balo. Subalit bakit nga naupo roon si Jesus at minasdan niya ang mga tao na nag-aabuloy? Hindi baga sinabi niya sa kaniyang mga alagad na huwag man lamang nilang hahayaang malaman ng kanilang kaliwang kamay ang ginagawa ng kanilang kanang kamay pagka sila’y nagkakawanggawa?—Mateo 6:3.
Mas maaga rito, matinding pinagwikaan ni Jesus ang mga pinunong relihiyoso dahil sa walang prinsipyong pamamaraan nila sa pagsasamantala “sa mga bahay ng mga biyuda.” Kaniyang sinabi na ang mga relihiyonistang ito’y “tatanggap ng lalong mabigat na hatol.” (Marcos 12:40) Upang magturo ng isang aral, ngayo’y ibinaling niya ang kaniyang pansin sa ginagawa ng mga tao roon sa mga kabang-yaman. Sa ngayon, pagka malimit na nababalitaan natin ang tungkol sa malalaking salapi na kasangkot sa mga organisasyon ng relihiyon, sa tiwaling paggamit ng gayong mga pondo, at sa maluhong istilo ng pamumuhay ng mga taong nangangasiwa, makabubuting makinig tayong mainam sa sinasabi ni Jesus.—Pakisuyong basahin ang Marcos 12:41-44.
Ang mga Kabang-Yaman
Iniulat na si Jesus ay “umupo sa tapat ng kabang-yaman.” Maliwanag na ito’y roon sa Looban ng mga Babae, kung saan maraming mga kaban, o mga kahon, ang inilagay sa tabi ng dingding para roon ihulog ng mga tao ang kanilang mga handog. Sang-ayon sa tradisyong Judio mayroon doong 13 mga kahon lahat-lahat. Sa Hebreo ang mga ito ay tinatawag na mga trumpeta, dahil sa mayroon ito ng maliit na bukasan sa ibabaw na nasa hugis ng kampanilya ng isang trumpeta. Sinasabi na ‘walang sinuman na pumapasok sa templo nang hindi naghuhulog doon.’
Ang Pranses na propesor na si Edmond Stapfer, sa kaniyang aklat na Palestine in the Time of Christ (1885), ay nagbigay ng medyo detalyadong paglalarawan tungkol sa mga kabang-yaman na ito. Ang kaniyang pag-uulat ay nagbibigay sa atin ng mga ilang pang-unawa sa buhay relihiyoso ng mga tao noong panahong iyon, lalo na kung tungkol sa kanilang mga pag-aabuloy may kaugnayan sa mga serbisyo sa templo.
“Ang bawat kahon ay para sa naiibang layunin, na ipinakikita sa pamamagitan ng nakasulat doon sa wikang Hebreo. Sa una ay nakasulat: Bagong siklo; ibig sabihin, mga siklo na nakalaan para sa mga gastos sa kasalukuyang taon. Ang ikalawa: Dating siklo; ibig sabihin, mga siklo na nakatalaga para sa gastos noong nakaraang taon. Ikatlo: Batubato at inakay na kalapati; ang pera na inilalagay sa kahon na ito ang halaga na babayaran niyaong mga naghahandog ng dalawang batubato o dalawang inakay na kalapati, ang isa bilang isang handog na susunugin, at ang isa pa ay bilang isang hain ukol sa kasalanan. Sa ibabaw ng ikaapat na kahon ay nakasulat: Mga handog na susunugin; ang perang ito ay pantustos sa gastos sa mga iba pang handog na susunugin. Sa ikalima naman ay may nakasulat: Kahoy, at narito ang mga kaloob ng mga nananampalataya para pambili ng kahoy para sa dambana. Ang ikaanim: Kamangyan (perang pambili ng kamangyan). Ang ikapito: Para sa santuwaryo (pera para sa luklukan-ng-awa). Sa anim naman na natitira pang mga kahon ay nakasulat: Kusang-loob na mga handog.”
Ang nakasulat sa unang dalawang kahon ay tumutukoy sa kalahating-siklo (dalawang drakma sa perang Griego) na buwis por ulo ng bawat lalaking nasa edad at hinihiling ng batas para sustento sa templo, sa mga serbisyong ginaganap doon, at sa araw-araw na mga paghahain na ginagawa alang-alang sa buong bansa. Ang buwis na ito ay kalimitan kinukulekta sa lokal na mga pamayanan at pagkatapos ay dinadala sa templo.—Mateo 17:24.
Ang mga tao ay hinihilingan din ng Kautusan na gumawa ng sarisaring paghahandog ukol sa kanilang sarili. Ang iba ay para sa mga kasalanan na nagagawa, ang iba naman ay ukol sa mga kadahilanang seremonyal, at ang iba pa ay bilang tanda ng kanilang debosyon at pagpapasalamat. Ang mga kahon na minarkahan ng “Batubato at inakay na kalapati” at “Mga handog na susunugin” ay para sa gayong mga layunin. “Sa Trumpeta III,” ang sabi ng aklat na The Temple, Its Ministry and Services, “yaong mga babae na kailangang magdala ng mga batubato bilang handog na susunugin at ukol sa kasalanan ay naghuhulog ng katumbas na salapi ng mga ito, na araw-araw ay kinukuha at naghahandog ng kaukulang dami ng mga batubato.” Marahil ito ang ginawa ng mga magulang ng sanggol na si Jesus.—Tingnan ang Lucas 2:22-24; Levitico 12:6-8.
Saka nariyan din ang mga handog na pambili ng kahoy at kamangyan na ginagamit sa dambana at ang kusang-loob na mga handog. Gayundin, sang-ayon kay Propesor Stapfer, “kung ang sinuman ay nagbigay ng pera para pambili ng kahoy o kamangyan, may minimong halaga na maibibigay, at ang kulang dito ay maaaring hindi tanggapin. Kinakailangan na magbigay ng di-kukulangin sa halaga ng isang dakot na kamangyan, o dalawang troso ng kahoy na isang kubito ang haba at may kalakihan.”
Ano ba ang matututuhan natin buhat sa lahat ng ito? Mahahalata rito na ang mga Israelita’y mayroong maraming pananagutan tungkol sa pagtustos sa tabernakulo at nang malaunan sa templo sa Jerusalem, ang sentro ng tunay na pagsamba. Ang mga hain at handog ay isang mahalagang bahagi ng kanilang pagsamba. Ang totoo, iniuutos ng Kautusan na “walang sinuman na dapat pumaroon sa harap ni Jehova nang walang dala.” (Deuteronomio 16:16) Subalit ano ba ang kanilang pananaw tungkol sa mga obligasyong ito?
Nagkakaiba-ibang mga Pananaw
Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na ang mga tao ay totoong liberal at bukas-palad noong panahon ni Moises at nang malaunan noong paghahari ni Jehoas at ni Josias. (Exodo 36:3-7; 1 Cronica 29:1-9; 2 Cronica 24:4-14; 34:9, 10) Sila’y naliligayahan na magkaroon ng bahagi sa pagtatayo ng bahay ni Jehova at pagtustos doon upang mapalawak ang tunay na pagsamba. Ang kanilang damdamin ay mainam na inihahayag ng mga salita ni David nang kaniyang sabihin: “Ako’y nagalak nang kanilang sabihin sa akin: ‘Pumaroon tayo sa bahay ni Jehova.’ ”—Awit 122:1.
Datapuwat, ang bukas-palad na damdaming ito ay hindi nakita sa lahat. Halimbawa, mababasa natin na noong mga kaarawan ni Malakias, ang inihahandog kay Jehova ng mga saserdote ay “yaong nakuha sa dahas, at yaong pilay, at yaong may sakit.” Imbis na ikagalak ang kanilang pribilehiyo ng paglilingkod, sinabi nila: “Narito! Nakasusuya!”—Malakias 1:13.
Gayundin, noong panahon ni Jesus sinamantala ng iba ang kalagayan alang-alang sa kanilang sariling kapakanan. Halimbawa, ang napabantog na mga tagapagpalit ng salapi ay naroon sa templo hindi lamang upang mamalit. Bagkus, kanilang pinuhunan ang bagay na ang tinatanggap lamang na mga handog ay mga siklong Hebreo, at lahat ng mga may perang Romano o Griego ay kailangang ipalit muna ng katumbas niyaon. Sang-ayon kay Alfred Edersheim, isang awtoridad sa kasaysayang Judio, “pinayagan ang mga bangkero na bawat kalahating-siklo ay bayaran ng isang pilak na meah, o humigit-kumulang isang-kaapat ng isang denar [o denaryo, ang kita ng isang obrero para sa maghapong trabaho].” Kung totoo ito, hindi mahirap makita na ito’y isang matubong negosyo at kung bakit galit na galit ang mga pinunong relihiyoso nang itaboy sa labas ni Jesus ang mga tagapagpalit ng salapi.
“Sa Kaniyang Kasalatan”
Lahat na ito ay nagpapatingkad lamang ng ilustrasyon na ibinigay ni Jesus tungkol sa kayliit-liit na abuloy ng maralitang biyuda, na walang alinlangang inihulog niya sa isa sa mga kahon na may nakasulat na “Kusang-loob na abuloy.” Bilang isang biyuda, hindi siya hinihilingan na magbigay ng buwis por ulo, at dahil sa kaniyang karalitaan, marahil ay hindi niya kaya ang minimong abuloy para sa mga handog na susunugin o sa kahoy o mga handog na kamangyan. Gayunman, ibig niyang maipakita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova. Hindi niya ibig na siya’y mapapuwera o hayaan na lamang na ang mag-abuloy ay yaong mga ‘may kaya na mag-abuloy.’ Sinabi ni Jesus: “Siya, sa kaniyang kasalatan, ay naghulog ng lahat ng taglay niya, ang kaniyang buong kabuhayan.”—Marcos 12:44.
Maraming mahalagang mga aral na matututuhan tayo sa salaysay na ito. Marahil, ang pinakamahalaga ay yaong bagay na bagaman lahat sa atin ay may pribilehiyo na tumangkilik sa tunay na pagsamba sa pamamagitan ng ating materyal na mga ari-arian, ang talagang mahalaga sa paningin ng Diyos ay, hindi ang ating pagbibigay ng mga bagay na kalabisan na sa atin, kundi ang ating pagbibigay ng mga bagay na may halaga sa atin. Sa ibang pananalita, ang ibinibigay ba natin ay isang bagay na hindi tayo manghihinayang na mawala sa atin? O ang atin bang pagbibigay ay isang tunay na pagsasakripisyo?
Ang Pagpapasulong ng Tunay na Pagsamba sa Ngayon
Sa ngayon, ang tunay na pagsamba ay pinasusulong ng mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng masigasig na pangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Upang magampanan ang pangglobong gawaing ito kailangan hindi lamang ang pagpapagal, panahon, at lakas ng mga nag-alay kundi rin naman ang malaki-laking gastos. Sang-ayon sa ulat ng 1987 Yearbook of Jehovah’s Witnesses “noong 1986, lahat-lahat ay $23,545,801.70 ang ginugol sa pagtustos sa . . . 2,762 mga misyonero, 13,351 mga espesyal payunir, at mga tagapangasiwa pati kani-kanilang asawa para sa 3,353 mga sirkito at distrito sa buong daigdig.” Ito’y bukod pa sa “malaking gastos sa pagbili, pagtatayo, at pagpapakumpuni ng mga ari-arian; sa pagbili ng mga kasangkapan para sa mga pabrika at mga tanggapan sa punung-tanggapan at sa 93 mga sangay ng Samahan; at sa pagtustos sa materyal na pangangailangan ng 8,920 mga boluntaryo na naglilingkod sa mga pamilyang Bethel.”
‘Saan ba nanggagaling ang gayong mga pondo?’ ang malimit itanong. Di-tulad ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nangungolekta o nagpapadala ng mga sobre upang manghingi ng mga donasyon. Kundi, mga kahon na abuluyan—katulad ng mga kabang-yaman noong sinaunang panahon sa Bibliya—ang naroroon sa kanilang mga Kingdom Hall. Kung minsan, mga iba pang kahon ang inilalagay roon para sa mga layuning ipinahihiwatig roon, tulad halimbawa ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall o mga Assembly Hall o upang matulungan ang mga misyonero na dumalo sa mga kombensiyon sa kanilang sariling bansa. Ang mga abuloy ay maaari ring ipadalang tuwiran sa Watch Tower Society sa 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa, para sa pagpapasulong ng gawaing pangangaral sa buong daigdig.
Ano ba ang pananaw mo sa marami at iba’t ibang paraan ng pag-aabuloy na ito? Ikaw ba’y katulad ng mga iba noong kaarawan ni Malakias na ang pagkamalas dito ay isang nakasusuyang pabigat, baka sinasabi mo sa iyong puso: “Narito! Nakasusuya!”? O gaya ng “maralitang biyuda,” ang turing mo ba rito ay mga pagkakataon na rito’y maipakikita mo ang iyong sigasig at pagmamalasakit sa tunay na pagsamba at sa iyong pagnanasa na parangalan si Jehova ng lahat mong mahalagang ari-arian? Huwag kalilimutan ang kaukulang tanong: Ang iyo bang pagbibigay ay isang pagsasakripisyo?
“ ‘Pakisuyong subukin ninyo ako, sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na silid na kalagyan.’ ” (Malakias 3:10) Ang espirituwal na kasaganaan at ang pambuong-daigdig na paglawak ng bayan ni Jehova ay nagpapatotoo na ginagawa na nga ni Jehova iyan. Harinawang tayo’y patuloy na magbigay kay Jehova ng isang handog na tunay ngang isang pagsasakripisyo.
[Kahon sa pahina 30]
KUNG PAANO NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN ANG IBA
◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 112101, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga ari-arian na katulad ng lupa’t bahay, ng mga alahas o iba pang mahahalagang bagay, ang maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.
◻ KAAYUSAN NA KONDISYONAL NA DONASYON: Maaaring magbigay ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.
◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagriretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.
◻ DEPOSITO: Ang mga deposito sa bangko ay maaaring ilagay sa pangalan ng Samahan. Kung ito’y gagawin, pakisuyong ipagbigay-alam sa Samahan. Mga aksiyon, bono, at ari-arian ay maaari ring ibigay na donasyon sa ilalim ng isang kaayusan na pakikinabangan ng nagkaloob sa panahon ng kaniyang ikinabubuhay. Sa pamamagitan ng pamamaraang ito ay naiiwasan ang gastos at kawalang-kasiguruhan ng paghaharap ng kaso sa hukuman tungkol sa naiwang ari-arian, samantalang siniseguro na tatanggapin ng Samahan ang ari-arian pagkamatay ng may-ari.
◻ TESTAMENTO: Ang ari-arian o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan. Isang kopya ang dapat na ipadala sa Samahan.
Para sa higit pang impormasyon at payo tungkol sa ganiyang mga bagay, sumulat sa Treasurer’s Office, Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan.