Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Alaalang Hapunan
MATAPOS hugasan ni Jesus ang mga paa ng kaniyang mga apostol, kaniyang sinipi ang kasulatan sa Awit 41:9, na nagsasabi: “Siyang dating kumakain ng aking tinapay ay nagtaas laban sa akin ng kaniyang sakong.” Pagkatapos, nagugulumihanan sa espiritu, siya’y nagsabi: “Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.”
Ang mga apostol ay nagsimulang mamighati at isa-isang nagsabi kay Jesus: “Hindi po ako, ano po?” Maging si Judas Iscariote man ay sumali sa pagtatanong. Si Juan, na katabi ni Jesus sa mesa, ay humilig sa dibdib ni Jesus at nagtanong: “Panginoon, sino po ba?”
“Isa sa labindalawa, yaong sumabay sa akin na sumawsaw sa mangkok,” ang sagot ni Jesus. “Totoo, papanaw ang Anak ng tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya, ngunit sa aba niyaong taong nagkanulo sa Anak ng tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” Pagkatapos niyan, si Satanas ay muli na namang pumasok kay Judas, sinamantala ang daan na nabuksan sa kaniyang puso, na naging balakyot. Nang malaunan sa gabing iyon, angkop na tinawag ni Jesus si Judas na “ang anak ng kapahamakan.”
Ngayon ay sinabi ni Jesus kay Judas: “Ang ginagawa mo ay gawin mo nang lalong madali.” Wala isa man sa ibang mga apostol ang nakaunawa ng ibig sabihin ni Jesus. Inakala ng iba na yamang si Judas ang may hawak ng kahon ng pera, sa kaniya’y sinasabi ni Jesus: “Bilhin mo ang mga bagay na kailangan natin para sa kapistahan,” o na siya’y dapat pumaroon at magbigay ng tulong sa mga dukha.
Pagkatapos lumisan si Judas, si Jesus ay nagtatag ng isang lubusang bagong selebrasyon, o pag-aalaala, sa piling ng kaniyang tapat na mga apostol. Siya’y kumuha ng isang tinapay, nanalangin ng pasasalamat, pinagputul-putol iyon, at ibinigay iyon sa kanila, na ang sabi: “Kunin ninyo, kanin ninyo.” Kaniyang ipinaliwanag: “Ito’y nangangahulugan ng aking katawan na ibibigay alang-alang sa inyo. Patuloy na gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
Nang ang bawat isa ay makakain ng tinapay, si Jesus ay kumuha ng isang kopa ng alak, marahil ang ikaapat na kopa na ginamit sa serbisyo ng Paskuwa. Siya’y nanalangin din ng pasasalamat tungkol doon, ipinasa iyon sa kanila, hiniling sa kanila na inumin ang laman niyaon, at ang sabi: “Ang kopang ito’y nangangahulugan ng bagong tipan sa bisa ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.”
Kaya, ang totoo, ito ay isang alaala ng kamatayan ni Jesus. Sa taun-taon kung Nisan 14 ay kailangang ulitin ito, gaya ng sabi ni Jesus, bilang pag-aalaala sa kaniya. Ito’y magpapaalaala sa mga nagdiriwang ng ginawa ni Jesus at ng kaniyang makalangit na Ama upang ang sangkatauhan ay paglaanan ng kaligtasan buhat sa sumpa ng kamatayan. Para sa mga Judio na nagiging mga tagasunod ni Kristo, ang selebrasyon ay hahalili sa Paskuwa.
Ang bagong tipan, na nagkakabisa sa pamamagitan ng itinigis na dugo ni Jesus, ang humahalili sa lumang tipan ng Kautusan. Dito si Jesu-Kristo ang tagapamagitan sa dalawang panig—sa isang panig, ang Diyos na Jehova, at sa kabilang panig naman, ito’y ang 144,000 inianak-sa-espiritung mga Kristiyano. Bukod sa paglalaan ng kapatawaran ng mga kasalanan, ang tipan ay naglalaan ng pagbuo ng isang makalangit na bansa ng mga haring-saserdote. Mateo 26:21-29; Marcos 14:18-25; Lucas 22:19-23; Juan 13:18-30; 17:12; 1 Corinto 5:7.
◆ Anong hula sa Bibliya ang sinipi ni Jesus tungkol sa isang kasama, at papaano niya ipinaliwanag iyon?
◆ Bakit ang mga apostol ay lubhang namighati, at ano ang itinanong ng bawat isa sa kanila?
◆ Ano ang sinabi ni Jesus kay Judas na gawin, ngunit papaano ipinakahulugan ng mga ibang apostol ang mga tagubiling ito?
◆ Anong selebrasyon ang itinatag ni Jesus pagkatapos lumisan si Judas, at ano ang layunin nito?
◆ Sino ang dalawang panig sa bagong tipan, at ano ang isinasakatuparan ng tipan?