“Turuan mo Kami na Manalangin”
“Sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad: ‘Panginoon, turuan mo kami na manalangin.’”—LUCAS 11:1.
1-3. (a) Bakit naghangad ang mga alagad ni Jesus na sila’y turuan na manalangin? (b) Anong mga tanong ukol sa panalangin ang bumabangon?
ANG ilang mga tao ay pinagkalooban ng isang mainam na tinig sa pag-awit. Ang iba naman ay may likas na katangiang maging mga musikero. Ngunit upang marating ang kanilang pinakamataas na potensiyal, maging ang mga mang-aawit at mga musikerong ito ay nangangailangang turuan. Ganiyan din kung tungkol sa panalangin. Nakilala ng mga alagad ni Jesu-Kristo na sila’y nangangailangan ng turo kung ibig nilang dinggin ng Diyos ang kanilang mga panalangin.
2 Karaniwan nang si Jesus ay sarilinang lumalapit noon sa kaniyang Ama ng pananalangin, gaya ng ginawa niya nang buong magdamag bago pinili niya ang 12 mga apostol. (Lucas 6:12-16) Bagaman kaniya ring ipinayo sa kaniyang mga alagad na manalangin nang sarilinan, kanilang narinig siya na bumibigkas ng pangmadlang mga panalangin at nakita na siya’y hindi katulad ng relihiyosong mga mapagpaimbabaw na nanalangin upang makita ng mga tao. (Mateo 6:5, 6) Makatuwiran, kung gayon, na ang mga tagasunod ni Jesus ay naghangad na sila’y kaniyang patiunang turuan ng pananalangin. Sa gayon, ating mababasa: “At nangyari, na nang siya’y nananalangin sa isang dako, nang siya’y matapos, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad: ‘Panginoon, turuan mo kami na manalangin, na gaya naman ni Juan [Bautista] na nagturo sa kaniyang mga alagad.’ ”—Lucas 11:1.
3 Papaano tumugon si Jesus? Ano ang ating matututuhan buhat sa kaniyang halimbawa? At papaano tayo makikinabang sa kaniyang turo tungkol sa panalangin?
Mga Aral Para sa Atin
4. Bakit tayo dapat “manalanging walang patid,” at ano ang ibig sabihin ng paggawa ng gayon?
4 Malaki ang matututuhan natin buhat sa mga salita at halimbawa ni Jesus bilang isang taong nananalangin sa tuwina. Ang isang aral ay, kung kailangang regular na manalangin ang sakdal na Anak ng Diyos, ang kaniyang di-sakdal na mga alagad ay lalong kailangang manalangin sa Diyos upang patuluyang humingi ng patnubay, kaaliwan, at espirituwal na pagkain. Samakatuwid, tayo ay dapat “manalanging walang patid.” (1 Tesalonica 5:17) Mangyari pa, ito’y hindi naman nangangahulugan na tayo’y kailangang laging literal na nakaluhod. Bagkus, tayo ay dapat palaging nakahilig sa pananalangin. Tayo’y tumingin sa Diyos para sa patnubay na kailangan natin sa lahat ng pitak ng ating buhay upang tayo’y makakilos nang may matalinong unawa at laging kamtin ang kaniyang pagsang-ayon.—Kawikaan 15:24.
5. Ano ang maaaring umagaw ng panahon na dapat nating gamitin sa pananalangin, at ano ang dapat nating gawin tungkol dito?
5 Sa “mga huling araw” na ito, maraming mga bagay ang maaaring umagaw ng panahon na dapat nating gamitin sa pananalangin. (2 Timoteo 3:1) Ngunit kung ang mga kabalisahan sa pamumuhay, sa kabuhayan, at sa iba pa ang nakahahadlang sa regular na pananalangin sa ating makalangit na Ama, tayo man ay napabibigatan ng mga kaabalahan ng buhay na ito. Kung ang ganiyang kalagayan ay hindi itutuwid kaagad, ang hindi pananalangin ay maaaring humantong sa pagkawala ng pananampalataya. Dapat nating bawasan ang ating mga obligasyon sa pamumuhay o dili kaya’y timbangan ang mga kabalisahan sa pamumuhay ng lalong taimtim at paulit-ulit na pagbabaling ng ating puso sa Diyos para sa paghingi ng patnubay. Tayo ay dapat “maging mapagpuyat sa pananalangin.”—1 Pedro 4:7.
6. Anong panalangin ang pag-aaralan natin ngayon, at sa anong layunin?
6 Sa tinatawag na modelong panalangin, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng pananalangin, hindi kung ano ang eksaktong sasabihin. Ang ulat ni Lucas ay medyo naiiba sa ulat ni Mateo sapagkat mga iba’t ibang pangyayari ang kasangkot. Ating pag-aaralan ang panalanging ito sa layunin na magsilbing halimbawa ng katangiang kailangan ng ating mga panalangin bilang mga tagasunod ni Jesus at mga Saksi ni Jehova.
Ang Ama Natin at ang Kaniyang Pangalan
7. Sino ang may pribilehiyo na tawagin si Jehova na “Ama namin”?
7 “Ama namin na nasa langit.” (Mateo 6:9; Lucas 11:2) Yamang si Jehova ang Maylikha sa tao at tumatahan sa kalangitan, tumpak naman na tawagin siya na “Ama namin na nasa langit.” (1 Hari 8:49; Gawa 17:24, 28) Ang paggamit sa terminong “namin” ay kumikilala na mayroon ding mga iba na may malapit na kaugnayan sa Diyos. Ngunit sino ang may malawak na pribilehiyong tawagin siya na kanilang Ama? Tanging ang nag-alay, bautismadong mga indibiduwal sa kaniyang pamilya ng mga mananamba. Ang pagtawag kay Jehova na ‘Ama namin’ ay nagpapakita na tayo’y may pananampalataya sa Diyos at natatalos natin na ang tanging batayan ng pakikipagkasundo sa kaniya ay ang lubos na pagtanggap sa haing pantubos na inihandog ni Jesus.—Hebreo 4:14-16; 11:6.
8. Bakit tayo dapat manabik na gumugol ng panahon sa pananalangin kay Jehova?
8 Dapat nga nating madama na kaylapit-lapit natin sa ating makalangit na Ama! Tulad ng mga anak na hindi nagsasawa ng paglapit sa kanilang ama, tayo’y dapat manabik na gumugol ng panahon sa pananalangin sa Diyos. Ang matinding pagkilala ng utang na loob ukol sa kaniyang espirituwal at materyal na mga pagpapala ay dapat na mag-udyok sa atin na pasalamatan siya sa kaniyang kabutihan. Dapat nating madama ang hilig na ipapasan sa kaniya ang mga pasanin na nagpapabigat sa atin, na nagtitiwala na tayo’y kaniyang aalalayan. (Awit 55:22) Matitiyak natin na kung tayo’y tapat, lahat ng bagay ay sa wakas hahantong sa mabuti sapagkat tayo’y inaalagaan niya.—1 Pedro 5:6, 7.
9. Ang panalangin ukol sa pagbanal sa pangalan ng Diyos ay isang kahilingan para sa ano?
9 “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mateo 6:9; Lucas 11:2) Ang salitang “pangalan” ay kung minsan tumutukoy sa indibiduwal mismo, at ang “pakabanalin” ay nangangahulugan na “gawing banal, ibukod o ingatan bilang banal.” (Ihambing ang Apocalipsis 3:4.) Sa katunayan, kung gayon, ang panalangin ukol sa pagbanal sa pangalan ng Diyos ay isang kahilingan na si Jehova’y kumilos upang pakabanalin ang kaniyang sarili. Sa papaano? Sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng kadustaan na ibinunton sa kaniyang pangalan. (Awit 135:13) Sa layuning iyan, aalisin ng Diyos ang kabalakyutan, kaniyang dadakilain ang kaniyang sarili, at ipakikilala sa mga bansa na siya’y si Jehova. (Ezekiel 36:23; 38:23) Kung tayo’y nananabik na makita ang araw na iyan at talagang nagpapahalaga sa kamahalan ni Jehova, tayo’y laging lalapit sa kaniya taglay ang espiritu ng pagpapakundangan na ipinahihiwatig ng mga salitang “pakabanalin nawa ang pangalan mo.”
Ang Kaharian ng Diyos at ang Kaniyang Kalooban
10. Ano ba ang ibig sabihin pagka tayo’y nananalangin na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos?
10 “Dumating nawa ang kaharian mo.” (Mateo 6:10; Lucas 11:2) Ang Kaharian ng Diyos na tinutukoy rito ay ang soberanong pamamahala ni Jehova, na ipinahahayag sa pamamagitan ng makalangit na Mesiyanikong pamahalaan sa kamay ni Jesu-Kristo at ng kaniyang kasamang “mga banal.” (Daniel 7:13, 14, 18, 27; Isaias 9:6, 7; 11:1-5) Ano ba ang ibig sabihin ng pananalangin na “dumating” nawa ito? Ang ibig sabihin nito ay na hinihiling natin na ang Kaharian ng Diyos ay magbangon na laban sa makalupang mga mananalansang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na ‘durugin at wakasan [ng Kaharian] ang lahat ng mga kaharian sa lupa,’ ang lupa ay gagawin nito na isang pambuong-lupang paraiso.—Daniel 2:44; Lucas 23:43.
11. Kung tayo’y nasasabik makita na ginagawa sa buong sansinukob ang kalooban ng Diyos, ano ang gagawin natin?
11 “Mangyari nawa ang kalooban mo, kung papaano sa langit gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Ito’y isang kahilingan na tuparin na sana ng Diyos ang kaniyang layunin tungkol sa lupa, kasali na rito ang pag-aalis sa kaniyang mga kaaway. (Awit 83:9-18; 135:6-10) Sa katunayan, ito’y nagpapahiwatig na tayo’y nasasabik makita na ginagawa sa buong sansinukob ang kalooban ng Diyos. Kung iyan ang nasa ating puso, sa tuwina’y gagawin natin ang kalooban ni Jehova sa pinakamagaling na paraan na magagawa natin. Hindi natin taimtim na magagawa ang ganiyang paghiling kung hindi tayo puspusang nagsisikap na gawin ang kalooban ng Diyos sa sariling kaso natin. Kung gayon, kung tayo’y nananalangin ng ganito tiyakin natin na hindi tayo gumagawa ng mga bagay na laban sa kalooban niya, tulad baga ng panliligaw sa isang di-kapananampalataya o pagsunod sa mga lakad na makasanlibutan. (1 Corinto 7:39; 1 Juan 2:15-17) Bagkus, sa tuwina’y dapat nating isaisip, ‘Ano ba ang kalooban ni Jehova tungkol dito?’ Oo, kung ating iniibig ang Diyos nang ating buong puso, ating hahanapin ang kaniyang patnubay sa lahat ng ating gawain sa buhay.—Mateo 22:37.
Ang Ating Kakanin sa Araw-Araw
12. Ano ang mabuting epekto sa atin ng paghiling ng tangi lamang ‘kakanin sa araw-araw’?
12 “Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin para sa araw na ito.” (Mateo 6:11) Ganito ang paglalahad ni Lucas: “Ibigay mo sa amin ang aming pagkain para sa araw na ito ayon sa pangangailangan sa araw na ito.” (Lucas 11:3) Ang paghiling sa Diyos na paglaanan tayo ng kinakailangang pagkain “para sa araw na ito” ay nagpapakita ng pananampalataya sa kaniyang kakayahan na pangalagaan ang ating mga pangangailangan sa araw-araw. Ang mga Israelita ay inutusan na manguha ng mana “ayon sa kani-kaniyang pangangailangan sa araw-araw,” hindi pangangailangan para sa isang linggo o higit pa. (Exodo 16:4) Ito’y hindi isang panalangin na paghingi ng katakam-takam na mga pagkain na labis-labis na mga paglalaan kundi ng mga pangangailangan natin sa bawat araw. Ang paghiling ng pagkain na pang-araw-araw lamang ay tumutulong din sa atin na huwag maging sakim.—1 Corinto 6:9, 10.
13. (a) Sa malawak na diwa, ano ang kahulugan ng paghingi ng kakanin sa araw-araw? (b) Ano ang dapat na maging saloobin natin, kahit na kung tayo’y nagtatrabaho nang puspusan ngunit halos kapos pa rin ang ating pangangailangan?
13 Sa malawak na diwa, ang paghingi ng kakanin sa araw-araw ay nangangahulugan na tayo’y hindi nag-iisip na maging makasarili kundi palaging sa Diyos umaasa ng ating pagkain, inumin, pananamit, at iba pang mga pangangailangan. Bilang nag-alay na mga miyembro ng kaniyang pamilya ng mga mananamba, tayo’y nagtitiwala sa ating Ama ngunit hindi tayo nauupo na lamang nang walang ginagawa at naghihintay na paglaanan tayo sa makahimalang paraan. Tayo’y nagtatrabaho at ginagamit natin ang buong kaya natin upang magkaroon ng pagkain at iba pang mga pangangailangan. Gayunman, tayo’y may katuwirang pasalamatan ang Diyos sa panalangin sapagkat sa likod ng mga paglalaang ito ay nakikita natin ang pag-ibig, karunungan, at kapangyarihan ng ating makalangit na Ama. (Gawa 14:15-17; ihambing ang Lucas 22:19.) Ang ating kasipagan ay maaaring magbunga ng kasaganaan. Ngunit kahit na kung tayo’y nagtatrabaho nang puspusan at halos kapos pa rin ang ating pangangailangan, tayo’y pasalamat na at maging kontento. (Filipos 4:12; 1 Timoteo 6:6-8) Sa katunayan, ang isang taong maka-Diyos na may pangkaraniwang pagkain at pananamit ay baka mas maligaya kaysa isa na maunlad ang pamumuhay. Kaya kahit na kung tayo’y maralita dahilan sa mga kalagayang hindi natin kontrolado, tayo’y huwag masisiraan ng loob. Tayo’y maaari pa ring maging mayaman sa espirituwal. Oo, tayo’y hindi kailangang maging dukha sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig kay Jehova, na sa kaniya tumutungo ang ating papuri at pasasalamat sa pamamagitan ng taus-pusong panalangin.
Pagpapatawad sa Ating mga Utang
14. Anong mga utang ang ating inihihingi ng kapatawaran, at ano ang ikinakapit ng Diyos sa mga ito?
14 “At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin.” (Mateo 6:12) Ipinakikita ng ulat ni Lucas na ang mga utang na iyon ay mga kasalanan. (Lucas 11:4) Ang minanang pagkamakasalanan ang humahadlang sa atin sa paggawa ng lahat ng bagay ng ayon sa sakdal na kalooban ng ating Ama. Sa diwa, samakatuwid, ang mga kahinaang ito ang ating mga utang, o mga obligasyon sa Diyos, sapol nang tayo’y magsimulang ‘mamuhay at lumakad ayon sa espiritu.’ (Galacia 5:16-25; ihambing ang Roma 7:21-25.) Taglay natin ang mga utang na ito dahil sa tayo ay di-sakdal at hindi ngayon lubusang makaabot sa mga pamantayan ng Diyos. Para sa kapatawaran ng mga kasalanang ito tayo’y may pribilehiyo na manalangin. Nakatutuwa naman, maaaring maikapit ng Diyos ang bisa ng haing pantubos ni Jesus sa mga utang, o mga kasalanang ito.—Roma 5:8; 6:23.
15. Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa kinakailangang disiplina?
15 Kung tayo’y umaasang patatawarin ng Diyos ang ating mga utang, o mga kasalanan, tayo’y kailangang magsisi at kusang tumanggap ng disiplina. (Kawikaan 28:13; Gawa 3:19) Dahil sa iniibig tayo ni Jehova, kaniyang binibigyan tayo ng disiplina na kailangan natin nang personal upang ating maituwid ang ating mga kahinaan. (Kawikaan 6:23; Hebreo 12:4-6) Mangyari pa, tayo’y maaaring maging maligaya kung sa paglaki sa pananampalataya at kaalaman ay nasusumpungang ang ating puso’y lubusang kaayon ng mga batas at mga simulain ng Diyos na hindi natin nilabag na kusa. Ngunit ano kung mahahalata natin na kinusa natin ang ating pagkakamali? Kung magkagayo’y dapat tayong lubusang magsisi at manalangin nang taimtim na tayo’y patawarin. (Hebreo 10:26-31) Sa pagkakapit ng payo na tinanggap natin, ituwid natin kaagad ang ating lakad.
16. Bakit kapaki-pakinabang na patuloy na hilingin sa Diyos na patawarin ang ating mga kasalanan?
16 Ang regular na paghiling sa Diyos na patawarin ang ating mga kasalanan, ay kapaki-pakinabang. Ang paggawa nito ay nagpapadama sa atin ng ating pagiging makasalanan at nararapat na umakay sa atin na maging mapakumbaba. (Awit 51:3, 4, 7) Hilingin natin sa ating makalangit na Ama na “patawarin tayo sa ating mga utang at . . . linisin tayo sa lahat ng kalikuan.” (1 Juan 1:8, 9) Isa pa, sa pananalangin ang pagbanggit ng ating mga utang ay tumutulong sa atin na mahigpit na makipagbaka laban sa mga iyan. Sa gayon tayo’y patuloy ding pinaaalalahanan ng ating pangangailangan ng pantubos at ng bisa ng itinigis na dugo ni Jesus.—1 Juan 2:1, 2; Apocalipsis 7:9, 14.
17. Papaanong sa panalangin ang paghingi ng kapatawaran ay tumutulong din sa atin sa ating relasyon sa iba?
17 Sa panalangin ang paghingi ng kapatawaran ay tumutulong din sa atin na maging maawain, madamayin, at bukas-palad sa mga taong maaaring may mga pagkakasala sa atin sa mga bagay na malalaki at maliliit. Ang ulat ni Lucas ay nagsasabi: “Ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat aming pinatatawad naman ang bawat may utang sa amin.” (Lucas 11:4) Ang totoo, maaaring patawarin tayo ng Diyos tangi lamang kung atin nang “pinatawad ang mga may utang sa atin,” mga taong nagkakasala sa atin. (Mateo 6:12; Marcos 11:25) Isinusog pa ni Jesus: “Sapagkat kung ipatawad ninyo sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama sa kalangitan; datapuwat kung hindi ninyo ipatawad sa mga tao ang kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama ng inyong mga kasalanan.” (Mateo 6:14, 15) Ang pagdalangin na patawarin tayo sa ating mga kasalanan ay dapat magpakilos sa atin na pagtiisan ang mga pagkukulang ng iba at patawarin sila. Sumulat si apostol Pablo: “Gaya ni Jehova na saganang nagpatawad sa inyo, ganiyan din ang gawin ninyo.”—Colosas 3:13; Efeso 4:32.
Ang Tukso at ang Balakyot na Isa
18. Bakit hindi dapat na sisihin natin ang Diyos sa dumarating sa atin na mga tukso at pagsubok?
18 “At huwag mo kaming ihatid sa tukso.” (Mateo 6:13; Lucas 11:4) Ang mga salitang ito ay hindi nagpapahiwatig na tinutukso tayo ni Jehova upang magkasala. Kung minsan binabanggit sa Kasulatan na ang Diyos ay gumagawa o nagpapangyari ng mga bagay na pinapayagan lamang niyang maganap. (Ruth 1:20, 21; ihambing ang Eclesiastes 11:5.) Ngunit “sa masasamang bagay ay hindi matutukso ang Diyos ni tinutukso man niya ang sinuman,” isinulat ng alagad na si Santiago. (Santiago 1:13) Kung gayon, huwag natin sisihin ang ating makalangit na Ama dahil sa mga tukso at mga pagsubok tungkol sa masasamang bagay, sapagkat si Satanas ang Mánunukso na nagmamaneobra sa atin upang tayo’y magkasala sa Diyos.—Mateo 4:3; 1 Tesalonica 3:5.
19. Papaano mananalangin kung tungkol sa tukso?
19 Sa paghiling na, “Huwag mo kaming ihatid sa tukso,” tayo sa katunayan ay humihiling kay Jehova na huwag tayong tulutan na madaig pagka tayo’y tinutukso o ginigipit upang sumuway sa kaniya. Maisasamo natin sa ating Ama na patnubayan tayo sa ating mga hakbang upang walang tukso na humalang sa ating daan na labis na mabigat para sa atin. Sa bagay na ito, si Pablo ay sumulat: “Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” (1 Corinto 10:13) Maidadalangin natin na akayin sana tayo ni Jehova upang tayo’y huwag tuksuhin nang higit kaysa ating makakaya at maglaan sana siya ng paraan ng pagtakas pagka tayo’y lubhang nahihirapan na. Ang mga tukso ay nanggagaling sa Diyablo, sa ating makasalanang laman, at sa mga kahinaan ng iba, ngunit tayo’y maaaring akayin ng ating maibiging Ama upang tayo’y huwag madaig.
20. Bakit mananalangin na iligtas tayo sa “balakyot na isa”?
20 “Kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.” (Mateo 6:13) Tunay naman na mahahadlangan ng Diyos si Satanas, ang “balakyot na isa,” sa pagdaig sa atin. (2 Pedro 2:9) At ngayon higit kailanman lalong malaki ang pangangailangan na tayo’y iligtas sa Diyablo, sapagkat ‘siya’y may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang panahon.’ (Apocalipsis 12:12) Tayo’y hindi mangmang tungkol sa mga pandaraya ni Satanas, ngunit siya man ay hindi mangmang tungkol sa ating mga kahinaan. Kung gayon, tayo’y kailangang manalangin na ilayo tayo ni Jehova sa mga kuko ng tulad-leong Kaaway. (2 Corinto 2:11; 1 Pedro 5:8, 9; ihambing ang Awit 141:8, 9.) Halimbawa, kung tayo’y interesado sa pag-aasawa, marahil ay kailangang hilingin natin kay Jehova na iligtas tayo sa mga lalang na pandaraya at panunukso ni Satanas upang magkaroon tayo ng kaugnayan sa mga makasanlibutan na maaaring humantong sa imoralidad o sa pagsuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa sa isang di-kapananampalataya. (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Corinto 7:39) Tayo ba’y nananabik na yumaman? Kung gayo’y kakailanganin na tayo’y manalanging tulungan tayo na paglabanan ang mga tukso na magsugal o mahila sa kaugaliang pandaraya. Sa kagustuhang wasakin ang ating kaugnayan kay Jehova, gagamitin ni Satanas ang anumang armas sa kaniyang arsenal ng mga tukso. Kaya tayo’y patuloy na manalangin sa ating makalangit na Ama, anupa’t hindi niya pinababayaan ang matuwid upang mahila ng tukso at siya’y nagliligtas buhat sa balakyot na isa.
Patuloy na Pinalalaki ng Panalangin ang Pananampalataya at Pag-asa
21. Papaano tayo nakinabang sa pananalangin ukol sa Kaharian?
21 Ang ating makalangit na Ama, na nagliligtas sa atin sa balakyot na isa, ay nalulugod na tayo’y pagpalain nang sagana. Gayunman, bakit nga ba napakatagal nang tinulutan niya na ang kaniyang mahal na bayan ay manalangin ng, “Dumating nawa ang kaharian mo”? Bueno, sa paglakad ng mga taon, ang ganitong pananalangin ay nagpalaki sa ating pagnanasa at pagpapahalaga sa Kaharian. Ang gayong panalangin ay nagpapaalaala sa atin ng totoong malaking pangangailangan sa mapagkawanggawang makalangit na pamahalaang ito. Ito’y patuloy rin na nagpapalaki sa pag-asa natin na pagkakamit ng buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian.—Apocalipsis 21:1-5.
22. Ano ang dapat maging ating patuloy na saloobin tungkol sa panalangin sa ating makalangit na Ama, si Jehova?
22 Walang alinlangan na patuloy na pinalalaki ng panalangin ang pananampalataya kay Jehova. Ang ating kaugnayan sa kaniya ay napatitibay pagka kaniyang sinasagot ang ating mga panalangin. Kung gayon, tayo’y huwag nawang magsawa ng pananalangin sa kaniya sa araw-araw taglay ang pagpuri, pasasalamat, at pagsusumamo. At harinawang tayo’y kumilala ng utang na loob dahil sa pagtulong at pagtugon ni Jesus sa kahilingan ng kaniyang mga tagasunod na: “Panginoon, turuan mo kami na manalangin.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anong mga aral ang matututuhan natin buhat sa mga salita at halimbawa ni Jesus bilang isang taong palaisip sa panalangin?
◻ Ano ang dapat nating ipanalangin tungkol sa ating makalangit na Ama at sa kaniyang pangalan?
◻ Ano ba ang ating hinihiling pagka tayo’y nananalangin na dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at gawin nawa ang kaniyang kalooban sa lupa?
◻ Ano ba ang ating hinihingi pagka tayo’y nananalangin na bigyan tayo ng ating kakanin sa araw-araw?
◻ Ano ang ibig sabihin pagka tayo’y nananalangin na patawarin ang ating mga utang?
◻ Bakit mahalaga na manalangin tungkol sa tukso at sa pagkaligtas buhat kay Satanas, ang balakyot na isa?
[Larawan sa pahina 16]
Kay Jesus ay hiniling ng kaniyang mga tagasunod na turuan sila na manalangin. Alam mo ba kung papaano tayo makikinabang sa kaniyang mga turo tungkol sa panalangin?