Ayon kay Lucas
11 Minsan, pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin gaya ng ginawa ni Juan sa mga alagad niya.”
2 Kaya sinabi niya sa kanila: “Kapag nananalangin kayo, sabihin ninyo: ‘Ama, pakabanalin nawa ang pangalan mo.+ Dumating nawa ang Kaharian mo.+ 3 Bigyan mo kami ng pagkain sa bawat araw ayon sa kailangan namin.+ 4 At patawarin mo kami sa mga kasalanan namin,+ dahil pinatatawad din namin ang lahat ng nagkasala sa amin;+ at huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso.’”+
5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Ipagpalagay nang isa sa inyo ang may kaibigan, at pinuntahan ninyo siya nang hatinggabi at sinabi sa kaniya, ‘Kaibigan, pahingi naman ng tatlong tinapay. 6 May dumating kasi akong kaibigan na galing sa paglalakbay at wala akong maipakain sa kaniya.’ 7 Pero sumagot ito mula sa loob ng bahay: ‘Huwag mo na akong istorbohin. Nakakandado na ang pinto, at natutulog na kami ng mga anak ko.* Hindi na ako puwedeng bumangon para bigyan ka ng anuman.’ 8 Sinasabi ko sa inyo, babangon ang kaibigan niya at ibibigay ang kailangan niya, hindi dahil sa magkaibigan sila, kundi dahil sa mapilit siya.+ 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, patuloy na humingi+ at bibigyan kayo, patuloy na maghanap at makakakita kayo, patuloy na kumatok at pagbubuksan kayo;+ 10 dahil bawat isa na humihingi ay tumatanggap,+ at bawat isa na naghahanap ay nakakakita, at bawat isa na kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Sino ngang ama ang magbibigay ng ahas sa kaniyang anak kung humihingi ito ng isda?+ 12 O magbibigay ng alakdan kung humihingi ito ng itlog? 13 Kaya kung kayo na makasalanan ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, lalo pa nga ang Ama sa langit! Magbibigay siya ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.”+
14 Pagkatapos, nagpalayas siya ng isang piping demonyo.+ Pagkalabas ng demonyo, nakapagsalita na ang lalaking sinapian nito. Kaya namangha ang mga tao.+ 15 Pero sinabi ng ilan sa kanila: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ni Beelzebub, ang pinuno ng mga demonyo.”+ 16 May mga nanghingi rin sa kaniya ng tanda+ mula sa langit para subukin siya. 17 Alam ni Jesus ang iniisip nila,+ kaya sinabi niya sa kanila: “Bawat kaharian na nababahagi ay babagsak, at ang isang pamilyang nababahagi ay mawawasak. 18 Ngayon, kung kinakalaban ni Satanas ang sarili niya, paano tatayo ang kaharian niya? Dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng demonyo sa tulong ni Beelzebub. 19 Kung nagpapalayas ako ng demonyo sa tulong ni Beelzebub, sino ang tumutulong sa mga tagasunod ninyo para mapalayas sila? Kaya ang mga tagasunod ninyo ang magpapatunay na mali kayo.* 20 Pero kung pinalalayas ko ang mga demonyo sa tulong ng daliri ng Diyos,+ dumating na ang Kaharian ng Diyos nang hindi ninyo namamalayan.+ 21 Kung malakas at maraming sandata ang taong nagbabantay sa sarili niyang palasyo, ligtas ang mga pag-aari niya. 22 Pero kapag sinalakay siya at natalo ng isa na mas malakas sa kaniya, kukunin nito ang lahat ng kaniyang sandata na iniisip niyang magsasanggalang sa mga pag-aari niya, at ipamamahagi nito ang mga bagay na kinuha sa kaniya. 23 Sinumang wala sa panig ko ay laban sa akin, at sinumang hindi nakikipagtulungan sa akin sa pagtitipon ay nagtataboy ng mga tao palayo sa akin.+
24 “Kapag ang isang masamang* espiritu ay lumabas sa isang tao, dumadaan siya sa tigang na mga lugar para maghanap ng mapagpapahingahan, at kapag wala siyang nakita, sinasabi niya, ‘Babalik ako sa bahay na inalisan ko.’+ 25 At pagdating doon, nadaratnan niya itong nawalisan at may dekorasyon. 26 Kaya bumabalik siya at nagsasama ng pitong iba pang espiritu na mas masama kaysa sa kaniya, at pagkapasok sa loob, naninirahan na sila roon. Kaya lalong lumalala ang kalagayan ng taong iyon.”+
27 Habang sinasabi niya ito, isang babae mula sa karamihan ang sumigaw: “Maligaya ang ina na nagdala sa iyo sa sinapupunan niya at nag-aruga* sa iyo!”+ 28 Pero sinabi niya: “Hindi. Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”+
29 Nang matipon ang maraming tao, sinabi niya: “Napakasama ng henerasyong ito; naghahanap sila ng tanda,* pero walang tandang ibibigay sa kanila maliban sa tanda ni Jonas.+ 30 Dahil kung paanong si Jonas+ ay naging tanda sa mga Ninevita, magiging gayon din ang Anak ng tao sa henerasyong ito. 31 Ang reyna ng timog+ ay bubuhaying muli sa paghuhukom kasama ng mga tao sa henerasyong ito at hahatulan niya sila, dahil naglakbay siya nang napakalayo para pakinggan ang karunungan ni Solomon. Pero higit pa kay Solomon ang narito.+ 32 Ang mga taga-Nineve ay bubuhaying muli sa paghuhukom kasama ng henerasyong ito at hahatulan nila ito, dahil nagsisi sila nang mangaral si Jonas.+ Pero higit pa kay Jonas ang narito. 33 Pagkasindi ng isang tao sa lampara, hindi niya ito itinatago o tinatakpan ng basket, kundi inilalagay ito sa patungan ng lampara+ para makita ng mga pumapasok sa silid ang liwanag. 34 Ang mata ang lampara ng iyong katawan. Kung nakapokus ang mata mo, magiging maliwanag* ang buong katawan mo;+ pero kung mainggitin ito, magiging madilim ang katawan mo.+ 35 Kaya maging alerto, dahil baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman. 36 Kung maliwanag ang buong katawan mo at walang bahaging madilim, magliliwanag ito na gaya ng isang lampara na nagbibigay sa iyo ng liwanag.”
37 Pagkasabi nito, inimbitahan siya ng isang Pariseo na kumain. Kaya pumasok siya sa bahay nito at umupo* sa mesa. 38 Pero nagulat ang Pariseo nang makita niyang hindi siya naghugas ng kamay bago mananghalian.+ 39 Kaya sinabi ng Panginoon sa kaniya: “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng kopa at pinggan, pero ang puso* ninyo ay punô ng kasakiman* at kasamaan.+ 40 Mga di-makatuwiran! Hindi ba ang gumawa ng nasa labas ang siya ring gumawa ng nasa loob? 41 Kaya gumawa kayo ng mabuti sa mahihirap mula sa inyong puso, at kung gagawin ninyo ito, magiging lubos kayong malinis.*+ 42 Pero kaawa-awa kayong mga Pariseo, dahil ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena, ruda, at lahat ng iba pang* gulay,+ pero binabale-wala ninyo ang katarungan* at pag-ibig sa Diyos! Obligado kayong gawin ang mga iyon, pero hindi ninyo dapat bale-walain ang iba pang bagay.+ 43 Kaawa-awa kayong mga Pariseo, dahil gustong-gusto ninyo na umupo sa pinakamagagandang puwesto sa mga sinagoga at na binabati kayo ng mga tao sa mga pamilihan!+ 44 Kaawa-awa kayo, dahil gaya kayo ng mga libingang* walang tanda,+ na natatapakan ng mga tao nang hindi nila alam!”
45 Sinabi ng isa sa mga eksperto sa Kautusan: “Guro, naiinsulto rin kami sa mga sinasabi mo.” 46 Kaya sinabi niya: “Kaawa-awa rin kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasan na mahirap dalhin, pero ayaw man lang ninyong galawin ang mga iyon ng kahit isang daliri ninyo!+
47 “Kaawa-awa kayo, dahil iginagawa ninyo ng libingan* ang mga propeta, pero ang mga ninuno naman ninyo ang pumatay sa kanila!+ 48 Alam na alam ninyo ang ginawa ng inyong mga ninuno pero kinunsinti ninyo sila, dahil pinatay nila ang mga propeta+ pero iginagawa ninyo ng libingan ang mga ito. 49 Kaya naman, dahil sa karunungan ng Diyos, sinabi niya: ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at apostol, at pag-uusigin nila at papatayin ang ilan sa mga ito,+ 50 kaya puwedeng singilin sa henerasyong ito ang dugo ng lahat ng propetang pinatay mula nang itatag ang sanlibutan,+ 51 mula sa dugo ni Abel+ hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at ng templo.’+ Oo, sinasabi ko sa inyo, sisingilin iyon sa henerasyong ito.
52 “Kaawa-awa kayong mga eksperto sa Kautusan, dahil inilayo ninyo sa iba ang susi ng kaalaman. Kayo mismo ay hindi pumasok, at pinipigilan din ninyo ang mga gustong pumasok!”+
53 Pagkalabas niya roon, pinaulanan siya ng tanong ng mga eskriba at mga Pariseo at kinontra siya. 54 Nag-aabang sila ng anumang sasabihin niya na puwede nilang gamitin laban sa kaniya.+