Ano ang Katotohanan Tungkol sa Bethlehem at sa Pasko?
“PAGKA ating pinag-iisipan ang Misteryo ng Bethlehem hindi natin maiwasang pumasok sa ating isip ang mga tanong at mga pag-aalinlangan.”—Bethlehem, ni Maria Teresa Petrozzi.
‘Bakit mga tanong at mga pag-aalinlangan?’ marahil itatanong mo. Tutal, ang sarisaring paniniwala tungkol sa Pasko, at ang mga lugar na may kaugnayan sa mga paniniwalang ito, ay nakasalig sa katotohanan. O talaga nga bang ganiyan?
Kailan Siya Ipinanganak?
Kung tungkol sa petsa ng kapanganakan ni Jesus, si Maria Teresa Petrozzi ay nagtatanong: “Kailan nga bang talaga ipinanganak ang Manunubos? Ibig nating maalaman hindi lamang ang taon kundi pati ang buwan, araw, oras. Hindi ipinagkakaloob sa atin ang matematikong katiyakan.” Ito’y sinusuhayan ng New Catholic Encyclopedia: “Ang petsa ng kapanganakan ni Kristo ay matatantiya lamang humigit-kumulang.” Ito ang sinasabi tungkol sa petsang pinaniniwalaang kapanganakan ni Kristo: “Ang petsang Disyembre 25 ay hindi katumbas ng kapanganakan ni Kristo kundi ng kapistahan ng Natalis Solis Invicti, ang Romanong kapistahan ng araw sa solstice.”
Kaya maitatanong mo marahil, ‘Kung si Jesus ay hindi ipinanganak nang Disyembre 25, kailan siya ipinanganak?’ Buhat sa Mateo kabanata 26 at 27, ating nauunawaan na namatay si Jesus noong panahon ng Paskuwa ng mga Judio, na nagsimula sa Abril 1, 33 C.E. Isa pa, nababatid natin buhat sa Lucas 3:21-23 na si Jesus ay mga 30 taóng gulang nang kaniyang pasimulan ang kaniyang ministeryo. Yamang ang kaniyang makalupang ministeryo ay tumagal ng tatlo at kalahating taon, siya’y mga 33 1/2 taóng gulang nang panahon ng kaniyang kamatayan. Si Kristo ay nakahusto sana ng ganap na 34 na taóng gulang anim na buwan pagkatapos, na iyon ay papatak na mga Oktubre 1. Kung tayo’y bibilang pabalik upang alamin kung kailan ipinanganak si Jesus, tayo’y aabot, hindi sa Disyembre 25 o Enero 6, kundi humigit-kumulang Oktubre 1 ng taóng 2 B.C.E.
Kapuna-puna rin na kung buwan ng Disyembre, ang Bethlehem at ang kapaligiran nito ay may kalamigan na lagay ng panahon kung tagyelo, nakapangangaligkig na pag-ulan, at kung minsan ay may niyebe. Hindi ka makakakita ng mga pastol na nagbabantay ng kanilang kawan sa labas kung gabi kung panahong iyan. Ito’y hindi isang lagay ng panahon kamakailan. Iniuulat ng Kasulatan na ang hari ng Judea na si Jehoiakim “ay nakaupo sa bahay na pantaglamig, noong ikasiyam na buwan [Chislev, katumbas ng Nobyembre-Disyembre], na may nagniningas na apuyan sa harap niya.” (Jeremias 36:22) Kailangan niya ang init upang siya’y manatiling mainit. At, sa Ezra 10:9, 13 tayo’y makasusumpong ng maliwanag na ebidensiya na ang buwan ng Chislev “ang panahong maulan, at hindi makatatayo sa labas ang sinuman.” Lahat na ito ay nagpapatunay na ang mga kalagayan ng panahon sa Bethlehem kung Disyembre ay hindi bumabagay sa paglalarawan ng Bibliya tungkol sa mga pangyayaring may kinalaman sa kapanganakan ni Jesu-Kristo.—Lucas 2:8-11.
Saan?
Ano ba ang tumpak na pangmalas tungkol sa lugar na bahagi ng pagkakasi ukol sa Crimean war (1853-56), na ang ‘madugong digmaan’ ay pumuti sa buhay ng mahigit na isandaang libong sundalong Pranses? Ang dako bang iyan ay talagang siyang lugar na sinilangan ni Jesus?
Una sa lahat, ang Bibliya mismo ay hindi bumabanggit ng eksaktong lugar na pinanganakan kay Jesus. Si Mateo at si Lucas ay nagpapatotoo na ang kapanganakan ni Jesus ang tumupad ng Mesiyanikong hula sa Mikas 5:2, tungkol sa “isa na magiging hari sa Israel, na mula pa sa sinaunang mga panahon,” at magmumula sa Bethlehem. (Mateo 2:1, 5; Lucas 2:4) Ang kapuwa mga ulat ng Ebanghelyo ay bumabanggit lamang ng pinakamahalaga, samakatuwid nga, na si Jesus ay isinilang sa Bethlehem at, sang-ayon kay Lucas, ang sanggol ay binalot ng lampin at inihiga sa isang pasabsaban.—Lucas 2:7.
Bakit ang mga sumulat ng Ebanghelyo ay hindi nagdagdag ng higit pang mga detalye? Ganito ang puna ni Maria Teresa Petrozzi: “Ang mga detalyeng ito ay kinaligtaan na ng mga Ebanghelista, maliwanag na dahil sa kanilang itinuturing na ang mga ito ay wala namang kabuluhan.” Sa katunayan, maliwanag na si Jesus mismo ay hindi nag-isip na ang mga detalye ng kaniyang kapanganakan ay may pantanging kabuluhan, sapagkat ni minsan man ay hindi sinipi na siya’y bumanggit ng petsa ng kaniyang kapanganakan o ng mismong lugar na kaniyang sinilangan. Bagaman ipinanganak sa Bethlehem, hindi itinuring ni Jesus na ang dakong iyan ay kaniyang tahanan, kundi ang lugar ng Galilea ay tinutukoy bilang “kaniyang teritoryong tahanan.”—Marcos 6:1, 3, 4; Mateo 2:4, 5; 13:54.
Kung babasahin ang Juan 7:40-42, makikita na ang karamihan ng mga tao roon ay walang alam tungkol sa kaniyang sinilangang dako, sa pag-aakala na siya’y ipinanganak sa Galilea: “Sinasabi ng mga iba: ‘Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Kristo?’ ” Batay sa nakasulat sa Juan 7:41, ito ang konklusyon ng The Church of the Nativity, Bethlehem: “Na ang gayong mga talakayan ay hindi mismong nagpapabulaan sa katotohanan na si Kristo’y isinilang sa Bethlehem; ngunit humigit-kumulang ay ipinakikita na marami sa Kaniyang mga nakasama ang walang malay tungkol doon.”
Maliwanag na noong panahong nabubuhay si Jesus dito sa lupa, hindi niya ipinangalandakan ang mga detalye ng kaniyang kapanganakan. Hindi idiniin ang tungkol sa lugar na pinanganakan sa kaniya. Kung gayon, ano ang batayan ng paniniwala na ang Nativity Grotto ang lugar na pinagdalhan ni Jose kay Maria upang doon manganak?
Kusang inamin ni Petrozzi: “Imposibleng malaman nang tiyakan kung ang grotto baga ay isa sa di-mabilang na mga likas na yungib na naroon sa kapaligiran ng Bethlehem, o isang malaking kuweba na ginagamit na isang kuwadra sa isang bahay-tuluyan. Gayunman, ang tradisyon na umiral mula pa nang unang kakalahatian ng ika-2 siglo, ay maliwanag; ito ay isang grotto-kuwadra.”—Amin ang italiko.
Tradisyon Lamang
Si Maria Teresa Petrozzi at si R. W. Hamilton, kasama ang iba’t ibang mga mag-aarál ng kasaysayan ng Bethlehem, ay nagpatotoo na si Justin Martyr, noong ikalawang siglo C.E., ang unang nag-angkin na si Jesus ay isinilang sa isang grotto, bagaman hindi tiniyak kung alin. Ganito ang konklusyon ni Hamilton tungkol sa pangungusap ni Justin Martyr: “Ito ay isang pahapyaw na reperensiya, at ang pagpapalagay na ang sumasaisip ni San Justin ay isang partikular na kuweba, at lalo pa kung ang tinutukoy niya’y ang kasalukuyang Yungib na Pinanganakan, ay paggigiit nang buong-tindi sa ebidensiya ng kaisa-isang salita.”
Sa isang talababa si Hamilton ay sumulat: “Ang isang ulat ng Kapanganakan na makikita sa apokripang ‘Aklat ni Santiago’ o ‘Protevangelium’, na isinulat humigit-kumulang noon ding panahong iyon ay bumabanggit din ng isang yungib, ngunit tinutukoy iyon na nasa kakalahatian ng layo sa Bethlehem. Kung sakali mang ito’y may halaga sa kasaysayan ipinahihiwatig ng istorya na ang tradisyon ay hindi pa noon iniuugnay sa anumang nag-iisang lugar, tunay na hindi sa Kuweba na Pinanganakan.”
Ang manunulat tungkol sa relihiyon na sina Origen at Eusebius noong ikatlong siglo ay nag-uugnay ng tradisyon na kilala noon sa isang partikular na lugar. Si Hamilton ay nangangatuwiran: “Minsang ang istorya ay nagkaroon ng kaugnayan sa isang partikular na yungib malamang na hindi malilihis iyon; at ligtas na manghinuha na ang yungib na ipinakita sa mga panauhin di-nagtagal pagkatapos ng A.D. 200 ay yaong sa kasalukuyan ay Kuweba na Pinanganakan.”
Si W. H. Bartlett, sa kaniyang aklat na Walks About the City and Environs of Jerusalem (1842), ay nanghinuha tungkol sa grotto na ito: “Bagaman ang tradisyon na nagsasabing ito ang dakong sinilangan ng ating Tagapagligtas, ay na kagalang-galang at antigo, yamang binanggit ni San Jerome, na nanirahan at namatay sa isang karatig na selda, ang lugar ay naiiba sa maaaring mangyari, bagaman maaaring mangyari na manakanaka ang mga kuweba ay ginagamit na mga kuwadra sa Palestina, ito’y mas malalim kaysa magiging kombinyente para sa gayong layunin; at kung ating isasaalang-alang, bukod diyan, ang hilig ng mga monghe na ang mga grotto ang gawing eksena ng mahalagang maka-Kasulatang mga pangyayari, marahil dahil sa impresyon na likha ng gayong mga lugar, ang pala-palagay laban sa lugar ay halos kapani-paniwala.”
Ano ang mahihinuha natin buhat sa patotoo ngayon ng kasaysayan at, lalong mahalaga, buhat sa maka-Kasulatang katotohanan na si Jesus ni ang kaniyang mga alagad ay hindi nagbigay ng anumang kahalagahan sa kaniyang lugar na sinilangan? Maliwanag na nang si Reyna Elena, na ina ni Constantino na Dakila, ay magtakda ng lugar na katatayuan ng Simbahan na Pinanganakan noong taóng 326 C.E., yaon ay batay sa binanggit ni Hamilton na ‘kaugnayan sa matagal nang tradisyon.’ Iyon ay hindi batay sa patotoo ng kasaysayan o ng Bibliya.
Ito’y umaakay tungo sa isa pang konklusyon na ang aktuwal na lugar na pinanganakan kay Kristo ay di-alam. Samakatuwid, makatuwiran ba na ang mga mananampalataya ay dumalaw bilang mga manlalakbay sa gayong mga lugar na gaya baga ng Grotto na Pinanganakan at sumamba sa mga iyon? Kung, totoo nga na, kahilingan sa mga Kristiyano ang gayon, hindi kaya ipaaalam ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang gayong obligasyon o kahit na lamang ang kaniyang hangarin na gawin nila iyon? Hindi ba iyon ay isusulat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, upang mabasa ng sanlibutan ng sangkatauhan? Yamang ang gayong mga ebidensiya ay hindi talagang makikita sa Banal na Kasulatan, makabubuting usisain natin kung ano ang itinuring ni Jesus na karapat-dapat alalahanin.
Magsaliksik man tayo hanggang gusto natin, ang tanging okasyon na makikita nating dapat alalahanin ng mga alagad ni Jesus sa sali’t saling lahi ay ang kaniyang sakripisyong kamatayan. Siya’y namatay sa panahon ng tagsibol, di-nagtagal pagkatapos na ipagdiwang ang kaniyang huling hapunan ng Paskuwa kasama ang kaniyang mga alagad. Nang pagkakataong iyon siya ay nagtagubilin sa kaniyang tapat na mga alagad na gumanap sila ng isang makasagisag na hapunan na gumagamit ng tinapay na walang lebadura, tulad baga ng matzoth, at mapulang alak. Tungkol sa simpleng seremonyang ito, na ginanap ang kauna-unahan noong Abril 1, 33 C.E., kaniyang iniutos: “Patuloy na gawin ito bilang pag-aalaala sa akin.”—Lucas 22:19, 20.
Bilang pagsunod sa utos na ito ng Kasulatan buhat kay Jesus mismo, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa taun-taon ay nagdiriwang ng Alaala ng sakripisyong kamatayan ni Kristo. Ang Kristiyanong pagtitipong ito ay hindi nila ginaganap sa isang natatanging lugar sa isang silid sa itaas sa Jerusalem, sapagkat hindi gayon ang espesipikong iniutos ni Jesus. Kundi sa buong daigdig, sila’y nagtitipon sa kani-kanilang mga Kingdom Hall at sa iba pang angkop na dakong tipunan sa kanilang pamayanan. Ang susunod na selebrasyon ay gaganapin sa Marso 30, 1991, pagkalubog ng araw. Kayo ay inaanyayahan na dumalo sa Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses na pinakamalapit sa inyong tahanan.
Upang madaluhan ang mahalagang selebrasyong ito bilang pagsunod sa utos ni Jesus, hindi na kailangang kayo ay maglakbay pa sa Jerusalem o sa Bethlehem. Si Jesus o ang kaniyang mga alagad man ay hindi nagtangi ng mga lugar bilang mahalaga upang doon sumamba ang mga Kristiyano. Bagkus, sinabi ni Jesus sa isang babaing Samaritana, na doon sumasamba sa Gerizim, isang bundok sa Samaria, sa gawing hilaga ng Jerusalem: “Babae, paniwalaan mo ako, Na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. Datapuwat, dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at sa katotohanan, sapagkat talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya.”—Juan 4:21, 23.
Yaong mga sumasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan ay hindi umaasa sa natatanging mga lugar, tulad baga ng Bethlehem, o sa mga bagay-bagay, tulad baga ng mga imahen, sa kanilang pagsamba. Si apostol Pablo ay nagsabi: “Samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay wala sa harapan ng Panginoon, sapagkat kami ay nagsisilakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2 Corinto 5:6, 7.
Gayunman, marahil ay pag-iisipan mo pa rin, papaanong ang isang tao’y makasasamba sa Diyos sa paraan na kalugud-lugod sa kaniya? Sa susunod na pagkakataon na isa sa mga Saksi ni Jehova ay dumalaw sa inyong tahanan, pakisuyong magtanong sa kaniya.
[Larawan sa pahina 5]
Kung tagyelo, ang lupa malapit sa Bethlehem ay marahil nalalaganapan ng taganas na niyebe. Ang mga pastol kaya ay matutulog sa labas kasama ng kanilang mga tupa?
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Mga larawan sa pahina 7]
Simbahan na Pinanganakan sa Bethlehem at ang grotto nito na nasa ilalim ng lupa
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.
[Credit Line]
Garo Nalbandian