Mga Kapistahan
Kahulugan: Mga araw na ipinagpapahinga sa trabaho at sa paaralan upang ipagdiwang ang isang mahalagang pangyayari. Ang mga araw na ito ay mga pagkakataon din ukol sa mga pansambahayan at pampamayanang mga pagdiriwang. Ang mga ito ay maaaring ituring ng mga lumalahok dito bilang mga kaayusang relihiyoso o dili kaya’y panlipunan o sekular lamang.
Ang Pasko ba’y isang pagdiriwang na nasasalig sa Bibliya?
Petsa ng pagdiriwang
Sinasabi ng Cyclopædia nina M’Clintock at Strong: “Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi iniutos ng Diyos, ni nag-uugat kaya ito sa B[agong] T[ipan]. Ang araw ng kapanganakan ni Kristo ay hindi matitiyak mula sa B[agong] T[ipan], o kahit sa anopamang ibang reperensiya.” (Nueba York, 1871), Tomo II, p. 276.
Ipinakikita ng Lucas 2:8-11 na ang mga pastol ay nasa parang nang gabing isilang si Jesus. Ganito ang isinasaad ng aklat na Daily Life in the Time of Jesus: “Ang mga kawan . . . ay nagpalipas ng taglamig sa mga dakong may habong; at salig lamang dito ay makikita natin na ang tradisyonal na petsa para sa Pasko, na nasa taglamig, ay malamang na hindi wasto, yamang sinasabi ng Ebanghelyo na ang mga pastol ay nasa gitna ng kaparangan.”—(Nueba York, 1962), Henri Daniel-Rops, p. 228.
Sinasabi sa atin ng The Encyclopedia Americana: “May kalabuan ang dahilan ng pagtatakda sa Disyembre 25 para sa Pasko, subali’t karaniwan nang kinikilala na ang araw na ito ay pinili upang umayon sa maka-paganong mga kapistahan na nagaganap kung panahon ng winter solstice, kapag ang mga araw ay nagpasimula nang humaba, upang ipagdiwang ang ‘muling-pagsilang ng araw.’ . . . Ang Romanong Saturnalia (isang kapistahan na naaalay kay Saturno, ang diyos ng agrikultura, at sa nagpanibagong kapangyarihan ng araw), ay nagaganap din sa panahong ito, at ang ilang kaugalian kung Pasko ay inaakalang nag-uugat sa matandang paganong selebrasyong ito.”—(1977), Tomo 6, p. 666.
Inaamin ng New Catholic Encyclopedia: “Ang petsa ng pagsilang ni Kristo ay hindi nababatid. Hindi ipinahihiwatig ng mga Ebanghelyo ang araw ni ang buwan . . . Ayon sa haka-haka ni H. Usener . . . na siyang tinatanggap ng karamihan ng mga iskolar sa ngayon, ang kapanganakan ni Kristo ay itinakda sa petsa ng winter solstice, (Disyembre 25 sa kalendaryong Juliano, Enero 6 sa kalendaryong Ehipsiyo), sapagka’t sa araw na ito, palibhasa ang araw ay nagpapasimulang bumalik sa mga kalangitan sa hilaga, ang mga paganong mananamba ni Mitra ay nagdiwang ng dies natalis Solis Invicti (kaarawan ng di-malulupig na araw). Noong Dis. 25, 274, ang diyos-araw ay itinakda ni Aurelian bilang patron ng imperyo at inialay ang isang templo sa kaniya sa Campus Martius. Ang Pasko ay nagsimula noong panahon na ang kulto ng pagsamba sa araw ay nasa kaniyang kasukdulan sa Roma.”—(1967), Tomo III, p. 656.
Mga pantas na lalake, o Mago, ay inakay ng isang bituin
Ang mga Magong yaon ay talagang mga astrologo mula sa silangan. (Mat. 2:1, 2, NW; NE) Bagaman ang astrolohiya ay popular sa maraming tao sa ngayon, ang kaugaliang ito ay tahasang hinahatulan ng Bibliya. (Tingnan ang mga pahina 411, 412, sa ilalim ng paksang “Tadhana.”) Aakayin kaya ng Diyos sa bagong-kasisilang na si Jesus ang mga taong gumagawa ng mga bagay na Kaniyang hinahatulan?
Ang Mateo 2:1-16 ay nagpapakita na inakay muna ng bituin ang mga astrologo kay Haring Herodes at pagkatapos ay kay Jesus at na pagkaraan nito’y sinikap ni Herodes na patayin si Jesus. Hindi binabanggit na mayroon pang iba bukod sa mga astrologo na nakakita sa “bituin.” Nang makaalis na sila, si Jose ay binalaan ng anghel ni Jehova na tumakas tungo sa Ehipto upang iligtas ang bata. Ang “bituin” bang yaon ay tanda mula sa Diyos o mula sa isa na naghahangad na pumatay sa Anak ng Diyos?
Pansinin na hindi sinasabi ng ulat ng Bibliya na nasumpungan nila ang sanggol na si Jesus sa isang sabsaban, gaya ng karaniwan nang ipinakikita sa mga larawan ng Pasko. Nang dumating ang mga astrologo, si Jesus at ang kaniyang mga magulang ay nakatira na sa isang bahay. Hinggil sa edad ni Jesus nang panahong yaon, tandaan na, salig sa napag-alaman ni Herodes mula sa mga astrologo, ipinag-utos niya na lahat ng mga batang lalake sa distrito ng Bethlehem na nagkaka-edad ng dalawang taon pababa ay dapat patayin.—Mat. 2:1, 11, 16.
Ang pagbibigayan ng regalo bilang bahagi ng pagdiriwang; ang mga kuwento tungkol kay Santa Claus, Father Christmas, atb.
Ang kaugalian ng pagbibigayan ng regalo kung Pasko ay hindi nakasalig sa ginawa ng mga Mago. Gaya ng ipinakikita sa itaas, hindi sila dumating sa mismong araw ng kapanganakan ni Jesus. Bukod dito, nagbigay sila ng mga kaloob, hindi sa isa’t-isa, kundi sa batang si Jesus, ayon sa kaugalian noon kapag dumadalaw sa mga prominenteng tao.
Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Sa panahon ng Saturnalia . . . ay nagkaroon ng pagpipista, at nagkaroon ng pagpapalitan ng mga regalo.” (1977, Tomo 24, p. 299) Sa maraming pagkakataon ito ang pinakasagisag ng espiritu ng pagbibigay kung Pasko—ang pagpapalitan ng mga regalo. Ang espiritu na masasalamin sa ganitong pagbibigay ay hindi nagdudulot ng tunay na kaligayahan, sapagka’t lumalabag ito sa mga simulaing Kristiyano na gaya niyaong masusumpungan sa Mateo 6:3, 4 at 2 Corinto 9:7. Tiyak na ang isang Kristiyano ay makapagbibigay ng regalo sa iba bilang kapahayagan ng pag-ibig kahit na sa iba pang pagkakataon sa loob ng taon, at ito’y magagawa niya nang madalas.
Depende sa kung saan sila nakatira, ang mga bata ay sinasabihan na ang mga regalo ay dala ni Santa Claus, San Nicolas, Father Christmas, Père Noël, Knecht Ruprecht, ang mga Mago, ang duwendeng si Jultomten (o Julenissen), o isang mangkukulam na tinatawag na La Befana. (The World Book Encyclopedia, 1984, Tomo 3, p. 414) Kung sa bagay, alinman sa mga kuwentong ito ay hindi talagang totoo. Ang pagkukuwento ba nito ay lumilinang sa mga bata ng paggalang sa katotohanan, at ang ganito bang kaugalian ay nagpaparangal kay Jesu-Kristo, na nagturong ang Diyos ay dapat sambahin sa katotohanan?—Juan 4:23, 24.
Masama ba ang makilahok sa mga kapistahan na may di-maka-kristiyanong pinagmulan basta hindi ito ginagawa sa mga relihiyosong kadahilanan?
Efe. 5:10, 11: “Patuloy ninyong patunayan ang kinalulugdan ng Panginoon; at huwag kayong makisama sa kanilang walang kabuluhang mga gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyo silang sawatain.”
2 Cor. 6:14-18: “Anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? . . . ‘ “Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi” ’; ‘ “at kayo’y aking tatanggapin, . . . at kayo’y magiging aking mga anak na lalake at babae,” sabi ni Jehova na Makapangyarihan-sa-Lahat.’ ” (Ang tunay na pag-ibig kay Jehova at ang masidhing pagnanais na makalugod sa kaniya ay tutulong sa isa na makalaya mula sa di-kristiyanong mga kaugalian na dati niyang kinahuhumalingan. Ang isang tao na talagang nakakakilala at umiibig kay Jehova ay hindi makakadama na kung itatakwil niya ang mga kaugalian na nagpaparangal sa mga diyus-diyosan o na nagtataguyod ng kasinungalingan, ay para bang pinagkakaitan na siya ng kaligayahan. Ang tunay na pag-ibig ay mag-uudyok sa kaniya na magalak, hindi sa kalikuan, kundi sa katotohanan. Tingnan ang 1 Corinto 13:6.)
Ihambing ang Exodo 32:4-10. Pansinin na ginaya ng mga Israelita ang isang relihiyosong kaugalian ng Ehipto subali’t binigyan ito ng isang bagong pangalan, “isang kapistahan kay Jehova.” Subali’t buong-higpit silang pinarusahan ni Jehova dahil dito. Sa ngayon ang nakikita lamang natin ay mga ika-20 siglong kaugalian na kaugnay ng mga kapistahan. Ang iba’y tila hindi masama. Subali’t patiuna nang naoobserbahan ni Jehova ang maka-paganong relihiyosong mga kaugalian na pinagmulan ng mga ito. Hindi ba natin dapat pahalagahan ang kaniyang pangmalas?
Paglalarawan: Halimbawa’y dumating ang isang grupo sa bahay ng isang marangal na tao at sinasabing naparoon sila upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan. Hindi niya sinasang-ayunan ang pagdiriwang ng mga kaarawan. Ayaw niyang makita na ang mga tao’y nagmamalabis sa pagkain o naglalasing o nakikibahagi sa mga gawang mahahalay. Subali’t may ilan na gumagawa mismo nang ganito, at sila’y may dalang mga regalo para sa bawa’t isang naroroon maliban na lamang sa kaniya! Mas masahol pa dito, pinili nila ang kaarawan ng isa sa mga kaaway ng taong yaon bilang petsa ng kanilang pagdiriwang. Ano kaya ang madadama ng taong yaon? Gusto ba ninyong masangkot sa ganitong kalapastanganan? Ganitong-ganito ang ginagawa ng mga pagdiriwang kung Pasko.
Ano ang pinagmulan ng Pasko-ng-Pagkabuhay (Easter) at ng mga kaugaliang kaugnay nito?
Ganito ang komento ng The Encyclopædia Britannica: “Walang ipinahihiwatig sa Bagong Tipan hinggil sa pagdiriwang ng kapistahan ng Pasko-ng-Pagkabuhay, ni sa mga sulat man ng mga apostolikong Ama. Ang pagbibigay-dangal sa pantanging mga araw ay isang ideya na hindi umiral sa isipan ng unang mga Kristiyano.”—(1910), Tomo VIII, p. 828.
Sinasabi sa atin ng The Catholic Encyclopedia: “Napakaraming kaugaliang pagano, na nagdiwang ng pagbabalik ng tagsibol, ang naging bahagi ng Pasko-ng-Pagkabuhay. Ang itlog ay sagisag ng tumutubong binhi ng maagang tagsibol. . . . Ang kuneho ay isang paganong sagisag na laging ginagamit upang kumatawan sa pagpapakarami.”—(1913), Tomo V, p. 227.
Ganito ang mababasa natin sa aklat na The Two Babylons, ni Alexander Hislop: “Ano ang mismong kahulugan ng katagang Easter? Hindi ito pangalang Kristiyano. Sa mismong noo nito’y nakatatak ang pinagmulang Kaldeo. Ang Easter ay walang iba kundi si Astarte, isa sa mga titulo ni Beltis, na reyna ng kalangitan, na ang pangalan, . . . gaya ng nasumpungan ni Layard sa mga bantayog na Asiryano ay Ishtar. . . . Ganito ang kasaysayan ng Easter. Ang tanyag na mga pagdiriwang na ginagawa sa kapistahang ito ay maliwanag na umaalalay sa patotoo ng kasaysayan hinggil sa maka-Babilonikong katangian nito. Ang maiinit na tinapay na hugis-krus kung Biyernes Santo, at ang mga kinulayang itlog ng Paskuwa o Linggo ng Pagkabuhay, ay tampok na mga bahagi ng mga rituwal na Kaldeo na katulad din naman ng sa ngayon.”—(Nueba York, 1943), p. 103, 107, 108; ihambing ang Jeremias 7:18.
Ang mga pagdiriwang ba kung Bagong Taon ay dapat tanggihan ng mga Kristiyano?
Ayon sa The World Book Encyclopedia, “Noong 46 B.C. ang Enero 1 ay itinakda ng Romanong tagapamahala na si Julio Cesar bilang Araw ng Bagong Taon. Inialay ng mga Romano ang araw na ito kay Janus, ang diyos ng mga pintuan, tarangkahan, at ng mga pasimula. Ang buwan ng Enero ay nginanlan dahil kay Janus, na nagtataglay ng dalawang mukha—isa na nakaharap sa unahan at isa na nakatingin sa likuran.”—(1984), Tomo 14, p. 237.
Sa bawa’t bansa ay iba’t-iba ang petsa at mga kaugalian na kaugnay ng mga pagdiriwang ng Bagong Taon. Sa maraming dako ang pagkakaingay at pag-iinuman ay bahagi ng mga kapistahan. Gayumpaman, ang Roma 13:13 ay nagpapayo: “Magsilakad tayong mahinhin gaya ng sa araw, huwag sa maingay na pagkakatuwaan at mga paglalasing, huwag sa kalibugan at sa kahalayan, huwag sa pagkakaalit at pagkakainggitan.” (Tingnan din ang 1 Pedro 4:3, 4; Galacia 5:19-21.)
Ano ang nasa ugat ng mga kapistahan na umaalaala sa “espiritu ng mga patay”?
Ang edisyon ng 1910 ng The Encyclopædia Britannica ay nagsasaad: “Ang Araw ng mga Kaluluwa . . . isang araw na itinakda ng Iglesiya Katolika Romana upang alalahanin ang mga tapat na yumao. Ang pagdiriwang ay nakasalig sa doktrina na sa oras ng kanilang kamatayan, ang kaluluwa ng mga tapat na hindi pa nalilinis mula sa kasalanang benyal, o na hindi pa natubos mula sa nakaraang mga pagkakasala, ay hindi maaaring makasapit sa Beatific Vision, at na sila ay matutulungang makasapit dito sa pamamagitan ng panalangin at ng pagpapamisa. . . . Ang ilang tanyag na paniwala na kaugnay ng Araw ng mga Kaluluwa ay may paganong pinagmulan at umiiral sa napakahaba nang panahon. Kaya ang mga karaniwang mamamayan sa maraming bansang Katoliko ay naniniwala na kung gabi ng Araw ng mga Kaluluwa ang mga patay ay nagbabalik sa kanilang dating mga tahanan at nakikibahagi sa pagkain ng mga nabubuhay.”—Tomo I, p. 709.
Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang iba’t ibang bahagi ng mga kaugalian na kaugnay ng Halloween ay natutunton sa isang seremonyang Druid noong kapanahunan bago kay Kristo. Ang mga Celt ay may mga kapistahan para sa dalawang pangunahing diyos—isang diyos ng araw at isang diyos ng mga patay (na tinatawag na Samhain), na ang kapistahan ay ginaganap kung Nobyembre 1, na siyang pasimula ng Bagong Taon ng mga Celt. Ang kapistahan ng mga patay ay unti-unting napalakip sa Kristiyanong mga seremonya.”—(1977), Tomo 13, p. 725.
Ang aklat na The Worship of the Dead ay tumutukoy sa pinagmulan nito: “Ang mga mitolohiya ng lahat ng sinaunang mga bansa ay pumapalibot sa mga pangyayari noong Delubyo . . . Ang puwersa ng pangangatuwirang ito ay makikita sa pangingilin ng isang dakilang kapistahan ng mga patay bilang paggunita sa pangyayari, hindi lamang ng mga bansang may pag-uugnayan sa isa’t-isa, kundi gayon din niyaong may malalayong agwat, kapuwa dahil sa karagatan at dahil sa panahon. Karagdagan pa, ang pagdiriwang na ito ay ginaganap malapit o kaya’y sa mismong araw na, ayon sa ulat Mosaiko, ay siyang pinangyarihan ng Delubyo, alalaong baga’y, ang ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan—ang buwan na halos ay katumbas ng ating Nobyembre.” (Londres, 1904, Colonel J. Garnier, p. 4) Kaya ang mga pagdiriwang na ito ay talagang nagpasimula sa pagpaparangal sa mga tao na nilipol ng Diyos noong kaarawan ni Noe dahil sa kanilang kasamaan.—Gen. 6:5-7; 7:11.
Ang ganitong mga kapistahan na nagpaparangal sa “espiritu ng mga patay” na waring sila ay nabubuhay sa ibang daigdig ay salungat sa paglalarawan ng Bibliya sa kamatayan bilang isang kalagayan ng lubos na pagkawalang-malay.—Ecles. 9:5, 10; Awit 146:4.
Hinggil sa pinagmulan ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao, tingnan ang mga pahina 108, 109, sa ilalim ng paksang “Kamatayan,” at mga pahina 104, 105 sa ilalim ng “Kaluluwa.”
Ano ang pinagmulan ng Valentine’s Day?
Sinasabi sa atin ng The World Book Encyclopedia: “Ang Valentine’s Day ay dumarating sa araw ng kapistahan ng dalawang magkaibang martir Kristiyano na kapuwa nagngangalang Valentine. Subali’t ang mga kaugalian na kaugnay ng araw na ito . . . ay malamáng na nagbuhat sa isang sinaunang kapistahang Romano na tinawag na Lupercalia na nagaganap tuwing Pebrero 15. Ang pagdiriwang ay nagparangal kay Juno, ang Romanong diyosa ng mga babae at pag-aasawa, at kay Pan, ang diyos ng kalikasan.”—(1973), Tomo 20, p. 204.
Ano ang pinagmulan ng kaugalian na pagtatakda ng isang araw upang parangalan ang mga ina?
Sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Isang pagdiriwang na hinango mula sa kaugalian ng pagsamba sa ina sa sinaunang Gresya. Ang pormal na pagsamba sa ina, taglay ang mga seremonya kay Cybele, o Rhea, ang Dakilang Ina ng mga Diyos, ay ginanap tuwing Ides of March sa buong Asya Minor.”—(1959), Tomo 15, p. 849.
Anong mga simulain sa Bibliya ang nagpapaliwanag sa pangmalas ng mga Kristiyano sa mga pagdiriwang ng mahahalagang pangyayari sa maka-politikang kasaysayan ng isang bansa?
Juan 18:36: “Sumagot si Jesus [sa Romanong gobernador]: ‘Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.’ ”
Juan 15:19: “Kung kayo [ang mga tagasunod ni Jesus] ay bahagi ng sanlibutan, ay iibigin ng sanlibutan ang kaniyang sarili. Nguni’t sapagka’t kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y hinirang ko sa sanlibutan, kaya dahil dito’y napopoot sa inyo ang sanlibutan.”
1 Juan 5:19: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.” (Ihambing ang Juan 14:30; Apocalipsis 13:1, 2; Daniel 2:44.)
Iba pang lokal at pambansang kapistahan
Napakarami nito. Hindi kayang talakayin ang lahat dito. Subali’t ang makasaysayang impormasyon na inilalaan sa itaas ay nagpapahiwatig kung ano ang dapat tingnan kaugnay ng alinmang kapistahan, at ang mga simulain ng Bibliya na natalakay na ay naglalaan ng sapat na patnubay para sa kanila na ang pangunahing mithiin ay ang gawin kung ano ang nakalulugod sa Diyos na Jehova.