Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Inistima ng Isang Bantog na Fariseo
SI Jesus ay isang panauhin sa tahanan ng isang bantog na Fariseo, na kung saan kapapagaling lamang niya ng isang taong namamanas. Ngayon, samantalang nagmamasid si Jesus sa mga kapuwa panauhin na pumipili ng prominenteng mga lugar sa pagsasalu-salong iyon, siya’y nagturo ng isang aral sa pagpapakumbaba.
“Pagka inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan,” ang payo ni Jesus, “huwag kang uupo sa pinakatanyag na lugar. Baka mayroon siyang anyayahan na lalong marangal na tao kaysa iyo, at lumapit yaong nag-anyaya sa iyo at sa kaniya at sabihin sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar na iyan.’ Kung magkagayo’y mapapahiya ka at lilipat ka sa kababa-babaang dako.”
Kaya’t ang payo ni Jesus: “Pagka inanyayahan ka, pumaroon ka at doon ka umupo sa kababa-babaang dako, upang kung dumating ang taong nag-aanyaya sa iyo ay sabihin sa iyo, ‘Kaibigan, pumaroon ka pa roon sa lalong mataas,’ kung magkagayon mapaparangalan ka sa harap ng lahat na kapuwa panauhin.” Upang idiin ang aral, tinapos iyon ni Jesus ng ganito: “Sapagkat ang bawat nagmamataas ay mabababa at ang nagpapakababa ay matataas.”
Pagkatapos, ang kau-kausap ni Jesus ay ang Fariseo na nag-anyaya sa kaniya at kaniyang inilahad kung paano maghahanda ng isang pananghalian na may tunay na kabuluhan sa Diyos. “Pagka naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan o ang iyong mga kapatid o ang iyong mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay. Baka balang araw ay anyayahan ka naman nila at iyon ay magiging kagantihan sa iyo. Ngunit pagka naghahanda ka, ang anyayahan mo’y yaong mga dukha, mga pilay, lumpo, bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat sila’y walang igaganti sa iyo.”
Ang paghahanda ng gayong tanghalian para sa mga kapuspalad ay magdadala ng kaligayahan sa naghanda sapagkat gaya ng paliwanag ni Jesus sa nag-anyaya sa kaniya: “Ikaw ay gagantihin sa pagkabuhay-muli ng mga matuwid.” Ang paglalarawan ni Jesus sa kahanga-hangang tanghaliang ito ay nagpapagunita tungkol sa isang kapuwa panauhin sa isang uri ng salu-salo. “Maligaya ang kumakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos,” ang sabi ng panauhing ito. Gayunman, hindi lahat ay wastong nagpapahalaga sa maligayang pagkakataong iyan, gaya ng ipinakikita ngayon ni Jesus sa pamamagitan ng isang paghahalimbawa.
“Ang isang tao ay naghanda ng isang malaking hapunan, at marami siyang inanyayahan. At sinugo niya ang kaniyang alipin . . . upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Magsiparito kayo, sapagkat ang lahat ng bagay ay handa na.’ Ngunit silang lahat na parang iisa ay nagsimulang magdahilan. Sa kaniya’y sinabi ng una, ‘Bumili ako ng isang bukid at kailangang umalis ako at tingnan ko iyon; ipinakikiusap ko sa iyo, Pagpaumanhinan mo ako.’ At sinabi naman ng isa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki at paroroon ako upang sila’y siyasatin; ipinakikiusap ko sa iyo, Pagpaumanhinan mo ako.’ At isa pa ang nagsabi, ‘Kakakasal-kasal ko lamang sa isang babae kung kaya’t hindi ako makapupunta.’”
Mga pagdadahilang walang saysay! Ang isang bukid o mga baka ay pangkaraniwan nang sinisiyasat muna bago bilhin, kaya walang tunay na pangangailangang siyasatin pa pagkatapos. Gayundin naman, ang pagkapag-asawa ng isang tao ay hindi dapat humadlang sa kaniya sa pagtanggap sa gayong mahalagang imbitasyon. Kaya nang marinig ang mga pagdadahilang ito, ang panginoon ay nagalit at ipinag-utos sa kaniyang alipin:
“‘Pumaroon kang madali sa mga lansangan at sa mga daang makikipot ng lunsod, at dalhin mo rito ang mga dukha at ang mga pingkaw at ang mga bulag at ang mga pilay.’ At nang magkagayo’y sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunma’y maluwag pa rin.’ At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumaroon ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang magsipasok, upang mapuno ang aking bahay. . . Alinman sa mga taong inanyayahan ay hindi makatitikim ng aking hapunan.’”
Anong situwasyon ang inilalarawan sa paghahalimbawang iyon? Bueno, “ang panginoon” na naghanda ng hapunan ay kumakatawan sa Diyos na Jehova; “ang alipin” na nag-aanyaya ay si Jesu-Kristo; at ang “malaking hapunan,” ay ang mga pagkakataon na ang isa’y mapahanay sa mga magiging bahagi ng Kaharian ng langit.
Ang mga unang inanyayahan na pumaroon upang maging bahagi ng Kaharian, higit sa lahat ng mga iba pa, ay yaong Judiong mga pinunong relihiyoso noong kaarawan ni Jesus. Gayunman, kanilang tinanggihan ang paanyaya. Kaya naman, pasimula lalo na noong Pentecostes 33 C.E., pangalawang paanyaya ang ibinigay sa hinahamak at mabababang-loob na mga tao sa bansang Judio. Subalit hindi sapat ang tumugon upang mahusto ang ilalagay sa 144,000 puwesto sa makalangit na Kaharian ng Diyos. Kaya’t noong 36 C.E., tatlo at kalahating taon ang nakalipas, ang ikatlo at pangkatapusang paanyaya ay ibinigay sa di-tuling mga di-Judio, at ang pagtitipon sa kanila ay nagpatuloy hanggang sa ika-20 siglo. Lucas 14:1-24.
◆ Anong aral sa kababaang-loob ang itinuturo ni Jesus?
◆ Paanong ang isa’y makapaghahanda ng isang hapunan na may kabuluhan sa Diyos, at bakit ito’y magdudulot sa kaniya ng kaligayahan?
◆ Bakit walang saysay ang mga pagdadahilan ng inanyayahang mga panauhin?
◆ Ano ang inilalarawan ng paghahalimbawa ni Jesus tungkol sa “malaking hapunan”?