Inuuna ba ng Inyong Pamilya ang Diyos?
“Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo.”—MARCOS 12:29, 30.
1. Gaano kahalaga na ibigin natin si Jehova?
“ALING kautusan ang una sa lahat?” ang tanong ng isang eskriba kay Jesus. Sa halip na magpahayag ng kaniyang sariling opinyon, sinagot ni Jesus ang kaniyang tanong sa pamamagitan ng pag-ulit mula sa Salita ng Diyos sa Deuteronomio 6:4, 5. Sumagot siya: “Ang una ay, ‘Pakinggan mo, O Israel, si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova, at ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’ ”—Marcos 12:28-30.
2. (a) Anong pagsalansang ang kinailangang harapin ni Jesus? (b) Ano kung minsan ang gumagawang mahirap sa pagsunod kay Jehova?
2 Upang masunod ang tinatawag ni Jesus na unang kautusan—ang isa na pinakamahalaga—kailangan na palagi nating gawin ang nakalulugod kay Jehova. Ginawa iyon ni Jesus, bagaman minsan ay tinutulan ni apostol Pedro ang landasin ni Jesus, at sa isa pang pagkakataon ay gayundin ang ginawa ng kaniyang sariling malalapit na kamag-anak. (Mateo 16:21-23; Marcos 3:21; Juan 8:29) Ano kaya kung masumpungan mo ang iyong sarili sa isang katulad na kalagayan? Ipagpalagay nang ibig ng mga miyembro ng pamilya na ihinto mo ang iyong pag-aaral ng Bibliya at pakikisama sa mga Saksi ni Jehova? Uunahin mo ba ang Diyos sa paggawa ng bagay na makalulugod sa kaniya? Inuuna mo ba ang Diyos, kahit na sinasalansang ng mga miyembro ng pamilya ang iyong mga pagsisikap na paglingkuran siya?
Ang Silo ng Pagsalansang ng Pamilya
3. (a) Ano ang maaaring ibunga ng mga turo ni Jesus sa pamilya? (b) Papaano maipakikita ng mga miyembro ng pamilya kung kanino sila may higit na pagmamahal?
3 Hindi minaliit ni Jesus ang kahirapan na maaaring ibunga kapag sinasalansang ng iba sa pamilya ang miyembro na tumatanggap ng kaniyang mga turo. “Ang magiging mga kaaway ng tao ay mga tao ng kaniyang sariling sambahayan,” sabi ni Jesus. Subalit, sa kabila ng malungkot na ibinungang iyan, ipinakita ni Jesus kung sino ang dapat unahin sa pamamagitan ng pagsasabi: “Siya na may higit na pagmamahal sa ama o sa ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at siya na may higit na pagmamahal sa anak na lalaki o sa anak na babae kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.” (Mateo 10:34-37) Inuuna natin ang Diyos na Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na siyang “eksaktong representasyon ng mismong sarili [ng Diyos].”—Hebreo 1:3; Juan 14:9.
4. (a) Ano ang sinabi ni Jesus na nasasangkot sa pagiging kaniyang tagasunod? (b) Sa anong diwa kapopootan ng mga Kristiyano ang mga miyembro ng pamilya?
4 Sa isa pang pagkakataon nang tinatalakay ni Jesus kung ano talaga ang nasasangkot sa pagiging kaniyang tunay na tagasunod, sinabi niya: “Kung ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kaniyang ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, oo, at maging sa kaniyang sariling kaluluwa, siya ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:26) Maliwanag na hindi ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga alagad ay dapat na literal na mapoot sa kanilang mga kapamilya, yamang iniutos niya sa mga tao na ibigin maging ang kanilang mga kaaway. (Mateo 5:44) Sa halip, ang ibig sabihin dito ni Jesus ay na ang pag-ibig ng kaniyang mga alagad sa mga miyembro ng pamilya ay dapat na di-nakahihigit sa pag-ibig sa Diyos. (Ihambing ang Mateo 6:24.) Kasuwato sa pagkaunawang iyan, sinasabi ng Bibliya na “kinapootan” ni Jacob si Lea at inibig naman si Raquel, na nangangahulugang hindi niya inibig si Lea nang higit sa pag-ibig niya sa kapatid nito na si Raquel. (Genesis 29:30-32) Maging ang ating sariling “kaluluwa,” o buhay, sabi ni Jesus, ay dapat na kapootan, o huwag ibigin nang higit, kaysa kay Jehova!
5. Papaano may katusuhang sinasamantala ni Satanas ang kaayusang pampamilya?
5 Bilang Maylalang at Tagapagbigay-Buhay, si Jehova ay karapat-dapat sa ganap na debosyon ng lahat niyang lingkod. (Apocalipsis 4:11) “Iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,” isinulat ni apostol Pablo, “na siyang pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa.” (Efeso 3:14, 15) Ginawa ni Jehova ang kaayusang pampamilya sa isang kahanga-hangang paraan anupat ang mga miyembro ng pamilya ay may likas na pagmamahal para sa isa’t isa. (1 Hari 3:25, 26; 1 Tesalonica 2:7) Subalit, may katusuhang sinasamantala ni Satanas na Diyablo ang likas na pagmamahalang ito sa pamilya, na kalakip ang pagnanais na palugdan ang mga minamahal. Ginagatungan niya ang apoy ng pagsalansang ng pamilya, at sa pagharap dito ay nasusumpungan ng marami na isang hamon ang manindigang matatag para sa katotohanan ng Bibliya.—Apocalipsis 12:9, 12.
Pagharap sa Hamon
6, 7. (a) Papaano matutulungan ang mga miyembro ng pamilya na kilalanin ang kahalagahan ng pag-aaral ng Bibliya at Kristiyanong pakikipagsamahan? (b) Papaano natin maipamamalas na talagang minamahal natin ang mga miyembro ng ating pamilya?
6 Ano ang gagawin mo kung mapilitan kang pumili alinman sa palugdan ang Diyos o palugdan ang isang miyembro ng pamilya? Mangangatuwiran ka ba na hindi naman inaasahan ng Diyos na pag-aaralan natin ang kaniyang Salita at ikakapit ang mga simulain nito kung ang paggawa niyaon ay lilikha ng pag-aaway sa pamilya? Pero pag-isipan ito. Kung susuko ka at hihinto sa pag-aaral ng Bibliya o sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, papaano pa kaya mauunawaan ng iyong mga minamahal na ang tumpak na kaalaman sa Bibliya ay nagsasangkot ng buhay at kamatayan?—Juan 17:3; 2 Tesalonica 1:6-8.
7 Mailalarawan natin ang situwasyon sa ganitong paraan: Marahil ang isang miyembro ng pamilya ay masyadong mahilig sa alak. Ang pagwawalang-bahala kaya o pagkunsinti sa kaniyang suliranin sa paglalasing ay talagang makabubuti sa kaniya? Hindi ba mas mainam na pumayag na lamang at huwag nang gumawa ng anuman tungkol sa kaniyang suliranin upang sa gayo’y mapanatili ang kapayapaan? Hindi, malamang ay sasang-ayon ka na ang pinakamabuti ay sikaping tulungan siya na mapagtagumpayan ang kaniyang suliranin sa paglalasing, kahit na mangahulugan iyon ng paninindigang matatag sa kabila ng kaniyang galit at mga pagbabanta. (Kawikaan 29:25) Sa katulad na paraan, kung talagang minamahal mo ang mga miyembro ng iyong pamilya, hindi ka padaraig sa kanilang mga pagtatangkang pahintuin ka sa pag-aaral ng Bibliya. (Gawa 5:29) Tanging sa paninindigang matatag ay matutulungan mo silang maunawaan na ang pamumuhay ayon sa mga turo ni Kristo ay nangangahulugan ng atin mismong buhay.
8. Papaano tayo nakikinabang buhat sa bagay na buong katapatang ginawa ni Jesus ang kalooban ng Diyos?
8 Ang pag-una sa Diyos ay maaaring napakahirap kung minsan. Ngunit tandaan, ginawa rin ni Satanas na maging mahirap para kay Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos. Gayunma’y hindi sumuko si Jesus; binatá niya maging ang hirap ng pahirapang tulos alang-alang sa atin. Si “Jesu-Kristo [ay] ating Tagapagligtas,” sabi ng Bibliya. “Namatay siya para sa atin.” (Tito 3:6; 1 Tesalonica 5:10) Hindi ba tayo nagpapasalamat na si Jesus ay hindi nagpadaig sa pagsalansang? Dahil sa nagbatá siya ng isang sakripisyong kamatayan, tinaglay natin ang pag-asa na buhay na walang-hanggan sa isang mapayapang bagong sanlibutan ng katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang itinigis na dugo.—Juan 3:16, 36; Apocalipsis 21:3, 4.
Matatamong Saganang Gantimpala
9. (a) Papaano maaaring makibahagi ang mga Kristiyano sa pagliligtas sa iba? (b) Ano ang kalagayan ng pamilya ni Timoteo?
9 Napagtanto mo ba na ikaw man ay maaaring makibahagi sa pagliligtas sa iba, kasali na ang pinakamamahal na mga kamag-anak? Hinimok ni apostol Pablo si Timoteo: “Mamalagi ka sa mga bagay na ito [na itinuro sa iyo], sapagkat sa paggawa nito ay ililigtas mo kapuwa ang iyong sarili at yaong mga nakikinig sa iyo.” (1 Timoteo 4:16) Nabuhay si Timoteo sa isang nababahaging sambahayan, palibhasa’y di-nananampalataya ang kaniyang amang Griego. (Gawa 16:1; 2 Timoteo 1:5; 3:14) Bagaman hindi natin alam kung ang ama ni Timoteo ay naging isang mananampalataya, ang posibilidad na maaaring magkagayon nga ay lubhang pinalaki ng tapat na paggawi ng kaniyang asawa, si Eunice, at ni Timoteo.
10. Ano ang magagawa ng mga Kristiyano alang-alang sa kanilang di-nananampalatayang kabiyak?
10 Isinisiwalat ng Kasulatan na ang mga asawang lalaki at babae na matatag na nanghahawakan sa katotohanan ng Bibliya ay makatutulong sa pagliligtas sa kanilang di-Kristiyanong kabiyak sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maging mga mananampalataya. Sumulat si apostol Pablo: “Kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niya siyang iwan; at ang isang babae na may asawang di-nananampalataya, at gayunma’y sumasang-ayon siyang tumahang kasama niya, huwag niyang iwan ang kaniyang asawang lalaki. Sapagkat, asawang babae, paano mo malalaman na maililigtas mo ang iyong asawang lalaki? O, asawang lalaki, paano mo malalaman na maililigtas mo ang iyong asawang babae?” (1 Corinto 7:12, 13, 16) Sa diwa, inilarawan ni apostol Pedro kung papaano maililigtas ng mga asawang babae ang kani-kanilang asawa, sa pagpapayo: “Magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, ay mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae.”—1 Pedro 3:1.
11, 12. (a) Anong gantimpala ang natamo ng libu-libong Kristiyano, at ano ang ginawa nila upang matamo iyon? (b) Maglahad ng isang karanasan ng isang miyembro ng pamilya na ginantimpalaan dahil sa tapat na pagbabatá.
11 Noong mga nakaraang taon libu-libo ang naging Saksi ni Jehova pagkatapos ng mga buwan at maging ng mga taon ng pagsalansang sa Kristiyanong gawain ng kanilang mga kamag-anak na Saksi. Ano ngang inam na gantimpala ito para sa mga Kristiyano na nanatiling matatag, at ano ngang laking pagpapala sa dati’y mga mananalansang! Sa madamdaming tinig, ganito ang inilahad ng isang 74-na-taóng-gulang na Kristiyanong elder: “Malimit kong pasalamatan ang aking kabiyak at mga anak sa kanilang pananatili sa katotohanan noong mga taon na sinasalansang ko sila.” Sinabi niya na sa loob ng tatlong taon ay may-katigasang tinanggihan niya maging ang pakikipag-usap sa kaniya ng kaniyang asawa tungkol sa Bibliya. “Pero ginamitan niya ako ng sikolohiya,” sabi niya, “at nagsimulang magpatotoo sa akin habang minamasahe niya ang aking mga paa. Anong laki ng pasasalamat ko na hindi siya nagpadaig sa aking pagsalansang!”
12 Ganito ang isinulat ng isa pang asawang lalaki na sumalansang sa kaniyang pamilya: ‘Ako ang pinakamahigpit na kaaway ng aking asawa dahil pagkatapos na matagpuan niya ang katotohanan, pinagbantaan ko siya, at nag-aaway kami araw-araw; ang ibig kong sabihin, ako ang laging nagsisimula ng away. Pero lahat ay nawalan ng saysay; ang aking asawa ay nanghawakan sa Bibliya. Sa gayon dumaan ang labindalawang taon ng aking matinding pakikipaglaban sa katotohanan at sa aking asawa’t anak. Para sa kanilang dalawa, ako ang Diyablo na nagkatawang-tao.’ Nang maglaon ay sinimulang suriin ng lalaki ang kaniyang buhay. ‘Nakita ko kung gaano ako kalupit,’ paliwanag niya. ‘Binasa ko ang Bibliya, at salamat sa turo nito, ako ngayon ay isa nang bautisadong Saksi.’ Isip-isipin ang napakalaking gantimpala sa asawang babae, oo, palibhasa’y nakatulong na ‘mailigtas ang kaniyang asawa’ sa pamamagitan ng buong-katapatang pagbabatá sa kaniyang pagsalansang sa loob ng 12 taon!
Matuto Buhat kay Jesus
13. (a) Ano ang pangunahing aral na dapat matutuhan ng mga asawang lalaki at babae buhat sa landasin ng buhay ni Jesus? (b) Papaano makikinabang buhat sa halimbawa ni Jesus yaong mga taong nahihirapang magpasakop sa kalooban ng Diyos?
13 Ang pangunahing aral na dapat matutuhan ng mga asawang lalaki at babae buhat sa landasin ng buhay ni Jesus ay yaong pagsunod sa Diyos. “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” sabi ni Jesus. “Hinahanap ko, hindi ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.” (Juan 5:30; 8:29) Kahit na noong minsan ay nasumpungan ni Jesus na di-kalugud-lugod ang isang bahagi ng layunin ng Diyos, siya’y naging masunurin. “Kung nais mo, alisin mo ang kopang ito sa akin,” ang panalangin niya. Subalit agad niyang sinabi rin: “Gayunpaman, maganap nawa, hindi ang aking kalooban, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Hindi hiniling ni Jesus na baguhin ng Diyos ang Kaniyang kalooban; ipinakita niya na talagang iniibig niya ang Diyos sa pamamagitan ng masunuring pagpapasakop sa anumang layunin ng Diyos para sa kaniya. (1 Juan 5:3) Ang laging pag-una sa kalooban ng Diyos, gaya ng ginawa ni Jesus, ay lubhang mahalaga sa pagtatagumpay hindi lamang sa buhay na walang-asawa kundi gayundin sa buhay na may asawa at may pamilya. Isaalang-alang kung bakit gayon.
14. Papaano nangangatuwiran sa di-wastong paraan ang ilang Kristiyano?
14 Gaya ng nabanggit na, kapag ang Diyos ang inuuna ng mga mánanámpalatayá, sinisikap nilang manatiling nakikisama sa kanilang di-nananampalatayang asawa at kalimitan ay nakatutulong sa kanila na mapahanay ukol sa kaligtasan. Kahit na kung ang mag-asawa ay kapuwa mánanámpalatayá, maaaring hindi uliran ang kanilang pagsasama. Dahil sa makasalanang hilig, ang mga mag-asawa ay hindi laging nag-iibigan sa isa’t isa. (Roma 7:19, 20; 1 Corinto 7:28) Ang ilan ay umaabot pa sa punto na humahanap ng ibang asawa, bagaman wala silang maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo. (Mateo 19:9; Hebreo 13:4) Nangangatuwiran sila na ito ang pinakamainam para sa kanila, na ang kalooban ng Diyos na manatiling magkasama ang mag-asawa ay totoong mahirap. (Malakias 2:16; Mateo 19:5, 6) Ito ay tiyak na isang kaso ng pagtataglay ng kaisipan ng tao sa halip na yaong sa Diyos.
15. Bakit isang proteksiyon na unahin muna ang Diyos?
15 Talaga namang isang proteksiyon na unahin muna ang Diyos! Ang mga mag-asawa na gumagawa nito ay magsisikap na manatiling magkasama at lutasin ang kanilang mga suliranin sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Salita ng Diyos. Sa gayon ay naiiwasan nila ang lahat ng uri ng hinagpis na nagiging bunga kapag ipinagwalang-bahala ang kaniyang kalooban. (Awit 19:7-11) Ito ay inilalarawan ng isang kabataang mag-asawa na, noong magdidiborsiyo na lamang, nagpasiyang sundin ang payo ng Bibliya. Makalipas ang mga taon kapag ginugunita ng asawang babae ang kagalakang natamo niya sa kaniyang pag-aasawa, nasasabi niya: “Napapaupo ako at napapahagulhol kapag naiisip ko ang posibilidad na natuloy ang paghihiwalay naming mag-asawa sa mga nagdaang taon. At saka ako mananalangin sa Diyos na Jehova at magpapasalamat sa kaniya dahil sa kaniyang payo at patnubay na siyang dahilan ng aming maligayang pagsasama.”
Mga Asawang Lalaki, mga Asawang Babae—Tularan si Kristo!
16. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus kapuwa sa mga asawang lalaki at babae?
16 Si Jesus, na laging inuuna ang Diyos, ay nagpakita ng kahanga-hangang halimbawa para sa kapuwa mga asawang lalaki at babae, at makabubuti sa kanila na bigyan ito ng maingat na pansin. Ang mga asawang lalaki ay hinihimok na tularan ang malumanay na paraan ng pagkaulo ni Jesus sa mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon. (Efeso 5:23) At ang mga Kristiyanong asawang babae ay maaaring matuto buhat sa sakdal na halimbawa ni Jesus ng pagpapasakop sa Diyos.—1 Corinto 11:3.
17, 18. Sa anu-anong paraan nagpakita ng mainam na halimbawa si Jesus para sa mga asawang lalaki?
17 Ang Bibliya ay nag-uutos: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyong mga asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efeso 5:25) Ang isang mahalagang paraan na doo’y ipinakita ni Jesus ang pag-ibig niya sa kaniyang kongregasyon ng mga tagasunod ay sa pamamagitan ng pagiging kanilang matalik na kaibigan. “Tinawag ko na kayong mga kaibigan,” sabi ni Jesus, “sapagkat ang lahat ng bagay na narinig ko mula sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo.” (Juan 15:15) Isip-isipin ang lahat ng panahong ginugol ni Jesus sa pakikipag-usap sa kaniyang mga alagad—ang malimit na pakikipagtalakayan niya sa kanila—at ang pagtitiwala niya sa kanila! Hindi ba iyan isang mahusay na halimbawa para sa mga asawang lalaki?
18 Talagang interesado si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lupa at may tunay na pagkagiliw sa kanila. (Juan 13:1) Kapag hindi maliwanag sa kanila ang kaniyang mga turo, matiyagang naglalaan siya ng panahon upang linawin ang mga bagay-bagay nang sila lamang. (Mateo 13:36-43) Mga asawang lalaki, gayundin ba kahalaga sa inyo ang espirituwal na kapakanan ng inyu-inyong asawa? Gumugugol ka ba ng panahon kasama niya, anupat tinitiyak na malinaw sa isipan at sa puso ninyong dalawa ang mga katotohanan sa Bibliya? Sinamahan ni Jesus ang kaniyang mga apostol sa ministeryo, marahil sinanay ang bawat isa sa kanila. Sinasamahan mo ba ang iyong asawa sa ministeryo, anupat magkasama kayo sa pagdalaw sa bahay-bahay at sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?
19. Papaanong ang pakikitungo ni Jesus sa paulit-ulit na kahinaan ng kaniyang mga apostol ay nagpakita ng halimbawa para sa mga asawang lalaki?
19 Si Jesus ay naglaan ng mahusay na halimbawa lalung-lalo na sa pakikitungo sa di-kasakdalan ng kaniyang mga apostol. Noong huling hapunan na kasama ang kaniyang mga apostol, nahalata niya ang isang paulit-ulit na espiritu ng pakikipagpaligsahan. Buong-kabagsikan bang pinuna niya sila? Hindi, kundi mapagpakumbabang hinugasan niya ang mga paa ng bawat isa. (Marcos 9:33-37; 10:35-45; Juan 13:2-17) Nagpapakita ka ba ng gayong pagtitiis sa iyong asawa? Sa halip na magreklamo tungkol sa isang paulit-ulit na kahinaan, ikaw ba ay matiyagang nagsisikap na tulungan siya at abutin ang kaniyang puso sa pamamagitan ng iyong halimbawa? Ang mga asawang babae ay malamang na tutugon sa gayong maibiging pagdamay, gaya ng ginawa ng mga apostol nang dakong huli.
20. Ano ang hindi dapat kalimutan ng mga Kristiyanong asawang babae, at sino ang inilaan bilang halimbawa para sa kanila?
20 Kailangan din namang isaisip ng mga asawang babae si Jesus, na kailanman ay hindi nakalimot na ‘ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.’ Sa tuwina’y nagpasakop siya sa kaniyang makalangit na Ama. Gayundin naman, hindi dapat kalimutan ng mga asawang babae na “ang ulo naman ng babae ay ang lalaki,” oo, na ang kanilang asawa ang kanilang ulo. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Hinimok ni apostol Pedro ang mga Kristiyanong asawang babae na isaalang-alang ang halimbawa ng “mga babaing banal” noong unang panahon, lalo na yaong kay Sara, na ‘sumunod kay Abraham, na tinatawag siyang “panginoon.” ’—1 Pedro 3:5, 6.
21. Bakit isang tagumpay ang pag-aasawa nina Abraham at Sara ngunit kabiguan naman ang kay Lot at sa kaniyang asawa?
21 Maliwanag na iniwan ni Sara ang isang maalwang tahanan sa isang maunlad na lunsod upang manirahan sa mga tolda sa isang lupaing banyaga. Bakit? Dahil ba sa mas gusto niya ang gayong istilo ng pamumuhay? Malamang na hindi. Dahil ba sa hiniling iyon ng kaniyang asawa? Walang alinlangan na ito’y isang dahilan, yamang iniibig at iginagalang ni Sara si Abraham dahil sa kaniyang maka-Diyos na mga katangian. (Genesis 18:12) Ngunit ang pangunahing dahilan kung kaya siya sumama sa kaniyang asawa ay ang kaniyang pag-ibig kay Jehova at ang kaniyang taos-pusong hangarin na sundin ang utos ng Diyos. (Genesis 12:1) Nalulugod siya na sumunod sa Diyos. Sa kabilang dako, ang asawa ni Lot ay nag-atubiling gawin ang kalooban ng Diyos at sa gayo’y lumingon nang may pananabik sa mga bagay na naiwan sa kaniyang bayan ng Sodoma. (Genesis 19:15, 25, 26; Lucas 17:32) Anong kalunus-lunos na wakas ng pagsasamang iyan—lahat ay dahil sa kaniyang pagsuway sa Diyos!
22. (a) Anong pagsusuri sa sarili ang may-katalinuhang magagawa ng mga miyembro ng pamilya? (b) Ano ang isasaalang-alang natin sa susunod na pag-aaral?
22 Kaya bilang isang asawang lalaki o isang asawang babae, kailangang itanong mo sa iyong sarili, ‘Inuuna ba ng aming pamilya ang Diyos? Talaga bang sinisikap kong tuparin ang papel sa pamilya na ipinagkaloob sa akin ng Diyos? Gumagawa ba ako ng taimtim na pagsisikap na ibigin ang aking kabiyak at tulungan siya na matamo o maingatan ang isang mabuting kaugnayan kay Jehova?’ Karamihan sa mga pamilya ay mayroon ding mga anak. Susunod nating isasaalang-alang ang papel ng mga magulang at ang kapuwa pangangailangan nila at ng kanilang mga anak na unahin ang Diyos.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Anu-ano ang maaaring ibunga ng mga turo ni Jesus sa maraming pamilya?
◻ Anong gantimpala ang tinamo ng libu-libong matatag na mga Kristiyano?
◻ Ano ang makatutulong sa mga mag-asawa na maiwasan ang imoralidad at diborsiyo?
◻ Ano ang matututuhan ng mga asawang lalaki buhat sa halimbawa ni Jesus?
◻ Papaano makatutulong ang mga asawang babae sa pagkakaroon ng isang maligayang pag-aasawa?
[Larawan sa pahina 10]
Papaano nakatulong si Sara sa tagumpay ng kaniyang pag-aasawa?